DAHLIA's POV
❦❦❦
Binuhat ko ang basket na puno ng mga mansanas galing sa bayan. Kailangan ko na 'tong maiuwi sa bahay para maibenta ng doble bukas sa talipapa.
Kailangan kong tumulong sa mga magulang ko bago sumapit ang pag-alis ko sa puder nila.
"Dahlia! Bakit ka nagbubuhat ng ganiyang kabigat na dalahin, gusto mo bang mapahamak tayong lahat? Bukas sa kaarawan mo ay ganap ka ng Thysia ng bayan alam mo ba 'yun?" Umiling ako at tinaasan ng kilay si manong Emir.
"Alam mo tatang, hindi naman ako mababalian ng buto sa pagbubuhat ng isang basket ng mansanas! Halos sampung taon ko nang gawain ito." Nagtaas balikat siya at tinawag ang bunso niyang anak.
"Cedric! Halika nga dito at tulungan mo ang Thysia!" Agad na lumapit si Cedric at inagaw sa'kin nang pabalang ang basket na hawak ko.
Aba, ano bang problema ng isang 'to?
"Tsk! Bakit ba halos lahat ng tao ay abala sa pagiging Thysia mo? Eh, noong araw isa ka lang namang uhuging bata na panay ang takbo sa kalye," inirapan ko siya at hinampas ang puwitan niya, tinignan niya ko nang masama ngunit hindi makaganti dahil sa nakatingin ang kaniyang ama mula sa malayo at isa pa bitbit niya ang isang punong basket ng mansanas.
"Parang isa ka rin naman sa mga kalaro ko noon na walang salawal na kung makatakbo ay parang walang nakakakita sa maliit mong alaga," tumingin ako sa kaniya at kulang na lang ay ibato niya sa mukha ko ang hawak-hawak niyang lalagyan.
"Porque Thysia kana bukas gina-ganiyan mo na kong kababata mo," sabi niya sabay nguso at pagtatampo sa akin.
Tinapik-tapik ko na lang siya at sinabing "Hayaan mo dadalaw naman ako at malay mo baka bigyan din kita ng yaman pag naging Reyna na ko," umiling siya.
"Wala pang Thysia ang nakakalabas ng palasyo pagtapos niya maialay sa Hari, kaya ipadala mo na lang ang yaman na sinasabi mo." Tumawa kaming dalawa at panay lang ang biruan pero sa kinaloob-looban ko ay ang takot na baka hindi ko na nga sila makita pa.
Baka ito na ang huling araw na makita ko ang mga taong mahahalaga sa akin, baka ngayon na lang ako makatapak sa labas at makapag-ikot sa bayan.
Sa loob ko, natatakot ako bilang Thysia nila.
Simula nung maipanganak ako ay kalat na sa buong nasyon na ako ang sunod na Thysia, ang babaeng iaalay nila sa Hari upang maging proteksyon nila.
Ang buong kaharian kasi ay binubuo ng dalawang angkan.
Ang mga Demonyo o tinatawag nilang Loki, sila 'yung mga nilalang na itinuturing na mataas dahil sa kakaiba nilang lakas.
Sila ang nagbabantay sa buong kaharian at nagpapanatili ng kaayusan dito.
At ang pangalawa naman ay ang mga mortal o tao, kami 'yung mga mahihina at sakto lang ang lakas para magtrabaho.
Wala kaming espesyal na kakayahan katulad ng mga Loki na kayang lumipad o magpalit ng kaanyuan.
Madami silang pwedeng gawin pero nahahati rin sila sa rango at ang pinakamataas sa kanila ay ang Hari ng mga Demonyo na si Haring Troian.
Sabi nila isa raw siyang halimaw sa lakas at kaya niya daw pataubin ang mga kalaban sa digmaan ng mag-isa lang siya. At mas lumalakas daw ang kapangyarihan niya pagsasapit na ang takip silim, may malaki daw siyang katawan at mahabang bigote, singtaas din daw siya ng puno at maskuladong maskulado ang datingan.
Iniisip ko pa lang siya ay natatakot na talaga ako, pero sa totoo lang hindi ko pa nakikita ang mapapangasawa ko.
Bukas, sa gaganapin na Henosis o Union sa pagitan ng mga angkan ng tao at demonyo ay ipagkakasundo nila ang Thysia at ang Hari upang mapagtibay ang samahan at pagtutulungan ng dalawang angkan.
Hindi ko pa rin maisip na ipapakasal nila ako sa lalaking mas matanda sa akin, at hindi lang doon, sa lalaking singlaki ng puno at puno ng balahibo ang katawan?
Hindi ko pinangarap na makapangasawa ng kakaibang nilalang sa tanang buhay ko dito sa Demon Kingdom.
"Ba't nakasimangot ka na naman diyan Dahlia? Hindi ka magugustuhan ng Hari niyan," biro nya at nagbuntong hininga na lang ako.
"Tingin mo ba gusto ko rin siya? Ayoko paikasal at lalong ayoko ikasal sa lalaking mabalbon!" Napatawa siya nang malakas sabay baba ng basket na hawak nya.
"HAHAHAHA! naniniwala ka sa sabi-sabi na maskulado at mabalbon ang Hari? Pero teka lang baka nga totoo iyon at mas matanda pa siya sa tatay mo!" Panay ang tawa niya at ako ay pikon na pikon na.
"Gusto mo tadyakan kita?" Tanong ko at pinunasan niya ang luha sa mga mata niya dulot ng pagtawa.
"Gusto mo itakas kita?" Tanong niya at kumunot ang noo ko.
"Sira na ba ang tuktok mo? Wala ni isang mortal ang nakalabas ng kaharian alam mo 'yan. Bantay sarado tayo ng mga loki para na rin sa ikabubuti na'tin. Paglumabas tayo ng kaharian ay puno ng iba't ibang uri ng halimaw ang makakasalubong na'tin, baka sa tarangkahan pa lang ay patay na tayo." Nagbuntong hininga siya.
"Kaya ka nila iaalay para sa kasunduan na poprotektahan nila tayo laban sa mga halimaw sa labas at ikaw naman itong ikukulong nila sa loob ng palasyo, minsan hindi ko rin maisip bakit kailangan mag-alay pa," sabi niya at napatingin ako sa palasyo na tanaw na tanaw mula sa kinatatayuan naming dalawa.
"Hindi ko rin alam, ito na 'yung kapalaran ko wala na kong magagawa doon, simula nang bata ako at makuha ko ang palatandaang na sa likod ko ay nakatakda na ang buhay ko." Sumimangot si Cedric at akmang yayakapin ako nang sikuhin ko siya.
"Bawal mahawakan ng ibang lalaki ang Thysia bukod sa Hari," at nagkamot siya ng batok niya.
"Wala na ba talaga tayong magagawa?" Umiling ako at binuhat na ang basket ng mansanas papasok ng bahay namin.
"Tingin mo meron pa?" Tanong ko at pareho kaming natahimik ng kababata ko, binuksan ko ang pintuan ng bahay namin at nagpaalam na sa kaniya.
"Osige na mag iingat kayong dalawa ni manong Emir," kumaway na ko sa kaniya saka pumasok sa luma at maliit naming bahay.
Ibinaba ko ang hawak kong basket sa gilid ng pinto at inikot ang paningin ko sa loob ng bahay namin saka ko na isip na kung ipapakasal ako sa Hari mabibigyan ko ng malaki at magandang bahay ang mga magulang ko.
"Oh Dahlia, andito ka na pala," sabi ni inay na halos buto't balat na lang ang katawan.
Napangiti ako nang mapait at ipinangako sa sarili ko na simula bukas makakakain na rin sila ng sapat.
Niyakap ko siya na kinagulat niya.
"Nay, pangako ko sa inyo na maiaahon ko kayo sa hirap at mapapagamot ko kayong dalawa ni tatay." Niyakap niya rin ako nang mahigpit at hinalikan ako sa noo.
"Maraming salamat Dahlia, aking Thysia."
Sumobsob ako sa balikat ng aking ina at tinago ang kakaunting luha na kumakawala sa aking mga mata, siguro ito na rin ang huling beses na mayayakap ko ng ganito kahigpit ang aking ina.
Dahil alam ko simula bukas ay magbabago na ang lahat para sa'kin at ganoon na rin ang pamumuhay nila.
Siguro magiging mabuti na rin ang lahat kung magiging alay ako sa Hari kapalit ng kasaganahan na matagal na naming inaasam.
TO BE CONTINUED