Kinabukasan, nagising si Mauve dahil sa paggalaw ni Chin-chin sa kanyang tabi. Nang magmulat siya ng mga mata ay nakita niya ang pamimilog ng mga mata nito. Titig na titig ito sa kisame ng hindi pamilyar na kwarto.
Natatawang niyakap niya ito. “Morning, baby.” Matunog na hinalikan niya ito sa noo.
Nang marinig ang boses niya, agad itong tumingin sa kanya at masusi siyang pinagmasdan, parang nangingila.
“Mommy ‘to, baby.” Itinuro niya ang kanyang sarili.
Nagsumiksik ito sa kanya. “Mommy, gusto ko breakfast, “ nakasubsob ang mukha sa dibdib niyang sabi nito.
“Eh, di samahan mo si Mommy sa kusina para makapag-prepare na tayo ng breakfast mo. Okay. Let's go!”
“Let's go!” Masiglang sang-ayon nito.
Mabilis siyang bumangon at gayundin din ito. Bago lumabas ng kwarto ay dinampot niya ang lalagyan ng gatas nito at ang natira pang tinapay nang nagdaang gabi. Binitbit din niya ang isang lata ng sardinas. Iyon na lamang ang ipapalaman niya sa tinapay.
Kakalabas pa lang nila ng kwarto ng pintuan ay naamoy na niya ang nilulutong almusal. Nagtatakang kinarga niya ang kapatid at nagmamadaling nagtungo sila sa kusina.
Sa bilugang bulto pa lang ng babae na nakatalikod sa stove na halatang nilinisan at gumagana na, nakilala niya kaagad si Aling Ester.
Kasabay niyon ay inatake siya ng pangamba.. Paano kung ang pagtanggap nito sa kanya ay tulad din ng pagtanggap sa kanya ng asawa nito nang nagdaang gabi?
There's only one way to find out, naisip niya, saka ibinuka ang bibig bago pa siya panghinaan ng loob.
“Good morning ho, Aling Ester.” nakangiting bati niya rito.
Gulat na nilingon siya ng matandang babae. Nang makita sila, agad na sumilay ang ngiti sa mga labi nito.
Nakahinga siya ng maluwag nang makita ang reaksyon ng matanda. Gumanti siya ng ngiti. Aminado siya hindi niya alam ang gagawin kung sakaling kagaya ng kay Mang Dino ang reaksyon nito.
“Mauve! Naku, marhay na aga man, hija. Marhay ta mata na kamu.” (Magandang umaga rin. Mabuti gising na kayo)
Lumipat ang tingin nito kay Chin-chin. “Napakagayon man na aki kaan.” (Napakagandang bata naman niyan.)
Ipinatong niya ang mga bitbit niya sa mesa, saka niyuko ang kapatid para iupo sa isa sa mga silya. Malaki na ang ipinagbago ng kusina.
Malinis na ang countertop at lababo. At base sa ugong ay gumagana na rin ang refrigerator. Nangingintab din sa kinis ang gas range at kasalukuyang may nakasalang na kawaling may lamang ilang piraso ng hotdog sa isa sa mga burners. Tatlong piraso ng sunny side-up egg ang nasa isa ng plato.
Mukhang nalampaso na rin ang sahig dahil wala nang mababakas na dumi sa tiles. Bagaman walang kurtina ang mga bintana, malinis na ang mga windowpanes at pumapasok na ang sariwang hangin mula sa labas.
Humugot siya ng malalim na hininga. “Oo nga po, Aling Ester. Hindi na nga rin ho ako masyadong nakakaintindi ng bicol sa sobrang tagal nang hindi nakakauwi rito. Ang sarap pa rin talaga rito sa probinsya,” sambit niya. “Sariwa ang hangin. Dapat ho ay hinintay niyo na lang ako para natulungan ko kayong maglinis rito sa kusina, Aling Ester.” saad niya.
“Okay lang hija, kahit ako’y uugod-ugod na ay kaya ko pa namang maglinis rito.” Sabay palibot ng tingin sa kabuuan ng kusina. “Ang tagal mong hindi nakauwi rito,” nakangiting puna nito habang inilalapag ang isang platito na may lamang butter. Pagkatapos ay isinunod nito ang bread toaster at ang bread container na may lamang isang buong loaf bread.
