DAHLIA’S POV
❦❦❦
Ilang araw na ba ang lumipas simula nang maging reyna ako sa kaharian na ito?
Reyna sa paningin nila ngunit hindi talaga ako ganap na reyna dahil sa hindi naman talaga kami kinasal ng hari, pinalabas lamang ito ng buong konseho upang maiwasan ang gulo sa loob ng palasyo.
Bilang Thysia maraming mga kaharian ang nais akong makuha at agawin para maging pagkain nila at magtamo ng lakas na naiiba sa lahat.
Kaya naman ipinakalat sa buong kaharian at kalapit bansa nito na naging reyna ako ng hari upang walang sinuman ang lumapit pa sa'kin.
Habang ginagawan nila ng paraan ang sumpa o kalagayan ng haring Troian ay hinayaan muna nila akong mabuhay at magpanggap na reyna nila.
"Mahal na reyna handa na po ang inyong gamit para sa susunod na leksyon," Tumango ako kay Anubis at sumunod sa kaniya papunta sa panibagong kwarto kung saan tinuturuan ako ng mga bagay at gawain na kailangan kong malaman bilang isang reyna.
Isa pa may darating na malaking pagsasalo at kapistahan dahil sa pagdating ng hari mula sa angkan ng mga Ophidian, isa daw itong hari na kalahating tao at kalahating ahas.
Hindi ko maisip kung anong itsura niya ngunit kinakabahan ako sa imahinasyon na nakikita ko, pano kung mabanguhan din siya sa dugo ko? Pano kung maakit din siya sa amoy ko at kainin ako?
Baka magdulot pa 'yon ng gera at mapahamak pa ang mga magulang ko na ngayon ay nagpapahinga na at may maayos ng buhay.
Medyo na pangiti ako nang maalala ko kung gano kaganda ang bahay na meron kami at kung gaano kasaya ang mga magulang ko sa bago nilang pamumuhay.
"Ehem, Mahal na reyna Dahlia, nasa harap na po tayo ng susunod n'yong klase," sabi ni Anubis na pangiti-ngiti sa’kin at na balik naman ako sa ulirat at napakamot sa ulo.
"Ah— hehehe, pasensya kana Anubis medyo lutang lang ako ngayon." Ngumiti siya sa’kin at pinagbuksan ako ng pinto.
"Wag ka mag-alala mahal na reyna, sa susunod na leskyon mo ay maaari ka ng magpahinga," sabi niya sabay bukas ng pinto at tumambad sa’kin ang napakadaming bulaklak na iba't iba ang kulay.
Mukhang isa itong Hardin sa loob ng palasyo, may malaking bukal din na nagbibigay ng tubig sa iba't ibang uri ng halaman.
Matatayog ang mga puno at puno rin ng iba't ibang uri ng mga maliliit na hayop at ibon ang loob ng silid. Sa taas ay makikita mo ang malaking salamin na nagbibigay ng liwanag mula sa labas.
Napakapresko ng hangin dito at ang sarap sa mata ng tanawin, kulay berde ang buong paligid na napapalamutian ng iba't ibang kulay ng bulaklak.
"Maaari mong pag-aralan ang mga bulaklak sa loob ng Hardin na ito at pwede ka rin magpahinga kung nanaisin mo mahal na reyna." Gusto kong yakapin si Anubis sa sobrang tuwa dahil ngayon lang ako nakakita ng ganito kagandang hardin at sa wakas sa loob ng ilang linggo ay makakapagpahinga rin ako mula sa mga leksyon nainaaral ko.
"Hulog ka ng langit Anubis, maraming salamat talaga," kukunin ko sana ang kamay niya ngunit tinaas niya ito at iniwas sa’kin.
"Mahal na reyna, ayon sa leksyon 1008 ay hindi maaring hawakan ang Thysia ng kahit sino mang lalaki maliban sa hari," napanganga ako at tumango-tango na lang sa kaniya.
"Ayon din sa leksyon 1008 ay maaari lang hawakan ang Thysia kung ito'y anak mo o kamag-anak mo, kaya sige Anubis pasensya na masyado lang akong na tuwa sa pinakita mo sa’kin," ngumiti ako sa kaniya at ganoon din siya sa’kin.
"Masaya akong napasaya kita mahal na reyna," yumuko siya at humarap ulit sa’kin.
"Patunugin mo lamang ang maliit na kampana kung may kailangan ka pang iba, magpapadala rin ako ng makakain mo na maya-maya lamang ay paparating na." Tumango na lang ako at ngumiti habang siya at naglalakad palayo.
"Mauna na po ako mahal na reyna," tumango ako at lumabas na siya ng pinto.
Mabait si Anubis at siya lamang ang kaisa isang Loki sa kaharian na hindi ako tinitignan ng masama at pinag-iisipan na kainin.
Bukod sa heneral at sa mga tapat niyang kawal ay isa si Anubis sa mga hindi ako hinusgahan at pinagsilbihan ako kahit na ang karamihan sa kanila ang tingin sa’kin ay isang pagkain.
Siya rin ang madalas kong makausap pag wala ang heneral at pag may toyo ang bansot na hari. Kalimitan kong nakakasama ang haring Troian at sa mga lumipas na araw ay unti-unti kong nakikilala ang pagkatao niya.
Madalas uminit ang ulo niya sa maliit na bagay pero sobrang babaw din ng kasiyahan ng haring iyon. Isip bata at makulit ngunit dedikado siya sa trabaho niya bilang hari.
Sa edad niyang 'to ay isa siya sa pinakamagaling na hari sa kasaysayan ng kaharian at ng buong bansa. Kilala rin siya sa tawag na The Night King, dahil sa galing niya sa pakikipaglaban at sumusugod siya ng gabi, wala pa siyang na ipapatalong gera sa buong kasaysayan ng kaharian.
At katulad ngayon ay masyado siyang nakatutok sa paghahanda ng selebrasyon para sa darating na hari ng Ophidian Kingdom.
Gaganapin ito sa darating na Lunes at abalang abala sila sa mga preperasyon na kailangan nilang gawin dahil ang haring ito daw ay ang pangalawa sa pinakamalakas na hari ngayon ayon sa rango.
Kung iisipin ay pinakamalakas na pala ang haring Troian sa lahat, at ‘yung hari na iyon ay may tinatagong sekreto na kami lang ang nakaka-alam.
Pag na laman ng ibang nasyon ang bagay na iyon ay baka magsimula sila ng pag-aaklas at pananakop sa kaharian namin kaya naman mabuti na rin na dito sa nasyon namin sinilang ang Thysia o sabihin na na’ting mabuti na dito ako sinilang.
Dahil magiging dagdag takot at lakas ito para sa kaharian namin, isipin mo na lang siya na ang pinakamalakas na halimaw sa lahat tapos pwede niya pang kainin ang Thysia sa kahit anong oras niya gustuhin at magtatamo na siya ng imortalidad at lakas na walang sino man ang tutumbas.
"Kaso sinumpa siyang pandak siya," bulong ko sa sarili ko at humiga sa lilim ng puno.
"Sssssssshh—" napabangon ako sa nahigaan ko at pagtingin ko dito ay isang pulang ahas.
"Hala!" Sigaw ko at walang takot na pinulot ito.
Mukhang na saktan siya sa pagkakadagan ko, ngunit ang mas kapansin-pansin sa ahas na ito ay ang malalim niyang sugat.
Mamamatay na ba 'to? Tapos na daganan ko pa!
"Teka, teka." Kinuha ko ang dilaw kong panyo sa bulsa ko at ibinalot ito sa parte ng katawan niya na may sugat.
Nakita ko itong dumilat at agad ko siyang inilapag sa damuhan.
"Wag ka mangangagat! Pasensya na sa pagkakadagan," sabi ko habang naglalakad palayo.
Lumapit ito ng dahan-dahan at nang tatakbo na ako ay na gulat ako sa paglingkis niya sa paa ko.Sisigaw na sana ako nang makita kong pumulupot ito ng bahagya sa’kin at hindi naman humihigpit ang kapit.
Hindi niya rin ako kinagat kaya naman kinalma ko ang sarili ko.
Maya-maya pa ay inalis niya na ang pagkakalingkis sa’kin at gumapang sa damuhan.
"Mahal na reyna! Ayos lang ba kayo?" Napalingon ako sa katulong na may dala ng mga pagkain.
"Ah, ayos lang naman." Tumayo ako at tumingin ulit sa damuhan.
"Kain na po mahal na reyna." Tumango ako at sumunod sa kaniya.
❦❦❦
Napaimpit ako sa higpit ng tali nila sa bewang ko, may balak ba silang putilin ang katawan ko sa dalawa?
"Pasensya na po mahal na reyna, unting tiis na lang po at matatapos na po ang kasuotan niyo." Naku! Parang isang oras at kalahati na nila ginagawa ang p*******i at pag-aayos ng damit ko na mamaya rin naman ay huhubarin ko.
Pano ako makakain ng madami niyan kung ganito kahigpit ang bigkis nila sa tiyan ko, mukhang buong araw akong iinum ng tubig nito.
"Matagal pa ba 'yan? Ilang oras na lang ay magsisimula na ang kasiyahan," sabi niya habang nakasalampak sa higaan ko at panay ang basa sa libro.
"Ikaw na lang kaya dito no!" Inis kong bulyaw sa kaniya at pang-asar niya kong tinignan habang nakangiti ng nakakaloko.
Aba ‘tong bansot na ito!
"Ayoko nga, at isa pa bawasan mo na kasi ang kain mo, iyan tuloy hirap na hirap na silang bihisan ang baboy," pang-aasar niya at narinig kong tumawa ng pigil ang mga nagbibihis sa’kin.
"Ay ang galing! Baka nga 'yang damit na suot mo ay sobra lang sa tela ng mga damit sa Kaharian, pinagtagpi-tagpi dahil ayos na iyon sa laki mo," umirap ako at napabangon siya sa inis sabay lakad padabog papunta sa’kin.
"Anong sabi mo huklubang baboy?"
"Ha? Walang na rinig ang pandak na hari?"
Namuo na ang kidlat sa pagitan naming dalawa nang biglang bumukas ang pinto at niluwa nito ang Heneral.
"Kailan kaya kayo tatanda? O sabihin na na’ting 'yang mga utak niyo, kailan tatanda?" Sabay kaming lumayo sa isa’t isa at pabulong na sinusumpa ang bawat isa.
"Dalian n'yo na ang paghahanda sa reyna dahil tatlong oras na lang ay magsisimula na ang selebrasyon ng kaharian. Kailangan niyang batiin ang mga bisita mula sa iba't ibang kaharian," napalingon ako.
"Bakit ako lang Heneral? Hindi n'yo ba ko sasamahan?" Tumingin siya sa hari.
"Wag ka mag-alala, sasamahan ka ng mahal na hari." Lumingon ako sa haring Troian na nakatalikod pa rin sa’kin.
"Pero mamayang gabi pa siya magbabago ng kaanyuan," napayuko ako.
"Edi sabihin mo kapatid mo o anak mo bahala kana!" Sabi niya at agad akong napalingon sa kaniya.
"Totoo? Pero isa kang hari." Sinuot ko ang hikaw at guwantes ko saka bumaba sa bihisan.
"Anong magagawa ko? Para maging ganap na pinakamalas sa lahat ay kailangan kong ibaba ang sarili ko," pabulong niyang sabi na medyo nagpalungkot sa’kin sa hindi ko malaman na dahilan.
Lumingon siya paharap sa’kin at tinignan ako sa mata habang nakatingala siya sa’kin.
"Kaya kong ibaba ang sarili ko sa unting oras, kaya wag mo kong ipahiya sa mga bisita mamaya," madiin niyang sabi at napangiti ako.
"Masusunod mahal na hari," ngumisi siya sa’kin at muling tumingin sa’kin sabay sabing.
"Ang ganda ng alaga kong baboy," nagngitngit ang mga ngipin ko sa inis.
Minsan na nga lang siya mamuri ay sasabihan niya pa kong baboy.
"Tara na at salubungin ang mga bisita," naglakad siya palabas ng kwarto at sinundan ko lang siya.
Suot ang isang kulay rosas na bistida ay kabado kong tinahak ang labasan papunta sa darausan ng kasiyahan.
Sinusundan ang maliit niyang imahe habang nakatalikod siyang naglalakad sa harap ko.
Kabado kong kinalma ang sarili ko at huminga nang malalim, tumigil ako sa paglalakad nang malapit na kami sa labasan at rinig ko na ang iba't ibang tunog ng magagandang musika.
Lumunok ako at pumikit, nagdasal na sana ay kayanin ko ang gabi na ito at sumapit pa ng buhay bukas nang umaga.
"Ano handa ka na?" Tanong niya at nilahad niya ang kamay niya sa’kin saka ko ito kinuha ‘to at mahigpit na hinawakan.
"Kinakabahan ako haring Troian," tinaas niya lang ang isa niyang kilay at hinila ako palabas.
"Wag kang kabahan, nag-aral ka ng ilang araw para dito kaya magtiwala ka sa sarili mo," sabi niya na nagbigay ng lakas ng loob sa’kin.
Lahat sila ay napatingin nang bumaba kami sa malaking hagdan, lahat ng atensyon ay na pukaw saming dalawa at nakarinig na kami ng mga samo’t saring mga bulungan.
Sumayad ang mahaba kong bistida at kumalat sa malaking pulang hagdan, puno ng mga rosas na pula ang bawat hakbang at kasabay ng liwanag sa malaking kwarto ay ang pagkislap ng mga suot kong dyamante.
Hindi ko na isip na darating ang araw na magiging ganito kagarbo ang pagbaba ko sa hagdan.
"Let as all hail for the Queen!"
Nagsimula tumugtog ang orkistra at lahat sila ay nagpalakpakan. Tumingin ako sa hari na nakangiti lang sa lahat ng tao na nasa selebrasyon.
"Pst, mahal na hari, anong gagawin ko?" Tumingin siya sa’kin ng masama at bumulong.
"Nag-aral ka ba talaga? Malamang yuyuko sila at magbo-bow ka!" Kagaya ng sinabi niya ay lahat sila ay yumuko sa harap ko at agad kong kinuha ang laylayan ng magkabilang dulo ng bistida ko at yumuko.
Binigay ko ang pinakamatamis kong ngiti at kumaway sa harap nila.
Lahat sila ay tumigil at hindi ko alam bakit parang gandang ganda sila sa’kin, sa totoo lang, ganito ba talaga ang epekto ng Thysia sa mga Halimaw?
"Mabuhay ang bagong reyna," sigaw ni Anubis at inulit nilang lahat ang sigaw na iyon.
"Mabuhay ang bagong reyna," nagpalakpakan sila at patuloy lang akong nagpapakabinibini sa harap nila.
Patagong tinitiis ang sakit sa’king paa dulot ng mataas na takong ng sapatos kong dala.
"Magandang hapon mahal na reyna," bati sa’kin ng unang ginoo na aming nakasalubong. Tumingin siya sa hari at muling binalik ang tingin sa’kin.
"Ah— nakababatang pinsan po ng haring Troian," ngumiti ito sa’kin at nilahad ang kamay niya, kukunin ko sana ito para makipagkamay ngunit mabilis na sinabi ng hari ang Artikolo tungkol sa Thysia.
"Tanging hari lamang ang pwede humawak sa Thysia," sarkastiko nitong ngiti at mukhang hindi gusto ito ng ginuo.
"Ah, pasensya na po mahal na reyna," yumuko siya at umalis na kami sa harap niya.
Isa isang nagpakilala ang bawat bisita mula sa iba't ibang parte ng nasyon. Iba't ibang uri ng halimaw na nag-aanyong tao at mga prinsepe at prinsesa ng malalaki at maliliit na kaharian.
Ngunit napukaw ang atensyon ng lahat sa lalaking kapapasok lamang ng bulwagan.
Nakasuot siya ng isang puting kasuotan at kulang rosas na panloob, may mahaba siyang pulang buhok at matatalim na kulay berdeng mata.
Naglakad siya papalapit sa’kin at halos lahat ng bisita ay lumayo sa dinadaanan niya, nakatitig lamang siya sa’kin at hindi ko rin maalis ang mga tingin ko sa kulay berde niyang mata, para ‘tong mga mata ng ahas.
Na bigla ako nang hawakan niya ang kamay ko at halikan ito sabay sabing,
"Kinagagalak kitang makita ulit mahal na reyna Dahlia," lahat kami ay na windang dahil sa ginawa niya.
Pero ang pinagtataka ko ay ang panyo kong dilaw na nakatali sa kamay niya.
TO BE CONTINUED