Chapter 1
BAGO pa man marating ni Paulo ang kanilang bahay ay agad niyang pinatay ang makina ng kanyang motor. Buong ingat niyang binuksan ang gate nilang lagpas-tao ang taas. Ayaw niyang makalikha ng kahit konting ingay na gagambala sa kanilang mga kapitbahay at lalong-lalo na sa kanyang ama. Tiyak uulanin na naman ang kanyang tainga ng sermon nito.
Nang matiyak na maayos ang pagka-park niya sa kanyang motor dahan-dahan nitong tinungo ang kanilang terrace at mabagal ang ginawang pagpihit sa kanilang doorknob. Kung may makakakita lang sa ginagawa niya baka isipin ng ibang tao na magnanakaw ang binata.
Kasabay ng pagbukas niya sa pintuan ang pagbaha ng liwanag na nagmula sa kanilang ilaw. Bumungad sa kanya ang ama na nakatayo sa sala habang ang dalawang kamay ay nakahawak sa baywang. Mas lalong naging matapang itong tingnan dahil sa mga tattoo nito sa braso. Tattoo artist ang trabaho ng kanyang papa.
“Ano, Paulo? Hindi ka na ba talaga magtitino? Ano’ng akala mo, pinupulot lang ng iyong ina ang pinapaaral sa ’yo? Inumaga ka na naman ng uwi!” galit na sermon ni Mang Art sa anak. Wala na kasi itong inatupag kundi ang makipag-inuman sa barkada.
Tahimik lamang na pinakinggan ni Paulo ang sermon ng ama. Aminado siyang mali ang ginagawa. Kung bakit naman kasi hindi niya mahindian ang mga kaibigan sa tuwing nagyayakag ang mga ito ng inuman.
Hangga’t maari, ayaw ni Paulo na sumagot sa ama. Magkaganoon man siya pero hindi niya kayang bastusin ang magulang. Pinalaki silang may takot sa Diyos at respeto sa nakatatanda sa kanila.
“Pasensiya na po. Medyo nagkasayahan ang tropa. Hindi ko namalayan ang oras,” sagot ni Paulo sa ama. Humakbang ito papasok sa loob ng bahay.
Kitang-kita ni Paulo kung paano siya bigyan ng masamang tingin ng ama.
“Iyan, d’yan ka magaling, sa barkada. Hindi na ako magtataka kung isang araw, uuwi ka ritong na nakihiga sa kabaong o kaya humihimas ng rehas.” Hindi napigilan ni Mang Art ang pagtaas ng boses dahil sa galit.
Labag man sa kalooban, sumagot si Paulo sa ama.
“Mabarkada ako pero ’di ako masamang tao na gaya ng iniisip ninyo,” mahinahong turan ni Paulo sa ama. Wala naman silang ginagawang masama ng mga barkada niya. Dahil napasarap ang kuwentuhan pare-pareho nilang ’di namalayan ang oras.
Mas lalong uminit ang ulo ni Mang Art nang marinig ang katwiran ni Paulo.
“Oo, sa ngayon, wala ka pang gagawing masama. Paano kung bukas, meron ka nang gawin?”
“Hindi mangyayari ang iniisip ninyo. Kahit na ganito ako hindi ko kayang gumawa ng mga bagay na ikakasira ng buhay ko.”
Huminga nang malalim si Mang Art saka humakbang sa tabi ni Paulo. Nasa mata nito ang pagsuko.
“Sana nga, Pau. Huwag nating sayangin ang pagod ng iyong mama.” Sabay tapik nito sa balikat ng anak. Sumaglit lang si Mang Art sa kusina para uminom ng tubig. Ramdam niya ang pagkahapo ng katawan. Nang medyo gumaan ang pakiramdam nito ay pumasok na ito sa loob ng kuwarto.
Habang si Paulo ay tahimik lamang na pinagmamasdan si Mang Art alam niyang may sakit sa puso ang ama. Nagsisi tuloy siya kung bakit sinagot-sagot pa niya ito. Hindi niya mapapatawad ang sarili kung may masamang mangyari dito.
Nang tuluyang makapasok sa loob ng kuwarto si Mang Art agad pinatay ni Paulo ang mga ilaw at saka pumasok sa sariling kuwarto.
