Chapter 3
“BORROMEO, PAULO!”
Halos ’di pa rin makapaniwala ang binata nang ianunsyo ng emcee ang pangalan. Buong akala talaga niya, ’di siya makaka-gruadute. Mabuti na lamang at nakuha niya sa pakiusap ang professor na bibigyan na lamang ng special project ang grades na naibagsak. Inilihim din niya ito sa kanyang pamilya. Katwiran niya marami nang iniisip na problema ang mga magulang ayaw na niyang dagdagan pa. Isa pa sa inaalala ni Paulo ay ang kanyang mama. Malayo ito sa kanila. Hindi niya mapapatawad ang sarili kung may masamang mangyari dito.
Agad tumayo si Paulo saka nilapitan ang kanyang mama. Niyakap niya ito at inalalayan paakyat ng stage. Sa kabilang side naman ng stage si Mang Art at si Nathalie na masayang naghihintay sa pagbaba ng mag-ina. Hawak pa ni Nathalie ang camera na pasalubong ng kanilang ina.
“Congratulations,” bati kay Paulo ng kanilang bisita.
“Salamat po, sir.” Sabay lahad ni Paulo ng kanyang kamay.
Nakipagkamay rin si Aling Luisa sa mga bisita pati na rin sa mga naging guro ni Paulo. Halos panay-panay ang kuha ng retrato ni Nathalie sa dalawa. Maya-maya pa, parehong masaya ang mga ito pagbaba ng stage.
“Congratulations, Pau.” Niyakap nang mahigpit ni Mang Art ang anak. Poud parents na makapagtapos ng pag-aaral ang anak.
“Salamat, Pa,” masayang sabi ni Paulo sa ama.
“Kuya, congrats. I’m so proud of you,” masayang sabi ni Nathalie kay Paulo. Muntik pa itong umiyak.
Bahagyang ginulo ni Paulo ang buhok ng kapatid.
“Ikaw naman ang susunod. Galingan mo. No boyfriend muna,” nakangiting sabi ni Paulo sa kapatid.
“Bakit? Wala naman akong boyfriend ah?”
“Siyempre, takot lang nila sa ’kin. Gugulpihin ko talaga sila.” Ipinakita pa sa kapatid ang pagkuyom sa kamao saka sinuntok-sutok ang sariling palad.
Sinimangutan ni Nathalie si Paulo. “Kuya!”
Tinawanan lamang ni Paulo ang kapatid. Matapos ang seremonya, agad nagyaya ang mama nila na mag-celebrate ngunit tumanggi ang binata. Katwiran nito, may gaganapin namang selebrasyon pagkatapos ng graduation ni Dalle sa ikalawa. Sinabi pa nito sa ina na gastos lamang ito.
Ngunit ’di pumayag si Aling Luisa. Sa huli, napapayag din si Paulo ng ama. Sinabi ni Mang Art dito na baka na-miss lamang ng kanyang mama ang pagkaing pinoy. Makalipas ang ilang sandali, nasa loob na sila ng isang sikat na pinoy restaurant ang Bario Fiesta. Maya-maya pa, masaya nilang pinagsaluhan ang masasarap na pagkain sa kanilang lamesa.
SAMANTALA masayang pinagmamasdan ni Remedios ang mga batang naglalaro sa bakanteng lote ng kanilang nayon. Araw iyon ng Sabado. Katatapos lang nitong maglaba ng mga dalang damit na ginamit sa eskwela. Kaysa ipahinga ang katawan doon niya naisip na pumunta para makapag-relax kahit papaano ang katawan at isipan.
“Ate Remedios! Basahan mo po kami ng story,” sabi ng isang batang babae. Tumabi ito sa kanyang upuan.
Masayang kinuha ni Remedios ang libro sa bata.
“Ano’ng gusto ninyo?” tanong niya habang binubuklat ang dalang libro ng bata.
“Cinderella po!” sabay-sabay na sagot ng mga bata. Ang iba nagpalakpakan pa na tila tuwang-tuwa dahil naroon ang dalaga.
Ngumiti sa Remedios sa mga ito. ”Okay. Teka, hahanapin ko muna. ha?”
Isa-isang binuklat ni Remedios ang pahina ng aklat. Nang makita niya ito sandali niyang inilapag sa upuan ang libro saka inayos ang mga bata sa pagkakaupo sa damuhan. Halos puro batang babae ang naroon. Mangilan-ngilan lang ang lalaki. Abala ang mga ito sa paglalaro ng basketball.
Ilang sandali pa, sinimulan na ni Remedios ang pagbabasa. Seryoso namang nakikinig ang mga bata. Daig pa ang may exam kinabukasan. Isang oras din ang nakalipas bago natapos basahin ni Remedios ang kuwento ni Cinderella dahil habang binabasa niya ito isinasalin naman sa wikang Filipino lubos na maintindihan ng mga bata.
Dahan-dahang isinara ni Remedios ang libro. Masayang nagpasalamat ang mga bata sa dalaga. Sinabi rin niya sa mga ito na puwede na siyang magturo sa susunod na mga araw dahil bakasyon na nila kaya mas lalong naging masaya ang mga bata.
“Maraming salamat po, Ate Remedios,” pahayag ng mga bata.
“Walang anuman. Sige magsiuwi na kayo. Baka hinahanap na kayo ng inyong mga magulang,” utos ni Remedios sa mga bata. Kanya-kanya namang takbuhan ang mga bata. Tatawa-tawa lamang ang dalaga habang nakasunod sa mga ito.
Habang naglalakad pauwi sa kanilang bahay nasalubong ni Remedios ang nakababatang kapatid na si Ton-ton.
“Ate, tawag ka ni Tatay. Nasa kubo,” seryoso nitong sabi kay Remedios na tila napipilitan lang itong sumunod sa ipinag-uutos sa kanya.
Naging seryoso rin si Remedios. Hindi rin niya kailangang na usisain ang kapatid kung bakit sa kubo siya pinapupunta ng kanyang ama.
“Sige, pupunta na ako. Umuwi ka na. Walang kasama si Nanay sa bahay,” sabi pa nito sa kapatid saka tinahak ang kabilang daan papuntang kubo.
Maya-maya pa, natanaw na ni Remedios ang kubo. Nasa dulo ng bahaging silangan ng kanilang nayon iyon nakatirik. Tanging mga kasapi lamang ng kanilang grupo ang puwedeng pumunta roon. Hindi rin ito basta-basta mapasok ng ibang tao. Bukod sa mataas ang mga bakod na yari sa kawayan na may tulis ang dulo napapalibutan rin ito ng barbwire.
“Pinatawag n’yo raw po ako?” tanong ni Remedios sa ama. Nakaupo ito sa isang bangko nakaharap ang lamesa habang ang ibang kasapi ay nakaupo sa gilid.
Umupo si Remedios na kahanay ang ibang kasapi. Pulang Watawat ang tawag sa kanilang grupo. Tumutulong sila sa mga mamayang walang kakayahang magreklamo sa mga bagay-bagay kapag sila ay naaapi. Kadalasan, inilalagay nila sa kanilang kamay ang batas basta’t alam nila na tama ang katwiran ng isang tao na kanilang tinulungan. Madalas ding sila ang sumbungan ng taumbayan kapag nangurakot ang isang taong may posisyon sa gobyerno.
“Sasama ka ba mamaya? Kulang tayo sa tao. Nasa misyon pa ang dalawa. Hindi ko alam kung makakabalik agad sila,” seryosong pahayag ni Mang Badong o Salvador kay Remedios. Ito ang tumatayong lider ng grupo.
Isang munting ngiti ang sumilay sa labi ni Remedios. Ngayon pa lang excited na siya. Matagal-tagal na rin siyang ’di pinasasama ng ama sa misyon. Simula nang magkolehiyo siya, bilang na bilang ang pagsama sa grupo. Katwiran ng kanyang tatay baka may makakilala sa kanya kaya ingat na ingat ito sa kanya.
“Sige po, sasama ako,” walang alinlangang sagot ng dalaga sa ama.
“Umuwi ka na para makapaghanda. Maya-maya aalis na ako.”
“Sige po.” Tumayo ang dalaga nagpaalam sa ibang kasamahan saka tinungo ang pintuan.
Pagkaalis ng dalaga kanya-kanya na ring labas ang mga kalalakihan sa kubo.
SA KABILANG dako naman ay masayang ipinagdiwang nina Paulo at Dalle ang kanilang graduation. Talagang nagpahanda nang bongga ang kanilang ina. Katwiran nito, minsan lang naman nagaganap ang ganoong okasyon sa isang tao. Halos mga kamag-anak nila na galing Batangas ang naging bisita at ilang mga kapitbahay.
