ALA-UNA NG HAPON nang dumaong ang barkong Montenegro Lines sa Abra de Ilog Port kung saan isa si Paulo sa mga pasahero ng barko. Sakay ng sariling motor agad inihanda ng binata ang sarili nang bumukas ang malahigante at yari sa bakal na gate ng nasabing sasakyang pandagat. Ilang sandali pa sumabay si Paulo sa buhos ng iba’t-ibang uri ng sasakyan palabas ng barko. Pagkarating niya sa gate ng port agad siyang nagtanong sa guwardiya kung saan ang tamang daan papuntang Calintaan. Bagama’t pangalawang beses na niya narating ang lugar, nangangamba pa rin siya na baka maligaw. Lalo’t naka-motor lang siya. “Itong daan deritsohin mo lang. Pagdating mo sa kanto, liko ka sa kanan highway na ’yon. Okay na deri-deritso lang paglampas mo ng Sablayan, Calintaan na ang kasunod no’n,” paliwanag ng guwar