URSULA 1

1195 Words
Tahimik na binabaybay ni Ursula ang kahabaan ng hallway. Kipit sa dibdib ang records na palagian niyang bitbit. Naroong sa bawat paglalakad niya ay maririnig ang lagatok ng kaniyang sapatos, kasabay nang pag-iingay ng ibang pasyente sa mental hospital na kanilang pag-aari. “Hoy, Eula!” Hindi man lang lumingon si Ursula sa tawag ng kaibigan niyang beki na si Danilo. Sa haba ng biyas nito ay bilis maglakad, malamang maabutan naman siya nito kahit hindi siya tumigil. “Hoy, babae! Ano na namang kaartehan iyan! May pahaplos-haplos ka pa kanina with matching pa-tantalizing eyes?! Mag-ingat-ingat ka nga, napaghahalataan ka na ni papa Doc, ha? Arte nito.” Nakaismid pa si Danilo kay Ursula na wala namang pakialam kahit pa naririndi siya sa may kaliitang boses nito. Bitbit niya ang records ng mga pasyente, samantalang ito ay tray ng mga gamot. “Paano naman niya mahahalata iyon? E, natural lang naman sa isang nurse at doktor ang mga ganoong bagay?” Habang pumapasok sa isang ward na tugon ni Ursula, kasunod niya sa likuran si Danilo. “Natural?! ‘Te, kahit iyong baliw na tinuturukan ni Doc e, naiinis sa mga hokage moves mo kanina.” Tulog ang isang pasyenteng lalaki nang lapitan nila. Tsinek ni Ursula ang records habang nire-ready naman ni Danilo ang gamot ng pasyente. “Ang manhid kasi niya! Bakit ba ganiyan ang mga lalaki? Kailangang babae pa ang magpaparamdam o kaya ang magsasabi kahit may gusto naman sila sa isa’t isa?” nakaismid na turan ni Ursula bago marahang lumapit sa pasyente. “Ewan ko, hindi naman ako lalaki, duh?!” Napangiti si Ursula sa iginawi ni Danilo. “At hello, gising ‘te. IKAW, lang ang may gusto, walang isa’t isa. Baka lang kasi nananaginip ka pa. May. Girlfriend. Na. Yung. Tao.” Akmang kokotongan ni Ursula si Danilo pero natatawang umilag ito. “Pinakadiinan mo pa talaga!” Sabay silang napalingon nang umungol ang lalaking pasyente. Tuluyan na itong ginising ni Ursula dahil oras na para uminom ito ng gamot. “Liam, gising na. Inom ka ng gamot.” Bahagyang tinapik pa nang marahan ni Ursula ang braso ng pasyente, bago iniabot kay Danilo ang kinalalagyan ng gamot nito. Bumaling-baling ang ulo nito bago marahang nagmulat. “Liam…” mahinang saad ni Ursula, bago nakangiting ipinakita ang maliit na lalagyan ng gamot na likidong puti. Blangko ang tingin nito sa kaniya. Ibinaba naman ni Danilo ang hawak na tray sa maliit na lamesang naroon, bago inalalayan ang pasyenteng maisandal sa headboard ng kama. “Inom kang gamot, ha?” parang batang kinakausap ni Ursula ito. Nakakain na naman ito kaninang bago matulog, kaya okay lang na mapainom na ito ng gamot. Nanatiling blangko ang pagkakatingin ng lalaking pasyente kay Ursula. Ni hindi ito tumango bilang pagsang-ayon o nagsalitang ayaw niya. Iniabot na lang ni Ursula ang lalagyang maliit sa pasyente na kinuha naman nito. Nanatiling nakatingin sa kaniya ang lalaki habang unti-unting inililalapit sa sariling labi nito ang lalagyan ng gamot. Nakangiti namang inihanda ni Ursula ang tubig. Nang walang ano-ano ay biglang inihagis sa pagmumukha niya ang kulay pulang likido. Napapikit si Ursula sa pagkabigla, habang nagulat naman si Danilo at agad na dinaluhan ang kaibigan. Inilabas ni Ursula ang panyong nasa bulsa at may inis na pinunasan ang mukha. Buti na lang at naitikom niya kaagad ang bibig, kung hindi ay may nakapasok na rito. Tawa naman nang tawa ang baliw na lalaking naglalaro sa edad na trenta y uno. May kapayatan at sa isang iglap, nakatalon ito mula sa kama at pabiglang hinawi si Ursula at Danilo na natumba pa sa kama. Dire-diretsong tumakbo palabas ng kuwarto. *** “Wala ka talagang kuwenta! Kahit kailan ka talaga Ursula! Maliit na gagawin, hindi mo pa magawa nang maayos! Walang-wala ka sa ama mo!” Halos kabisado na ni Ursula ang paulit-ulit na lintanya ng kaniyang abuela. Pero, sa tuwina ay napapakuyom pa rin siya ng lihim kapag ganitong napapahiya siya sa harap pa mismo ng mahal na doktor. Nasa harapan sila ng kaniyang lola, habang nakaupo ito sa kaniyang sariling lamesa. Pribadong silid pero pakiramdam niya, rinig hanggang kabilang pasilyo ang boses nito. “Doktora Yu, hindi naman si Eula ang may kasalanan. Ang security ng hospital ang dapat na pinagsasabihan…” Matalim na tumingin ang lola ni Ursula kay Doktor Christian. “Huwag mong ipagtanggol ang kagagahan nitong sa kasamaang palad e, aking apo! Kasalanan niya iyon dahil kung hindi niya pinilit na uminom ng gamot ang pasyente, hindi iyon magwawala at tatakbo palabas.” Ibinalik nito ang matalim na tingin kay Ursula na tahimik lang na nakaupo at nakayuko. Hindi. Hindi niya nais na umiyak sa kahit pa kanina niya pa gustong gawin iyon. Mamaya siguro, sa kaniyang sariling kuwarto. O, kaya, sa banyo sa baba kung saan walang masiyadong pumapasok… “Pun*eta ka talaga, Ursula! Hindi ka nakikinig sa mga sinasabi ko, kaya nagiging tanga ka na naman!” Inaangat ni Eula ang paningin sa lola at nakipagtitigan dito kahit pa parang halos lalamunin na siya nito sa talim ng mga tingin. “Nakikinig po ako. At hindi ko po siya pinilit, nakita po ni Danilo ang lahat at…” Mahina at may paggalang pa rin naman siya dahil ito na lang ang tangi niyang pamilya. Aksidente papuntang Baguio ang naging sanhi ng kamatayan ng kaniyang magulang. Magda-dalawang taon pa lang siya noon nang mangyari ang kamatayan nila. May a-attend-an na seminar ang ama at sumama naman ang ina. Para na rin sa kanilang second honeymoon iyon. Kaso lang, hindi pa sila nakakarating sa destinasyon ay nahulog na ang sinasakyan ng mga ito sa bangin. Patay na nang matagpuan ang mga ito. Lubos ang pasasalamat ng kaniyang lola na hindi siya nakasama sa aksidente. Pero para kay Ursula, kapag ganitong mga pagkakataong halos hindi naman siya ituring nitong nag-iisang apo, sana ay nakasama na lang pala siya sa kamatayan ng kaniyang magulang. “Nakikinig?! Tulala ka riyan, nakikinig? Kaibigan mo yang Danilo na yan, malamang kakampihan ka! Umalis ka na nga lang sa harap ko. Pasalamat ka at hindi tuluyang nawala ang pasyente, dahil kung nagkataon, ikaw ang ipapalit ko sa kaniya!” Hindi makapaniwala si Christian sa mga naririnig mula sa may-ari ng mental hospital na iyon. Ito pa lang kasi ang pangalawang napatawag siya nito. At ayon nga sa mga naririnig niya, sobra raw itong makapagsalita, lalo na sa sariling apo. Sinamahan na niya si Ursula nang ipatawag ito para makapagpaliwanag sa nangyari kanina. Pero, hindi niya akalain na ganito pala talaga ito makapagsalita nang masasakit. Nakita niya rin kasi ang pangyayari, buti na lang at naturukan kaagad niya ng sedative ang pasyente. “Alis na. Maiwan ka, Christian, may pag-uusapan pa tayo.” Tinging naawa ang ibinigay ni Christian kay Ursula na diretsong tumayo na at hindi naman sinulyapan ang doktor. Agad na tinungo ang pinto matapos na yumuko at mahinang magpaalam sa lola na inismiran lang siya. “I-lock mo ang pinto paglabas.” Tumango lang si Ursula sa utos ng kaniyang lola bago lumabas. Agad na pinunasan ang luhang tumulo at huminga nang malalim. Dapat sanay na siya. Dapat. jhavril---
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD