ALAS-kwatro pa lang ng hapon nang magsimulang gumayak sila Remedios. Kasama ang mga kaibigan para sa kanilang graduation day. Halos excited ang nadarama ng bawat isa, maliban kay Tita Salud. Mangiyak-ngiyak siya habang pinagmamasdan ang mga alaga, ang mga pasaway niyang boarders. Ilang araw na lang ang bibilangin niya at balik muli siya sa dating gawi ang mapag-isa. Kung puwede nga lang sana niyang akuin ang mga ito. At ituring na mga anak matagal na niyang ginawa. Kung bakit naman kasi nawili siya pagtratrabaho sa ibang bansa. Tuloy napag-iwanan siya ng biyahe.
Kinalabit ni Jasmin si Remedios at saka inginuso si Tita Salud sa isang tabi. “Kawawa naman, iniisip niya siguro na iwanan natin siya.”
“Oo nga, halika yakapin natin. Ipadama natin sa kanya ang ating pagmamahal,” yaya ni Remedios. Nauna siyang lumakad habang nakasunod ang tatlo sa kanyang likod.
”Group hug girls!” masayang sabi ni Jasmin. Sabay-sabay nilang niyakap si Tita Salud. Para sa kanilang apat hindi sapat ang yakap upang pasalamatan siya, sa mga ipinakita niyang kabutihan.
“H’wag na po kayong malungkot. Hinding-hindi namin kayo malilimutan, mahal na mahal namin kayo,” paglalambing ni Remedios, kasama ang mga kaibigan.
Tuluyang napaiyak si Tita Salud. “Ma-miss ko kayo. Hay, sana man lang, bago tayo magkahiwalay-hiwalay. Mag-party tayo.”
Sabay-sabay na nagkatawanan ang apat na babae. Sa halip na mapaiyak nila ng todo si Tita Salud, idinaan niya sa biro ang kalungkutan na nadama.
“Oh, siya magsiayos na kayo. Baka ma-late kayo,” sabi ni Tita Salud sa apat. Kanya-kanya namang balik ang apat sa kani-kanilang mga ginagawa sa sala. Ngunit nagpaiwan si Remedios sa tabi niya. Huminga siya ng malalim at saka hinawakan ang kamay ng matanda.
“Ma-miss ko po kayo,” malungkot niyang saad. Inihilig pa niya ang kanyang ulo sa braso ni Tita Salud, na tila nagpapalambing.
“Mas lalo ako hija, ma-miss kita, kayong lahat,” turan ni Tita Salud. Sa apat ang dalaga ang pinakamalapit sa kanya.
Umayos ng upo si Remedios saka masayang tiningnan si Tita Salud.
“Puwede ko po ba kayong maging magulang ngayong gabi?” nakangiting tanong ng dalaga.
Ang kaninang kalungkutan sa mukha ni Tita Salud ay napalitan ng mga ngiti. Pagkarinig sa tanong ng dalaga.
“Bakit? Hindi ba pupunta ang magulang mo?” tanong niya sa dalaga.
Ngumiti si Remedios. “Pupunta po sila. Ang kaso mukhang mali-late sila eh.”
Batid ni Remedios na limitado ang pakikipagsalumuha ng magulang sa ibang tao. Kaya ’di na siya nag-expect, kung darating ba ang mga ito o hindi. Ngunit sa puso niya umaasa na sisiputin siya ng mga ito, dahil nais niyang ialay ang natamong medalya sa kanyang nanay at tatay. At balak rin niyang ipakilala ang mga ito sa kaibigan at kay Tita Salud.
Tumawa si Tita Salud. “Sana sinabi mo ng maaga. Para nakapag-parlor tayo.”
“’Sus, kahit ano’ng gawin nating pagpapaganda. Sa huli makakahanap pa rin sila ng mas maganda sa ’tin,” singit ni Jasmin sa dalawa sinabayan pa ng pagngisi ng labi.
“Tama ka d’yan. ’Yong magagaganda nga at seksi, like me,” sabay pustura ni Dianne na parang isang beauty queen. ”Matapos pakiligin at perahan, iiwan lang rin pala. Whaaa!”
“Hay naku girl, sinabi mo pa. Wala ng matitino ngayon naubos na ’ata,” sagot naman ni Chloe, abalang-abala sa paglalagay ng make-up sa mukha.
“’Yan, ’yan ang mga sinasabi ko sa inyo. Kung bakit naman kasi napakahilig n’yo sa mga guwapong lalaki, hayan tuloy ang nangyari sa inyo. Eh, kung humanap na lang kayo ng pangit, ’di-liligaya pa kayong tunay,” pahayag ni Tita Salud. “Bakit kasi ayaw ninyong gayahin si Remedios, stick to one?”
Sinimangutan ni Remedios si Tita Salud. “Ba’t ako nadamay?”
Tatawa-tawa lang si Tita Salud sa itsura ng dalaga.
“Oh, girls. Gruop hug again.” Sabay lapit ulit ng tatlo sa kinaroroonan ni Tita Salud at Remedios. At saka sabay-sabay na nagtawanan ang mga ito. Halos napuno ang buong bahay ng hagikgik nina Jasmin at Chloe.
Matapos ang iyakan, tawanan at biruan. Kanya-kanya ng ayos ang magkakaibigan. Maya-maya pa umalis na silang apat kasama si Tita Salud. Pagkarating nila sa school, palinga-linga si Remedios sa mga taong nasa paligid ng gymnasium nila.
“Nariyan ba ang mga magulang mo?” tanong ni Tita Salud. Pati siya nakisulyap na rin sa paligid, kahit ’di niya personal na kilala ang magulang ng dalaga.
Umiling ang dalaga. “Wala po eh. Tara na po, pasok na tayo.”
Isang napakatamis na ngiti ang ibinigay ni Tita Salud sa dalaga. Nang makita niya ito na medyo malungkot. “Okay lang ’yan. Girl power.”
Napangiti si Remedios sa biro ni Tita Salud. Inihatid niya ito sa upuan para sa mga parents at saka siya tumungo sa kanyang puwesto, katabi si Jasmin. Ilang sandali pa sinimulan na ang kanilang graduation day. Nagsimula sa isang panalangin, nagbigay rin ng mensahe ang kanilang bisita, hindi rin nagpahuli ang kanilang summa c*m laude at magna c*m laude sa pagbigay ng inspired message sa lahat ng magtatapos.
“SORIANO, REMEDIOS!”
Tumayo siya at masayang tinungo si Tita Salud. Pareho silang nakangiti habang paakyat ng stage, para tanggapin ang kanyang medal.
“Congratulations!” nakangiting bati ng bisita kay Remedios at saka kinamayan siya. Maging si Tita Salud na nasa kanyang likod.
“Thank you po, Sir Jones,” magalang niyang sagot.
Matapos ang pakikipagkamay at pasasalamat ni Remedios, kasama si Tita Salud. Tinungo nila ang gitna ng stage, para magpa-picture. Sa huling pagkakataon muling sinulyapan ng dalaga ang mga tao sa paligid. Halos lumundag ang puso niya sa saya ng makita ang kanyang Nanay Gloria at Tatay Badong. Parehong masaya at nakangiti ang mga ito habang kumakaway sa kanya.
Masayang itinaas ni Remedios ang medalyang nasa liig. Iniaalay niya ang bagay na ’yon sa magulang. Pagkatapos magpa-picture, mabilis nagpaalam ang dalaga kay Tita Salud. Sinabi rin niya rito na naroon ang ama’t ina niya.
Pagkarating ni Remedios sa kinaroroonan ng magulang. Niyakap niya ang dalawa.
“Congrats anak. Masaya kami ng ’yong tatay,” naiiyak na bati ni Aling Gloria ang anak. Masayang-masaya ang pakiradam niya at proud na proud dahil nairaos nila ang pag-aaral ng dalaga.
Pinahid ni Remedios ang luhang lumandas sa pisngi ng ina. Isang masayang ngiti naman ang ibinigay niya sa ama.
“Para po sa inyo ang aking tagumpay. Salamat po, tay, nay. Sa walang sawang pagsuporta sa ’kin,” pasasalamat ni Remedios sa magulang. Muling niyakap ang ina.
Nasa ganoong ayos sila ng dumating ang mga kaibigan, kasama si Tita Salud. Iiwas sana si Mang Badong paglapit ng mga ito. Mabilis hinawakan ng dalaga ang kamay ng ama. Ipinakilala ni Remedios sa magulang ang mga kaibigan at si Tita Salud.
“Nay, tay. Si Tita Salud po, ’yong may-ari ng boarding house. Tita Salud ang nanay at tatay ko po,” pakilala niya sa mga ito.
Ngumiti si Tita Salud at sabay nag-abot siya ng kamay sa magulang ni Remedios.
“Ikinagagalak ko po kayong makilala,” saad ni Tita Salud sabay beso kay Aling Gloria.
Nabigla naman si Aling Gloria sa ginawa ni Tita Salud. “Nakakahiya naman sa ’yo.”
“Wala po kayong dapat ikahiya sa ’kin. Pare-pareho lang po tayong tao. Sa mata ng Diyos, pantay-pantay tayong lahat,” masaya niyang turan kay Aling Gloria.
Dahil sa narinig na sagot mula kay Tita Salud bahagyang nawala ang pag-alinlangan ni Aling Gloria.
“Napakabait n’yo naman po pala. Tama nga ang kinukuwento sa ’min ni Remedios,” pahayag ng ginang na nakangiti.
Tumawa si Tita Salud. “Hindi naman po masyado, slight lang.”
Pati si Aling Gloria nakitawa na rin at saka ibinaling ang paningin kay Remedios. “Anak, hindi na kami magtatagal ng ’yong itay. Uuwi na kami.”
Nalungkot naman bigla si Remedios. “Kararating n’yo lang, tapos uuwi agad kayo. Bukas na po kayo umuwi, sasabay po ako sa inyo.”
Tiningnan ni Aling Gloria ang asawa. Tila humihingi ng kasagutan. Nang makitang ngumiti sa Mang Badong, sumaya na todo si Remedios.
“Salamat po, tay.” Niyakap ito ni Remedios.
Matapos magpaalam agad bumalik sa mga kasamahan si Remedios. Samantalang si Tita Salud nagpaiwan sa mga magulang niya. Nanatiling walang imik si Mang Badong habang dalawang babae masayang nag-uusap.
Mag-aalas-onse na hatinggabi natapos ang programang ’yon. Masayang nagpaalam ang magkakaibigan, kasama ang kani-kanilang mga pamilya. Nagyaya rin si Tita Salud na kumain sa restaurant para selebrasyon kay Remedios. Ngunit mahigpit na tumaggi ang mga magulang ng dalaga, katwiran ni Mang Badong masyado ng gabi.
Walang nagawa si Tita Salud ang sumang-ayon na lamang kay Mang Badong. Nag-order na lamang sila ng puwede nilang kainin for dinner.
SAMANTALA galit na galit si Mang Art nang makita ang results ng board exam ni Paulo. Kulang na lang ihampas sa anak ang diyaryong bitbit nito. Hindi niya alam kung saan sila nagkulang ng pangaral sa binata. Lahat naman gusto nito sinunod nila.
“Pa, pasesnsya na po. Gano’n talaga ang buhay, ’di sa lahat ng panahon panalo ang isang tao. Meron ring natatalo, isa na ako roon,” mariing pahayag ni Paulo. Hindi naman niya ginusto ang na magkagano’n ang resulta ng exam.
Tumayo si Mang Art saka tinungo ang kusina para uminom ng tubig. Pakiramdam niya naninikip ang kanyang dibdib sa problemang ibinigay ni Paulo. Iniisip niya ang kanyang asawa. Paano niya ito maipapapliwanang kay Aling Luisa ng ’di ito nasasaktan? Umaasa pa man din ang asawa na makakapasa ang anak sa boarding house.
“Umaasa pa naman ang ’yong mama. Ngayon ano’ng gagawin natin ng hindi nasasaktan ang ’yong ina,” malungkot na saad ni Mang Art. Inaalala niya ang kalagayan ni Aling Luisa na nasa ibang bansa.
Malungkot na umupo sa bangko si Paulo habang nakatungo, hawak ang ulo. Na tila gulong-gulo ang isipan, ’di niya alam ang gagawin.
“Kuya! Nag-chat sa ’yo ang mama. Bakit raw ’di mo sinasagot ang cell phone mo?” pasigaw na pahayag ni Nathalie. Ngunit natigilan siya ng makita ang itsura ng kapatid at papa niya.
Lumapit si Nathalie sa kanyang papa. “May problema po ba si kuya Paulo?”
Sa halip na sumagot itinuro ni Mang Art ang diyaryo na nasa itaas ng lamesita. Dahan-dahan at buong ingat na lumakad si Nathalie, papuntang sala. Takot siyang makagawa ng ingay, lalo’t batid niyang may problema ang dalawa.
Nalungkot si Nathalie nang ’di makita ang pangalan ng kanyang kuya Paulo. Sa list ng mga nakapasa sa board exam sa pagkapulis. Ibinaba niya ang diyaryo at tumabi sa kapatid.
“Okay lang ’yan kuya Paulo. Malay mo sa sunod makapasa ka na. H’wag kang susuko, kaya mo ’yan. Laban lang, nandito lang kami para sa ’yo,” pahayag ni Nathalie.
Hinarap ni Paulo ang kapatid at saka ngumiti ng mapakla. “Nasasabi mo lang ’yan kasi wala ka sa sitwasyon ko. Hindi mo kasi alam ang nararamdaman ko ngayon.”
“Kuya Paulo! Wala akong masamang intensyon sa mga sinabi ko. Gusto lang kitang damayan,” takot niyang sabi sa kapatid. Isang masamang tingin kasi ang ibinigay sa kanya ng kapatid.
“Oo sa ngayon. Wala ka pang sasabihin, kasi nakaharap ako. Pero kapag nakatalikod ako, parati na lang ako ang tinitira ninyo!” galit na pahayag ni Paulo. Tumayo ito at nagtuloy-tuloy sa pintuan. Maya-maya pa ingay na lang ng motor ang narinig nila na paalis.