Venus POV
"Nasaan ako?" pagmulat ko ng aking mga mata ay gray na kisame kaagad ang bumungad sa paningin ko.
Sandali muna akong nag-isip at pilit na inaalala ang nangyari.
Naglalakad ako sa kalsada at biglang nawalan ng malay. Pero nasaan ako? Kaninong bahay 'to?
Mula sa aking pagkakahiga ay ginalaw ko ang aking katawan para umupo.
Nasaan ang cellphone ko?
Hinanap ko kaagad phone ko dahil ang pagkaalala ko nasa kamay ko iyon, hawak-hawak ko pa bago mawalan ng malay. Wala sa bed side table ng sulyapan ko ito.
Kaagad naman akong napatingin sa pintuan ng bumukas ito at tumambad sa akin ang isang Ginang na may dala-dalang food tray.
"Gising ka na pala, tamang-tama mainit pa ito niluto ko. Kumain ka muna para malagyan man lang ang iyong tiyan."
"Sino po kayo?" Napaatras naman ako dahil hindi ko naman ito kilala.
"Ako ang pinakatitiwalaan sa bahay na ito. Si Sir Allen ang nagdala sa 'yo rito. Kaso wala siya nagmamadali umalis pagkatapos ka niyang ihatid rito, ibinilin ka niya sa akin. Ikinuwento niya rin na wala ka raw malay nang mahagip ka ng kaniyang paningin. Mabuti na lang si Sir Allen ang nakakita sa' yo, hija."
Natahimik na lang ako dahil totoo naman ang sinabi nito. Ma-swerte pa rin ako dahil hindi masamang tao ang nakakita sa akin.
Naalala ko na naman kung bakit ako wala sa sariling naglalakad sa kalsada.
Dahil ang mga taong pinagkatiwalaan ko ay pinagkaisahan ako. Mariin akong napapikit dahilan para mabuo ang aking mga luha sa mga mata na sunod-sunod naman tumulo ng imulat ko ang aking mga mata.
"Bakit ka umiiyak?" tila nataranta naman ang Ginang kaya lumapit sa akin para punasan ang luha ko.
Itinulak ko ito na ikinabigla naman niya. "Aalis na ho ako. Hindi na ako magtatagal rito." bumaba ako sa kama para ayusin ang sarili ko. Ngunit naalala ko ang phone ko kaya itinanong ko iyon sa kaniya.
"Nakita niyo po ba ang phone ko?"
"Wala ka ng cellphone nang dinala ka ni Sir Allen dito. Nasabi niya sa akin na bago ka niya makita ay nakita niyang may kumuha ng cellphone mo habang wala kang malay."
Paano na lang mga pictures namin doon. Kaisa-isang bagay na marami akong ala-ala kay mom nawala pa.
Kahit na anong galit ko sa 'yo mommy, hinding - hindi pa rin mapapalitan ng galit ang pagmamahal ko sa' yo, mom. Kahit alam ko na ngayong hindi mo ako totoong anak.
"Ayos ka lang ba?"
Natigilan ako sa pag-iisip nang magsalita ang Ginang.
"Kumain ka na, hija. Mamaya - maya nandito na si Sir Allen. Gusto ka raw niyang makita at makausap."
"S-salamat pero hindi na po ako magtatagal. Aalis na rin po ako."
Tumayo na ako ng tuluyan sa kama pero pinigilan niya ako. "Kumain ka muna bago ka umalis. Ako na magpapaliwanag kay Sir Allen. Sige na hija. Alam kong gutom ka na." pakiusap nito. Tinitigan ko muna ito ng matagal hanggang sa napagpasyahan kong kumain na rin.
"Meron po ba kayong cellphone?" tanong ko dito.
"Meron hija. Teka lang kukunin ko. Kumain ka muna riyan." Tinalikuran niya ako para kunin siguro ang kaniyang cellphone.
Nang makita ko ang pagkain sa aking harapan ay bigla akong natakam. Hindi ko akalaing lalamtakan ko iyon at bago pa bumalik ang babae ay ubos ko na iyon.
Nang makapasok ito ay kaagad siyang napatingin sa food tray. Bigla akong nahiya dahil naubos ko ang pagkain doon.
Maya maya pa ay napa-burp ako kaya medyo natawa ang Ginang sa akin at napailing na lang.
"Sabi ko na nga ba gutom ka na eh!" iiling-iling na sabi nito habang nakangiti na iniabot sa akin ang kaniyang cellphone.
Napayuko na lang ako pagkatapos dahil sa kahihiyan.
Hindi ko naman alam kung sino ang tatawagan ko kaya ilang minuto kong tinitigan ang kaniyang cellphone.
" Meron ka bang tatawagan?" untag sa akin ng Ginang.
"Hindi ko po alam kung sino ang tatawagan ko." malungkot na sabi ko.
Hindi ko nga pala memorize ang number ni Cheska. Siya sana ang tatawagan ko. Makiusap muna sana ako sa kaniya na doon na muna ako sa kanila matutulog kahit isa o dalawang gabi lang.
"Saan ka ba nakatira, hija? Paniguradong ihahatid ka ni Sir Allen sa bahay mo."
Napailing ako. Tumulo na lang ang luha ko nang maisip kong wala na akong mauuwian. Wala na rin akong pamilya. Para akong aso na palaboy-laboy na lang sa kalsada. Walang pamilya na nag-aalala.
"I'm sorry, hija. I'm sorry, meron ba akong masamang nasabi na ikinaiyak mo?" Niyakap niya ako kaya't niyakap ko rin ito habang nakapikit ako feeling ko kayakap ko si mommy.
"W-wala na ho akong pamilya." tuluyan akong napahikbi sa bisig niya. Hinaplos niya naman ang likod ko kaya mas lalo kong na-miss si mommy. Ganito ang ginagawa niya tuwing malungkot ako.
Hindi ko magawang magalit sa kaniya kahit and dami niyang inilihim sa akin. Mas lalo ko pa nga siyang na-miss dahil gusto kong siya mismo ang magsasabi at magpapaliwanag sa akin na hindi niya ako tunay na anak. Tatanggapin ko iyon pero wala na, wala ng magsasabi no'n sa akin dahil wala na siya.
"Sssh... tahan na hija. Huwag ka ng umiyak. Puwede naman natin pakiusapan si Sir Allen na dito ka muna kung wala kang mauuwian. Mabait naman si Sir Allen sigurado akong papayag iyon."
"Salamat po."
Pareho kaming humiwalay sa isa't-isa nang maramdaman kong may nag-vibrate sa kaniyang bulsa.
Isang beeper ang inilabas nito mula sa bulsa.
"Ay! Si Sir. Nandito na siya. Pupuntahan ko muna si Sir Allen dito ka lang muna hija. Sigurado akong pupuntahan ka niya dito mamaya maya." paalam nito.
Tumango na lamang ako tsaka pinagmasdan ang kaniyang likuran. Tanaw ko ang kaniyang paglabas sa pintuan.
Dahil curious ako ay sinundan ko na lang ito palabas. Dahan-dahan akong naglakad hanggang sa marating ko ang hagdanan.
Dahan-dahan rin akong bumaba para hindi nila marinig ang mga hakbang ko.
Nakita kong sinalubong ng Ginang sa sala ang lalaking kararating lang. Natigilan ako sa paghakbang ng aking mga paa at tinitigan ang mukha ng lalaki.
Ngunit napaatras ako nang makitang hindi lang ito nag-iisa kun 'di may kasama at nakasunod lang ito sa likuran. Nanlaki ang mga mata ko nang makilala kung sino ang lalaking kasama pa nito. Hinding-hindi ako magkakamali, si Kuya Marco iyon.
Anong ginagawa niya dito?
"Manang, gising na ba ang babae?" narinig kong tanong ng lalaking kararating lang.
"Ay oho, Sir Allen. Nasa kwarto iniwan ko muna."
"Kung gano'n pababain niyo muna rito Manang. Gusto ko siyang makausap." utos nito.
Tinakpan ko ang aking bibig dahil hindi ko alam kung ano ang gagawin. Kung tatakbo na lang ba ako pataaas o magtatago na lang ako dito. Makikita rin naman ako ng Ginang kapag aakyat na ito.
"Sinong babae?" narinig ko ang boses ni kuya Marco.
Bakit sa dinami-raming makakakita sa akin, bakit kaibigan pa niya? Bakit kakilala pa ni kuya Marco?
"Nakita ko siya kagabi sa tabi ng kalsada walang malay." sagot nito.
Mariin ko pa rin tinatakpan ang bibig ko. Ayaw kong makagawa ng ingay dahil makikita nila ako.
"Paano kung nagkukunwari lang ang babaeng 'yon? Baka mamaya magnanakaw ang babaeng' yon?" kumunot kaagad ang noo ko sa narinig mula sa fake brother ko.
Gusto ko itong sugurin at sampalin pero hindi ko ginawa.
"Sa tingin ko hindi naman. Napakaamo nga ng kaniyang mukha, bata pa at napakaganda."
Kagat labi ako pagkatapos kong marinig ang komento ng isang lalaki. Siya siguro si Allen, ang sinasabi ng Ginang kanina.
"Kahit na, mag-iingat ka pa rin. Alam mo naman ngayon, karamihan sa maamo ang mukha mga manloloko. Speaking of manloloko. Kailangan ko ng umalis may hinahanap pa akong babaeng sakit sa ulo."
"Sinong babae naman 'yan?"
Isang minuto siguro bago sinagot iyon ni Kuya Marco.
"My fake little sister. I need to find her. For some reason."
Napalunok ako nang marinig iyon.
Bakit pa niya ako hinahanap?
Unti-unti kong inihakbang ang mga paa ko paakyat habang nakayuko para hindi nila ako makita. Kailangan ko ng umakyat para makapagtago. Kung kina-kailangang dadaan ako sa bintana gagawin ko. Huwag lang ako makita ng fake brother kong masama ang ugali. Hindi ko nga alam kung paano siya naging anak ni mommy? Saan niya namana ang kasamaan ng kaniyang budhi.
Dahil sa pagmamadali ko ay hindi ko napansin ang isang malaking flower vase at natabig ko iyon kaya't gumulong ito pababa. Nanlaki ang mga mata ko ng makita ang pagkabasag nito ng bumagsak sa sahig.
"Ano 'yon?" narinig kong sabay na pagsambit ni Kuya Marco at ang may-ari ng bahay na ito.
"Manang, pakitingnan kung ano yung nabasag?" narinig kong utos ng lalaki kaya hindi na ako nagsayang pa ng segundo kun' di tumakbo ako at pumasok sa ibang kwarto. Hindi ito ang kwarto na pinagdalhan nila sa akin.
Nanatili lang ako malapit sa pintuan. Pinapakinggan ang mga hakbang papasok sa kwarto na kinaroroonan ko kanina. Binuksan ko ng kaunti ang pintuan para mas lalo ko silang marinig.
"Manang, where is she?" narinig kong tanong ng lalaki. Alam kong ako ang tinutukoy nito.
"Nandito lang siya kanina Sir Allen. Baka sumunod siya sa akin kanina paglabas ko." sagot ng Ginang.
Habang nasa loob pa sila ng kwarto ay tuluyan na akong lumabas at dahan-dahan na inihakbang ang mga paa para hindi nila ako marinig. Nakahinga ako ng maluwag nang marating ko ang hagdanan na hindi nila nakikita.
Hanggang sa marating ko ang pintuan. Mabuti na lang wala ng ibang nagbabantay pa roon.
Hanggang sa tuluyan akong makalabas sa malaking gate.
Ngayon hindi ko na alam kung saan ako pupunta?
Naglalakad na naman ako na parang wala sa sarili. Walang bahay na mauuwian at walang pera, lalong - lalo na walang pamilya.
Kasabay ng luha ko ang pagbagsak ng malakas na ulan.
Himas - himas ko ang aking tiyan habang naglalakad sa gitna ng ulan.
Nadaanan ko ang mga taong nakatira sa gilid ng kalsada. Napatigil ako sa paglalakad at gumilid muna para sumilong.
Kamalas-malasan naman dahil may dumaang malaking truck at dahil basa at maputik ang daan ay nagtalsikan ang nga ito sa kinaroroonan ko.
Napahilamos ako ng putik ng wala sa oras. Ang damit ko ay napuno rin ng putik. Sinulyapan ko ang pamilya na nakatira sa tabi ng kalsada.
Masaya sila kahit pa ganito lang ang kanilang tinitirhan. Masaya sila kahit pa napuputikan na ang kanilang hinihigaan.
"Ate, dito po kayo umupo oh. Mababasa po kayo diyan." Lumapit sa akin ang isang batang babae na madungis. May mga uling rin sa mukha nito at maging sa kaniyang suot na damit.
"S-salamat pero okay na ako rito." tanggi ko. Kapag uupo ako roon sa ginawa nilang bahay-bahayan ay kailangan may magpapaulan dahil maliit lang naman iyong kanilang masisilungan.
"Ayos lang po ate. Maliligo rin po ako sa ulan kaya doon po muna kayo sumilong." pamimilit nito.
"S-salamat ah."
"Walang ano man po yun. Pasensyahan niyo na po ang aming munting tahanan."
Napangiti na lang ako. "Ayos lang iyon, atleast magkakasama kayo. Buo ang pamilya niyo. Ako kasi wala ng pamilya kaya ang swerte mo pa rin dahil nariyan ang mga magulang mo."
"Kawawa naman po pala kayo. Huwag po kayong mag-alala dito sa aming munting tahanan pwede kayo rito tumambay."
"Salamat, anong pangalan mo?"
"Diday po."
"Ah, salamat Diday."