Chapter One
Charm's PoV
"CHARMAINE!" Napabalikwas akong bigla mula sa pagkakahiga nang marinig ang sigaw ng mommy ko. Napalingon ako sa bedside table at nakita kong wala na roon ang class cards ko.
Patay!
Bumangon na ako at bumaba nang walang suklay-suklay at hilamos. Nasa sala si mommy at nanggagalaiti sa galit.
"Morn mom..." I smiled. Iwinagayway niya ang class cards ko sa aking harapan.
"What's the meaning of this? Kung hindi kuwatro, singko!" galit na sabi ni mommy at inihagis pa ang class cards ko.
"Hehe..." I smiled awkwardly at iniikot ang paningin ko sa sala. Nakita ko sina Barbie at Beatrice na nakaupo sa couch. Palingon-lingon lang sila at pasipol-sipol na parang mga inosente. Tumingin sa akin si Beatrice at sinamaan ko siya ng tingin. Nag-pis sign lang siya at ngumiti. I rolled my eyes.
"E, mommy, alam n’yo namang ayoko ng fashion design, e," paliwanag ko ngunit nahihimigan ang pagrereklamo.
"Pero sa fashion industry naka-linya ang pamilya natin. Tsaka ’wag mong sayangin ang galing mo sa pagde-design!" sabi ni mommy.
"Mommy, talent ko ang pagde-design. Pero hindi po ibig sabihin no’n na 'yon na rin ang passion ko. Mommy, journalism ang gusto ko. Kung—"
"Charmaine!" Pinutol na niya ako. Sabi ko nga, ’di ba? Wala ako karapatang magreklamo. "You're on the last year of college. Don't tell me ngayon ka pa mgshi-shift?" She raised an eyebrow.
"Kahit naman gustuhin ko, hindi n’yo ako papayagan, ’di ba?" I said.
"Are you talking back?" pagalit niya sa akin.
"Ang sa akin lang naman, My—"
"Charmaine, you'll pursue fashion design, whether you like it or not!" Tinalikuran na niya ako at umakyat sa kanilang kuwarto. Muli kong binalingan ng tingin sina Barbs at Beatrice. Ngumiti sila, tumayo at nagsimulang maglakad.
"Hoy! Kayong dalawa!" Nilapitan ko sila at parehas hinawakan sa tainga. At saka ko sila piningot.
"Aray, ate! Ate! Aray!" Paulit-ulit nilang daing habang dinadala ko pabalik sa couch. Binitiwan ko lang sila nang makaupo na sila.
"Bakit pinakita ninyo kay mommy ’yong class cards ko?" Humalukipkip ako habang nakatayo sa harap nila.
"We didn't!" sabay nilang sabi at todo pa sa pag-iling.
"At sa tingin ninyo talaga maniniwala ako? E, kayo lang ang may susi ng kuwarto ko bukod sa akin!" Nagkatinginan sila. Sabay silang tumayo at tumabi sa magkabila kong gilid. Inakbayan nila ako.
"E, kasi ate, kailangan talagang malaman ni mommy na ayaw mo ng fashion design," sabi ni Barbs.
"Alam niya, Barbie, alam niya! Pero imposible nang mabago pa ang isip ni mommy. Kung gusto niya ng fashion design, e ’di magpa-fashion design ako. Kaysa naman isumbat na naman sa akin ni mommy ang pag-iwan ko kay Francis sa mismong araw ng kasal namin."
Naglakad na ako pabalik sa kuwarto ko at iniwan ang kambal sa sala. Bumalik na ako sa pagkakahiga ko.
Three months.
Tatlong buwan na rin pala mula nang tumakbo ako palayo mula sa sarili kong kasal. Limang taon kaming naging magkasintahan ni Francis. Hanggang sa ipakasal na kami ng mga magulang namin. Hindi na nila nahintay pa ang pag-graduate ko. I love him. Pero habang tumatagal, nararamdaman kong hindi na ako masaya.
May mga bagay na masaya kong nagagawa noong hindi pa kami, pero hindi ko na nagawa noong naging kami na. Ayaw niya kasi. Hindi raw kasi gawain ng isang babae. He wants me to be demure, na malayo naman sa totoong ako. Hindi ko sinasabing easy girl ako pero nasanay lang ako sa mga gawaing unladylike. Simple. Just me.
Siya ang nagdedesisyon sa mga bagay na ako dapat ang nagpapasya. Pero hindi ko yata kayang habang buhay na sumunod sa gusto niya. Sagrado ang kasal kaya gusto kong isang beses lang itong mangyayari sa buhay ko. Kaya ayokong magkamali ng desisyon. Isang lalaki lang ang susuotan ko ng singsing at isang lalaki lang ang magsusuot sa akin ng singsing.
At hindi ko pinagsisisihan ang pagtakbo ko. Oo masakit, pero unti-unti nang bumabalik ’yong dating ako. Ayokong masayang ang buhay ko sa mga bagay na hindi ko naman gustong gawin.
"Ate Charm?" Marahang binuksan ni Beatrice ang pinto at pumasok sila ni Barbs. Naupo sila sa kama ko at hinarap ako.
"Bakit nandito pa kayo? Baka ma-late na kayo sa klase ninyo," sabi ko at umiling sila.
"Ate, bakit hindi mo na lang sabihin kay mommy ’yong totoo? Malay mo payagan ka na niya? Maiintindihan niya—"
"Beatrice, ayokong malaman ni mommy ang totoo," I tell them, at sana ay hindi na sila mangulit pa. Tinignan lang nila ako nang buong pag-aalala at tumango na lang din sila. Nagpaalam na sila at lumabas na.
Maya-maya lang din ay bumangon na ako at naligo para pumasok.
—
"Charm! Charm! Charm!" Napalingon ako nang marinig ang boses ni Aldrick at tumatakbo siya palapit sa akin.
"Oh, bakit?" tanong ko nang nasa harapan ko na siya.
"Pinapatawag... ka ng... chancellor..." hinihingal na sabi niya at napakunot ang noo ko.
"Ako? Bakit naman daw?" tanong ko.
"I don't know. Go! Mukhang mainit ang ulo, e," sabi ni Aldrick at pinagtulakan na niya ako papuntang chancellor's office.
"Diyan ka lang, ha?" sabi ko sa kanya nang makarating kami sa tapat ng pinto ng office. Sa pagkakatanda ko, wala pa akong naba-violate na rule so far.
Aldrick Stasevich is my best friend. Anak ng may-ari ng university na ito. Well, anak sa labas to be exact. Pero at least, anak pa rin siya ng may-ari. Ayon sa kuwento niya, taga-Russia ang mga Stasevich. Pero hindi napipirmi sa isang bansa dahil kalat sa buong mundo ang expansion ng kanilang business. Si Aldrick lang ang for good dito dahil ayaw niyang iwan ang kanyang ina.
Wala rin naman akong pakialam sa kanilang family tree.
"Oo, bilisan mo na!" sabi niya at kumatok na siya.
"Come in..." Boses ng chancellor at pumasok na ako.
Sinenyasan niya akong maupo na. Hinubad niya ang kanyang salamin at isinuksok sa bulsa ng kanyang coat . He narrowed his eyes at para bang ini-examine ako. May iniabot siya sa aking folder.
"Ano po ito?"
"Look for yourself," he simply answered pero sumunod na rin ako. "An internship referral for Stasevich Designs," sabi niya.
"Look for yourself daw, e sasabihin din naman pala," bulong ko.
"You were saying, Miss Capili?" Tinaasan niya ako ng kilay kaya umiling ako.
"Wala po, ah?"
"Hindi mo man lang ba itatanong kung bakit ikaw ang ire-refer para sa SD?" tanong ng chancellor. Nagkibit ako ng balikat.
"Well, obviously, Mr. Chancellor I... I have... Mayroon ako ng lahat ng katangian na hinahanap sa Stasevich Designs. Pakiramdam ko nga'y pinanganak ako para sa kanilang kompanya," I boastfully said. Tumango na lang ang chancellor at pinaalis na ako. Pagkalabas ko ng chancellor's office ay sinaksak ko sa dibdib ni Aldrick ’yong folder.
"Mukha mo, Aldrick! Alam kong ikaw ang may idea niyan!" sabi ko sa kanya at nauna na ako sa paglalakad.
"Charm, naman! Pagbigyan mo na ako rito." Pangungulit niya at sinusundan pa ako kakalakad.
"Puwede ba, Drick! Sabing hindi nga designing ang papasukin ko, e. Pagtapos kong mag-fashion design ay magte-take ako ng journalism." Hanggang sa makaupo na ako sa upuan ko ay nakasunod siya.
"Gano'n din naman, Charm, e! Kailangan mo ng internship para maka-graduate. At least hindi ka na mahihirapang maghanap ng company," he pushes.
"Mr. Stasevich, kailan pa naging Management room ’tong Fashion Design?" Pumasok na ang prof namin at dinilaan ko si Aldrick.
"Pag-iisipan ko," I mouthed nang magsimula na siyang maglakad palabas ng classroom. Ngumiti siya at tumango. He's right. At least, hindi ko na kailangang maghanap ng company for my internship. Baka sakaling matuwa si mommy kapag nalaman niyang sa SD ako mag-iintern. Sobrang laki ng company na ’yon.
"Hey, gorgeous! Napag-isipan mo na ba?" tanong ni Aldrick pagkaupong pagkaupo niya sa lagi naming puwesto rito sa caf.
"Yup. And yea, pumapayag ako," sabi ko.
"Talaga? Thank you, Charm! Finally, mapupuri din ako ng daddy ko dahil nagpasok ako ng isang napakagaling na intern! Perfectionist lang si kuya pero alam kong papasa ka sa kanya," sabi niya.
"Don't expect too much!" I tell him.
"I know you won't fail me, best friend!" He winks at me and I rolled my eyes. Pasalamat siya at kailangan kong magpa-good shot kay mommy kaya ako pumayag.
—