“Gatas, Baby?” tanong nito kay Chin-chin na nakatingin sa bawat galaw ng matanda.
“Milk,” ulit ni Chin-chin, na ibig sabihin ay “oo”.
May isang pitsel ng gatas na nakapatong sa mesa. Dinampot iyon ni Aling Ester at nagsalin sa isang malinis na baso. Inilapag niya iyon sa harap ni Chin-chin.
Tumingin muna sa kanya ang kapatid na parang humihingi ng permiso. Nang bahagya siyang tumango ay saka lang nito inabot ang baso para inumin ang gatas.
Lalong lumawak ang pagkakangiti ng matanda. “Ang bait naman ng kapatid mo. Anong pangalan niya?”
Napatitig siya kay Aling Ester. Sinabi nitong kapatid niya ang bata. Paano nito nalaman?
Bago siya makasagot ay kinuha ni Chin-chin ang atensyon niya. “Mommy, tapay.”
Kitang -kita niya nang mawala ang ngiti sa mga labi ni Aling Ester, bumagsak ang panga nito, at ilang saglit na nakaawang lang ang bibig nito.
“Anak ko ho si Chin-chin, Aling Ester,” pagsisinungaling niya bago pa man ito makabawi sa pagkabigla.
“N-naku! Aba’y pasensya na ika ta nasala ako,” Aba'y pasensya ka na at nagkamali ako. Alanganin ang pagkangiti nito. “Dae ko man naisip na…” (Hindi ko man naisip na….)
Kinagat nito ang ibabang labi. Malamang na iniisip nito na kapag nagpatuloy pa ito sa pagsasalita ay lalo lang itong mapahiya. Bigla nitong hinila nag isang silya at naupo roon.
“An maray pa magpamahaw na kamung duwa. Iyaong ko muna an hotdog.” (Ang mabuti pa’y mag-almusal na kayong mag-ina. Hahanguin ko muna ang hotdog.)
Tumalikod naman ito at hinarap ang niluluto.
Balik na ito sa dati nang muling humarap para ilagay ang mga hotdog sa mesa.
Iglap na sumigla si Chin-chin nang makita ang mga hotdogs. “Wow! Hotdog!”
Sabay silang natawa ni Aling Ester sa katuwaang ipinakita ni Chin-chin.
Sa nangyari ay tuluyan nang nabaon ang namumuong tensyon sa pagitan nila.
“Pasensya na ika, Mauve Dae man barang naglaug sa isip ko na maga-agom ka tulos. Sain an ama ni Chin-chin?” (Pasensya ka na, Mauve. Hindi man lang talaga pumasok sa isip ko na mag-aasawa ka na agad. Nasaan ang Daddy ni Chin-chin?)
Napangiwi siya. Pero bago pa man siya makasagot, muli na namang inagaw ni Chin-chin ang atensyon nila. “Daddy ko, Hendrick!” malakas na deklara ng bata.
Namula siya ng mamilog ang mga mata ni Aling Ester. "Dai po, Aling Ester. Tarantado kasi si Hendrick. Tinukdo an aki na tawagon siyang daddy. Ini man si Chin-chin, nasulit-sulit. Dai po kasi siyang ama.” (Hindi ho, Aling Ester. Loko kasi si Hendrick. Tinuruan ang bata na tawagin siyang daddy. Ito namang si Chin-chin, tuwang-tuwa. Wala ho kasi siyang ama.)
Sa sinabi niya ay nagkamot ng ulo si Aling Ester.
“Daddy, Hendrick,” ulit ni Chin-chin na parang sinisiguro na alam nila iyong dalawa.
“O, sya sige na,” sumasang-ayon na sabi ng matandang muki ay nakabawi na sa pagkapahiya. “Daddy mo, Daay Hendrick. Okay!”
Ngumisi si Chin-chin. “Okay!”
Tinusok ni Aling Ester ng tinidor ang isang hotdog at iniabot dito. Agad naman iyong tinanggap ni Chin-chin. “Careful. Mainit pa,” paalala ng matanda.
Bilang tugon ay hinipan-hipan naman ng bata ang hotdog.
Binalingan siya ni Aling Ester. “O, kumain ka na, Mauve.”
“Sabayan nyo na ho kami, Aling Ester” yaya niya rito.
Hindi naman siya nahirapan sa pagkumbinsi rito. Agad itong dumulog sa hapag-kainan. Masaya silang nag-almusal at nagkwentuhan.
“Nang marinig ko kay kay Dino na ikaw raw ang darating, hindi ako makapaniwala. Akala ko’y nagkamali lang ako ng dinig,” pagkukwento ni Aling Ester nang nagliligpit na sila ng pinagkainan. “Saglit sana ako rito kagabi kaya lang, nanganak iyong isang inahing baboy ng panganay ko. Si Dino na lang ang nagtungo rito para hintayin kayo. Maayos ba ang tulog ninyo sa kwarto? Malamang na hindi kayo nakatulog ng maayos dahil kaunti iyong nalinis ni Dino. Gabi na kasi noong tumawag si Sir. Naipit na daw siya sa meeting at binilinan na lang kami na maghanda agad ng isang kwarto.”
“Okay, lang ho,” pagsisinungaling ni Mauve. Pinilit niyang huwag nang banggitin ang nangyari ng nagdaang gabi.
“Kung alam ko lang na may kasama kayong bata, sana ay nabilinan ko si Dino na sa bahay na lang kayo patuluyin. Mabuti na lang at hindi inubo iyang si Chin-chin sa alikabok ng kwarto. Matagal na kasing hindi nalilinisan itong bahay. Hindi rin namin akalain na babalikan pa ito ni Sir. Akala namin noon, ipagbibili na. Kaya nagulat kami ng biglang sumulpot si Sir noong…” Kumunot ang noo nito, tila nag-iisip. “Mga anim na buwan siguro ang nakaraan. Sinabi niyang ipare-repair daw niya itong bahay at padadagdagan pa. Gusto raw niyang ibalik ang bahay sa dating ganda nito.”
Isinara niya ang refrigerator matapos ipasok ang butter at pitsel ng gatas. Pagkatapos ay ipinunas niya ang mga kamay sa basahang nakasabit sa handle ng refrigerator. Agad naman na bumaling siya sa matanda. Kanina pa siya may gustong itanong dito.
“A-aling Ester, k-kumusta na ho sina Papa at Ate Tiffany.” hindi napigilan na tanong niya.
Nag-aalalang tumingin sa kanya ang matanda. “Alam ba niyang narito ka ngayon sa Casa Lucencio, hija? Alam ba niyang nagtatrabaho ka kay Hendrick?”
Umiling siya saka naupo sa isang silya. Sinulyapan niya sandali ang kapatid na naglalaro ng isang plastic na mansanas. “Hindi na ho kami nakapagusap simula nang umalis kami ni Mama.”
Hinarap siya ng matanda. “Walang nagbago sa kanila
Ganoon pa rin. Kung umarte ang papa mo, parang wlaang nangyari noon. Parang hindi siya nilayasan ng asawa niya at bunsong anak.”
Napakurap siya. Syempre, hindi aarteng parang nawalan ng asawa at bunsong anak ang Papa niya. Hindi ito kailanman nagpakita ng interes na importante sila ng kanyang mama sa buhay nito. “S-si Ate Tiffany?”
“Iyon, ganoon pa rin. Nasa piling pa rin ng asawa.”
“Nagbuntis pa ba siya ulit?” tanong niya, ang nasa isip niya ay ang nalaman niya mula kay Hendrick.
Umismid ito. “Hindi pa rin. Lalo na ngayon na alam niyang babalik dito sa Sir. Nasisiguro kong hindi iyon magpapabuntis sa asawa niya.”
Naguguluhang nag-angat siya ng tingin dito. “B-bakit ho, Aling Ester?”
“Sus! Kinabukasan, matapos dumating si Sir, sumulpot agad dito yung ate mo. Kung makapulupot at makadikit kay Sir, akala mo ay wala siyang nagawang kasalanan sa tao noon. Pagkatapos ng ginawa nila ng Papa mo kay Señor Rodolfo, may mukha pa siyang magpakita kay Sir Hendrick,” galit na wika nito.
Napakunot-noo siya. Kay Señor Rodolfo?
Ano ho’ng ibig niyong sabihin?
Nagtatakang tumingin ito sa kanya. “Hindi mo alam?”