PUMASOK si Cassy sa pribadong opisina ng bar manager na si Mr. Ben Litigar. Naabutan niya itong abala sa pagbabasa ng mga papeles sa mesa nito. Nagtaas ito ng tingin nang makita siya.
“Magkakaroon ng event ang isang malaking kompanya. Nag-i-inquire sila kung puwede ba raw kayong kumanta sa event na iyon,” sabi nito sa kanya.
Umupo siya sa bakanteng silya sa harap ng mesa nito. “Are they specifically asking for our group?”
“Yeah. Iyon ang mahigpit na bilin sa akin n’ong sekretarya ng may-ari ng kompanya. Kung hindi rin lang daw kayo ang kakanta sa event, huwag na lang daw.”
Napaisip siya sa sinabi nito. Sa dami ng mga pumupunta sa bar na iyon at nakikipagkilala sa kanya, mahirap matandaan kung sino sa mga iyon ang nagre-request sa kanila. Medyo demanding ang isang ito. “Boss, anong company ba itong sinasabi ninyo at parang demanding sila?”
May hinanap itong kung ano mula sa mga papel na nasa ibabaw ng mesa nito. “Here…” Iniabot nito sa kanya ang isang maliit na papel. Nakasulat doon ang IT Computer Specialist International. Napakunot-noo siya. Pamilyar sa kanya ang kompanyang iyon. Hindi lang niya matandaan kung saan niya nabasa iyon. “Ano? Tatanggapin n’yo ba?” tanong nito.
Napatingin uli siya kay Mr. Litigar. “Itatanong ko muna sa mga kabanda ko,” sabi niya.
“I’ve already asked them. Ikaw na raw ang bahalang magdesisyon.”
Napaisip siya. Bihira silang tumanggap ng singing engagement sa labas ng bar. Pero mukhang mahigpit ang demand sa kanila ng staff ng IT Computer Specialist International. Wala naman sigurong mawawala kung pagbibigyan nila ito. Tutal, isang gabi lang naman. “Okay. Once lang naman, eh.”
“Sige. Tatawagan ko na `yong kausap ko kanina.”
“Kailan daw ba ito?” tanong niya.
“This coming Saturday night. Eight PM daw ang umpisa ng party sa Skyland Intercontinental Hotel,” sagot nito.
“Okay. Call. Ikaw na ang bahalang makipag-negotiate kung magkano ang bayad sa amin.”
Tumango ito at may tinawagan sa telepono. Sumenyas siya na lalabas na siya. Tumango naman ito. May kung anong hindi niya maipaliwanag na damdamin ang biglang umahon sa dibdib niya. She felt strange. Pagpasok niya sa stage para sa muling pag-eensayo ng banda nila, pilit niyang pinalis ang damdamin na iyon. Gusto muna niyang mag-concentrate sa pagkanta at hindi sa kung ano pa mang bagay.
NAPAGKASUNDUAN nina Cassy at ng mga kabanda niya na all-black ang isusuot nila sa sa eighth year anniversary party ng IT Computer Specialist International. Dahil siya ang nag-iisang babaeng miyembro—at bokalista pa—siniguro niyang presentable siya. Nasa backstage na sila at naghihintay na lamang na lapitan sila ng event organizer.
“Miss Cassy, be ready. Kayo na ang susunod.”
Nakangiting tumango siya rito. “Thanks,” mahinang sabi niya. Pumikit siya at nagdasal na sana ay ma-entertain at magustuhan ng mga manonood ang performance nila. Pagkatapos ay hinarap niya ang kanyang mga kabanda. “Okay na kayo?” tanong niya sa mga ito.
“Yup,” sagot ng gitarista nila.
“Alam kong magaling ka nang kumanta. Pero mas galingan mo pa, ha? Hindi biro ang mga audience natin ngayon. Mga socialite at politiko ang karamihan sa kanila. Impress them,” paalala sa kanya ng drummer nila.
“I will. Hindi ko kayo ipapahiya,” sagot niya.
“Kailan mo ba kami ipinahiya, Cass? Wala yata akong matandaan,” sabi ng keyboardist nila.
Natawa siya sa sinabi nito. “Weh! Bola.”
“Totoo `yon, Cass. Mabibilang ko lang sa mga daliri ko sa kamay kung ilang beses kang sumabit,” sang-ayon ng bass guitarist nila.
“Salamat sa inyo. Kung hindi dahil sa inyo, hindi ako mag-i-improve,” sabi niya.
Naputol ang pag-uusap nila nang senyasan sila ng event organizer na sila na ang susunod na magpe-perform. Narinig nila nang ipakilala sila ng host ng programa. Huminga muna siya nang malalim bago lumakad papunta sa stage.
“Good evening, everybody,” bati niya sa tapat ng mikropono. “My name is Cassy. We hope you’ll like the songs we prepared for you tonight.”
Isang upbeat song ang unang kinanta niya. Napangiti siya nang magsigawan ang audience at magtayuan ang mga ito para sumayaw sa gitna ng dance floor. Pagkatapos ng tatlong kanta ay nagpahinga sila sandali sa backstage habang may kumakanta sa stage.
“Maganda ang reception ng audience sa inyo,” sabi sa kanila ng events organizer.
“Thank you,” sagot niya rito.
“Ballad ang final song n’yo, right?” tanong nito.
Tumango siya bilang sagot.
“Good. `Sabi ni Sir, huwag daw kayong aalis agad. Hintayin n’yo raw siya.”
“Sir? Sino?” tanong niya.
“Our CEO. Actually, siya ang nag-suggest na kayo ang kuning banda for this event. Ilang beses daw niya kayong napanood sa bar na tinutugtugan ninyo, highly recommended niya kayo. At tama siya, magaling kayo.”
“Salamat.” Isang malaking pribilehiyo para sa kanila na ang may-ari mismo ng kompanya ang nag-recommend sa kanila.
“He’s around here somewhere. Kanina pa nga niya kayo pinapanood. Huwag kayong matatakot kapag nakaharap n’yo siya. Ganoon lang talaga siya, palaging seryoso. Hindi nga yata marunong tumawa si Sir, eh,” pagbibiro pa nito.
Biglang rumehistro sa isip niya ang imahe ni Leo na lagi ring seryoso ang mukha. May nahagip na lalaki ang mga mata niya na parang kahawig ni Leo. Napabuntong-hininga siya. Nababaliw na yata siya dahil parang lagi niyang nakikita si Leo sa mga lugar na pinupuntahan niya. Nabaling ang atensiyon niya sa mga first lady ng mga Tanangco Boys na nakita niyang palapit sa kanya. Pawang nakasuot ng naggagandahang evening gown ang mga ito.
“Ano’ng ginagawa n’yo rito?” nagtatakang tanong niya sa mga ito.
“Uy, ang galing mo talaga! Biruin mo `yon, napatayo mo ang mga sosyal na audience,” sabi sa kanya ni Panyang.
“Salamat. Pero ano nga ang ginagawa n’yo rito?” tanong uli niya.
“Ha? Hindi ba dapat, mas magtaka ka kung wala kami rito?” balik-tanong sa kanya ni Allie.
“Ang ibig sabihin, kilala n’yo ang may-ari ng kompanya?” tanong niya.
Nagtinginan ang mga ito.
“Wala ka ba talagang alam?” tanong sa kanya ni Nancy Jane. “I mean, hindi mo kilala ang may-ari ng IT Computer?”
Umiling siya. “Pamilyar sa akin, pero hindi ko talaga maalala, eh.”
“Hay, naku, anong klase ka?” hindi makapaniwalang sabi sa kanya ni Madi.
“Sino ba kasi `yon? Ang sabi nga ng events organizer, highly recommended daw kami ng may-ari ng kompanya,” sabi pa niya.
“Natural, kasi si—” Hindi na natapos ni Madi ang sasabihin nito dahil bigla na siyang hinila ng gitarista nila.
“Excuse lang po, pero kami na ang susunod.”
Magkasabay na silang bumalik sa stage. Isang masigabong palakpakan ang isinalubong sa kanila ng audience pagtapak nila sa entablado.
“Ito na po ang last song namin. This song is my personal favorite. It’s an OPM song and I hope it will make you fall in love again,” sabi niya. Pumikit siya nang pumailanlang ang intro ng kantang “Ipagpatawad Mo.” Isang tagpo sa nakaraan ang lumitaw sa isip niya: ang imahe nila ni Leo habang nagsasayaw sa graduation ball niya. Kay sarap alalahanin ng sandaling iyon.
Nagsimula na siyang kumanta. Habang umaawit siya, pakiramdam niya ay nasa tabi lamang niya si Leo. Yakap siya nito at sinasabi nito na mahal din siya nito. Pero kasabay ng pangarap na iyon ay ang pagharap niya sa katotohanan na kailanman ay hindi siya kayang mahalin ni Leo. Pagkatapos niyang kumanta ay nagpalakpakan uli ang audience.
“That’s the best song I’ve ever heard since your graduation ball.”
Napalingon siya sa nagsalita. Ganoon na lang ang bilis ng t***k ng puso niya pagkakita niya kay Leo. May hawak ito na isang malaking bouquet. Kung ganoon, ito nga ang nahagip ng mga mata niya. “Leo—”
“Thank you for doing this for my company,” sabi nito.
GUSTONG malula ni Cassy nang malaman niyang pag-aari ni Leo ang IT Computer Specialist International. Alam niyang mayaman ito pero hindi niya inakala na ganoon kalaki ang kompanyang pag-aari nito. Isang call center iyon na nag-e-specialize sa troubleshooting ng mga computer unit ng mga nakatira sa ibang bansa through online. Number one iyon sa larangang iyon. Bukod sa sariling kompanya nito, major stockholder din si Leo ng DigiCom International, ang cell phone company na pag-aari ni Dingdong at ang RRC Computer Incorporated na pag-aari naman ni Roy.
“Ano’ng iniisip mo?” pukaw ni Leo sa pananahimik niya.
Napalingon siya rito. “W-wala naman,” sagot niya.
“Parang ang lalim ng iniisip mo.”
“H-hindi, ah.”
“I was just wondering. Bakit parang gulat na gulat ka kanina nang makita mo ako sa stage?”
“Kasi hindi ko alam na ikaw pala ang may-ari ng kompanya.”
“That’s weird, since that we both live in the same place and we have the same circle of friends. How come you didn’t know about it?” tanong nito.
“Ewan ko. Siguro, hindi lang talaga ako aware. Alam mo naman, mas madalas akong tulog sa araw kaya wala akong alam sa mga nangyayari sa paligid ko,” paliwanag niya.
“Now you know.”
Isang mahabang katahimikan ang namayani sa pagitan nila. Luminga-linga siya sa paligid para makaiwas sa tingin nito. Medyo naiilang na kasi siya sa presensiya nito. Iilan na lamang ang mga tao roon. Ang ibang mga kaibigan nila ay nagsiuwian na rin. “Iyong kanta kanina, nagustuhan mo ba?” tanong niya sa kawalan ng masabi.
Tumawa ito. “Yes, I like it. That’s actually my favorite song. I’m glad you sang it. Thank you. Maganda ang alaala sa akin ng kantang iyon.”
Hindi niya mailarawan ang sayang naramdaman niya nang makita uli niyang tumawa ito. Kung ganoon, isang magandang alaala pala para dito ang graduation ball niya noon. Ipinapahiwatig ba nito na espesyal siya rito? May umahon na munting pag-asa sa puso niya pero agad ding napalis iyon nang maalala niya ang ipinangako niya sa sarili na hindi na siya dapat umasa na mamahalin siya nito.
“You’re welcome. At least, napasaya kita kahit sandali lang.”
“Mr. Leonardo Apilado,” sabad ng isang tinig.
Kapwa sila napalingon sa lalaking tumawag dito. Isang lalaking kasintangkad nito na nakasuot ng itim na amerika na ang nakita nila. Halatang nakainom na ang lalaki dahil namumula na ang mukha nito.
“Bobby,” ani Leo. “You’re drunk.”
“No. I’m okay, my friend. By the way, congratulations. Kahit kailan talaga ay hindi kita matatalo pagdating sa negosyo. You’re a real genius.”
“Thanks,” matipid na sagot ni Leo.
Lumipad ang tingin sa kanya ng lalaking tinawag na Bobby ni Leo. Ngumiti ito, saka dahan-dahang lumapit sa kanya. “Hello there, Miss Beautiful,” bati nito sa kanya.
“Hi,” alanganin ang ngiting sagot niya.
“Ikaw `yong singer kanina, `di ba? Maganda ang boses mo. Type ko sa babae ang may magandang boses,” pambobola pa nito sa kanya.
“Salamat,” sabi niya.
Nagkatinginan sila ni Leo. Hinawakan siya nito sa kamay at saka siya dinala sa likuran nito.
“Can I take you out tonight?” tanong uli sa kanya ni Bobby.
“I’m sorry pero hindi po ako sumasama sa mga ganyang invitation. Besides, narito ako dahil kaibigan ko si Leo,” pagtanggi niya.
“Kaibigan ko rin naman siya. And I’m sure Leo won’t mind. Right, dude? I promise you, liligaya ka sa piling ko ngayong gabi.”
Nag-init ang magkabilang tainga niya sa sinabi nito. Agad siyang bumitaw mula sa pagkakahawak ni Leo at inilang-hakbang niya ang pagitan nila ng bastos na lalaki, sabay lipad ng kanang kamay niya sa pisngi nito. “Bastos! Ano’ng akala mo sa akin, kaladkaring babae?” pasigaw na sabi niya rito.
“You b***h!” galit na galit na wika ni Bobby. Bigla siyang hinawakan nito sa pupulsuhan at pilit na hinila palabas.
Nagpumiglas siya. “Bitiwan mo ako! m******s!”
“Let her go!” sigaw ni Leo. Hinawakan siya nito sa dalawang kamay at hinila siya palayo sa lalaki. Agad naman siyang nagsumiksik sa likuran nito.
“Give her to me, pare!” ani Bobby. “Tuturuan ko `yan ng leksiyon!”
“Bob, kaibigan ko siya. Hindi ko hahayaang bastusin mo siya,” pagtatanggol sa kanya ni Leo.
“Wala akong pakialam. Besides, kailan ka pa nagkaroon ng concern sa mga babae? Hindi ba’t minamalas ang lahat ng babaeng nauugnay sa `yo?” sabi ni Bobby at saka ito ngumisi.
Napatili siya sa gulat nang biglang sugurin ni Leo si Bobby at suntukin nang tatlong magkakasunod. Duguan ang bibig ni Bobby nang bumagsak ito sa sahig.
“Mula ngayon, kalimutan mo nang magkaibigan tayo,” mahina ngunit mariing sabi ni Leo. Kitang-kita niya kung paanong halos magsalubong ang mga kilay at kumuyom ang mga kamay nito. Tinalikuran nito si Bobby at agad siyang hinila nito palabas ng hotel. “Michelle,” tawag nito sa sekretarya nito na naroon din sa event.
“Yes, Sir,” sagot ng babae.
“Sabihin mo sa security na mula ngayon ay banned nang pumasok sa building ng IT si Bobby. Do I make myself clear?”
“Yes, Sir. Pero paano `yon, Sir? Hindi po ba doon din siya nag-oopisina?”
“Bukas na bukas din, ipatapon mo lahat sa labas ng opisina ang mga gamit niya. If I have to buy all his shares, I’ll do it. Basta ayoko nang makita ang pagmumukha niya sa building ko,” galit na wika nito.
Walang nagawa ang sekretarya nito kundi tumango. Kahit nang nakasakay na sila ni Leo sa kotse nito ay nanatili itong tahimik. Napasulyap siya sa kamay nito. Namumula iyon at nagsisimula na ring mamaga. Tumikhim muna siya bago naglakas-loob na magsalita.
“Thank you,” sabi niya.
“Gagawin ko `yon sa kahit sinong lalaking bumastos sa `yo,” walang emosyong tugon nito.
Parang gustong lumobo ng puso niya sa narinig. Kulang na lang ay sabihin nitong importante rin siya rito. Napatingin uli siya sa kamay nito nang bahagya nitong ipagpag iyon. “Namumula na ang kamay mo,” aniya.
“Okay lang `to,” sagot lang nito.
“No. You’re not okay. Nagsisimula nang mamaga iyan. May first-aid kit ka ba sa bahay mo?”
Tumango ito.
“Doon na lang natin gamutin `yan.”
Hindi na ito sumagot. Tahimik lang ito sa buong biyahe nila. Pagdating nila sa bahay nito, agad silang sinalubong ng kawaksi. Inutusan nito ang kawaksi na kunin ang first-aid kit. Agad namang tumalima ang kasambahay nito. Ilang sandali lang ay dala na ng kasambahay ang first-aid kit.
“Ate, pakikuha na rin ng hot compress,” pakiusap niya rito.
“Sige po,” magalang na sagot nito.
“Have a seat,” sabi sa kanya ni Leo.
Umupo siya sa black leather sofa at inilibot niya ang tingin sa kabahayan. Centralized ang air-conditioning unit doon. Sa hitsura pa lamang ng mga gamit doon ay halatang mamahalin na. May mga painting na nakasabit sa mga dingding. Ilang taon na niyang kilala si Leo pero nang mga sandaling iyon lang siya nakapasok sa bahay nito. Mayamaya ay dumating na ang kasambahay nito at dala ang hiningi niyang hot compress.
“Salamat,” sabi niya rito na may kasamang ngiti.
“Para saan `yan?” tanong sa kanya ni Leo.
“Para hindi mamaga nang tuluyan `yang kamay mo,” sagot niya.
“Sana hindi ka na nag-abala pa. Okay lang naman ako.”
“Hindi okay ang kamay mo. Kapag hindi mo iyan ipinagamot, bukas hindi ka makakapagtrabaho nang maayos. Besides, kaya ka nagkaganyan ay dahil sa akin. Kaya huwag ka nang umapela riyan.”
Hindi na ito kumibo.
Hinawakan niya ang nasaktang kamay nito at dahan-dahan niya iyong dinampian ng hot compress. Bahagya pa itong napaigik. Sumandal ito sa backrest ng sofa, sinapo nito ang noo, at saka ito pumikit. Natutukso siyang haplusin ang mga pisngi nito. Mabuti na lang at napigilan niya ang sarili.
Pero puwede ko naman siguro siyang titigan.
“Staring is rude,” biglang sabi ni Leo.
Tumingin siya sa ibang direksiyon. “Ano? Hindi naman kita tinititigan, ah,” pagkakaila niya.
Dumilat ito at tiningnan siya. “I wasn’t talking about you,” sabi nito, saka may itinuro ito sa likuran nito. Pagtingin niya ay naroon ang kasambahay na sumalubong sa kanila na tila pinapanood sila. “Siya ang tinutukoy ko,” sabi pa ni Leo.
“Ay, sorry po, Sir,” hinging-paumanhin ng kawaksi, saka agad na umalis.
Tumikhim siya at itinuon na lang ang atensiyon sa kamay nito na ginagamot niya. Kapagkuwan ay pinisil-pisil pa niya nang bahagya iyon. “Masakit pa ba?” tanong niya.
“Ibig sabihin, tinititigan mo nga ako,” sa halip ay sabi nito.
“Hindi, ah!” mabilis na sabi niya.
“Huli ka na, tumatanggi ka pa.”
“Hindi nga sabi, eh.”
“Ang tao nga naman, nahuhuli sa sariling bibig.”
Iniba na lang niya ang usapan. Masisisi ba siya nito? Ano ang magagawa niya kung naaakit siya sa kaguwapuhan nito? “Igalaw-galaw mo nga, sabihin mo kung masakit pa,” utos niya.
Tumalima ito. “Hindi na masyado,” sabi nito.
“Gusto mong lagyan ko pa ng bandage?”
“Hindi na. Tama na `to. Thanks.”
“I have to go. Late na,” paalam na niya. Pagtayo niya ay napapitlag siya nang hawakan nito ang kamay niya. Naroon na naman ang animo kuryenteng nanulay mula sa kamay nito papunta sa kanya. Agad niyang binawi ang kanyang kamay.
“Ihahatid na kita. Baka kung ano’ng mangyari sa `yo. Maghahatinggabi na.”
“Huwag na, Leo. Nandito na tayo sa Tanangco. Wala naman sigurong mananalbahe sa akin dito.” Hindi na niya hinintay pa ang sagot nito. Tumalikod na siya, saka naglakad patungo sa pinto. Akmang hahawakan na niya ang seradura niyon nang iharang nito roon ang kanang kamay nito.
Napatingin siya rito. Parang gusto niyang pagsisihan iyon dahil nang magtama ang mga mata nila ay parang hinihipnotismo siya ng mga iyon. Nahigit niya ang kanyang hininga nang bigla nitong ilapit ang mukha nito sa mukha niya. Hindi siya makagalaw dahil baka maglapat nang wala sa oras ang kanilang mga labi. Tumatama sa pisngi niya ang mabangong hininga nito. Kung alam lang nito na tumayo ang mga balahibo niya sa batok. Napapikit siya nang lalo pa itong lumapit sa kanya.
“Ihahatid kita,” maawtoridad na sabi nito. Lumayo ito at binuksan ang pinto.
Dahan-dahan siyang dumilat. Nag-init ang magkabilang pisngi niya nang makitang nakatitig ito sa kanya. Muli, bahagya itong nakangiti. “Okay,” usal niya. Bago siya tuluyang makalabas ng bahay nito at maisara ang pinto, isang larawan na nasa isang sulok ng bahay ang nakaagaw sa atensiyon niya. Larawan iyon ng isang napakagandang babae. Napaisip siya kung sino iyon at kung ano ang koneksiyon niyon sa buhay ni Leo.