Chapter Two

3672 Words
PINAGMAMASDAN ni Leo ang mga kaibigan niya habang naglalaro ang mga ito ng basketball. Mahigit kalahati sa kanilang magkakaibigan ay kasal na. Sina Darrel, Vanni, Victor, at Ken ay ikinasal nang magkakasunod na buwan sa loob lamang ng isang taon. Samantalang sina Jared at Humphrey ay engaged-to-be married na. Si Justin ay mukhang nagpaplano na ring mag-propose kay Nancy Jane. Kung ganoon, siya na lang pala ang nag-iisang single sa barkada. Pero wala siyang pakialam doon. Wala siyang panahon sa usaping- pampuso. “Pare! Sub ka muna sa akin,” sabi ni Dingdong. Humihingal na tumabi ito sa kanya. Tiningnan muna niya ito. Ilang araw na niyang napapansin na tumataba ito. Mukhang nahiyang ito nang magkaasawa. “Tumataba ka na, pare. Kaya ka siguro madaling mapagod.” Ngumiti ito.  “Ganoon talaga. Masarap magluto si Misis, eh.”       Tumabi na rin sa kanila ang iba pa nilang mga kaibigan.       “Bakit nagsiupo na rin kayo?” tanong niya sa mga ito.       “Hihinga muna ako. Nakakapagod, eh,” reklamo ni Darrel.       “Ano ba’ng mga pinaggagagawa n’yo kagabi at parang wala kayo sa mood maglaro?” tanong niya.       “Grabe kasing maglihi si Madi. Gusto niya ng manggang hilaw. Pero gusto niya, tuwing gabi ko susungkitin `yong mangga sa puno. Mabuti sana kung may bunga ang punong iyon,” reklamo ni Vanni.       “Eh, ikaw? Bakit kanina ka pa walang kibo riyan?” tanong sa kanya ni Roy.       “Pare, magtaka ka kung panay ang kibo niyan,” sabad ni Ken.       Seryosong tiningnan niya ito. Nag-peace sign ito sa kanya. Alam niyang nagbibiro lang ito. Nasanay na rin siya sa mga kaibigan niya na malakas mang-asar at sadyang pakialamero sa love life nang may love life. Tanging siya ang hindi pinakikialaman ng mga ito. Maybe it was because they knew what he had gone through. Ang akala ng mga ito ay siya na ang susunod na magkakaroon ng girlfriend. Pero ilang buwan na ang nakararaan mula nang maging opisyal ang relasyon nina Justin at Nancy Jane, wala pa rin siyang ipinakikilalang nobya sa mga ito. Bigla niyang naisip si Cassy. Sakit ito ng ulo niya.       “Uy, tulala ka na riyan,” pukaw sa kanya ni Victor.       “May problema ba, pare?” tanong ni Roy.       Umiling siya. “Nothing.”       “Are you still thinking about it? It’s been years,” sabi ni Dingdong.       “Kung hindi na kayo maglalaro, let’s go,” pag-iiba niya sa usapan.       “Huwag kang magagalit sa amin, dude. Pero mga kaibigan mo kami. Halos kapatid na ang turingan natin sa isa’t isa. Nag-aalala lang kami sa `yo. We miss the old you. Kailan mo ibabalik ang dating Leo na nakilala namin mula pagkabata?” seryosong tanong sa kanya ni Roy.       “Tama si Roy, pare. Hindi na kami iba sa `yo. Tell us what’s going on,” sang-ayon pa ni Jared.       “Huwag n’yong itanong sa akin kung ano ang makakapagpabalik sa akin sa dati. Dahil imposible ang gusto ko,” seryoso ring sagot niya.       “C’mon, man…” Tinapik pa siya ni Humphrey sa balikat.       “Huwag n’yo akong alalahanin. Ayos lang ako.”       “By the way, I heard about what happened to Cassy last night. Mabuti na lang at naroon ka,” pag-iiba ni Dingdong sa usapan.       “Bakit? Ano ba’ng nangyari?” halatang na-curious na tanong ni Justin.       “Hinarang siya ng tatlong lalaki kaninang madaling-araw. Mabuti na lang at hindi pa ako umaalis doon. Kung hindi, baka na-r**e na siya roon,” pagkukuwento niya.       “Eh, ano ang ginagawa mo roon nang ganoong oras? Don’t tell me, pinapasyalan mo si Cassy?” panghuhuli sa kanya ni Humphrey.       “Tumigil ka nga riyan,” saway niya rito. “I was there with some of my colleagues. Nagpaiwan ako dahil pinanood ko si Cassy. May masama ba ro’n?”       “Wala naman,” nagkibit-balikat na sabi ni Humphrey.       “Teka lang, balik tayo sa usapan tungkol sa `yo,” ani Ken, saka siya itinuro. “Alam mo kung ano’ng kulang sa `yo para bumalik ang sigla sa buhay mo? Love life. Kulang ka sa love life.”       Napabuntong-hininga siya. “Palibhasa may mga asawa na kayo kaya ako na lang ang lagi ninyong tinutukso.”       “Hindi naman. Ang gusto lang namin, sumaya ka,” sabi ni Darrel.       “Sino ba ang may sabi na hindi ako masaya?” patanong na sagot niya.       Bago pa may makakontra sa kanya, humahangos na dumating si Adelle. Hingal na hingal ito. Agad itong nilapitan ni Jared.       “O, bakit? Ano’ng nangyari?” nag-aalalang tanong nito.       “Si… Ano…” kandautal na sabi ni Adelle. Bago pa tuluyang masabi ni Adelle ang nais nitong sabihin ay  umalingawngaw na ang malakas na tili ni Panyang. Halos sabay-sabay silang napalingon dito. Naglalakad ito habang sapo-sapo nito ang malaking tiyan. Humahangos na nilapitan ito ni Roy.       “A-ano’ng nangyayari?”       “Walanghiya ka! Itinatanong mo pa? Manganganak na ako!” sabi ni Panyang.       Lalong nataranta si Roy. Pinangko nito ang asawa. Napailing-iling siya. Halata sa kaibigan niya na wala itong pagsidlan ng kaligayahan. Unti-unti ay may isang eksenang bumalik sa kanyang alaala. Ipinilig niya ang kanyang ulo. Ayaw na niyang maalala ang parteng iyon ng buhay niya.       “ANG CUTE naman!” nanggigigil na sabi ni Cassy nang makita niya ang bagong panganak na sanggol nina Roy at Panyang.       “Oo nga! Kaso, kawawa naman `yong baby. Mukhang kamukha ng ina,” nagbibirong komento ni Madi.       “Tse! Huwag mong sabihing bagong panganak ako at buntis ka. Sisikuhin talaga kita!” banta ni Panyang kay Madi. “Siya nga ang pinakamasuwerteng baby sa mundo dahil ako ang mommy niya.”       Natawa sila sa sinabi nito. Kahit kapapanganak pa lang nito ay mahadera pa rin ito.       “Ate Panyang, sana kunin mo akong ninang,” sabi niya rito.       “Oo naman, Cassy. Partner kayo ni Leo,” sagot ni Panyang na may halong panunudyo.       Napipilan siya. Ano kaya ang alam nito tungkol sa kanila ni Leo? Hindi pa siya nakakabawi sa naunang sinabi nito nang magtawanan ang mga ito.       “Ikaw, ha? Mayroon kang hindi sinasabi sa amin,” sabi sa kanya ni Madi.       “H-ha? Wala!” pagkakaila niya.       “Hay, naku, Cassy. Halos ate mo na rin kami. Napagdaanan na rin namin iyang pinagdaraanan mo ngayon kaya bale-wala lang kahit mag-deny ka. Hindi rin naman kami maniniwala.”       “Ate Madi, wala nga akong aaminin. Ano ba’ng pinag-iiisip n’yo?”       “We know that you and Leo dated for a month,” seryosong sabi ng Ate Chacha niya.       Natahimik siya. Paano iyon nalaman ng ate niya? Nangako sila noon ni Leo sa isa’t isa na wala silang pagsasabihan ng tungkol doon. Iyon ay ayon na rin sa kagustuhan nito. “Ate… Ano…”       “Ano? Hindi ka na nakasagot? Ano’ng akala mo, hindi ko malalaman?” tanong nito sa kanya.       Nasukol na siya. “Eh, Ate, halos isang buwan lang naman kaming lumabas-labas, eh.”       “Bakit hindi mo kasi sinabi sa ate mo?” tanong sa kanya ni Allie.       “Hindi ko naman sinadyang maglihim sa `yo, Ate. Hindi rin naman planado ang mga date na `yon. Nagkataon lang talaga `yong una. `Tapos, nasundan nang nasundan.”       “Cassy, dalawa lang tayong magkapatid. Ipinagkatiwala ka sa akin nina Mommy at Daddy. Paano na lang kung may nangyaring masama sa `yo?” “Ate, si Leo `yong sinamahan ko. Kaibigan mo. Wala ka bang tiwala sa kanya?” Bumuntong-hininga muna ito bago sumagot. “He’s my friend, I know. Pero kapatid kita at nasa iyo ang concern ko. Mahirap mahalin ang isang Leo Apilado. Masasaktan ka lang.” Alam niya iyon. Ilang beses na niyang napatunayan iyon. Pero ayaw pa ring huminto ng puso niya sa patuloy na pagmamahal kay Leo. Talaga yatang martir siya. “Ate, hindi ganoon kadaling kalimutan ang nararamdaman ko sa kanya.” Tila nanghihinang sumalampak ito ng upo sa monobloc bench sa tabi ng kama ni Panyang. Samantalang ang ibang mga kaibigan nito ay pawang nakatingin sa kanya. “Payong-kapatid lang, Cassy,” ani Panyang. “Kung talagang mahal mo si Leo, isa lang ang masasabi ko: magpakatatag ka. Tama ang ate mo. Mabait si Leo pero mahirap siyang mahalin.”       “Bakit n’yo ba laging sinasabi `yan?” tanong niya.       Nagtinginan lamang ang mga ito.       Nilapitan at inakbayan siya ni Madi. “Masakit man sa akin ang sasabihin ko, pero sang-ayon ako sa sinabi ni Panyang. Pero kung talagang walang makakapigil sa `yo riyan sa nararamdaman mo, sige lang. Susuportahan ka namin. Kaya lang, mahabang pasensiya ang kailangan mo at magpakatatag ka. Hindi madali ang pinapasok mo, Cassy,” seryosong sabi nito.       “Hindi ko kayo maintindihan,” naguguluhan pa ring sabi niya.       “In time, malalaman mo rin,” sabi ng Ate Chacha niya.       Muling nabaling ang atensiyon ng lahat sa bagong panganak na sanggol. Napangiti siya habang nakatingin kay RRC Jr. Iyon ang pangalan ng malusog at cute na baby nina Panyang at Roy. Si RRC daw ang tagapagmana ni Roy kaya isinunod sa pangalan nito.       Mabuti pa ang baby na ito, walang pinoproblema, aniya sa isip.               A year and a half ago   NAPAILING-ILING si Cassy habang pinagmamasdan niya si Abby na palihim na pinapahid ang mga luha habang kaharap si Victor at ang girlfriend nito. Naisip niya kung gaano kamanhid ang lalaki. Palihim din niyang sinusulyapan si Leo na tahimik lang sa isang tabi. Mula nang bumalik siya mula sa Amerika, napansin na niya ang malaking pagbabago rito.       “Does he know what he’s missing?” tanong niya kay Leo. Ang tinutukoy niya ay si Victor.       “Malamang hindi. Bahala siya kapag hindi pa niya iminulat ang mga mata niya. Magigising na lang siya isang umaga na wala na si Abby sa tabi niya,” walang emosyong sabi nito.       Napapalatak siya. “Bakit hindi n’yo na lang sabihin sa kanya?” nanghihinayang na tanong niya.       Sinulyapan siya nito. “Hindi namin ugaling magkakaibigan na diktahan ang puso ng bawat isa sa amin. Kaya hinahayaan namin si Victor na madiskubre niya sa sarili niya kung sino ang tunay niyang mahal.”       Tumikhim siya para makabawi. Sasagot pa lang sana siya nang tapikin siya sa balikat ng isa sa mga kabanda niya.       “Cassy, tayo na ang next,” anang drummer nila. Tumango siya at binalingan niya si Leo. “Aalis na ba kayo? Hindi ko na kayo maihahatid sa labas. Magsisimula na ang third set namin.”       “Sila lang, I’ll stay,” hindi tumitingin sa kanyang sagot nito.       “Okay.” Tumayo na siya at umakyat sa stage. Habang naghahanda ang mga kabanda niya, nagsalita muna siya sa tapat ng mikropono. “Hi, guys. Welcome to our third and last set. Okay pa ba kayo?” tanong niya sa audience. Pulos dance hits ang tinugtog ng naunang banda sa kanila kaya ballads naman ang kakantahin nila.       “Yes!” sabay-sabay na sagot ng audience.       “`Hope you like this song. Para ito sa mga taong nasasaktan,” sabi pa niya. Nagsimulang tumugtog ang keyboard at sinimulan niyang awitin ang “Hurting Inside.” Habang kumakanta siya ay nakatuon ang mga mata niya kay Leo. Titig na titig ito sa kanya. Ibinaling niya sa ibang direksiyon ang paningin niya. Kapagkuwan ay pumikit siya para mas maramdaman niya ang bawat lyrics ng kanta. Pagkatapos niyang awitin iyon ay isang masigabong palakpakan ang ibinigay sa kanya ng audience. Nakailang awit pa siya bago siya bumaba ng stage at lumapit sa mesa ni Leo. Umupo siya sa bakanteng silya sa tabi nito.       “That was good,” puri nito sa kanya.       “Thanks.”       “Pauwi ka na ba?”       “Hindi pa. Tatambay pa.”       “Good. Won’t you please stay awhile. Nakakalungkot din palang uminom nang mag-isa. Palagi na lang akong nag-iisa.”       “Leo, may problema ka ba?” nag-aalalang tanong niya.       “Wala,” sagot nito. Hindi pa rin nito inaalis ang tingin sa kanya kaya alam niyang mayroon itong gustong sabihin sa kanya.       “May gusto ka bang sabihin?” Binalingan niya ang bartender. “One dry Martini, please?” Bumuntong-hininga si Leo bago ito sumagot. “I need your help.” Napangiti siya rito. “Why are you smiling?” tanong nito at saka ito sumimangot. Itinaas niya ang dalawang kamay niya. “Relax. Ikaw naman, o. High blood ka agad, eh. Pasensiya na. Hindi lang kasi ako makapaniwala na kakailanganin ng isang Leo Apilado ang tulong ko.” “Mukhang nagkamali ako ng nilapitan.” “Joke lang, ano ka ba?” biglang kabig niya. “Ano ba kasi `yon?”       “I badly need your help. Wala akong ibang taong maisip na puwedeng lapitan sa problema ko kundi ikaw,” sagot nito.       Lalo siyang na-curious sa sinabi nito. “Ah… Okay. Kung ganoon, isa pala akong henyo sa paningin mo. Magkasintalino pala tayo,” pagbibiro pa niya.       “Oo na,” tila napipilitang pagsang-ayon nito.       Natawa siya at kinuha ang martini glass na in-order niya. She took a little sip. Pagkatapos ay binalingan uli niya si Leo. “Ano ba kasi ang problema mo? Kung sa tingin mo na makakatulong ako sa `yo, why not?” seryoso nang sabi niya.       “Sabihin na lang nating kabayaran ito sa pabor na ibinigay ko sa `yo.”       “Pabor?” naguguluhang ulit niya. Pilit na hinalungkat niya sa isip ang pabor na sinasabi nito. Pero hindi talaga niya matandaan na ginawan siya nito ng pabor. Ilang taon siyang namalagi sa ibang bansa kaya paano siya magagawan nito ng pabor? “Anong pabor ang sinasabi mo?”       “Hay, nakalimutan mo na. Mabuti pa pala ako, kahit kailan ay hindi ko makakalimutan ang gabing iyon. Akala ko pa naman memorable sa iyo `yon,” umiiling-iling na sabi nito.       Napakamot siya sa kanyang sentido. “Ano nga kasi iyon? Pasensiya ka na, hindi ko talaga matandaan,” hinging-paumanhin niya, sabay inom ng martini.       “The night of your graduation ball.”       Muntikan na niyang maibuga ang martini na iniinom niya. Napamaang siya rito. Hindi niya inakala na natatandaan pa nito ang gabing iyon kung kailan unang naramdaman niya ang pag-ibig niya para dito. Kung nalalaman lang nito, iyon ang pinakamasayang gabi sa buong buhay niya. “S-sigurado ka?” kandautal na tanong niya.       “Bakit parang gulat na gulat ka?”nakakunot-noong tanong nito.       “W-wala. H-hindi ko lang ine-expect na matatandaan mo pa `yon.”        “Ikaw pala ang nakalimot, eh.”       “Hindi, ah! Hindi ko lang talaga ine-expect na iyon ang tinutukoy mo,” depensa niya sa sarili.       “Anyway, matutulungan mo ba ako?”       “Hindi mo pa nga sinasabi kung anong klaseng tulong ang kailangan mo.”       Hindi agad ito sumagot. Uminom ito nang kaunti sa baso nito bago uli siya tiningnan. “Be my girlfriend, Cassy.”            Tama ba ang narinig niya? O sadyang nahihibang lang siya? Uminom uli siya ng martini. Mukhang tinamaan na siya niyon kaya kung ano-ano na ang naririnig niya. Ginalaw-galaw niya ang kanyang mga tainga. Baka kasi nabibingi lang siya dahil sa lakas ng musika sa paligid.          “Hindi ka pa lasing, lalong hindi ka nabibingi,” sabi ni Leo na mukhang nahulaan ang tumatakbo sa isip niya.       “Ano nga uli `yong sinabi mo?” Gusto niyang makasiguro dahil baka nagkamali siya ng dinig. Ayaw niyang mapahiya rito.       “I said, be my girlfriend,” ulit nito.       Pakiramdam niya ay literal na tumalon sa sobrang tuwa ang puso niya.       “I mean, pretend to be my girlfriend,” paglilinaw nito.       Biglang bumaba ang level of excitement niya. Pretend girlfriend lang pala. Ang akala pa mandin niya ay may gusto na ito sa kanya.       Malay mo, style lang niya `yan para maging malapit siya sa `yo, tukso ng maliit na tinig sa isip niya.       Nanumbalik ang excitement niya. Itinuon uli niya ang atensiyon niya kay Leo. “Magkukunwari akong girlfriend mo? Bakit? Sino ang pagseselosin mo?”       Nagkibit-balikat ito. “She’s not my girlfriend. Just a pesky admirer. Ayaw tumigil ng kakasunod sa akin, eh. Ang malala pa, feeling niya, kami na. Kahit `yong mga kaibigan kong babae, inaaway niya. I told her na hindi ko siya gusto. Sinabi ko na nga rin na may girlfriend na ako. Pero hindi raw siya maniniwala hangga’t hindi ko ipinakikilala sa kanya `yong sinasabi kong girlfriend.”       “Hmm… Mukhang obsessed sa `yo. Sa tingin mo, maniniwala siya sa gagawin nating palabas?”       “Oo naman. Magaling ka namang umarte, `di ba?”       “Singer ako, hindi actress,” pagtatama niya rito.       “Whatever. Pareho rin `yon.”       Namayani ang katahimikan sa pagitan nila. Ito ang unang bumasag niyon.       “Will you help me?” tanong nito.       Huminga siya nang malalim. “Sige na nga,” pagpayag niya.       Lumarawan ang kasiyahan sa mukha nito. Itinaas nito ang hawak na baso, saka iniuntog iyon sa hawak niyang martini glass. “Thanks,” sabi nito.       “You’re welcome,” sagot niya. Hindi niya maipa-liwanag ang sayang nararamdaman niya. Kahit sabihin na isang pagpapanggap lamang ang gagawin niya, malaking bagay pa rin iyon sa kanya. To be his “girlfriend” was such a dream come true for her.   “WOW, CASSY! Ang ganda mo naman,” puri sa kanya ni Myca.       “Salamat,” aniyang nginitian din ito. Nakasuot siya ng little black dress na tinernuhan niya ng black high-heeled stiletto. Itinaas niya ang kanyang buhok at saka hinayaang may bumagsak na ilang hibla sa magkabilang gilid ng mukha niya.       “Saan ba ang lakad mo? No. Let me rephrase that. I mean, saan ang date mo ngayon?”       She chuckled. “Wala naman. Diyan lang sa tabi-tabi.”       “Sus, pa-secret-secret ka na lang ngayon, ah.”       “Hindi naman talaga date ito. I mean, medyo ‘date’ nga kung iisipin. Pero hindi ganoon,” malabong paliwanag niya.       “Ha? Ang gulo naman ng sinabi mo,” nakakunot-noong sabi nito.       “Ah, basta, iyon na `yon.”       “Bahala ka na nga. Mauna na lang ako sa `yo. May lakad pa kami ni Abby, eh.”       Paglabas nito ng kuwarto ay saka niya tinawagan sa cell phone si Leo. “Wala na si Myca. Umalis na.” “Okay. Nandiyan na `ko,” sabi nito. Wala pang dalawang minuto ang nakalilipas ay may narinig na siyang bumusina sa tapat ng bahay nila. Dali-daling lumabas siya ng bahay at sumakay sa kotse ni Leo. “Tinanong ako ni Myca. Akala ko, hindi niya ako titigilan,” sabi niya pagsakay na pagsakay niya sa passenger’s seat. Hinintay niyang mag-react ito o may sabihin man lang. Pero nanatili itong tahimik. “Bakit ka ba hindi nagsa—” Hindi na niya naituloy ang sasabihin nang mapatitig siya sa mukha nito. Nakaramdam siya ng pagkailang dahil titig na titig ito sa mukha niya. “Hoy!” pukaw niya rito.           Kumurap-kurap ito at agad na tumingin sa ibang direksiyon.       “Bakit ka ba nakatitig sa akin? Siguro, nagagandahan ka sa akin, `no?” aniyang idinaan sa panunudyo ang kabang nararamdaman niya.       Hindi ito umimik. Bagkus ay pinaandar na lang nito ang kotse.       “Hay, nag-exert pa mandin ako ng effort. Ang akala ko, magagandahan ka sa akin,” kunwari ay nagtatampong sabi niya.       “Actually, I was speechless. You look very beautiful tonight.”       Pakiramdam niya ay may humaplos sa puso niya. Kung sana ay totoo at hindi lang isang palabas ang lahat. Malamang, siya na ang pinakamasayang babae sa buong mundo.       Pagdating nila sa restaurant na pakay nila ay inihanda na niya ang sarili. Ipinarada nito ang kotse sa tapat ng entrance door. Akmang bababa na siya roon nang pigilan siya nito.       “Allow me.” Bumaba ito, saka umikot at binuksan ang pinto sa tabi niya. Inilahad nito sa harap niya ang isang kamay nito.       Tinanggap niya iyon. Pagbaba niya ay labis niyang ikinagulat ang pagngiti nito sa kanya. Daig pa niya ang nanalo sa lotto. Matagal nitong ipinagkait sa mga kaibigan nito ang ngiti nitong iyon. Pero ibinigay nito iyon sa kanya. Habang-buhay niyang maaalala ang gabing iyon. Habang papasok sila sa loob ng restaurant ay binulungan siya nito.       “The lady wearing a yellow dress. Siya ang sinasabi ko sa `yo.”       “Okay.”  Kumapit siya nang mahigpit sa braso nito.       Tumayo ang babaeng sinasabi nito na nakaupo sa unahan sa kanang bahagi ng restaurant. Magkasalubong ang mga kilay na tiningnan siya ng babae mula ulo hanggang paa. “Who is she?” tanong nito.       “Marianne, I would like you to meet Cassy, my girlfriend.” Tiningnan siya ni Leo. “She’s Marianne.”       “Is she your friend, honey?” malambing na tanong niya rito.       “Yes,” sagot sa kanya ni Leo.         “I don’t believe this. Kung talagang girlfriend ka niya, bakit hindi kita nakikita sa opisina ni Leo?” panghuhuli sa kanya ni Marianne.       Bago siya sumagot ay umupo muna sila ni Leo kahit hindi pa sila inimbitahan ni Marianne. “Really? Dumadalaw ka sa office niya? How kind of you,” kapagkuwan ay sabi niya. “Anyway, I lived in the US for quite some time. Kababalik ko lang last week.”       “Leo, please tell me. This is a joke, right?” tila nagmamakaawang sabi ni Marianne.       “I’m sorry, Marianne. But I love Cassy. And I want to be with her for the rest of my life.”       Kung hindi lang niya alam na nagpapanggap lamang sila, aakalain niyang totoo ang mga sinabi nito sa kanya. Sana nga ay talagang mahal siya nito. Hindi na siya nakakibo nang bigla nitong hawakan ang mukha niya at halikan nito ang gilid ng mga labi niya.        
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD