Sa mga sandaling iyon ay nanatiling nakatulala si Damien. Paulit-ulit na tumutugtog sa isipan ang mga sinabi ng dalaga na naging musika na yata sa kan’yang pandinig. Magkahalong tuwa’t galit ang nararamdaman niya sa mga oras na iyon. Natutuwa siya sa kaalaman na nagbunga ang nangyari sa kanila ni Trina sa Baguio. Natutuwa siya sa kaalaman na anak pala niya si Dero kaya gano'n na lang pala kalapit ang loob niya sa bata. At kaya pala malaki ang pagkakahawig nila ni Dero ay dahil sa kan'ya pala ito nagmula. Pero hindi niya maiwasang magalit sa dalaga dahil ang dating sa kan'ya ay tinago nito ang katotohanan tungkol kay Dero. Na inilayo ng dalaga ang bata sa kan'ya. Palagi silang magkakasamang tatlo pero wala itong sinabi sa kan'ya tungkol sa bata. Ano pa ang pinuputok ng butsi mo, Damien?