NAPANGANGA si Mylene at Diane nang marinig ang kanyang sinabi. Naroon sila sa isang bakenteng mesa sa Sweet Tooth & Co., alas tres na ng hapon at kasalukuyan coffee break nila.
“T-Teka… ulitin mo nga ang sinabi mo…” halos di makapaniwalang tanong ni Diane.
She chuckled and shook her head, then rolled her eyes.
“Grabeng maka-react ah,” natatawang komento niya.
“Eh ulitin mo nga!” sa halip ay giit ni Mylene.
Huminga siya ng malalim. “Doctor De Luna asked me out.”
Napapitlag siya nang biglang sumigaw at magtatalon ‘yong dalawa. Pagkatapos ay niyakap pa siya ni Diane.
“Grabe, ‘yong alaga ko, dalaga na ulit!”
Natawa siya. “Gaga, ginawa mo akong paslit!”
“Tama! Ganyan nga!” biglang bulalas ni Mylene kaya napalingon siya dito.
“Move on agad! Huwag mo panghinayangan ‘yong mga lalaking walang kuwenta,” dagdag pa nito.
Hinawakan ang kamay ng mga kaibigan at hindi nawawala ang ngiti na nagpalipat-lipat ang tingin niya sa mga ito.
“Thanks to you, girls, days before it happened, medyo nagsisimula na akong magising sa katotohanan, naging in denial lang ako.”
Umakbay sa kanya si Mylene. “Okay lang ‘yan, lahat naman yata tayo dumaan sa ganyan in denial stage lalo na’t mahal natin ‘yong tao. Pero ang importante tanggap mo na at handa ka na mag-move on.”
“Si Carlo, he helped me realized that there are a lot of people around who appreciates me. My family, kayong mga kaibigan ko, siya. Ayokong sayangin ang buhay ko dahil kay Mikee. I’m more than that.”
“Aw, I’m so proud of you, my friend!” reaksiyon ni Diane at muli siyang niyakap.
“Pero paano kung biglang tumawag si Mikee?” mayamaya ay tanong ni Diane.
“Wala nang dahilan para mag-usap kami. Ayoko nang magpaloko sa kanya."
Natawa si Yumi nang biglang tumayo si Diane at Mylene sabay palakpak ng malakas kaya napalingon sa kanila ang ibang customer na kumakain.
“That’s my girl!” bulalas pa ni Diane.
“Best friend ko ‘to!” pagmamalaki pa sa kanya ni Mylene.
Hinila niya ang dalawa pabalik sa kinauupuan ng mga ito. “Heh! Tumigil nga kayong dalawa, nakaka-abala tayo sa kumakain ang ingay natin,” saway niya.
“Pero seryoso, kapag tumawag si Celine at gustong makipagkita sa iyo kasama si Mikee. Huwag na huwag kang pupunta mag-isa, isasama mo Mylene o kaya ako,” mahigpit na bilin ni Diane.
“Oo, huwag kang mag-alala ako ang bahala sa kanya.”
“Let’s go back to work,” sabi pa niya nang pag-sulyap sa wall clock ay pasado alas-tres y kinse na.
Tumayo na silang tatlo. Si Diane naman ay bumalik na sa opisina niya kung saan ito madalas maglagi. Kapag wala itong magawa ay tumutulong-tulong din ito doon sa restaurant. Nasa likod na siya ng counter at tinitignan ang mga pending orders nang biglang may pumasok na mga bagong customers.
“Good afternoon, welcome to Sweet Tooth,” bati ni Mylene sa mga ito.
Hindi na lumingon pa si Yumi at hinayaan ang kaibigan na mag-estimata sa mga ito habang patuloy lang siya sa ginagawa. Mayamaya ay naramdaman na lang niyang kinakalabit siya ni Mylene.
“Bakit?” tanong niya dito sabay lingon.
Hindi ito nagsalita pero may tinuro mula sa likod niya. Agad siyang napalingon, doon pa lang nakita ni Yumi na nakatayo pala sa harap ng counter si Carlo. Ngunit sa pagkakataon na iyon ay kasama nito ang dalawa pang lalaki na kapwa mga doctor din.
“Hi,” gulat na bati niya.
“Hi, mukhang busy ka ah,” sabi pa nito.
“Ah hindi naman, tinitignan ko lang ‘yong mga pending orders ng mga customers,” paliwanag niya.
“Kumusta?”
Nagkibit-balikat siya. “Ayos naman. So far. So good. Healthy heart,” pabirong sagot niya.
“That’s nice to hear,” sabi pa nito. “Anyway, dumaan lang kami dito para mag-meryenda.”
“Thanks for coming here. Order lang kayo kay Mylene, ako na magdadala ng order n’yo.”
“Thank you.”
Nang maupo na ang mga ito ay tumulong si Yumi sa pag-aasikaso ng order ni Carlo at mga kaibigan nito. They ordered burgers, fries and juices. Siya mismo ang naghanda ng drinks ng mga ito. Habang may ginagawa, mayamaya ay nakatanggap siya ng text message. Napakunot noo siya nang makitang galing kay Carlo iyon. Nang sumulyap siya sa puwesto nito, hindi nakatingin sa kanya ang binata at kaswal lang na nakikipag-usap sa mga kasamahan.
“I’ll be out of work at five. Puwede ba kitang daanan dito?”
“Ito na ba ‘yong sinasabi mong lalabas tayo?” sa halip ay sagot niya.
“Hindi pa, sa weekend pa ‘yon, Miyerkules lang ngayon. Wala lang, gusto lang kita makasama. Iyon ay kung wala kang gagawin,” sagot din nito na may kasamang heart eyes emoji.
Nang lumingon ay nahuli ni Yumi na nakatingin ito sa kanya. Lihim niyang nginitian ito.
“Sige, wala naman masyadong ganap dito sa restaurant,” sagot niya.
“Great, daanan na lang kita ulit mamaya.”
“Okay.”
Habang pinapanood niya na i-serve ng mga service crew nila ang orders nila Carlo ay siyang dating naman ng isa sa mga kakambal niya na si Musika.
“Oh, anong ginagawa mo dito? Bakit mukha kang gumapang sa kalye?” natatawang tanong niya pagkatapos ay lumabas mula sa counter.
“May hinabol akong criminal, pumalag eh kaya napahiga ako sa semento,” paliwanag nito.
“Maupo ka doon, anong gusto mo?” tanong pa niya.
Ngumisi ito. “Alam mo na.”
Binigyan ni Yumi ng isang slice ng strawberry cake at kape si Ikah, na siyang paborito nitong kainin doon. Pagkatapos ay sinamahan niya ito sa mesa. Mayamaya ay sumenyas ito sa kanya na ilapit ang mukha.
“Iyong isang doctor sa kabilang table, kanina ka pa sinusundan ng tingin,” bulong nito.
“Siya ‘yong doctor ko,” bulong din niya.
Mulagat ang mata na napalingon sa kanya ang kakambal.
“Ah talaga? Ang pogi ah,” komento pa nito.
“He asked me to go out,” sabi ni Yumi.
“Jowa mo na?!” biglang bulalas nito ng malakas.
Agad tinakpan ni Yumi ang bibig nito. “Ang ingay mo, tahimik ka naman tao bakit ngayon eskandalosa ka?” saway niya dito.
Tumawa lang ito at inalis ang kamay niya sa bibig nito.
“Pero hindi nga? Kayo na?”
“Gaga, lalabas pa nga lang eh. Hindi ko siya jowa, no? Saka magkaibigan lang kami.”
“Sus, masyadong showbiz ang sagot mo,” tudyo pa sa kanya nito.
“Bahala ka ayaw mong maniwala.”
Mayamaya ay sumeryoso ang mukha ni Musika. “Eh ‘yung siraulong Mikee na ‘yon, naka-move on ka na?” tanong nito.
“Well, I’m trying. I’m moving on.”
“Baka naman kaya ka lalabas kasama si doc dahil—”
“Hoy, hindi!” maagap na sagot niya. “I have reasons why I will go out with him. Basta saka na ako magku-kuwento. Gusto ko lang i-enjoy ang magagandang bagay na dumarating sa buhay ko ngayon. I don’t want to dwell too much on people who doesn’t want me in their life.”
Ngumiti si Musika. “That’s so nice to hear from you. Pero kailan mo ako ipapakilala sa kanya?”
“Saka na, baka mamaya mausog pa eh. Kumain ka na nga tapos umuwi ka sa inyo ang dungis mo,” biro niya sa kapatid saka ito iniwan.
NAG-INAT si Diane saka nakangising tumingin sa kanya. Masaya ang babae dahil maagang makakauwi ito at makakasama ang boyfriend nito.
“So, paano ba ‘yan? Mauuna na ako,” may himig ng panunudyo na sabi nito kay Yumi.
Natawa si Yumi at napailing. “Oo na, ang saya mo eh.”
“Siyempre, ang lagay eh, ikaw lang ang may bebe time?”
Napahagalpak siya ng tawa. Mayamaya ay dumating na ang kotse ni Carlo sa tapat nila. Tumungo si Diane at sumilip sa doctor.
“Doc, una na ako. Ikaw na bahala sa pasyente natin.”
“Ako pa,” pagmamalaking sagot nito.
“Dalasan n’yo pagde-date ah, para may time din kami ng jowa ko,” pabiro pang sabi nito.
“Iyon lang ba? Sure!”
“Kayo talagang dalawa,” natatawang saway niya sa mga ito.
Pagsakay niya sa kotse ni Carlo ay siyang alis naman ng kaibigan. Habang nagmamaneho, naghari ang katahimikan sa kanilang dalawa. It lasted for a a minute or two, before he breaks the silence.
“Is my invitation too sudden?” tanong nito.
Bahagyang tumikhim si Yumi. “Medyo. Ang inaasahan ko kasi sa weekend pa tayo magkikita.”
“Pasensiya ka na, I really just want to go somewhere, to unwind, masyado kasing toxic sa ospital lately dahil sa dami ng pasyente. Eh ayoko rin naman mag-isang umalis, kaya niyaya kita.”
Lumingon si Yumi sa binata na nakatuon ang mata sa daan habang nagmamaneho.
“I have a confession to make,” sabi pa niya.
“Ano ‘yon?”
Huminga siya ng malalim. “Sa totoo lang, intensiyon ko na talaga na yayain ka lumabas. H-Hindi ko lang alam kung paano sasabihin sa iyo. Nauunahan kasi ako ng hiya eh. I… ah… I’ve never done this before.”
“Really? Kaya pala pumayag ka noong tinanong kita kung pwede tayong lumabas nang araw na nagpa-check up ka?”
“Oo.”
“I was so nervous at that time. Ang akala ko tatanggihan mo ako at baka magmukha akong weird at mapagsamantala. We just met recently, and yet I asked you out already.”
“Wala naman masama kung lumabas tayo eh. I’m not in a relationship anymore, besides, nakalimutan mo na ba? Sabi mo gusto mo akong maging kaibigan. And friends should know a lot about his friend. Isipin na lang natin na kinikilala natin ang isa’t isa,” sabi naman niya.
“This is why I admire you; you never fail to amaze me.”
Marahan natawa si Yumi. “Tama na baka maniwala na ako,” biro niya dito.
“By the way, you said you intentionally want to ask me out. Can I ask why?”
“To thank you, para sa mga araw na sobrang down ako at ikaw ang taong nasa tabi ko.”
“Sabi ko naman sa'yo wala ‘yon.”
“Alam mo, Carlo, marami nang doctor ang dumaan sa buhay ko bukod kay Doctor Paez. They always just treat me professionally. Pero ikaw lang ang nagkaroon ako ng personal connection. Hindi ko rin alam kung bakit, basta magaan loob ko sa’yo.”
“Salamat. Ang sarap pakinggan ng sinabi mo.”
Matapos iyon ay muli silang natahimik. Naroon ang bahagyang pagkailang dahil sa pagkakataon na iyon, pakiramdam kasi niya ay medyo nag-level up ang kanilang samahan. It’s like their friends but a little more than that. After all, he already asked her out.
“Oo nga pala, saan mo ako dadalhin?” mayamaya ay pag-iiba na niya sa usapan.
“We will go on a walk. Nakita mo na ba ang bagong Manila Bay? Maganda na ulit wala nang basurang nakatambak.”
“Nabalitaan ko lang, pero hindi ko pa nakikita ng personal.”
“I’ll show you. May nilagay na silang white sand.”
Makalipas ang mga bente minutos na biyahe ay nakarating na sila sa wakas sa kanilang destinasyon. Mabagal silang naglakad sa gilid ng manila bay. Tama ang sinabi ni Carlo, maganda at malinis na doon. Malamig at malakas ang simoy ng hangin habang naririnig ang tunog ng alon sa dagat.
“Bakit dito mo ako dinala?”
“I’ve been observing you. Since malapit lang naman ang Restaurant mo sa ospital, sa dalas kong pumupunta doon. Napapansin ko na hindi ka halos lumalabas. I just want you to go out and breathe sometimes.”
Napangiti siya saka lumingon dito pagkatapos ay lumakad ng paatras.
“Pati ba ‘yon napansin mo?”
Marahan natawa lang ang binata.
“Sabihin mo nga sa akin ang totoo, ganyan ba talaga kayong ka-observant na mga doctor? Bakit parang hindi naman ganyan ‘yong ibang doctor na humawak sa akin?”
Hinawakan siya nito sa balikat at pinihit patalikod saka normal na pinagpatuloy niya ang paglalakad.
“I’m not doing this as your doctor, kung hindi bilang isang kakilala, kaibigan ganoon, and as a man who is very much interested in you.”
May kilig siyang naramdaman sa sinabi nito. Matapos mamasyal doon ay dinala siya ni Carlo sa isang wine bar. Kung mayroon man siyang alak na puwedeng inumin, iyon ay ang red wine, pero siyempre, limitado pa rin.
“Sinabi mo interesado ka sa akin. Why? Bakit mo aaksayahin ang panahon mo sa isang gaya ko, Carlo? You have a whole career ahead of you. Samantalang ako, kahit magkaroon ako ng heart donor at matuloy ang transplant. It still doesn’t guarantee my safety. Maaaring mawala ako ano man oras.”
Huminga ng malalim ang binata.
“Because I don’t want to waste time. I lost both of my parents with the same condition as yours. Doctor ako, pero wala akong nagawa noong nag-aagaw buhay na sila, pero natanggap ko na ‘yon. May edad na sila at maigsi na lang din ang kanilang buhay. Samantalang ikaw, bata ka pa, kaya mo pang lumaban at lumalaban ka. That is why I know you will be okay. And you are an amazing woman, Yumi. Sa maikling panahon palagi mo na akong ginugulat at pinapahanga. And I’m glad I met you at the right time, libre ka na.”
Doon siya natawa at tinaas ang wine glass pagkatapos ay pinag-untog nila iyon.
“Thank God we’re single,” pabirong sabi pa niya.
“Cheers.”
Uminom siya ng konting wine.
“Oh, by the way, mayroon pala akong gustong ipagpaalam sa’yo. I mean, I’m asking for your permission as my doctor. Because I need your medical travel clearance.”
Napakunot noo si Carlo.
“Travel clearance? Aalis ka?”
Nakangiting tumango si Yumi. “Yes, I’m planning to go to Paris. I want to go on a vacation. Ako lang. Kahit minsan gusto ko lang mapag-isa.”
He looked at her unbelievably.
“Alam mo naman traveling a long flight can be risky for you. Lalo na’t wala kang kasama.”
“That’s why I’m asking for your permission. Siyempre magpapa-check up muna ako sa’yo bago ako umalis. Besides, hindi naman as in totally mag-iisa ako doon. May mga relatives ako na nakatira sa Paris, someone will fetch me at the airport.”
Isang tingin pa lang ni Yumi ay alam na niyang diskumpiyado na ang binata.
“Pleaseee… Doctor De Luna!” paglalambing niya.
Umiling ito at tumangga ng wine. “I’m not sure. Siguro papayag lang ako kapag natapos na heart transplant mo.”
Nagulat ito nang kunin niya ang kamay nito at ikulong iyon sa mga palad niya pagkatapos ay parang bata na ngumiti habang nag-beautiful eyes.
“Pleaseee…”
Ngumisi ito at tinapik ang ibabaw ng kanyang palad.
“After the operation, okay? For now, I don’t want to risk your safety.”
“Eh kelan pa ‘yon?” pagmamaktol niya.
“Who knows, maybe soon? But don’t think about it for now. Mas marami ka na magiging oras kapag gumaling ka. Hindi ba’t mas masarap mamasyal kapag wala ka nang inaalala na sakit?”
Pabiro siyang sumimangot.
“Sabi ko nga eh.”
Natawa lang ito pagkatapos ay kinurot siya sa pisngi.
“Finish your wine, pagkatapos ihahatid na kita.”