"KUYA, 'yong one week allowance ko? Sabi ni Mommy, sa ‘yo ko raw kunin," wika ni Eizeleen habang nakalahad ang palad sa nakatatandang kapatid na si Reggie. Kasalukuyan silang nasa isang fast food restaurant at kumakain. Si Kuya Reggie ay ang nag-iisa niyang kapatid. Matanda ito ng pitong taon sa kanya. May sarili na itong trabaho kaya naman paminsan-minsan ay dito siya humihingi ng kanyang allowance sa kanyang pag-aaral.
Napailing ito. "Kabibigay pa lang sa 'yo last week, ah! Ubos na agad? Masyado ka talagang gastador, Lorraine," sermon nito.
Napanguso siya. "Last week pa kaya ‘yon. Siyempre, mauubos na 'yon ngayon. Ang daming projects sa school, contributions, may ginagawa rin kaming thesis at kung anu-ano pa," depensa niya.
"At may nakalaan din para sa pangbubulakbol mo," dugtong ng kapatid.
Ngumiti siya nang matamis. "Part na 'yon, Kuya, sa teen-aged life. Ikaw naman, parang hindi mo iyon pinagdaanan," aniya.
"Huwag mo akong maisali-sali, Lorraine," angal nito. "At hindi ka na teen-ager. You're already eighteen. Kahit papaano'y dalaga ka na, so act your age. Kailan ka pa ba magiging responsable?"
Pinatirik niya ang mga mata. "Here we go again," she murmured. Paulit-ulit na niyang naririnig ang sermon na iyon. "Kuya, I'm responsible kaya. Hindi naman ako nagpapabaya sa pag-aaral. As a matter-of-fact, mas matataas ang grades ko compared sa 'yo n'on." Bumungisngis siya. Naka-point siya laban sa kapatid. One point, shoot! He-he!
Lumukot ang mukha nito, saka dumukot ng pera sa wallet. "Oh, heto na. 'Wag na masyadong maraming satsat diyan," turan nitong inilagay sa palad niya ang pera.
Abot hanggang tainga ang pagkakangiti niya. Sinasabi na nga ba niyang kailangan lamang niyang ipangtapat dito ang matataas niyang marka bago siya nito mabigyan ng pera.
"Big thanks, Kuya!" nagagalak niyang pasasalamat. Pabigla siyang lumapit sa tabi ng kapatid. "Ang bait talaga ng guwapo kong 'broder,'" nakaabrisiyete niyang lambing.
"Nambola pa 'to, oh!" Nakangiti ito. "Umayos ka nga diyan, Lorraine. Mamaya niyan, makita pa tayo ng nililigawan ko, mapagkamalan niyang girlfriend kita. Mukha pa namang hindi tayo magkapatid."
Napahagikhik siya. Tama ang sinabi nito sapagkat para silang kape at gatas. Though, pogi ang kuya niya pero magkaiba ang hitsura nila. Nagmana kasi ito sa daddy nila na kayumanggi ang kulay ng balat, samantalang siya ay sa mommy nila na maputi.
"Hayaan mo na, Kuya. Womanizer ka naman kaya't makakahanap ka rin ng bago," she chuckled at her own joke, saka pabirong piningot ang matangos nitong ilong.
Gumanti naman ito sa ginawa niya kaya't tatawa-tawa siyang lumayo rito at pinaghahampas ito sa braso. Sa unang tingin ng mga hindi nakakakilala sa kanila ay tiyak na mapagkakamalan silang mag-syota na sweet sa isa't-isa.
Mayamaya pa'y nagulat na lamang siya nang pagbaling niya ng tingin ay mamataan niya ang isang taong mag-isang kumakain doon—si Sten. Nakakunot ang noo nito habang nakatitig sa kanila. Nang mahuli niya'y bigla itong nagbawi at ipinagpatuloy ang sunod-sunod na pagsubo.
'So what kung isipin mong totoong flirt ako,' sa loob-loob niya. 'Hindi ko na kailangan pang itama ang maling akala mo sa pagkatao ko. Hindi ko kailangang magpa-impress sa taong galit sa mundo!' dagdag pa niya sa isip. Hindi niya pa rin makalimutan ang binitiwan nitong mga salita at ang kagaspangan ng pakikitungo nito sa kanya.
———
"SON, KUMUSTA ang pamamahala mo sa kompanya?" tanong ng ama ni Sten na si Edmundo. Kasalukuyan niya itong kausap via Skype. Nasa Amerika ito kasama ang kanilang ina ni Belle. Doon na naninirahan ang mga ito, at ang ama niya ang namamahala sa maliit nilang negosyo roon.
"Okay lang, Dad," tugon niyang minasahe ang kumikirot na sentido. "Kahit papaano'y nagagamay ko na rin. Naisasabay ko sa pagpipinta ang pamamahala ng kompanya." His passion was painting portraits. Kung hindi lang sa pakiusap ng kanyang ama ay hindi niya pagkakaabalahang pamahalaan ang kompanyang hindi naman niya hilig.
"Good to hear that, Son. Pasasaan ba't magiging magaling ka ring negosyante katulad ko," anito.
Umasim ang mukha niya. Never in his entire dreams na seryosohin ang pagpapalago ng negosyo at sumunod sa yapak ng ama. Ang plano niya ay ipasa kay Belle ang pamamahala niyon sa oras na makapagtapos na ito sa kursong Management.
"You should make the Fuentebella Group of Companies soar up high, Son. Iyan ang kompanyang maipamamana mo sa mga anak mo 'pagdating ng panahon."
Tumawa siya nang pagak. "If that happens," mapait niyang wika. Biglang sumagi sa balintataw niya ang ex-girlfriend niyang si Muriel.
"It will happen, Son. You deserve the best. Pasasaan ba't mahahanap mo rin ang babaeng nararapat sa pag-ibig mo at nararapat na maging ina ng mga anak mo." Nahimigan niya ang ngiti sa boses nito na hindi na lamang niya kinontra. Ayaw niyang pahabain ang usapan nilang iyon sapagkat naroon pa rin ang pait sa puso niya sa alaala ng kanyang nakaraan.
Hindi lang naman nagtagal ang pag-uusap nilang iyon dahil may kliyente pa umanong kakatagpuin ang kanyang ama. 'Agad din itong nagpaalam sa kanya.
Napasandal siya sa swivel chair. Magpahanggang-ngayon ay sariwa pa rin sa alaala niya ang kahapong pinagtaksilan siya ni Muriel at ng matalik niyang kaibigan. That was the worst thing that had happened in his life. Gumuho ang mundo niya, pati na rin ang buo niyang pagkatao. Muriel was the epitome of a woman na pinapangarap niyang makasama habang-buhay. Ito ang babaeng gusto niyang pakasalan at maging ina ng kanyang mga anak. Sa katunayan ay nagbabalak na siya noong mag-propose ng kasal dito nang mahuli niya ito sa aktong gumagawa ng kahalayan kasama ang matalik niyang kaibigang si Lyndon.
Tandang-tanda pa niya kung paanong nasira ang pagkakaibigan nila ng kaisa-isang tao na itinuring niya hindi lamang kaibigan, kundi pati na rin isang kapatid. Lyndon was his best friend magmula pa noong high school pa lamang sila. Naging kaklase niya ito, at doon nag-umpisa ang pagkakaibigan nila. All along, he thought na walang sisira sa samahan at pagkakaibigan nilang iyon. Ngunit nagkamali siya, dahil ito rin mismo ang nag-ahas sa kanya.
He clenched his fist upon remembering that past. Kasabay din niyon ay ang paglalaro sa balintataw niya nang pagsusuntukin niya si Lyndon nang mga panahong nahuli niya ito sa condominium unit ni Muriel. Nagdilim ang paningin niya nang mga sandaling iyon. Marahil kung may dala lamang siyang baril ay nabaril na niya ito. Hindi naman ito makaganti sa kanya dahil wala ito ni isang saplot sa katawan, bagkus ay panay lang ang ilag nito. Habang si Muriel naman ay nagtatakbong nagtago sa comfort room ng condo nito.
Matapos ang pangyayaring iyon ay hindi na nagpakita pa si Lyndon sa kanya, pati na rin si Muriel. Hanggang sa nabalitaan na lamang niyang nagsasama na ang dalawa. Wala na siyang nagawa, hinayaan na lamang niya ang mga ito at hindi na siya naghabol pa.
'What's the use of chasing someone who's not worthy to be chased? What's the use of loving someone who's not worthy to be loved?' Iyon ang palagi niyang sinasabi sa isip. Subalit kahit na ganoon ang pilit na idinidikdik niya sa isipan ay hindi pa rin maalis ang pait ng kahapong iyon.
Nagbago siya. He became the man he never was. Ayaw niyang kaawaan ng ibang tao kaya naman naging mabangis siya at naging magaspang ang pakikitungo, lalong-lalo na sa mga babae. Wala na siyang tiwala sa mga ito. He distanced himself from any other woman na alam niyang hindi mapagkakatiwalaan.
Mariin siyang napapikit sa mga alaalang iyon. Ngunit bigla rin siyang napadilat nang pumasok sa diwa niya ang nakangiting mukha ng dalagitang si Eizeleen.
"Bullcrap!" mura niya sabay tutok sa mga papeles ng kompanya. Ngunit kahit ano'ng gawin niya'y hindi siya makapag-concentrate sa ginagawa.
Inis na inihagis niya sa sahig ang mga dokumento. Napabuga siya ng hangin. He couldn't understand, yet he's annoyed every time he sees that Eizeleen Rivera. Magmula nang masaktan siya'y galit na siya sa mga babaeng katulad nito. And worst of all, Eizeleen is the epitome of a woman na may kakayahang magtaksil. He sees her as a flirt-liberated gal who dare plays the heart of every men na kaya nitong paikutin at paibigin sa angkin nitong karisma at kagandahan. That's the way he sees Eizeleen in his judgmental mind—and for that, he hated her so!