Kinabukasan, mga tilaok ng manok ang gumising kay Paulo. Inis na inis siya sa mga alagang panabong ng ama. Dapat nga, sanay na siyang marinig ang mga ingay na iyon tuwing umaga. Ngunit para sa binata, ’di kaaya-ayang pakinggan ang mga ito. Bukod sa nakakaistorbo ang mga ito, masakit din sa tainga kapag sabay-sabay tumilaok ang mga ito.
Matapos ligpitin ang pinaghigaan agad siyang lumabas ng kuwarto. Tinungo ni Paulo ang kusina nila nang maamoy ang aroma ng kape. Biglang nakaramdam ng gutom ang binata. Bumungad sa kanya ang nakababatang kapatid na si Nathalie.
“Magandang umaga,” bati niya sa kapatid. Abalang-abala ito sa pagkain.
“Magandang umaga rin Kuya. Siya nga po pala, nagbilin si Papa. Ikaw muna raw ang magbantay sa shop. May pinuntahan lang siya sa Manila,” pahayag ni Nathalie sa kanyang kuya.
Matapos maghilamos ng mukha agad siyang tumabi sa kapatid. “Ano raw ang gagawin niya roon?”
Umiling ang kapatid. “Hindi ko alam kuya.”
Matapos tingnan ang kapatid nagsimula nang kumain si Paulo. Tingin niya kay Nathalie, ’di ito nagsasabi ng totoo. Sa kanilang apat, ito ang ka-close ng kanilang papa. Tiyak ni Paulo sa sarili na alam nito kung ano ang pakay ng ama sa Manila. Ayaw lang ipaalam sa kanya.
“Napakain mo na ba ang mga kapatid mo?” tanong ni Paulo kay Nathalie habang umiinom ng tubig. Tapos na rin itong kumain. Tinutukoy nito ang mga panabong na manok ng ama.
Biglang sumimangot ang kapatid niya. “Si Papa ang nagpakain bago umalis.”
Ngumiti si Paulo kay Nathalie. “Good. Sige mauna na ako sa ’yo.”
“Kuya, ilabas mo na lang ’yong marurumi mong damit. Maglalaba ako.”
“H’wag na, ako na lang mamaya pag-uwi ko,” sagot ni Paulo sa kapatid. Nagtuloy-tuloy siya papasok sa loob ng kuwarto.
Makalipas ang ilang sandali bihis na si Paulo. Ripped jeans and black T-shirt ang suot. Daig pa ang isang action star kung ito’y pumurma.
“Kuya, sa shop ka ba talaga pupunta o sa mga tropa mo?” tanong ni Nathalie kay Paulo habang sinusuri nito ang suot ng kapatid.
Nginisihan ni Paulo ang kapatid. “Bakit? Masyado ba akong pogi sa suot ko?”
“Ha, ha, ha,” tawa ni Nathalie. Tila inaasar ang kapatid.
Sinamaan lang ito ng tingin ni Paulo.
“Aalis na ako. Mag-ingat ka rito,” bilin ni Paulo sa kapatid at saka lumakad papuntang pintuan palabas ng kanilang bahay.
Sakay ng motor, binabagtas ni Paulo ang daan papuntang SM Bacoor kung saan naroon ang kanilang shop ang Art Tattoo Shop. Pinamamahalaan ito ng kanyang papa at ng isa nilang tattoo na si Alex. Dati, pangarap din niyang sundan ang yapak ng ama. Para sa kanya, ang lakas ng dating kapag may tattoo. Nakakadagdag pogi points sa pagkatao ng isang lalaki. Matapos i-park ang motor agad siyang pumasok sa loob ng mall.
Wala namang ginawa si Paulo sa shop nila kundi panoorin lamang si Alex na abala sa pagta-tatoo sa isang lalaki. Nang mainip sa kapapanood, bumalik siya sa counter ng shop saka inilabas ang cell phone para maglaro ng games. Pagsapit ng bandang hapon, nainip si Paulo kaya kinulit niya nang kinulit si Alex na lagyan siya ng tattoo.
“Hindi nga puwede. Magagalit ang papa mo,” sabi ni Alex dito. Mukhang nakukulitan na rin sa binata.
“Ako ang bahala kay Papa. Sige na, lagyan mo na ako.”
Wala namang nagawa si Alex kundi ang pagbigyan ang binata.
“Sige na, mamili ka na roon. Bilisan mo habang wala pang custumer.” Sabay turo ni Alex sa mga magasin tungkol sa tattoo design.
“Heto, meron ako dito.” Inilabas ni Paulo ang cell phone. Ipinakita kay Alex ang nagustuhang tattoo. Isa iyong Chinese word na ang ibig sabihin. Don’t give up. At pinalagyan niya rin ng kanyang pangalan sa ilalim. Parang signature style.
Tumawa si Alex. ”Handang-handa ka talaga, ha.”
“Siyempre, ako pa,” masayang sagot ni Paulo.
Agad tinungo ng dalawa ang kuwarto ng shop kung saan naroon ang mga gamit nila sa pagta-tatoo. Binuksan lamang ni Alex ang pintuan nito para makita kung sino ang papasok sa shop.
Pagkalipas ng isang oras, natapos ni Alex ang paglagay ng tattoo sa likod ng balikat ni Paulo. Tuwang-tuwa ang binata nang makita iyon. Kahit nakaramdam ng sakit ang binata para sa kanya worth it iyon dahil natupad ang isa sa pangarap niya.
Lumipas ang mga araw kay Paulo. Tuluyang nawala ang sakit sa kanyang balikat. Buong tapang niya itong ipinagmalaki sa mga kaibigan at kaklase. Hinikayat pa niya ang mga ito na magpalagay rin sa kanilang shop, ngunit tanging iling at ngiti lamang ang naging sagot ng mga ito. Dahilan ng iba, masakit ang magpalagay ng tattoo.
“O, pare balita ko, ngayon ’ata sasabihin ng ating adviser ang mga nakapasa sa final exam,” pahayag ni Benjamin kay Paulo. Kasama ang iba nilang kaibigan nakaupo sila sa bench ng kanilang campus at masayang pinapanood ang soccer team habang nag-eensayo ang mga ito sa kanilang playground.
Biglang sinalakay ng kakaibang pakiramdam si Paulo. Huminga pa ito nang malalim. Tila umalingawngaw sa isipan ang sinabi ng ama tungkol sa perang ginagastos sa kanilang pag-aaral.
Agad nagsipasok ang magkakaibigan sa loob ng kanilang room. Maya-maya pa ay pumasok na ang kanilang propesor na tumatayong adviser din nila. Masaya ang naging pagbati nila rito.
“Magandang umaga rin sa inyong lahat.“ Tinungo nito ang mesang nasa harapan saka tiningnan ang folder na dala. Tila may binabasa roon. Maya-maya pa iniangat nito ang paningin partikular sa kinaroroonan ni Paulo.
Hindi naman mapalagay si Paulo sa kanyang kinauupuan, sabayan pa ng tingin na ipinupukol sa kanya ng guro. Ilang sandali pa may binasa ito. Halos panghinaan ng loob ang binata nang ’di marinig ang pangalan sa tinawag.
“I’m sorry, Mr. Borromeo. Major subject pa ang ibinagsak mo. Criminal Psychology,” malungkot na pahayag ni Mr. Cuevas kay Paulo.
Parang binagsakan ng langit at lupa si Paulo nang marinig ang pahayag ng kanyang guro. Dahil medyo napahiya sa klase, sandali siyang nagpaalam sa kanyang professor. Pakiramdam niya, ’di siya makahinga sa sobrang pagkabigo.
“Ayos ka lang, pare?” tanong ni Carl isa sa mga kaibigan niya. Tumabi ito sa kanya at hinaplos pa ang kanyang likod.
Biglang napikon si Paulo. Sa paghaplos ng kaibigan sa kanyang likod. Tila iba ang dating niyon sa kanya kaya agad niya itong tinabig saka binirahan ng paglayas. Kundi lang nila ito kaibigan, iisipin ni Paulo na bakla ito.
“Pare!” sigaw ni Carl. Muntik pang pumiyok.
“F**k you. Go to hell.” Itinaas pa ang gitnang daliri para kay Carl.
Hanggang sa nakauwi at nakaharap ni Paulo ang ama ay naging balisa siya
“May problema ka ba? Kanina ka pa riyan ’di mapakali,” tanong ni Mang Art kay Paulo. Kasalukuyan silang nasa terrace at nag-iinumang dalawa habang himas ng kanyang Papa ang isang manok na panabong.
Ngumiti si Paulo sa ama. “Wala po.”