HINDI pa man pumuputok ang haring araw sa silangan. Ginising na ni Tiyo Lito ang kanyang pamangkin nais kasi niyang makauwi agad sa kanilang nayon. Dahil nakatanggap siya ng mensahe kagabi mula sa kanilang lider na may aayusin silang gusot sa kabilang bayan. Mabagal ang ginawang pagmulat ni Paulo sa mga mata. Nagulat siya dahil medyo may kadiliman pa ang kuwartong pinagamit sa kanya ng tiyuhin. Kinapa niya ang kanyang cellphone na nasa uluhan, nang tingnan niya ang oras sampung minuto bago mag-alas-kuwatro ng umaga. Ganito ba talaga siya kaaga magising, aniya ng binata sa isipan. Ipipikit pa sana niya ang mga mata nang makarinig siya ng katok mula sa pintuan. “Pau, gising ka na ba? Bangon at aalis na tayo,” boses ng kanyang tiyuhin. “Sige po, susunod na ako,” sagot nito at saka uminat.