Chapter 2 Remedios Soriano

1631 Words
Chapter 2 MULA sa isang liblib na lugar sa Mindoro tahimik at masayang namumuhay ang may higit limampung pamilya roon. Kabilang sa pamilyang naroon ay ang mga Soriano. Sa kanilang pamumuno, naging maunlad ang pamayanan. Sa pamamagitan ng solar panel na bigay ng gobyerno nagkaroon ng koryente ang nayon. Bukod pa roon, napatayuan din ng school na may tatlong kuwarto para sa mga batang walang kakayahang maglakad nang napakalayo. Halos isandaang kilometro ang layo nito sa bayan. Higit beynte-kuwatro oras naman kapag nilakad bago marating ito. Bukod sa mababangis na hayop mayroon ding iba’t-ibang kuwento ang kalsada papuntang nayon. Simple lang ang pamumuhay ng mga taong naroon. Pagsasaka at pangingisda ang naging hanapbuhay ng mga kalakihan. Samantalang ang mga kababaihan naman tulong-tulong sa pagpapaganda at pagsasaayos ng kanilang kapaligiran.  “Anak, mag-iingat ka roon. Huwag mong pabayaan ang sarili mo,” bilin ni Aling Gloria. Sa anak nitong si Remedios. Nasa huling taon na ang dalaga sa pag-aaral sa kolehiyo. Upang matulungan ang mga ka-nayon, guro ang kinuha niyang kurso.  Inakbayan ni Remedios ang ina. Ganito na lang lagi ang eksena nilang dalawa sa tuwing siya ay babalik sa bayan. Hanggang ngayon, ’di pa rin sanay si Aling Gloria na mawalay nang saglit ang anak. “Huwag po kayong mag-alala sa ’kin. Kayang-kaya ko ang aking sarili. Anupa’t tinuruan ako ni Ama ng self defense,” pahayag ni Remedios sa ina. Niyakap niya ito nang mahigpit saka hinalikan sa pisngi. “Anak, concern lang ako sa ’yo. Pakiramdam ko kasi, sa tuwing aalis ka, parang ’di ka na bababalik sa ’min,” malungkot na turan ni Aling Gloria sa dalaga. Bago pa man umiyak ang ina muling niyakap ni Remedios si Aling Gloria. Wala siyang tanging hangad kundi ang mahalin at tulungan ang mga magulang. “Alisin po ninyo ’yan sa inyong isipan. Mahal na mahal ko po kayo,” nakangiting pahayag ng dalaga sa ina.  “Ano, mag-iiyakan na lamang kayong mag-ina? Aba, hapon na, Gloria. Pakawalan mo na ’yang anak mo!” mahinang sigaw ni Mang Badong sa mag-ina. Nasa labas ito ng kanilang bakuran naghihintay sa dalaga upang ihatid ito sa highway gamit ang motor ng kanilang nayon. “O nandiyan na. Palibhasa kasi, nagseselos ka na naman!” ganting sigaw ni Aling Gloria sa asawa sabay labas nito bitbit ang mga kailangan ng anak papuntang bayan. Tatawa-tawa lamang si Remedios habang nakasunod sa ina. Sanay na siya sa sigawan ng magulang. Parang lambingan na lamang iyon ng ama’t ina niya. Maya-maya pa, masayang nagpaalam si Remedios. Sa ina at kapatid nitong lalaki saka sumakay sa motor. “Mag-ingat ka!” sigaw pa ni Aling Gloria. “Opo.” Kumaway pa ito sa dalawa. Habang palabas sila ng kanyang ama sa nayon may ilan-ilang bata ang nakita ni Remedios na kumakaway sa kanya. Isang matamis na ngiti ang ibinigay niya sa mga ito saka pasigaw siyang nagpaalam. Ilang sandali pa ay tinatahak na nila ang daan patungo sa highway kung saan naroon ang mga dumadaang bus papuntang bayan, karatig lugar, at paluwas ng Manila. Sa kanilang lugar, bukod tanging si Remedios lamang ang nakapag-aral ng kolehiyo. Ang iba nilang ka-nayon sa halip na mag-aral ay pinili lamang ng mga ito magtrabaho sa siyudad.  “O hala, sumakay ka na riyan sa paparating na bus,” sabi ni Mang Badong kay Remedios. Inihanda nito ang mga dala-dala ng anak. Pagdaan ng bus, agad iyong pinara ni Mang Badong.  “Sige po. Tay alis na ako.” “Sige mag-ingat ka.” “Kayo rin po.”  Pagkaalis ng bus, agad na pinaandar ni Mang Badong ang motor para makaalis sa lugar na iyon. Hindi pa man tuluyang nakakaalis ay may taong lumapit rito at may iniabot na puting sobre saka nagmamadaling umalis. Sinundan lang ito ni Mang Badong ng tingin saka umalis na rin. KINABUKASAN, maagang gumayak si Remedios papuntang school. Bagama’t malapit lang ito sa boarding house na tinuluyan ang pinakaayaw ng dalaga ay ang nala-late sa klase. At isa pa, kailangan na rin niyang mag-riview para sa final exam nila bukas. Palabas na siya ng gate nang masalubong ang may-ari ng boarding house na si Tita Salud kung tawagin nila. Matandang dalaga ito at mag-isang namumuhay. “Magandang umaga po. Ang aga n’yo naman po ’atang namalengke?” tanong ni Remedios dito. Tinulungan pa niya itong ipasok ang ibang pinamili. Binayaran naman ni Tita Salud ang tricycle na sinakyan. “Mas magandang mamimili nang maaga para sariwa at magaganda ang maabutan mong paninda. Kapag tinanghali ka nang mamalengke, naku! Kung hindi mga bilasa ang makuha mo mga pinagpilian naman. Second choice ka na lang nga, iniwan ka pa,” sagot nito kay Remedios matapos isilid sa bag ang isinukli ng driver sa kanya at saka binitbit ang pinamili nito. Lingguhan kong ito’y mamalengke para sa limang boarders niya. Tumawa si Remedios kay Tita Salud. Lahat na lang ng bagay ay kaya nitong bigyan ng mga hugot. Iniisip ng dalaga baka bigo ito sa pag-ibig. Halos apat na taon na siya sa poder nito ngunit ni minsan ay ’di ito nagkuwento sa kanila ng personal na buhay. Masyado itong masekreto pagdating sa love life. “Aalis ka na ba? Ang aga pa, ha,” tanong ni Tita Salud sa dalaga matapos nilang ipasok ang lahat ng pinamili nito sa kusina. “Opo, magre-review pa po ako. Final exam na namin bukas,” sagot ni Remedios matapos hugasan ang kamay sa lababo. Malungkot na tiningnan ni Tita Salud si Remedios. Sa lahat ng naging boarders niya, ito ang pinakamabait at matulungin. Kung ’di lang ito busy sa pag-aaral. Lagi itong nakababad sa kanya at tumutulong sa pagtitinda ng mga ihaw-ihaw sa labas. “Malulungkot ako, hija, kasi mababawasan na naman ang aking mga alaga,” sabi nito. Halata sa boses ni Tita Salud ang kalungkutan. Nilapitan ito ni Remedios saka inakbayan. Malaki ang pasasalamat niya rito dahil halos anak na kung ituring sila ng ginang. Bukod sa pagiging mabait, madali rin itong lapitan kapag kinukulang sila sa allowance. Ito pa ang laging nagpapaalala sa kanila na huwag gumawa ng ikasisira ng kanilang buhay.  “Mawawala man po kami rito pero dito po sa aming puso, mananatili kayo. Hinding-hindi namin kayo malilimutan,” masayang pahayag ni Remedios kay Tita Salud. Hinalikan pa nito sa pisngi ang ginang. “Ano ba ’yan? Ang aga naman ng drama,” parinig ni Jasmin sa kanila. Nakabihis na rin ito ng uniform at handa ng pumasok. “Payakap rin ako. Nahawa ako kay Tita Salud.” “Ikaw na lang kaya, Jasmin, ang maiwan dito? Total naman, halos ayaw mo ring umalis sa poder ko.”  “Tita, naman. Ayaw kong matulad sa inyo. Sayang ang flower,” biro nito na may kasamang hagikhik na tila kinikiliti. Biglang sinimangutan ni Tita Salud si Jasmin pero agad itong nakatakbo papuntang sala.  “Bumalik ka rito. ’Di pa tayo tapos, humanda ka sa ’kin!” “Ayaw ko! Si Dianne na lang po ang ampunin ninyo.” “Payag ako basta kasama si Jordan,” sagot naman ni Dianne na abalang-abala sa paglalagay ng make-up sa mukha. Si Jordan ang apo sa pamangkin ni Tita Salud na nagbakasyon noong nakaraang taon sa kanila. “Mga lukaret kayo. Pati ang apo ko, pinagnanasahan n’yo! Magsibalik kayo rito. Mamaya, wala kayong lunch,” pananakot nito sa dalawang babae. “Oy, Chloe baka mabasag mo na ’yang salamin. Paganda nang paganda. Iiwan ka rin no’n.” “O ba’t pati ako nadamay? Nanahimik ako rito,” reklamo nito nang ’di inaalis ang mukha sa salamin. “’Sus, kunwari ka pa. Kasabwat ka rin ng mga lukaret na ’yon. Hala, magsipasok na nga kayo,” sabi pa nito saka tumuloy ng kusina. Agad namang niyaya ni Remedios si Chloe. Paglabas nila sa gate, naroon ang dalawang babae at naghihintay sa kanila. Maya-maya pa, sabay-sabay na silang naglakad patungong school. Sina Remedios at Jasmin, parehong education ang course samantalang sina Dianne at Chloe ay business management ang course. Pare-parehong graduating na sila ngayong apat.  Pagkarating sa school, agad dumeretso sa library sina Remedios at Jasmin. Ang dalawa naman ay pumasok na sa kanilang klase. “O narito pala ang kaklase nating manang,” pasaring ni Scarlett. Sabay na nagtawanan ang mga kaibigan nito. “Manang na nga taga-bundok pa.” Akma sanang magsasalita si Jasmin nang maunahan siya sa pagsaway ng school librarian. “Girls, huwag masyadong maingay.” Pero hindi pa rin nagpaawat si Scarlett. “Kung ako sa ’yo, ’di na ako magre-review. Why? Kahit pumasa ka man sa exam sa bundok pa rin ang bagsak mo. Dahil ang mga tulad mo walang lugar sa siyudad.” “G*ga ka pala eh. Pambu-bully na ’yang ginagawa mo kay Remedios. Puwede ka naming ireklamo,” galit na sabi ni Jasmin rito. Kulang na lang, sugurin niya ang babae. Tinawanan lamang ni Scarlett si Jasmin. Ni hindi ito natakot. Isa kasi ang pamilya nito sa shareholders ng university kaya malakas ang loob gumawa ng katarantaduhan. Bago pa man sila magkainitan lumapit na sa kanilang mesa ang librarian. Sa huli, ang magkaibigan pa ang napagalitan at napalabas sa library. Dahil sa kagagawan ni Scarlett halos ’di pumasok sa utak ni Remedios ang mga lecture at pointers na ibinigay sa kanila. Hindi rin siya makapag-fucos sa discussion sa klase. Laging umaalingawngaw sa isipan ang sinabi ng babae.  “Okay ka lang?” tanong ni Jasmin. Nahalata nito na ’di mapakali ang dalaga at saka tila malalim ang iniisip. Nginitian ni Remedios si Jasmin. “Okay lang ako.” Huminga nang malalim ang dalaga. Ipapakita niya kay Scarlett kung sino sa kanila ang walang puwang sa siyudad. Ipinapangako niya sa sarili, walang sino man ang maaaring tumapak sa kanyang pagkatao. Pinahid ni Remedios ang luhang lumandas sa pisngi saka tuluyang lumabas sa kanilang silid.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD