URSULA 4

1251 Words
“Patawarin mo ako pero, hindi ko rin maintindihan kung bakit nagkakaganiyan ang gilagid mo at mga ngipin. Napaka-imposible kasing regular ka namang nagpapatingin at kumakain ng healthy foods. Bukas pa natin malalaman ang resulta ng X-ray mo. Sa ngayon, bibigyan muna kita ng gamot, para ito sa hindi na magtuloy-tuloy ang paglalagas ng ngipin. At masakit ba?” Iling ang isinagot ni Ursula sa doktorang napakunot-noo naman. “Ganoon? Hindi masakit? Kahit kaunting kirot wala?” Muling umiling si Ursula. Kinakabahan siyang baka bigla na lang malaglag ang piraso ng kaniyang ngipin oras na ibinuka niya ang bibig para magsalita. Buti na lang at maagang umalis ang kaniyang lola kaya dali-dali siyang nagbihis para makipagkita nga sa kaniyang dentista. Naka-mask siya at buti nga, ang tatlong ngipin niya nang nagdaang mga oras ay hindi na nasundan pa. Napahinga ng malalim ang dentista. Ngayon lang siya naka-encounter ng ganoong kalagayan. Kaya kailangang pag-aralan niyang maigi iyon at isa pa naman si Ursula sa mayamang kliyente niya. Mga gamot na ang ibinigay sa kaniya ng dentista na agad na niyang binayaran at nagmamadali na ring umalis. Kailangan pa kasi niyang pumasok ngayon dahil magagalit na naman ang lola kung sakaling hindi na naman siya pumunta ng mental hospital. *** Kanina pa naiilang si Ursula sa walang puknat na pagtitig ng kanilang pasyenteng si Sam sa kaniya. Nakasalubong niya si Danilo kanina sa daan at sinabing kanina pa raw siya hinahanap ng kaniyang lola. Hindi na siya dumaan ng locker room at bitbit ang bag na dumiretso na siya ng isa sa mga kuwarto ng pasyente. Buti na lang at bitbit na ni Danilo ang records. Tiyak kasing pagagalitan na naman siya ng abuela kapag nalamang ngayon pa lang siya nagra-rounds. Hindi siya maintindihan ni Danilo kapag nagtatanong siya dala marahil ng kaniyang mask. Hindi niya nais na tanggalin iyon, kaya takang-taka si Danilo dahil madalang lang naman siyang maglagay nun dahil naiinitan nga siya. Pero, dahil sa kalagayan niya nga, hindi niya iyon tatanggalin. Huwag lang siyang ipatawag ng lola niya at kausapin. Galit kasi ito kapag may kinakausap tapos nakatakip pa ang bibig. Kaya kailangan, hindi niya ito makasalubong man lang. Madali na kung sa bahay. Kanina pa nga siya kinakabahan at baka may mahulog na namang ngipin sa kaniya. Lagi niya na ngang pinakikiramdaman ang sarili. Sinilip niya ang loob ng kuwarto at baka naroon ang kaniyang lola. Nang masigurong wala naman ay agad na pumasok at isinara ang pinto. May mangilan-ngilan na rin namang nurse sa paligid; may nagpapakain, nagpapalit ng damit, nakikipag-kuwentuhan at ang iba naman ay nagpapatulog. Sinenyasan niya si Danilo na dumiretso sila ng dulo. Nakasandal si Sam sa headboard ng datnan nila. Limang pasyente ang naka-assign sa kaniya ngayong araw kaya tsinek niya kaagad ang records. Uunahin na muna niya itong si Sam. Mataman silang tiningnan ng babae habang binababa niya ang bag sa gilid ng lamesang nasa kanan nito. Nginitian niya ito subalit nanatiling blangko ang reaksiyon niya. Nagkibit-balikat na lang siya at tinanong si Danilo kung nakakain na ba si Sam. Tango lang ang sinagot ng kaibigan. Kinuha niya ang lalagyan ng gamot kay Danilo pati na rin ang bote ng tubig. Inuumang niya ito sa dalaga, subalit hindi man lang iyon tiningnan bagkus ay nanatiling lang nakatingin ito sa kaniya. “Sam, abutin mo na ito para mainom mo na.” Sumingkit ang kaniyang mga mata, indikasyon na ngumiti siya sa ilalim ng mask. Pero, ikiniling lang ng huli ang kaniyang ulo sa kaliwa na parang pinag-aaralan ang bawat anggulo ng kaniyang mukha. “Bakit kasi ayaw mong ibaba yang mask mo para maintidihan ka niya?” nakakunot ang noong saad ni Danilo. “O, e di ikaw ang magpainom.” Iniabot niya ang gamot kay Danilo pero inismiran lang iyon ng binabae. “Duh?! Work, work, work mo ‘yan, madam. Makita pa tayo ni lola, naku, makurot pa ako sa singit.” Gumilid si Danilo sa kabilang kama ni Sam at lumapit nang bahagya sa kaliwang tainga nito. “Sam, sige na, inumin mo na yung gamot, o,” nakangiting saad nito. Ni hindi man lang lumingon si Sam sa gawi ni Danilo, pero inabot nito ang lalagyan ng gamot mula kay Ursula. Sinilip ang loob at inamoy. Humanda naman ang dalawa at baka maulit na naman ang nangyari sa nakaraang pasyente. Baka itapon din iyon ni Sam. Nakahinga lang sila nang maluwag nang diretsong inumin iyon ng dalaga, sabay abot na rin ng tubig at tumungga. Inayos ni Danilo ang unang nasa likuran ni Sam at pinasandal ng maayos. “Pahinga ka.” Tinapik pa ni Ursula ang balikat ni Sam at agad na iniabot ang bag na nasa gilid. Napaigtad siya nang hawakang bigla ni Sam ang kaniyang braso, dahilan para mahulog ang kaniyang bag. “Bakit?” kay Sam niya itinuon ang paningin at may kalakasang nagtanong. “Magsi-CR ako,” mahinang saad nito pero narinig naman niya. Uutusan sana niya si Danilo na samahan ito, pero lalaki pa rin pala ito kahit paano. Tumango na lang siya at binalak na damputin ang mga gamit sa lapag. Nakababa na si Sam at halos sabay silang napasulyap sa nagkalat niyang gamit. Naiwan niya pala iyong bukas. Marahil noong inilagay niya ang mga gamot. Tsinek na ang mga iyon at baka nabasag, buti na lang at hindi naman. Isa-isa niyang dinampot ang mga iyon at hindi niya inasahan na biglang magsisigaw si Sam. “Hindi! Hindi!” Napaangat ang mukha ni Ursula mula sa pagpupulot ng mga gamit. Kita niya ang takot sa mukha ni Sam at may partikular na tinitingnan sa mga nagkalat sa lapag. Nanginginig ito at napapaluha na rin. Sinundan niya nang tingin ang tiningnan nito, at ang notebook iyon na nakapatong mismo sa tsinelas nito. Ang notebook ng wishlist. Kinuha iyon ni Ursula at naalalang si Sam nga pala ang nagmamay-ari nun. Tumayo nang tuwid si Ursula at pilit na iniabot kay Sam iyon, subalit parang diring-diri at takot na takot na sumampa itong muli sa kama at sumiksik sa may headboard. Hawak ang mga tuhod na sinasabing ilayo sa kaniya iyon. Nagkakatinginan sila ni Danilo. Ang iba naman ay hindi na nagtataka dahil nasa mental nga sila at natural na ang ganoong sistema ng mga pasyente. “Ursing, itago mo na nga iyan. At mukhang takot ito sa pulang bagay.” Nilapitan ni Danilo si Sam at inalo dahil patuloy ito sa pag-iyak. Nagkibit-balikat si Ursula at balewalang inilagay sa bag ang notebook. Matapos na isara iyon ay isinukbit nang tuluyan. “Tanungin mo nga kung magbabanyo pa ‘yan at pupunta pa tayo sa kabila.” Sunud-sunod namang tumango si Sam kahit pa umiiyak ito. Marahil ay ihing-ihi na talaga ito. Pinahawak naman ni Ursula ang bag kay Danilo at inalalayan na ang dalaga. Mabilis naman itong bumaba at matapos na maisuot ang tsinelas ay nauna pang pumasok ng banyo na nasa loob mismo ng kuwartong iyon. Agad naman sumunod si Ursula. Nakita niyang naghilamos ito at suminga sa lababo. Sumandal naman si Ursula sa pinto at pinanood lang ang ginagawa ng pasyente. Mayamaya, nagtama ang mga mata nila sa salaming nasa harapan ni Sam. Nakatitig sa kaniya ang mapupulang mata pa nito gawa ng pag-iyak. At hindi niya inasahan ang sunod nitong sinabi. “Hindi ka niya patatahimikin. Mamamatay ka rin.” Nakakuyom kanang palad nito habang madiin ang bawat salita sa kaniya. “Sino?” patamad na saad niya. Mukhang inatake na naman ito ng pagkaaning. “Nang wishlist.” jhavril---
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD