Sunud-sunod na katok ang nakapagpagising kay Ursula. Tinatamad na tinanggal niya ang eye pad at nakapikit pa ang isang matang inilibot ang paningin. Hindi man gaanong tumagos ang liwanag mula sa bintana ng kaniyang kuwarto, malinaw na nakikita niyang maliwanag na sa labas. Patuloy ang pagkatok at pagtawag sa kaniyang pangalan sa labas ng pinto. Naiinis na basta na lang tinanggal ang kumot at sumigaw ng bakit?
“Ma’m, pinapagising na po kayo ng lola ninyo. Sumabay na po raw kayo sa almusal.”
Ang halos dalawang taon na nilang katulong iyon. Lima ang katulong sa bahay na iyon at ito pa lang ang tumatagal. Dahil na rin siguro sa ugali niya, nila ng lola niya actually.
“Magbibihis lang ako!” pasigaw na saad niya na halos paos na nga ang lumalabas dahil sa kaiiyak niya kagabi. Dalawang rason iyon; sa lola niya at siyempre, sa nasaksihan kay mahal na doktor at sa kasintahan nito.
“E, ma’m, kailangan na po ninyong bumaba…”
“Ang sabi, susunod ako! Buwisit!”-- sa mga katulong at mababa lang sa kaniya siya nakakaganito. Pero sa lola niya, sampal ang aabutin niya oras na sigawan niya ito.
Napasabunot siya sa sariling buhok at inihilamos ang kanang kamay sa mukha.
Nakakainis!
Ipinasya na niyang bumaba at maghilamos na lang muna. Baka hindi na muna siya papasok dahil pakiramdam niya, may dalawang malaking uod sa kaniyang mata, busog na busog. Hindi man niya tingnan sa salamin, alam niyang magang-maga iyon dahil halos hindi na niya maimulat.
Matapos ang madaliang ritwal sa umaga, bumaba ng naka-shorts at sando si Ursula. Kita ang kaputian at kakinisan ng kaniyang balat. Maganda ang kaniyang mukha at hubog ng katawan. Alaga sa salon ang kaniyang buhok na kulay brown. Matangkad din siya sa edad na bente tres. Kaya takang-taka siya kung bakit hindi siya magustuhan ng kinahuhumalingang doktor gayong kung tutuusin, mas maganda naman siyang di-hamak sa kasintahan nitong nadaan sa gluta ang puti.
“Good morning, lola,” mahinang saad ni Ursula nang makalapit sa hapag. Gagawaran sana niya ng halik sa pisngi ang matanda, subalit umiwas ito at iminuwestra na maupo na siya sa kanang bahagi nito. Nakayuko ang ulong naupo si Ursula habang mataman siyang tinitigan ng abuela.
Nilalagyan siya ng juice sa baso ng katulong nang sumimsim sa tasa ng tsaa ang lola niya bago nagtanong.
“Anong kaartehan at umiyak ka ng ganiyan? Ilang beses kong sasabihin na hindi ka dapat maging mahina,” may diin ang bawat kataga ng kaniyang lola. Kung nakakabilaok lang ang mga salita nito, malamang namatay na siya sa pagkahirin.
Pinili niyang sumandok ng pagkaing nasa harap kesa ang sumagot.
“Sige, huwag ka nang pumasok ngayon. Tutal, may mga nurse naman na mag-O-OJT. Kailan mo balak na ipagpatuloy ang pagiging doktor?” magaang man ang mga salitang ginamit nito, halatang kailangan mong sumagot ng naayon sa kaniyang kagustuhan.
“Ito nga po ang gusto ko, nurse. Ayoko na pong mag-aral ng iba pang kurso ng medisina. Tama na po…”
Napaigtad si Ursula ng biglang magmura ang kaniyang lola. “At paano kung mamatay ako? Sino ang mamamahala ng mental? Wala kang alam kung hindi ang magbigay ng gamot sa pasyente at turukan sila? Kahit ang pagpapatakbo ng maliit na clinic siguro ay hindi mo kakayanin. Istupida!”
Nagpunas ito ng bibig at basta na lang ibinato sa kaniya ang pinaggamitan niyon. Tinamaan man siya sa mukha ay nakatikom ang bibig na hindi na nagsalita si Ursula.
“Sa susunod na pasukan, mag-aral ka ulit. Iyong gusto kong kurso. Nagkakaintindihan ba tayo, ha, Ursula?”
Hindi sana niya nais na tumugon, pero akmang sasampalin siya nito kaya sunud-sunod na tango kasabay ng opo lola, ang mabilis niyang nagawa.
“Good. Kung ganiyan ka nang ganiyan, magkakasundo tayo. Ngayon, kumain ka na.”
Tahimik na dinampot ni Ursula ang kutsara at tinidor at nagsimulang kumain. Pilit niyang nilulunok ang pagkaing kahit anong sarap ay hindi niya malasahan.
Parang ang mga salita ng kaniyang lola, kahit ayaw niyang marinig, kailangan niyang pakinggan at sundin.
***
Pabiling-biling sa higaan si Ursula kinagabihan. Malakas naman ang aircon pero parang init na init ang kaniyang pakiramdam. Inis na bumalikwas siya nang bangon. Basang-basa ang bandang dibdib at likuran ng kaniyang suot. Nakaternong pajama na kulay pula siya at bumabakat sa katawan niya ang pawis.
Nakatodo naman ng aircon kaya nagtataka siya kung bakit basa ang kaniyang katawan. Hindi siya mahilig sa maanghang kaya hindi niya maintindihan kung bakit sobrang pagpapawis ang nangyayari ngayon. Dinaig niya pa ang nag-work out ng buong araw!
Inis na hinubad niya ang pantulog at basta na lang inihagis kung saan. Halos naliligo na siya sa sariling tubig na lumalabas sa kaniyang katawan.
Agad siyang sumampa sa bathtub matapos na punuin iyon ng tubig at paboritong bath soap. Ramdam niya ang kaginhawaang dumampi sa kaniyang balat nang simulan niyang humiga. Inihimlay niya ang batok sa dulo ng bathtub habang kumuha ng mga bula at nakangiting ipinahid sa magkabilaang braso. Hindi niya pa nais na umahon kaagad kahit pa madaling-araw na, kaya iniabot niya ang remote ng speaker at in-on. Pumailanlang ang paborito niyang kanta. Iginalaw-galaw niya ang katawan at sinasabayan pa nang pagkanta habang patuloy na nilalaro ang mga bula.
Nang magsawa ay umayos nang puwesto at pumikit. Acoustic ang sumunod na kanta kaya ini-relax niya ang katawan at isipan.
Subalit, kasabay nang pagmulat ng kaniyang mga mata ang panlalaki niyon. Napabalikwas na rin siya nang bangon at halos nasusuka na siya sa pagkabilaok. Bigla kasing may bumara sa kaniyang lalamunan at pagkalasa na rin ng malansang dugo!
Dumahak siya at pinilit na ilabas o isuka ang kung ano mang iyon na hindi niya malaman.
Halos madapa na siya nang umahon mula sa bathtub. Ipinasok na niya ang hintuturo at tinusok ang lalamunan para maisuka ang nakabara doon. Tumapat siya sa lababo at pilit na isinusuka na naging dahilan na ng kaniyang sunud-sunod na pag-ubo.
Napahawak siya sa sariling bibig nang maramdamang nasa dila na niya iyon, unti-unti niyang idinura sa kanang palad. At naibagsak niya iyon sa lababo. Rinig pa ang pagtunog nito nang lumagpak ang puting bagay na iyon.
At halos masuka siya nang mapagtanto kung ano ang bagay na iyon.
Ngipin?!
Napapaatras si Ursula habang sapo ang dibdib. Ngipin? Bakit may piraso ng ngipin sa kaniyang lalamunan? Hindi kaya…
At bago pa man siya makalapit sa salaming nasa kaniyan ng harapan, isang piraso na namang ngipin ang kaniyang naramdamang sa kaniyang bibig.
Napatakbo siyang muli sa lababo at isinuka ang isa na namang ngipin. Kahit hindi makapaniwala, agad niyang ibinuka ang sariling bibig at kahit natatakot ay inalam kung tama ang kaniyang hinila.
At dalawang ngipin na ang nawawala sa kaniya. Isang bagang at isa sa unahan!
Paanong…
Napapailing si Ursula dahil masiyado siyang maalaga pagdating sa katawan. Lalo na sa kaniyang ngipin! Lagi siyang nagpapa-dentista, para lang maging mapanatili ang kagandahan nito.
Mabilis niyang iniabot ang bathrobe at agarang isinuot. Wala siyang pakialam kung tumutulo pa ang buhok at agad na hinagilap ang cellphone. Nagdadayal na siya nang maramdamang muli ang isa na namang pagkahulog ng ngipin. Nanginginig na hinablot ni Ursula ang piraso ng tissue sa lalagyan at dito niya iniluwa ang sariling ngipin. May humalong dugo pa sa kaniyang idinura kaya nandidiri niyang itinapon sa basurahang nasa gilid lang.
Numero ng kaniyang dentista ang tinawagan ni Ursula. Hindi sumasagot ang nasabing doktora, marahil ay tulog ito dahil alas-dos pa lang naman ng madaling-araw. Nagpadala na lang text message si Ursula. Nagpa-appoitment siya mamaya ring alas- otso.
Kailangan niya kasing malaman kung ano ang nangyayari sa kaniya!
jhavril---