Kitang-kita ni Paulo kung paano ipagmalaki ng kanyang magulang. Si Dalle sa kanilang kamag-anak.
“Pinsan, ang galing naman ni Dalle. Akalain mo ’yon, kapitan agad ang ranggo sa PMA,” pahayag ng kanyang pinsan. Tila ’di ito makapaniwala sa nakuhang achievement ng binata.
Isang masamang tingin ang ibinigay ni Paulo sa pinsan sabay inom ng beer na hawak. Para bang pinamumukha sa kanya na si Dalle lang ang magaling para sa kanila.
“Tsamba lang niya ’yon.”
“Parang hindi naman. Talagang magaling itong si Dalle,” sabat naman ng isa pa nilang pinsan.
Mas lalong nagtagis ang mga ngipin ni Paulo. Nakakuyom na rin ang kamay sa ilalim ng mesa. Anumang oras ay manununtok na siya.
“Parang gusto ko rin sa PMA mag-aral. Ikaw, pinsan, kumusta naman ang pagpupulis mo? Mayroon ka ring bang ranggo?” tanong nito kay Paulo at sabay nagtawanan pa ang iba nilang kamag-anak.
Akmang sasagot si Paulo nang biglang dumating si Dalle sa kanilang mesa. Mas lalong uminit ang ulo nang binata ng tumabi ito sa kanya. Napuno ng biruan at tawanan ang kanilang terrace dahil sa mga pinsan niyang alaskador.
“Pinsan, sarap siguro isuot ’yang uniform mo?”
Ngumiti si Dalle sa mga pinsan saka inayos ang uniform sa harap ng mga ito.
“Sundalo lang sakalam,” sagot nito sa mga pinsan. Halos sabay-sabay na nagtawanan ang magpipinsan maliban kay Paulo. Pikon na pikon siya sa ginawa ng kapatid.
Sa inis ni Paulo, bigla itong tumayo at iniwan ang mga pinsan. Tuloy-tuloy siya sa loob ng bahay. Ngunit mas lalong nadagdagan ang inis ng binata nang marinig kung sino ang pinag-uusapan ng kanyang mama at tiyahin sa kanilang sala.
“Luisa, nakaka-pruod naman ang dalawa mong anak. Si Dalle, isa nang mahusay na sundalo. Si Luisita naman, kahit nag-asawa nang maaga naging isang magaling na guro,” masayang pahayag ng kanyang tiyahin sa ina.
“Oo nga, Ate. Isang buwan na lang magte-take na rin ng exam si Paulo. Sigurado akong magiging isang matapat na pulis ito pagdating ng araw,” masayang pahayag ni Aling Luisa sa kapatid.
Natuwa si Paulo sa naging pahayag ng ina. At least may isang tao na naniniwala sa kanya. Nagkaroon siya ng lakas na loob upang maipakita sa kamag-anak at pamilya na balang-araw ay magiging pruod din ang mga ito. Mag-aaral siyang mabuti para sa darating na board exam sa pagkapulis.
“Oo nga, pero iba pa rin ang dating ni Dalle. Si Paulo, kasi fifty-fifty pa ang chance kung makapasa o hindi.”
“Kahit na, Ate. Basta ako, naniniwala sa kakayahan ni Paulo na kayang-kaya niyang ipasa ang exam,” sabi ng kanyang Mama. Hindi ito nagpatalo sa kapatid.
Maya-maya pa ay pumasok si Paulo sa loob ng kanilang bahay. Agad siyang nagmano sa Tiyahin.
“Ma, alis muna ako,” paalam ni Paulo sa ina.
“Saan ang punta mo? Narito pa ang mga pinsan mo,” tanong ni Aling Luisa na may kasamang pag-aalala sa anak.
Hinawakan ni Paulo ang kamay ng ina saka hinalikan ang ulo nito. “May pupuntahan lang po. Babalik agad ako.”
Wala namang nagawa ang ginang kundi payagan ang anak kaysa gumawa pa ito ng eksena sa harap ng ibang tao. Kilala ni Aling Luisa si Paulo. May ugali rin itong ’di maganda kapag hindi napagbibigyan ang gusto.
“Mag-ingat ka. Uwi agad.”
“Opo. Ma.” Sabay halik ulit niya sa ulo ng ina saka tuloy-tuloy na itong lumabas ng bahay.
Sakay ng kanyang motor, parang nakawala ng hawla si Paulo. Halos paliparin niya ang motor hanggang makarating ng highway.