URSULA 2

989 Words
Pigil ang luhang tumalikod si Ursula at dumiretso na lang sa loob ng mental hospital. Hindi niya kayang panoorin ang mahal na doktor habang nakikipaghalikan sa girlfriend nitong labis niyang kinaiinggitan simula pa man. Akala naman niya ay magkakaroon na sila ng something nito sa loob halos ng isang taon niyang kinimkim ang pagkakagusto rito. Pero mali pa rin pala siya. Tinging kapatid pa rin ang turing nito sa kaniya simula pa man. Inis na ibinalibag ni Ursula ang bag pagkarating ng locker room. Walang katao-tao at tanging siya pa lang ata ang naroon. Hinayaan niyang bumagsak ang bag sa upuang nasa gilid at pabagsak din siyang naupo sa katabi niyon. Wala siyang pakialam kung nasira man o nabasag ang cellphone niya sa loob. Basta, gusto niyang magwala at magsisigaw sa sobrang inis at selos. Huminga nang malalim si Ursula bago tumayo. Mayamaya rin kasi ay magsisimula na ang oras niya. Tiyak na magagalit na naman ang lola niya kung male-late siya. Kahit pa sila ang may-ari ng mental na iyon, kailangang matutuhan niya na muna ang lahat ukol dito bago pa man niya pamahalaan. At ang kahalagahan sa oras ang unang itinuro nito sa kaniya. Masama ang loob na binuksan ni Ursula ang locker na nasa pangatlo bandang kanan. Kinuha sa loob ang nurse cap at sapatos. Isasara na sana niya iyon ng biglang may bumagsak sa kaniyang paanan. Napatungo siya at isang pulang notebook ang kaniyang nakita. Napakunot-noo si Ursula at hindi na sana papansinin ang notebook na galing sa isang pasyente nila. Oo nga pala, itatapon na pala niya iyon tutal wala na sa kaniyang pakialam ang doktor na si Christian. Sisipain sana niya papunta sa ilalim ng locker nang matigilan. Napapatdang yumuko pa para makasigurado at nalilitong ipinasya nang damputin ng tuluyan iyon. Isang Wishlist na kulay itim ang nakasulat sa gitna at sa ibaba naman ang kaniyang …pangalan? Ursula? Napakunot-noo siya bago pinakatitigang maigi. At hindi nagbago ang nakasulat, pangalan niya nga iyon! Pero paano? Wala siyang matandaang may notebook siyang ganoon. Oo, paborito niya ang kulay pula pero hindi niya ugaling bumili ng mga sulating gaya nito. Hindi siya mahilig magsusulat ng kung ano-ano gaya ng diary o random thoughts na kailangan pang isulat kaya. Ni wala siyang ballpen sa bag. Hindi kaya, kapangalan niya lang ang may-ari niyon? Pero, sa pagkakatanda niya, Sam ang pangalan ng pasyenteng putol ang kaliwang braso. Bihira naman ang Ursula. Simula ng mag-aral siya hanggang dito sa mga kasamahan niya, siya lang ang may ganoong pangalan. Na napakapangit para sa kaniya! Pinili niyang buklatin ang naturang notebook. Napangiwi siya sa nakasulat sa unahang pahina. Isulat ang nais at tutuparin ng wishlist. Ano raw? Ang corny naman nito. May naniniwala pa ba rito? Natatawang napapailing si Ursula bago bumalik sa kinalulugaran ng kaniyang bag. Naupo sa upuang naroon at kinuha ang ballpen na nakasabit sa labas ng notebook. Hmmm… subukan nga natin. Nagpalinga-linga pa siya, partikular sa pinto at baka may makakita sa kaniya, mahirap nang mapagkamalang corny. Nagsimula siyang magsulat sa Wishlist: 1 na nakita niya sa kabilang pahina. Dahil sa nararamdaman pa ring selos sa babaeng pinakamamahal niyang doktor. Isang hiling ang kaniyang isinulat kasabay nang matinding inis para sa pangalang itinatak sa papel. MAMATAY NA SANA SI DIANA, ANG BABAENG MALANDI NI CHRISTIAN!!! Malalaking letra pa ang ginamit niya para talaga sanang magkatotoo, kahit pa hindi naman siya naniniwala. “Hay naku, bakit ko ba pinapatulan ang ganitong mga bagay.” Naiiling na napatayo siya nang marinig na bumukas ang pinto. “Hoy, Ursula. Bilisan mo riyan, hindi ka na pumunta ng meeting nagmo-moment ka pa riyan. Si lola mo nasa taas.” Nag-sign pa si Danilo ng hala ka. Bago umalis na rin kaagad. Nakasimangot na dinampot ni Ursula ang bag at basta na lang sana iiwan ang notebook, kaso naalala niyang may sinulat nga pala siya roon. Mahirap nang may makabasa kaya basta na lang niya iyong isinuksok sa bag at lumabas. *** Isang mariing halik ang ibinigay ni Christian sa kasintahang si Diana. Halos hindi niya mahiwalay ang labi sa dalaga dahil sobrang mami-miss na naman niya ito pag-uwi sa kaniyang condo. Mahal na mahal niya ang halos tatlong taong kasintahan. Kung tutuusin, kaya na niya itong pakasalan para lagi na silang magkasama. Kaso lang, nais muna nitong makapasa sa board exam para sa pagiging dentista. At maranasan ang magtrabaho ng isang taon bago sila magpakasal. Pumayag na rin siya dahil tutal naman ay humigit kumulang dalawang taon na lang ang hihintayin niya. “I love you. Tawag ka kapag nakauwi ka na.” Nakangiting ginulo pa ni Diana ang buhok ni Christian bago tinangkang buksan ang kotse. Nakangiting hinila naman kaagad ng doktor ang kamay ng kasintahan at ginawaran muli ng halik sa labi ang nakangiti ring dalaga. Bago natatawang kumalas na ang dalaga at binuksan nang tuluyan ang pinto ng kotse sa gilid niya. “Ingat ka!” Kumaway pa ang dalaga bago isinara ang pinto ng kotse. Nakangiti namang sinundan muna nang tingin ni Christian si Diana na makapasok ng gate ng bahay bago in-start ang kotse. Pagod man ang maghapon niya, masaya naman siya dahil nakapiling niya ang kasintahan. Buti na lang at nagre-review na lang ito para sa board. Halos isa’t kalahating taon na siya sa isang pribadong Mental Hospital sa Maynila. Iyon naman talaga ang nais niya dahil nang magkaroon ng sakit sa utak ang ina dahil sa pambubugbog ng ama, ninais niyang siya na ang mag-alaga rito. Subalit, bago pa man siya makatapos ay hindi kinaya ng ina, nagpakamatay iyon. Pero, dahil nais niyang makatulong sa mga gaya ng kaniyang ina, pinagpatuloy niya ang kurso at inaplayan ang isa sa pinakamalaking mental hospital sa lugar nila. At masaya siya sa ginagawa lalo pa at suportado siya ng mahal na kasintahan. Sumisipol-sipol pa si Christian na humuling sulyap pa sa bahay ng kasintahan, bago pasibad na umalis sa lugar na iyon. jhavril---
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD