HINDING-HINDI makakalimutan ni Cassy ang ginawa niyang pagpapanggap nang nagdaang gabi bilang nobya ni Leo. Walang pagsidlan ang kaligayahan niya dahil hinalikan siya nito. Napahawak siya sa gilid ng mga labi niya at saka siya ngumiti na tila ba nangangarap.
“Hoy, babae! Bakit ka ngumingiti riyan?” pukaw sa kanya ni Neri, ang isa sa waitress sa bar na kinakantahan ng banda niya. Sa sandaling nakasama niya ito, madali niyang nakagaanan ito ng loob. Kahit medyo maingay ito, likas ang kabaitan nito.
Nagkibit-balikat siya. “Wala lang,” sagot niya.
“Mukha mo! Anong wala lang? Kanina pa kaya kita napapansin na parang natipus diyan.”
Natawa siya. “Hay, naku, kung alam mo lang. Mas malala pa sa natipus ang pakiramdam ko ngayon. Feeling ko nga, nakasakay ako sa ulap. Pagkatapos, bumukas ang pinto ng langit at umawit ang mga anghel.”
“Wah! Wala na, nabaliw ka na. Siguro, in love ka, `no?”
“Hmm… Maybe.”
“Tse! Bahala ka. Malalaman ko rin ang maitim mong sekreto,” biro pa nito.
Pumasok ang isang waiter na may dalang isang bouquet ng assorted flowers. Nagkatinginan sila ni Neri nang lumapit sa kanila ang waiter.
“Uy, bongga naman! Para sa akin ba `yan?” ngiting-ngiting tanong ni Neri.
“Asa ka pa. Para kay Ma’am Cassy ito,” sagot ng waiter.
“Para sa akin?” nagtatakang tanong niya.
Tumango ang waiter. “Opo. Dinala ito n’ong lalaking kausap n’yo rito noong isang gabi. Ang ganda nga ng kotse niya, eh.”
Kilala niya ang lalaking tinutukoy nito. Wala siyang ibang kausap sa bar kundi si Leo. Kinuha na niya ang mga bulaklak. May isang maliit na card na nakaipit sa mga dahon ng bulaklak. Kinuha niya iyon at binasa. Napangiti siya nang makita ang nilalaman ng card.
Cassy,
Thanks for last night. Take care.
Leo
“Kaya pala abot hanggang batok ang ngiti mo kanina pa,” biglang sabi ni Neri.
“This is it, Neri! Baka manliligaw na siya sa akin. Mukhang may gusto na siya sa akin,” masayang sabi niya.
“Hay, hija, sana nga. Pero huwag kang umasa nang sobra. Baka mamaya, para sa kanya, pasasalamat lang iyang pagbibigay niya ng flowers. Ikaw rin ang masasaktan sa huli.”
“Neri, naman, hayaan mo na muna ako. Huwag ka nang kumontra.”
Nagkibit-balikat ito. “Okay. Sabi mo, eh! Basta ako, pinaalalahanan na kita.”
“Oo na.” Niyakap niya ang mga bulaklak. Wala siyang pakialam kung nagmumukha siyang baliw sa ayos niyang iyon. Nang mga sandaling iyon ay walang lugar sa kanya ang mga negatibong bagay. Ang importante ay masaya siya.
“THANKS, Leo,” sabi ni Cassy. Dumukwang siya at hinalikan ito sa pisngi. Halatang nagulat ito sa ginawa niya. Nginitian niya ito, saka siya tuluyang bumaba ng kotse nito. Hindi na rin niya nilingon ito. Dumeretso na siya sa loob ng kanilang bahay. Pagpasok niya roon ay sinalubong siya nina Myca at Panyang na kapwa may nanunudyong tingin sa mga labi.
“Si Leo ba `yon?” tanong sa kanya ni Panyang.
“Ha? Hindi, ah!” kunwa ay gulat na sagot niya.
“Weh. Parang si Leo `yon, eh. Nagde-date na ba kayo?” usisa ni Myca.
“Hindi nga si Leo `yon. Kamukha lang `yon ng kotse niya. Iba `yon,” tanggi pa niya.
Nagtinginan ang mga ito. Alam niyang nagdududa pa rin ang mga ito sa sagot niya. Pero kailangan niyang ilihim ang paglabas nila ni Leo. Nangako siya rito. Gusto man niyang itanong kung bakit ayaw nito na ipagsabi ang paglabas nila, mas pinili na lamang niyang manahimik. Mas okay na rin iyon. Baka kasi maudlot ang magandang simula ng papausbong niyang love life sa lalaking tanging minamahal niya.
“Papasok na muna ako sa kuwarto ko, ha?” paalam niya sa dalawa.
“Okay. Sa Rio’s na kami kakain. I’m sure, nag-dinner ka na,” sabi pa ni Myca.
“Oo. Sige.” Pagpasok niya sa loob ng kuwarto ay agad siyang humiga sa kama at niyakap ang unan. Hindi nawawala ang ngiti sa mga labi niya. In-imagine niya na si Leo ang unan na yakap niya. Ano nga kaya ang pakiramdam kapag nakakulong siya sa matitipunong bisig nito? Para siguro siyang nakalutang sa hangin.
Iyon na ang pang-apat na beses na niyaya siya ni Leo na lumabas. Walang pagsidlan ng kaligayahan ang puso niya. Sa susunod na pagkikita nila, sasabihin na niya rito ang tunay na damdamin niya para dito. Sigurado siyang matutuwa ito. Sa apat na beses na paglabas nila ay ipinaramdam nito sa kanya na espesyal siya para dito. May iilang pagkakataon din na hinawakan nito ang kamay niya. She couldn’t ask for more.
“THAT was good, Cassy,” puri sa kanya ni Leo pagkatapos ng huling awitin niya para sa second set nila.
“Salamat,” tugon niya.
Hindi na uli ito kumibo pa. Itinuon nito ang atensiyon sa iniinom na alak. Base sa hitsura nito, mukhang malalim na naman ang iniisip nito. Ilang beses pa siyang huminga nang malalim bago nagsalita. Iyon na ang pagkakataon na hinihintay niya upang maipaalam niya rito ang tunay na damdamin niya.
Tumikhim siya. “Leo…”
Tumingin ito sa kanya. Pero wala siyang nabasang anumang emosyon sa mga mata nito. Bigla ay naunahan siya ng kaba. Parang may pumipigil sa kanya na sabihin ang gusto niyang sabihin dito. Pero ang sabi nga sa isang kasabihan, “No guts, no glory.” Walang mangyayari kung hindi siya magsasalita sa gabing iyon.
“Bakit?”
“May sasabihin sana ako sa `yo, eh.”
“Go ahead.”
“Uhm… I-I… like you,” kandautal na sabi niya. Kitang-kita niya kung paanong halos magsalubong ang mga kilay nito. Kung tama ang sapantaha niya, hindi nito nagustuhan ang sinabi niya. Umiling ito at dinukot ang wallet sa backpocket ng maong na pantalon nito. Naglabas ito ng pera at inilapag nito iyon sa ibabaw ng mesa, saka ito tumayo at dere-deretsong lumabas ng bar. Nalilitong sinundan niya ito. Nabuksan na nito ang pinto ng kotse nito nang abutan niya ito. “Leo, wait! Bakit ka umalis? Hindi mo ba nagustuhan ang sinabi ko? I said, I like you. Don’t you like me, too?”
Tumawa ito nang pagak. “Alam mo ba kung ano’ng sinasabi mo?”
“I know what I feel for you. At alam kong gusto mo rin ako. Kaya mo nga ako palaging niyayayang lumabas, hindi ba?”
“Then you misunderstood everything. Walang ibig sabihin para sa akin ang date na iyon. It was just a friendly date.”
Pakiramdam niya ay binuhusan siya ng malamig na tubig. He just dumped her with a snap of a finger. Nag-unahang maglandas ang mga luha sa magkabilang pisngi niya. “Leo…”
“I’m sorry, Cassy. Hindi ko alam na aasa ka. I mean, hindi ko intensiyong paasahin ka. Hindi ako nababagay sa `yo. I’m not capable of loving anyone. Masasaktan at mahihirapan ka lang sa piling ko.”
“Pero handa akong harapin ang lahat ng iyon para sa `yo, Leo. Mahal kita. Mahal na mahal kita,” umiiyak na sabi niya.
“Forget about what you feel for me. Forget about me.”
Iyon ang huling mga katagang sinabi nito sa kanya. Naiwan siya sa parking lot na luhaan at durog ang puso. Hindi niya inakala na sa ganoon hahantong ang lahat. Nanghihinang napasalampak siya ng upo sa semento. Wala nang mas sasakit pa sa nararamdaman niya nang mga oras na iyon…
LUMAPIT si Cassy sa counter sa Rio’s Finest. Doon niya balak kumain ng almusal.
“Ano’ng order mo, hija?” tanong sa kanya ni Madi.
“Black coffee and clubhouse sandwich,” matamlay na sagot niya. Napapansin niya na habang tumatagal ay paganda nang paganda ito. Mukhang babae ang ipinagbubuntis nito.
“Bakit parang tamad na tamad ka?” usisa nito.
“Inaantok pa kasi ako. Mag-aalas-kuwatro na kasi akong nakauwi kanina,” sagot niya.
Ibinaba nito sa tray niya ang isang tasa ng umuusok na kape. “Isusunod na lang `yong sandwich mo,” sabi nito.
Tumango siya. Bitbit ang tray na may laman na tasa ng kape, umupo siya sa mesa na nasa isang sulok ng restaurant. Sumunod sa kanya si Madi at sinamahan siya.
“Bakit hindi ka muna natulog?”
“Nagugutom na kasi ako. Wala namang pagkain sa bahay kaya lumabas na lang ako,” sagot niya. Hinalo-halo niya ng coffee stirrer ang kape.
“Kumusta naman ang puso mo?”
Napahinto siya sa paghahalo ng kape at napaingos. Itinaas niya ang kanyang sunglasses. Bale-wala na sa kanya kung makita man nito ang eye bags niya. “Ate Mads, naman, eh. Puwede bang huwag mo na lang kumustahin ang puso ko?”
Tumawa ito. “Hay, naku, mukha ngang hindi maganda ang lagay niyan.”
“Sinabi mo pa.”
“Totoo palang naging constant date mo si Leo.”
Ilang araw na ang nakararaan mula nang umamin siya sa ate niya tungkol sa totoong nararamdaman niya para kay Leo. Iyon ang dahilan kaya naalala uli niya ang mga pangyayari na isa’t kalahating taon na rin ang nakalilipas.
“Matagal na `yon, Ate Mads. Besides, what we had was just a friendly date,” dagdag na sabi niya. Mayamaya ay dumating ang Ate Chacha niya. Akay-akay nito ang pamangkin niyang si Chinchin na habang lumalaki ay paganda nang paganda. Nilapitan at kinarga niya ito, saka niya pinupog ng halik. Ngumisi naman sa kanya ang bata. “Hello, Chinchin! Ang ganda talaga ng pamangkin ko, manang-mana sa tita.”
“Hoy, ano ba’ng pinagsasasabi mo?”
“Ate, masama bang magsabi ng totoo?”
“Na ano? Na maganda ka? Naku, isang malaking kasinungalingan `yon.”
Napalingon sila sa bagong dating na si Panyang.
“Ano’ng ginagawa mo? Hindi pa naghihilom `yang tahi mo, bumabangka ka na naman dito,” sita ni Madi rito.
“Pakiramdam ko kasi, lalagnatin ako kapag tumahimik ako sa bahay,” sabi ni Panyang.
“Nasaan na si RR, Jr.?” tanong niya kay Panyang.
“Hayun, iniwan kong natutulog katabi ng daddy niya. Kaya nakapuslit ako.”
“Bakit nga pala gising ka na? Maaga pa, ah,” tanong sa kanya ng Ate Chacha niya.
“Nagutom ako kaya bumangon ako. Matutulog uli ako,” sagot niya.
“You’re still seeing him?” tanong uli nito sa kanya.
Alam niya kung sino ang tinutukoy nito. Mula noong muntikan na siyang mapahamak, hindi na uli sila nagkita ni Leo. Gustuhin man niyang makita uli ito, pinipigilan niya ang sarili dahil iyon ang sa tingin niyang tamang gawin. “Hindi na. Matagal na.”
“Mabuti naman. Kung maaari lang, iwasan mo siya. Ayokong masaktan ka, Cassandra. Kilala ko siya.”
“I know that, Ate.” Hindi nga ba at nasaktan na siya noon ni Leo nang walang preno nitong sabihin na wala itong gusto sa kanya? Iyon din ang dahilan kung bakit nagdesisyon siyang lumayo at tanggapin ang isang six-month singing contract niya sa Seoul, South Korea.
Lumapit sa kanila si Abby. Ito na ang naghatid ng sandwich niya.
“Mayaman ka na, nagtatrabaho ka pa rin dito,” pabirong sabi niya rito.
“Isusumpa ako ni Chef Vanni kapag iniwan ko ang Rio’s,” sabi nito.
Sasagot pa sana siya nang tumunog ang wind chime at natuon ang atensiyon nilang lahat sa entrance door. Magkakasunod na pumasok doon sina Jared, Humphrey, Justin, at Roy. Parang gusto niyang madismaya nang hindi niya makita si Leo. Pero hindi niya ipinahalata na nalungkot siya. Pumuwesto ang mga ito sa katabing mesa nila.
“Ano na’ng balita?” tanong ni Humphrey.
“`Ayan, ang bagong panganak, bumabangka na. Akala ko ba tulog itong asawa mo?” tanong ni Madi kay Panyang.
“Pengkum, nakikialam ka,” ganting-sabi ni Panyang kay Madi.
“Uy, Cassy, bakit ka mukhang zombie?” pang-aasar sa kanya ni Jared.
“Malamang puyat ako. Saan ka naman nakakita ng puyat na walang eye bags?” pambabara niya rito.
“Naks, marunong ka nang sumagot ngayon, ah. Iyan ba ang nagagawa ng in love?” panunukso sa kanya ni Justin.
“Ano ba? Bakit ba ako ang pinagti-trip-an n’yo? Pumunta ako rito para kumain,” reklamo niya.
“Ano pa’ng kakainin mo? Hayan at nilalantakan na ni Panyang ang sandwich mo,” sabi ni Madi.
Paglingon niya kay Panyang ay malapit na nga nitong maubos ang in-order niyang clubhouse sandwich.
“Pasensiya ka na, ha? Nagutom ako bigla, eh,” sabi nito na puno pa ang bibig ng kinakain na tinapay.
“Hay, talaga naman. Ang kulit mo pa rin.”
Nagtawanan sila.
Tumunog uli ang wind chime kaya napalingon uli sila sa bumukas na pinto. Bumilis ang t***k ng puso niya nang makita niya ang bagong dating na si Leo. Lumapit ito sa kanila at napako ang tingin nito sa kanya. Nailang siya. Gusto niyang magtago sa ilalim ng mesa para lang makaiwas sa mapanuring tingin nito.
“You look pale,” sabi nito.
Tumingin siya sa paligid. Hindi kasi siya sigurado kung sino ang kausap nito.
“I’m talking to you,” sabi uli nito.
“Ako?” Itinuro pa niya ang kanyang sarili.
“Yes. I said you look pale.”
Napahawak siya sa magkabilang pisngi niya. “Hindi naman.”
“Mas marunong ka pa sa nakakakita. Umuwi ka na, matulog ka uli. Namumutla ka na sa sobrang puyat mo. Hindi ka nga na-r**e, mamamatay ka naman sa sakit. Mas mabuti sigurong mag-leave ka muna kahit isang linggo para makapagpahinga ka nang maayos. Para bumalik ang kulay mo,” tuloy-tuloy na sabi nito.
“Wow, pare! Ikaw ba `yan? Ngayon lang kita narinig na nagsalita nang ganyan kahaba, ah. Akala ko talaga, may sarili kang mundo. Dininig din sa wakas ng Diyos ang panalangin ko!” pagbibiro dito ni Panyang. Itinaas pa nito ang dalawang kamay. “Praise the Lord!”
Nagtawanan ang mga ito maliban sa kanila ni Leo.
“Ano uli `yong sinabi mo?” naguguluhan pa ring tanong niya rito.
“Bingi ka ba? May hindi ka ba naintindihan sa sinabi ko?” tila naiinis nang tanong nito.
Hindi siya nakakibo. Bakit sinesermunan siya nito na animo mayroon silang pagkakaintindihan? Nagulat siya nang bigla nitong hawakan ang isang kamay niya at hilahin siya palabas ng Rio’s. “Hoy, teka! Saan mo ba ako dadalhin?” tanong niya. Pilit na binawi niya ang kamay niya rito pero hindi nito binitiwan iyon. Bagkus ay lalo pa nitong hinigpitan ang pagkakahawak sa kanya.
“Ang tigas talaga ng ulo mo. Gusto mo, lagi kang napapahamak. Matulog ka na uli! Namumutla ka na!”
“Ano ba’ng problema mo? Natural lang na mapuyat ako dahil sa gabi ang trabaho ko!”
“Huwag kang pilosopo, Cassy.”
“Saka bakit ba kung makaasta ka, akala mo kung sino ka sa buhay ko? Hindi ba `sabi mo noon, kalimutan na kita?”
Hindi ito kumibo. Pagdating nila sa tapat ng bahay niya ay binuksan nito ang gate at saka siya puwersahang pinapasok nito sa loob ng bakuran. “Matulog ka na uli kung ayaw mong magkasakit.” Pagkasabi niyon ay umalis na ito.
“Grr! Nakakainis ka talaga! Hindi na kita maintindihan,” inis na inis na sabi niya. Hindi niya alam kung ano ang nais palabasin ni Leo. Pero kung anuman iyon, mas mabuti pang hindi siya umasa para hindi na siya masaktan. Tama na ang minsang lumuha siya dahil dito.