By: Michael Juha
Fb: Michael Juha Full
----------------------
Kinabukasan sa loob ng classroom, isuot ko na sana ang tagpi-tagpi kong uniporme bago magsimula ang klase. Ngunit Bago ko pa man magawa ito, nakita ko ang isang karton na nakalagay sa gilid ng aking desk. Kinuha ko ito at binuksan. Laking gulat ko nang makitang ang laman: knapsack na itim na may stripe sa gilid na dilaw at asul, at puting polo na may naka-bordang pangalan ko. Puro bago. “Wow!” Ang sigaw ko sa aking sarili.
Nang nilingon ko ang upuan ni Emily ay hindi ko siya makita. Marahil ay nagtungo siya sa CR kaya ang ginawa ko ay isinuot ko na ang bagong uniporme. At ang aking mga gamit ay inilagay ko sa bagong knapsack. Nang matapos ay kinapa ko ang ilalim ng aking desk. May tinapay ring dala si Emily. Hinugot ko ang plastic at tinanggal ang ballot nito. Ngunit laking tuwa ko dahil isang box ito na may anim na laman na empanada. Tapos may nakalagay ring dalawang juice na de-bote. Kinuha ko ang dalawang empanada at kinain. Ininom ko rin ang isang bote ng juice.
Nasa upuan na niya si Emily nang matapos akong kumain. Nginitian ko na lang siya dahil naroon na rin ang aming guro at nagsimula na ang klase.
Breaktime. Mangiyak-ngiyak na nilapitan ako ni Emily. “Tim... sorry talaga dahil iyong pinaglumaan ng kuya na uniporme niya at knapsak ay naipamigay na pala nina mama kasama ang iba pang mga lumang damit namin sa mga biktima ng nagdaang bagyo. Kaya na-late ako kanina kasi akala ko ay naroon pa ang damit ng kuya, hinahanap ko nang hinahanap. Saka ko lang nalaman na wala na pala. Kainis,” ang paliwanag ni Emily.
Nagulat ako sa aking narinig. Halos matameme. “Eh... k-kaninong uniporme pala itong suot ko? At may knapsack pang kasama at inilagay sa ibaba ng desk ko?”
“M-may nagbigay sa iyo?” ang gulat ding tanong ni Emily.
“Hindi ko alam kung bigay iyan sa akin o napagkamalan ko lang eh. Akala ko kasi ay sa iyo.” Dali-dali kong tinanggal ang polo.
“Para sa iyo iyan ah!” ang giit ni Emily. “May borda kasi ng pangalan mo ang polo!”
“Pero bakit sabi mo hindi galing sa iyo?”
“Baka ibang estudyante ang nagbigay.”
“Tsk. Hindi… Dapat ay kung para sa akin ito ay ibigay sa aking nang maayos. Hindi kagaya nito. Nakakahiya,” ang sabi ko. Tinanggal ko rin ang mga gamit kong nasa loob na ng bagong knapsak.
Ilalagay ko na sana ang mga iyon pabalik sa loob ng karton nang may nagsalita, “Ako ang nagbigay niyan.” Si John.
Saglit akong nahinto at napatitig sa kanya, at bigla ko ring sinagot “No. Hindi ko matatanggap iyan, John.” Itinuloy ko sa pagbalik sa karton ang uniporme at ang knapsack.
“Sa iyo na iyan. Kung ayaw mong tanggapin iyan, susunugin ko iyan,” ang pagbabanta niya.
“No. Salamat na lang. Pero hindi ko talaga matanggap iyan. Pasensya na,” ang pagmamatigas ko.
“Bakit? Dahil iniisip mong ako ang sumira sa mga gamit mo kahapon?”
Doon na tumaas ang boses ko. Tumayo ako. “Oo! Ikaw ang number one suspect! Kaya hindi ako puwedeng tumanggap ng ganyan mula sa iyo.”
“Bakit?” ang mataas ding boses na sagot niya sabay tayo. Nausog ang kanyang desk at upuan at gumawa ang mga ito ng ingay, dahilan upang magtinginan ang buong klase sa amin.
“Anong bakit? Gago ka ba? ‘Di ka ba nakakaintindi?” ang sigaw ko.
“Tama ka. Hindi ako nakakaintindi. At talagang hindi kita maintindihan. Presidente ka eh. Matalino at mataas ang pride. Pero tatanungin kita...” idiniin niya ang kanyang hintuturo sa aking ulo “...dito ba sa isip mo ay ako talaga ang iyong suspect?” tapos ibinaba naman niya ang kanyang hintuturo at idiniin iyon sa aking dibdib, “...dito ba sa puso mo ay ako rin ang itinuturong suspect? Sasadyain ko bang sirain ang mga gamit mo upang bibilhan kita ng bago? Ganyan ba kababa ang iyong pagtingin sa akin?” ang sambit niya.
Doon ako mistulang sinabuyan ng malamig na tubig. Sa totoo lang, hindi rin ako halos makatulog sa buong magdamag sa kaiisip kung siya nga ba talaga ang gumawa noon. Sa tingin ko kasi sa pagkato niya, bagamat basagulero siya, hindi siya iyong tipong gagawa ng hindi maganda sa patalikod. Siya iyong tipo na haharapin ka kapag may galit siya sa iyo, kahit na magsuntukan pa o magpatayan. Subalit bago lang siya, at hindi ko talaga siya kilala.
Mistulang naghilaan ang oo at hindi sa aking isip. “S-sorry pare... ngunit hanggang hindi lumabas ang katotohanang hindi nga ikaw ang gumawa noon, hindi ako makikipag-usap sa iyo tungkol d’yan.” Inilatag ko ang karton sa ibabaw ng desk niya. Muli akong umupo.
Umupo na rin siya. “Okay, fine. Pag-isipan mong mabuti. Kapag sa buong araw na ito ay hindi mo siya tatanggapin, susunugin ko siya dito mismo sa silid-aralan natin,” ang pananakot niya uli.
“Bahala ka ah! Pera mo naman ang ipinagbili mo niyan. May karapatang kang gawin kung ano man ang gusto mo para d’yan.”
“Ah... tama na iyan! Tama na iyan!” ang pagsingit ni Emily. Ang paglihis ni Emily sa usapan. “Ay... oo nga pala, Tim! Muntik ko nang malimutan.” Tumakbo siya patungo sa kanyang upuan at may kinuha sa ilalim ng desk.
“Ang alin?” ang tanong ko.
“Itong tinapay mo! Sensya na late ako!” ang sagot ni Emily na hawak-hawak sa kamay ang supot ng tinapay at dali-dali ring bumalik sa aking kinauupuan.
Doon na naman ako nagulat. Napatingin ako kay John. “I-ikaw ang nagbigay ng empanada?” ang galit kong tanong.
Tinitigan ako ni John. Iyong titig na nanggalaiti. “Oo. At akin na nga rin iyan!” ang bulalas niya sabay abot sa box ng empanada sa ilalim ng aking desk. Kahit nakaharang ang desk niya at upuan ko, pinilit talaga niyang abutin iyon. Ang kanyang katawan ay halos nakapatong na sa kanyang desk. Nang mahawakan ang plastic, biglang hinablot niya ang pagkain at inilagay sa ilalim ng kanyang desk. Pagkatapos ay natahimik. Nanatili siyang naka-upo, hindi gumalaw, hindi umimik. Nakasimangot at nakatutok ang mga mata sa blackboard na parang walang ibang taong nakita sa kanyang paligid.
Nagkatinginan kami ni Emily. Napangiwi ang kanyang bibig. “T-tara... s-sa canteen na lang tayo kumain,” ang sabi niyang mistulang may kinatatakutan.
Kaya sumaglit na lang kami sa canteen upang kainin ang dala niyang tinapay.
15 minutos bago magsimula ang unang klase namin sa hapon. Habang nakaupo lang ako sa aking puwesto, sumugod naman sina Joy, Jeff, Tony, at Fe sa aking puwesto. Pati ang iba pang mga officers ay pumalibot din. “Tok! Alam na namin kung sino ang salarin!” ang sambit ni Jeff.
“Ha? Alam niyo na? Sa meeting room na tayo mag-usap?” ang mungkahi ko. Baka kasi sensitive ang kanlang nadiskubre at hindi maganda kung marinig ng iba, lalo na kay John na nasa likuran ko lang.
“Dito na. Okay lang,” ang pagtiyak ni Joy na lumingon pa kay John. Ngumiti, kumaway, at sumingit pa talaga ng pagbati. “Hi!”
Nang tingnan ko si John, kumaway din siya kay Joy ngunit iyong dry ang facial expression na parang kaway-respeto lang. Tila gusto kong matawa. Alam kong naiinis pa siya sa akin.
Ibinaling kong muli ang aking atensyon sa committee. “O-okay… So, sino?”
“May nakakita sa buong pangyayari at na-videohan pa niya nang lihim ang lahat. Ang may pakana ay ang Class President ng kabilang section na si Enchong. Natandaan mo last year nang may inter-section academic contest tayo? Sa contest natin na iyo ay naka-tie natin ang kabilang section sa first place? Tapos, dahil ang rules ng contest ay i-break ang tie, at kayong mga class presidents ang mag break nito, binigyan kayo ng limang questions sa general information at nasagot mo lahat ang tanong samantalang ang class president ng kabilang section ay isa lang ang tamang sagot! Malaki pala ang himotok niya sa iyo kasi raw, ang ipinapalabas niya ay nag cheat ka. May nagbigay daw sa iyo in advance ng mga questions bago ang face-off ninyo kung kaya ay naperfect mo ang mga sagot,” ang paliwanag ni Jeff.
“Waaaah! Sobra naman iyon. Halos hindi nga ako natutulog noon sa kaka-research tapos nag-cheat pala ako?”
“Iyan ang nasa isip niya kung kaya ay galit na galit siya sa iyo,” ang sambit naman ni Fe. “Hindi niya matanggap.”
“Hindi na lang aminin na talo talaga sila, ano?” ang sambit ko.
“Naman! Mahilig sigurong mag-chaeat iyan kaya akala niya ay ganoon ka rin, Tok!” ang sagot ni Fe.
“A-ano ang recomendasyon ninyo para sa next move natin?” ang tanong ko.
“Si Tony ang maghandle sa video, nakopya na niya. Si Fe naman ang bahala sa report. I-review ko ito bukas at kapag okay na, need na lang pirmahan natin para i-forward sa Principal para magawan ng formal na imbestigasyon at mapanagot iyan siya sa kanyang ginawa,” ang pag-explain ni Joy. “See? Tama ang hinala ko, ‘di ba?” ang pahabol ni Joy sabay kindat naman sa akin. Kinindatan din niya si John. Nang tiningnan ko si John, nakangiti na siya kay Joy at kumaway pa!
Nang ibinaling ni John ang tingin niya sa akin, binura niya ang kanyang ngiti at sumimangot. Dali-daling ibinaling ko ang aking paningin sa grupo.
“Inspired ah! Dahil kay Hang?” ang pagsingit ni Tony.
Tawanan ang lahat.
“Okay good job sa inyo! I’m proud sa teamwork ninyo!” ang pagpuri ko sa kanila.
“Kami pa! Basta ikaw ang leader, Tok... full support kami sa iyo – ever!” ang sabi ni Jeff.
“O sya magsimula na ang klase. Thank you very much sa accomplished mission!” ang sambit kong nakangiti habang sila naman ay bumalik na sa kanya-kanyang mga upuan.
Hinintay na lang namin na pumasok ang guro sa silid-aralan nang naramdaman ko naman na may kumalabit sa aking likod. Nang nilingon ko, si John at hawak-hawak niya ang karton kung saan niya inilagay ang uniporme at knapsack na ibibigay niya sana sa akin. Nakangiti na siya. Iyon ang pinakaunang ngiti na nakita ko sa kanyang mga labi. Ramdam kong taos-puso ang ngiti niyang iyon.
Ngunit may isang bahagi ng aking utak na nagmamatigas pa rin. “Sorry pare... hindi ko matanggap iyan. Salamat na lang.”
“Ang labo mo naman. Sabi mo kapag nalaman mong hindi ako ang sumira sa mga gamit mo ay tatanggapin mo na ang bigay ko sa iyo. Wala kang isang salita!”
“Wala akong sinabing ganyan!”
“Sinabi mo iyan!”
“Hindi!”
“Sinabi mo!”
“Hindi. At kung sinabi ko man iyan, hindi ko pa rin matatanggap iyan dahil wala akong tiwala sa iyo!”
Hindi na umimik si John. Hanggang sa natapos ang huling subject namin sa araw na iyon ay wala siyang imik. Nang magsimula nang magsilabasan ang mga estudyante, napansin ko si John na binitbit ang kahon na ibibigay sana niya sa akin at inilatag ito sa gilid ng silid aralan. Pagkatapos ay hinugot niya mula sa kanyang bulsa ang lighter at sinindihan ang karton.
Nagsimula nang umapoy ang karton nang dali-dali ko itong hinablot at idiniin sa sementong dingding ang nag-aapoy nang parte ng karton hanggang sa namatay ang apoy.
“Gago ka ba? Gusto mo bang masunog itong eskuwelahan natin?” ang sigaw ko kay John, hawak-hawak ko pa rin ang karton.
“OA mo naman. Paano masunog iyan, puro kaya semento itong building. Isa pa, alam ko namang hindi mo papayagang masunog iyan eh,” sabay turo sa karton.
Lalo akong nag-init ang aking tainga sa narinig. Bigla kong ibinato ang karton sa harap niya.
“Susunugin ko uli iyan kapag hindi mo tinanggap,” ang pananakot ni John.
Nakita kong nagsilapitan na sa amin ang mga ka-klase ko. Pumagitna naman ang ibang officers. “Tama na iyan pre,” ang sabi ni Jeff at Tony.
Nakita ko namang pinulot ni Joy ang karton at lumapit siya kay John. “Okay, okay... kaming mga officers na ang bahala rito Hang... este John ha? Kami na ang magbibigay nito kay Timmy, okay ba?” at baling niya kay Emily, “Hawakan mo muna Emily, samahan ko si John sa labas,” sabay abresiete kay John at bumulong kay Emily, “Para lumamig ang ulo. Sa ganda ko ba namang ito… Kainis!”
Napangiti naman si Emily at ibang mga officers na nakarinig. Tinanggap ni Emily ang karton. “Sige Sis, gamitan mo ng ganda-power mo,” ang sagot ni Emily.
Sumama si John kay Joy. Nang nasa pintuan na sila, lumingon pa si Joy sa amin, binitiwan ang isang nakakalokang ngiti. Iyong ngiti na nang-iinggit. Kumindat.
“Tok... tanggapin mo na lang itong bigay ni John. Para wala nang gulo. Para matahimik na siya,” ang sambit ni Tony na sinegundahan naman ng iba pang mga officers.
Hindi ako umimik. Nanatili akong nakasimangot, inayos ko ang aking mga gamit at tuloy-tuloy na sa paglabas ng classroom. Sinabayan naman ako ng mga officers. Si Emily ang nagdala ng karton.
“Tanggapin mo na ang uniporme, Tok, okay. Wala naman sigurong masamang hangarin iyong tao sa iyo. Heto pala, gamitin mo muna ang bag ko,” ang sambit ni Emily nang kami na lang dalawa ang naiwan sa may gate ng school.
“Huwag na Emily. Sobrang perwisyo na ang ibinigay ko sa iyo. Nakakahiya na.”
“Ito naman. Ngayon ka lang ba mahihiya sa akin? Kailangan mo ng bag, Tok dahil malayo ang lalakarin mo, bukid pa iyon samantalang ako, makakasakay na ng tricycle at wala pang limang minuto ay nasa bahay na. Sige na tanggapin mo na,” sabayabay tanggal sa mga gamit niya sa bag at nang wala na itong laman ay iniabot iyon sa akin.
Nagdadalawang-isip man, tinanggap ko na rin ang alok ni Emily. Tinulungan niya akong ipasok ang mga gamit ko sa bag niya. Nang naipasok na ang mga gamit ko roon, binuksan niya ang karton na dala-dala rin niya. Tinanggal niya ang laman noon at ipinasok rin iyon sa bag.
“Woi! Ba’t mo ipinasok iyan?” ang tanong ko.
Tiningnan ako ni Emily. Ang mga mata ay nakikiusap. “Tok... ibaba mo naman paminsan-minsan ang pride mo. Presidente ka Tok, dapat ikaw ang magpakita sa amin ng mga values ng pagpakumbaba, pasensya, respeto, pang-unawa, kagandahang-loob, pakikipagkaisa sa mga kasama, pakikipagkaibigan, mga ganyang values. Mataas ang respeto namin sa iyo Tok. Hindi ka naman ganyan dati eh. Hindi ka ganyan sa mga estudyante at sa ibang tao. Kaya, please... ipakita mong hindi ka nagbago, okay? Gustong tumulong noong tao sa iyo. Buksan mo ang puso mo,” ang mahinahong sabi ni Emily.
Mistulang nag-freeze ang aking dila sa mga sinabing iyon ni Emily. Hindi ako makapagsalita. Para rin akong sinampal ng maraming beses.
“O hayan,” ang sambit ni Emily nang tuluyan na niyang naipasok ang lahat ng gamit ko pati na ang bagong uniporme at tinupi na knapsack na bigay ni John.
Binitiwan ko ang isang ngiting hilaw. “Para sa iyo, tatanggapin ko ang mga bagay na bigay ni John,” ang sambit ko.
“Yeheey!” ang sambit ni Emily. “O sya, aalis na ako. Ingat ka sa paglalakad mo pauwi, Tok,” ang sabi ni Emily.
“S-sige. Bye... Ingat ka rin!” ang sagot ko.
Nang napadaan ako sa basketball court, nakita kong naroon si John, naglalaro ng basketball. Eksakto namang nang tiningnan ko siya ay nagkasalubong ang aming mga tingin. Nilay-up niya ang bola, marahil ay pagpapakitang gilas. Eksakto namang pina-foul siya ng kalaban. Pareho silang bumagsak sa court. Ngunit tatayo na sana siya ay, ngumiwi na ang kanyang mukha. Nahirpang tumayo at nang nagpumilit ay hayun, paika-ika na.
Napangiti na lang ako sa sarili. “Ang yabang kasi,” bulong ko sa sarili.
Bago ako dumiretso ng bahay, naghanap muna ako ng ka-deal upang bumili ng mga manok na dadalhin ko kinabukasan. Naalala ko kasing matagal nang walang gamot ang inay at kailangan ko na uling bumili. At kapag may sobra pa sa pera, ibibili ko naman ito ng uniporme at bag.
Kinabukasan, med’yo late si John sa klase. Halata ang kanyang paika-ikang paglalakad habang pumasok ng classroom. Nang makita niyang nakatingin ako sa kanya, pinilit niyang maglakad nang maayos. Ngunit kitang-kita ko pa rin ang pagngiwi ng kanyang mukha na halatang nasasaktan pa rin.
Ibinaling ko na lang ang aking paningin sa harap ng klase.
Akala ko ay matatapos ang araw namin nang walang eksena si John. Ngunit nang huling subject na namin kung saan ay ang aming teacher-adviser ang aming guro, nakarating din pala sa kanya ang ginawang paninigarilyo ni John sa loob ng classroom pati na ang tangka niyang pagsunog sa karton sa loob ng klase.
“I have already told you that if you violate rules in this class again, you have to face a harsher punishment. Alam mo na siguro kung sino ka, STAND UP!” ang sigaw ni Mr. Cervantes na ang boses ay tila isang malakas na kulog at halos makikita namin ang usok sa kanyang mga mata na pakiwari ko ay nagbabaga sa matinding galit.
Tumayo si John. Walang imik na tiningnan lang si Mr. Cervantes.
Sa pagkakita kong tumayo si John ay tumayo rin ako. May tila sundot sa aking konsiyensya ang kanyang pag-amin. Alam kong bahagi rin ako sa sisi.
“Sir, if you may allow, let me explain that I am partly to blame because I had been remiss in my responsibility as a leader. I did not find time to orient him regarding the rules of this class. Also, that burning of the box inside the room was my fault…”
“Mr. Timmy Suarez, smoking inside the room is not a classroom policy. It is the whole school’s policy. Ang laki ng ‘No Smoking Inside the Building’ sign sa labas ng building, hindi niya nababasa? Doesn’t he know how to read? Ano iyan, bata? And about that box which he wanted to give you, yes, that is personal between you. Pero ano ba kayo? Magsyota ba kayo na kapag nag-aaway ay nagiging irrational? Ba’t ayaw mong tanggapin ang ibinigay niya kung bukas naman sa kalooban niya ang pagbibigay?” ang sambit ng professor. At baling kay John, “At ikaw naman, ganyan mo ba talaga kamahal itong si Timmy na patay na patay kang bigyan siya ng uniporme at bag?” ang sarkastikong sabi ni Mr. Cervantes.
Ramdam ko naman ang pigil na pagtatawa ng aking mga ka-klase. Ngunit ako ay nakaramdam ng pagkainsulto. Pakiwari ko ay nag-init at namula ang aking mukha at tainga. Yumuko na lang ako.
“And yes, you are remiss in your responsibility for not telling this to me, Timmy. What went wrong? I trusted you so much!”
Natameme ako sa sinabing iyon ni Mr. Cervantes. Kaya ang naisagot ko na lang ay, “I’m sorry Sir...”
“Don’t do it again Timmy or else I will lose my trust and respect for you!”
“Yes, Sir. I promise.”
“Now, for your punishment, Mr. Johnny Iglesias, give me 10 rounds at the track and field. I want you to finish it today!” Napatingin ako kay John. Ang isang round kasi sa oval na iyon ay 800 meters at kung 10 rounds ay bale 8 kilometers ang tatakbuhin niya!
Tumaas ng kamay si Joy. “Isn’t it too harsh, Sir?” ang pag-angal niya. “Ang paa niya po ay may spr---”
Hindi na naituloy ni Joy ang sasabihin gawa ng pagputol ni Mr. Cervantes sa kanyang sinabi. “No punishment is too harsh for someone who doesn’t learn his lesson,” ang sagot ni Mr. Cervantes. At baling sa akin. “And for you, stay with him.” Turo niya kay John. “You have to keep a close eye on him and see to it that he completes the 10 rounds I required. Don’t leave him until he is done. As a leader you should be responsible for your members. Do you understand?”
“Yes Sir!” ang sagot ko na lang.
“Now MOVE!!!” ang pagsigaw niya uli.
Agad kaming lumabas. Nagmmadali kami hanggang maabot namin ang oval. Nang naroon na kami ay agad na nagsimula si John. Naupo ako sa isang gilid. Mas lalo pa akong nainis sa kanya. Sa araw na iyon ay bibili sana ako ng gamot ng inay, uniporme, at bag ko. Sinira niya ang plano ko.
Patuloy lang sa pagtakbo si John, pansin ko ang paika-ika niyang pagtakbo. Kapag dumaan sa tabi kung saan ako naupo, hindi siya lumilingon sa akin.
Kitang kita ko ang unti-unting panghihina ni John lalo na nang nakaabot na siya ng limang round. Tila naawa naman ako sa kanya. Tumayo ako at sinabayan siya sa pagtakbo. “Ako na ang tatapos sa natirang limang round!” ang sambit ko sa kanya.
Ngunit hindi siya nakinig. Patuloy pa rin siya sa pagtakbo. Ngunit itinuloy ko pa rin ang pagtakbo. Nang nakabuo na ako ng mahigit isang round, naabutan ko siya. “Magpahinga ka na!” ang sambit ko.
“Huwag ka ngang umepal! Punishment ko to, ba’t ka nakisawsaw?”
“Gago ka ba?! Lalala iyang paa mo!” ang sagot ko.
“Wala kang pakialam!”
“At gusto mo naman dahil ako na naman ang masisisi sa katarantaduhan mo? At kokonsyensyahin mo ako na mapuputol na ang paa mo dahil hindi kita inawat? Dahil isinumbong kita kaya ka naparusahan ka at kaya iyang paa mo ay lumala? Ganyan ba?”
“Dami mo namang satsat.”
Huminto ako at hinarangan siya. “Pare, hindi ako papayag na lalala ang kalagayan mo. May pilay ka sa paa. Nakita kitang bumagsak sa basketbolan kahapon. Aminin mo.”
Ngunit itinulak niya ako. “Huwag mo nga akong pakialaman! Punishment ko ito at ayokong tulungang mo ako! Wala akong tiwala sa iyo!” ang sagot niya. Nahinto ako sa sinabi niyang iyon. Naalala kong sinabi ko rin iyon sa kanya, “Wala akong tiwala sa iyo!”
“Hindi kita papayagang tumakbo! Magsuntukan muna tayo bago ka tumakbo,” ang sambit ko.
Ngunit tumakbo pa rin siya. Pinakawalan ko ang isang suntok sa kanyang braso, sinadya kong hindi lakasan dahil alam kong pagod siya. Hindi pa rin siya huminto. Sinuntok ko ang kanyang likod. Ganoon pa rin. Dahil sa galit ko na hindi pa rin siya huminto, sinipa ko nang malakas ang kanyang likuran dahilan upang masubsob siya sa lupa. Tumayo siyang muli. Nang susuntukin ko na naman sana siya, doon na niya pinakawalan ang dalawang malalakas at magkasunod na suntok. Tumama ang mga ito sa aking mukha. Ang isa ay sa aking ilong at bibig at ang isa naman ay sa aking mata. At naramdaman ko na lang ang pag-ikot ng aking paligid. Natumba ako.
Hilong-hilo ako na halos hindi ako makatayo. Nang iabot niya ang kanyang kamay upang batakin ako at makatayo, tinanggap ko ito.
“S-sorry,” ang sambit niya.
Hindi ko sinagot ang kanyang sorry. Itinuloy ko ang aking pagtakbo. Nang hinipo ko ang aking ilong at bibig, nakita ko sa aking mga kamay ang dugo. Pumutok pala ito ang aking ilong at bibig sa lakas ng suntok niya. Itinuloy ko pa rin ang pagtakbo, hinayaan lang ang dugo sa aking ilong at bibig.
Nang nilingon ko si John sa kanyang kinaroroonan, hindi ko na nakita pa ito. Itinuloy ko na lang ang pagtakbo hanggang sa nabuo ko rin ang limang rounds. Hindi naman ako masyadong napagod. Sanay kasi ako sa pagtatakbo sa bukid. Minsan kapag mali-late na ako sa klase, tinatakbo ko pababa mula sa aming bahay. Minsan din pag-uwi ko galing sa eskuwelahan lalo na kapag malapit nang gumabi, tinatakbo ko rin ang paakyat.
Nang akmang aalis na ako, nakita ko si John na nasa isang kanto lang pala. Hinarangan niya ako, dala-dala ang yelo na nakasilid sa plastic. Nilapitan niya ako. Huminto ako. Walang imikan. Walang nagsasalita. Hinawakan niya ang aking baba at inusisa ang aking tama sa mukha. Pagkatapos, binalot niya sa kanyang panyo ang yelo at inilapat iyon sa aking bibig at ilong, Hinawakan ko iyon habang ang isang balot naman ng ice ay diretsong itinilapat niya sa aking mata na natamaan din. Hinayaan ko lang siya sa kanyang ginawa. Ako ang naghawak sa yelo na nakadampi sa aking ilong at bibig, siya naman ang humawak sa yelo sa aking mata.
Nang nakita niyang patuloy pa rin ang pag-agos ng dugo mula sa aking ilong, pinaupo niya ako sa sementong bangko sa ilalim ng grandstand. Tumabi siya sa akin. Hinawakan niya ang aking noo at hinila niya ito patungo sa kanya. Napahiga ako sa kanyang kandungan. Mistula kaming magsing-irog na naglalambingan. Nakatihaya akong nakahiga ako sa bangko at ginawang unan ang kanyang kandungan habang siya naman ay abala sa pagdiin ng ice sa aking mukha.
Nanatili kami sa ganoong posisyon nang may 15 minutos. Wala pa rin kaming imikan. Hanggang sa naalala ko ang inay na naghintay sa akin, at sa gamot na bibilhin ko.
Bumalikwas ako. “Alis na ako,” ang sambit ko.
Tumango siya.
Dumaan muna ako sa botika bago tumuloy sa pag-uwi. Nang nasa bahay na ako, tinanong ako ng aking inay kung bakit may sugat ang aking bibig at namaga ang kanan kong mata. Nag-alibi na lang ako na nagpintura kami sa silid aralan at nabali ang hagdanan kaya nasubsob ako sa mga desks at natamaan ang aking mata, ilong, at bibig.
Kinabukasan, nagulat ang aking mga ka-klase sa nakita sa mukha ko. Halata pa kasi ang sugat sa aking bibig, at klaro na ang black eye sa aking kanang mata. Dahil nauna si John sa akin, nakatingin lang siya habang nakaupo sa kanyang puwesto. Tila isa siyang maamong tupa sa paningin ko sa umagang iyon. Diretso lang ako patungo sa aking upuan sa harapan ng desk niya. Hindi ko siya pinansin. Nang nakaupo na ako, isinuot ko ang aking lumang uniporme na tagpi-tagpi.
Nagsilapitan ang mga ka-klase ko sa akin at ang mga officers. Nakiusyoso kung anong nangyari sa aking mukha. Pero syempre, hindi ko sinabing si John ang may kagagawan nito. Ang alibi ko na lang sa kanila ay nalaglag ako sa kalabaw at nasubsob ang mukha sa malalaking bato.
Nang may napansin naman si Emily. “Bakit ‘di mo isinuot ang polo?” Ang tanong niya.
Tiningnan ko si John. Naroon lang kasi siya sa aking likuran at nakinig sa aming usapan. Nakita kong yumuko siya.
“Malinis pa naman itong aking lumang uniporme eh,” ang sagot ko na lang.
Alam kong na-disappoint si Emily sa aking sagot. Ngunit alam ko ring tanggap ito ni Emily. Wala siyang choice.
Nanatiling wala kaming imikan ni John sa buong umaga na iyon. Hanggang naglunch-break kami.
Sa student center, habang isang grupo kaming mga officers na kumakain, nakita ko naman sa isang kanto si John. Nag-iisang kumain at tila malungkot. Para naman akong naawa. Ngunit hindi ko na lang siya pinansin.
Nang bumalik na ako sa silid-aralan. Nagtaka ako dahil nawala na naman ang aking uniporme, iyong tinahi kong halos tagpi-tagpi na. Hinubad ko kasi iyon nang maglunch break na kami.
“Sino ang kumuha sa aking uniporme?” ang tanong ko sa mga kaklaseng naroon.
Walang sumagot. Nataranta na ako sa kahahanap na kung saan-saang upuan ako nagtungo. Pati ang mga gamit ni John na sa pagkakataong iyon ay hindi pa pumasok ay pinakikialaman ko rin. Ngunit walang uniporme akong nakita.
Nang pumasok na ang mga officers, sinabi ko sa kanila na nawala na naman ang aking uniporme.
“Hindi kaya itinago ni John?” ang sabi ni Tony.
“Hindi yan magagawa ni John!” ang biglang pagsingit naman ni Joy. “Natandaan ninyo noong sinira ang mga gamit ni Tim, ang sabi ninyo ay si John? Pero mali kayo. Kaya sigurado ako na iyong president na naman sa kabilang section ang may kagagawan nito. Hindi na siya natuto ah! Talagang sinusubukan niya tayo!” ang sabi ni Joy na dali-daling lumabas.
“Hoy! Saan ka pupunta?” ang tanong ng mga officers.
“Pagsabihan ko iyong walanghiyang president ng kabilang section.”
“Woi! Huwag na Joy!” ang sigaw ko.
Ngunit hindi nagpaawat si Joy. Hinabol siya ng mga officers.
Maya-maya ay nakabalik sin sila. “Anong nangyari? Ang tanong ko kay Emily.
“Hayun… nagtatalak si Joy sa kabilang section. Ngunit napigilan din namin. Mabuti na lang at wala doon ang presidente ng classroom nila na si Enchong.
“Kainis!” ang pagdadabog pa ni Joy.
Maya-maya lang ay sumulpot na si John. Biglang natahimik ang lahat lalo na’t nakasunod lang sa likuran niya ang guro ng subject.
Breaktime sa hapon, nagulat na lang kami nang pumasok sa aming klase ang president sa kabilang klase. Nagsisigaw sa galit. “Hinahamon kita ng suntukan, Timmy, walang bayag! Akala mo kung sino ka? Cheater! Alam kong ako ang pinagdiskitahan mong sumira sa mga gamit mo at ngayon, ito namang uniporme mo na ako ang nagtago? Ano ang gagawin ko sa uniporme mo? ‘Di hamak na mas marami naman akong uniporme kaysa iyo! Huwag kang masyadong mapagmataas pare. Hindi ka mayaman. At lalong hindi ka malinis. Alam ko ang baho ng pamilya mo! At ang inay mo? Alam ko kung ano siya!” hindi niya itinuloy pa ang sasabihin.
Tumayo ako at lumapit sa kanya. Nag-init ang aking tainga sa kanyang sinabi.“Bakit? Ano ba ang nanay ko? Ano ba ang alam mo sa kanya?”
“Sigurado kang gusto mong sabihin ko rito sa harap ng mga ka-klase mo? Baka magsisi ka! Baka magbigti ka kapag nalaman ng lahat kung anong klaseng babae ang nanay mo!” ang sigaw niya.
“Sige sabihin mo!” ang sigaw ko rin.
“Puta ang nanay mo! Iniwanan siya ng tatay mo dahil mukhang pera ang nanay mo, nagbebenta ng katawan at kung sinu-sinong lalaki ang nakatikim! Ikaw? Sino ang tatay mo? Hindi mo kilala, no? Dahil sa dami ng lalaki na naka-tikim sa nanay mo, ‘di na niya masabi kung sino ang tatay mo!” sabay bitiw ng nakakalalaking halakhak.”
Doon na nagdilim ang aking paningin. Paulanan ko na sana siya ng suntok ngunit sa ‘di ko inaasahan, naunahan ako ni John. Nakita ko na lang ang paglapag ng kanyang kamao sa ulo, sa mukha, sa dibdib, at sa tiyan ni Enchong. Bumagsak sa sahig si Enchong nang hindi man lang nakapagsalita o nakaporma. Duguan ang kanyang ilong at bibig habang nakahandusay siya sa sahig na semento.
(Itutuloy)