KABANATA 33

4452 Words
KABANATA 33 TINA   Malayo pa lang pero kita ko na ang malalaki at maliliwanag na ilaw ng perya dahil gabi na at madilim ang langit. “Ilang taon ko ring hindi nakita ‘to! Na-miss ko mag-perya!” Nakatanaw ako sa labas at nanlalaki ang mata ko habang palapit kami. Nilingon ko siya. “Mag-e-enjoy ka rito Blake!”   “I know, I would,” sabi niya kasabay ng mabilis na pagtingin sa ‘kin habang nakangiti.    Sa isang malaking bakanteng lote itinayo ang perya kaya may malaking espasyo rin para paradahan ng mga sasakyan. Ipinarada ni Blake ang kotse niya sa pagitan ng isang tricycle at owner type jeep. Mukhang kapaparada lang ng tricyle dahil nagsisibabaan pa ang mga sakay nito na halos puro bata lahat. Mukhang ang mga edad nito ay mula 5 to 10 years; dalawang batang lalaki at dalawang batang babae. Mga magulang siguro nila ang lalaking nagmaneho ng tricyle at ang babaeng angkas nito sa likod.   Napangiti ako nang makita kong maghawak kamay ang dalawang batang maliit at patalon-talon pa sila na naglakad. Nauna silang naglakad habang nakasunod sa kanila ang mga mas nakatatanda sa kanila. Magkaakbay naman naglakad ang mag-asawa. Naalala ko tuloy kami nina Inay at Itay noon. Sa tuwing may perya hindi pwedeng hindi namin puntahan. Minsan kasama pa namin si Theo.   “I’ll open the door for you.” Natigil ang pag-alala ko sa nakaraan nang magsalita si Blake. Patakbo siyang nagpunta sa side ko at binuksan ang pintuan. Hinawakan pa niya ang kamay ko at inalalayan akong bumaba ng kotse. Saglit siyang bumitaw sa akin para isarado ang pintuan ng kotse. Nang masarado na niya ito, hinawakan niyang muli ang kamay ko. Salitan ang mga daliri ng magkahawak naming mga kamay at kung ikukumpara ang kamay ko sa kanya parang kamay ng bata ‘yung sa ‘kin.   Kapapasok pa lang namin ng perya, mga nagsisigawang babae ang sumalubong sa ‘min. Galing ang mga ito sa horror house. ‘Yung isa nahubaran pa ng sapatos sa kanang paa, kaya tumakbo pa ito pabalik habang hatak ang isang kaibigan nito. “Ayoko d’yan. Doon tayo.” Hinila ko si Blake at tumuro ako sa direksyon ng carousel kung saan puro bata o kaya magulang na may kasamang anak ang nakasakay.   “Dapat lahat i-try natin,” mapang-asar na sabi ni Blake. Nakangisi ang loko! Aba! May balak pa ata siyang takutin ako. Hindi! Hindi kami papasok sa horror house! Baka makasampal ako ng multo kapag natakot ako.   ***   “Blake, sabi ko naman sa ‘yo, ayoko rito.” Mahigpit ang hawak ko sa braso niya habang papasok na kami sa horror house. “Nakalimutan mo na ba na duwag ako. ‘Tsaka duwag ka rin ‘di ba?”   “I’m not. Hindi ako takot sa multo.”   “Sinungaling ka. Alam ko duwag ka.” Halos maglapot nga siya sa pawis noong mag-dinner with candlelight kami sa apartment dahil nag-brownout. Biniro ko siya noon at takot na takot siya.   “Basta, huwag ka lang lalayo sa ‘kin.” Inakbayan niya ako at yumakap naman ako sa kanya. Sobrang dilim na at halos wala na akong makita. Paglabas siguro namin dito hahabulin na ng plantsa si Blake dahil sa higpit ng pagkakalamukos ko sa harapang parte ng t-shirt niya. “Tina, abs ko na ‘yung hinahawakan mo.” Mahina siyang tumawa.   “Hindi kaya! Bilisan na nga natin maglakad nang makaalis na tayo ri— Ahhh! May humawak sa binti ko! Ahhh! Ayoko na! Ayoko na!“ Nagpapadyak ako habang nakasubsob sa dibdib niya dahil sa sobrang takot. ‘Yung kilabot ko mula binti parang gumuhit hanggang batok!   “Yakap ka lang sa ‘kin.”   “Kulang na nga lang maglambitin ako sa ‘yo eh. Bilisan na natin ka— Ahhh!” Napasigaw na naman ako nang may sumigaw ring babae sa unahan namin. “Ano ‘yon?! Blake!” Mahigpit pa rin ang hawak ko sa t-shirt niya at parang konti na lang ata mapupunit ko na.   “Wala. May white lady lang na dumaan.”   “White lady? Ayoko ng ganyan! Ahhh!” Mamamaos na ata ako kakasigaw! Bigla na lang kasing may tumawa na parang galing sa ilalim ng lupa ang boses. Hindi magandang imahe ang naisip ko. Mapulang balat, maiitim na mga mata, mahabang buntot at malaki at matulis na sungay! Diyos ko! Maiihi na ata ako!   “Hindi ko alam na gan’to ka katakot.”   “Kulit mo kasi eh!”   “Minsan lang naman. ‘Tsaka tingnan mo naging super close tayo.”   “Super close? Tuwang-tuwa ka? Ha? Mukhang ikaw lang nag-e-enjoy!” Bahagya akong sumilip sa nilalakaran namin at may nakita lang naman akong nakakatakot na clown na pagkalaki-laki ng pula at bilog na ilong nito. Mabilis akong pumikit dahil ayoko nang makita ang maputi niyang mukha at sobrang laking nguso! “Blake, nakangiti siya sa ‘kin!”   “Baka type ka.”   “Blake naman eh! Nang-aasar pa!”   “Kapit ka lang sa ‘kin. Ako’ng bahala sa ‘yo.” Ilang tili, sigaw, tawa, at kalabit pa ang naramdaman at narinig ko. May naramdaman pa nga akong parang tumalsik sa basa sa braso ko, kasabay nang malakas na tunog na parang may pinalakakol na karne na may buto. Diyos ko! Ano ba ‘tong pinasok namin? Kung sino man ang gumawa at nakaisip nito, ang galing niyang manakot!   Kulang na lang halikan ko ang lupa nang makalabas kami ng horror house. “Hindi ko na uulitin ‘yon!” maluha-luha kong sabi.   “Smile na. Tapos na.” Pinunasan ni Blake ang basang gilid ng mga mata ko.   “Naku! Pag ako, nalaman ko kung ano’ng kinatatakutan mo nang sobra, humanda ka sa ‘kin.”   “Isa lang naman ang kinakatakot ko.”   “Ano? Sabihin mo sa ‘kin.” Hindi ako magdadalawang-isip na gawin o ibigay sa kanya, kung ano man ‘yon! Pagkatapos niya ‘kong takutin at paiyakin; at baka bangungutin pa ‘ko nito mamaya; hindi pwedeng hindi ko siya gagantihan! Hmp!   “Yung hindi mo ‘ko sagutin at balikan,” sabi niya sabay hawak sa kamay ko at halik. Natigilan ako. So, paano naman ako sasagot ‘di ba? Paano ko siya gagantihan kung ‘yung kinakatakutan niya, hindi ko naman kayang gawin? “Ano’ng sunod nating gagawin?” Nakangiti niyang tanong. Ano ba ‘yan?! Isang ngiti lang niya, nawala na agad ‘yung inis ko. Rupok mo girl!   “Doon tayo.” Tumuro ako sa direksyon kung saan may booth na papuputukin ‘yung mga makululay na lobo gamit ang dart pin. “Gusto ko ‘yung teddy bear na pink.”   “Kahit ilang teddy bears pa ‘yan, ibibigay ko sa ‘yo.” Magkahawak kami ng kamay na naglakad papunta sa booth. Isang lalaki ang nagbabantay na mabilis na tumayo nang lumapit kami. “Kuya, magkano ‘yung pink na teddy bear.” Humugot ng wallet sa bulsa si Blake.   “Po?” Nagtatakang tanong ng lalaki habang ako nangingiti kay Blake.   Naglabas na siya ng isang libo. “Yung teddy bear, bibilhin ko na.”   “Blake, hindi binibili ‘yung mga ‘yan. Kailangan mapanalunan mo.”   “Bakit hindi pwedeng bilhin?”   “Gano’n talaga.”   “Kuya ilang lobo ang kailangan kong paputukin para makuha ‘ko ‘yung teddy bear?”   “Lahat po ‘yan.”   “Lahat? Okay. Game.” Binigay ni Blake ‘yung isang libo sa lalaki at binigyan naman siya nito ng dart pins. Sunod-sunod ang paghagis ni Blake ng pins at sunod-sunod din ang pagputok ng mga lobo. May ilang sablay pero mas marami pa rin ang tumatama.   Isang lobo na kulay purple na lang ang hindi natatamaan ni Blake. Nasa bandang kaliwa ito sa itaas at nasa may sulok. Isang dart pin na lang din ang hawak ni Blake. Natawa ako sa kanya dahil pumikit pa siya at nag-sign of the cross bago pumorma at itinaas ang kanang kamay na nakahawak sa dart pin. Tunog ng pumutok na lobo ang sunod ko nang narinig. “Yes!” sigaw niya habang ako naman nakakapit sa braso niya at patalon-talon sa tuwa.   “Ang galing! Nanalo tayo!” Kung makasabi ako ng tayo eh wala naman akong ginawa kundi mag-cheer.   “Ito na po ‘yung prize n’yo.” Inabot ng lalaki kay Blake ‘yung pink na teddy bear. Pagkatapos ay inabot naman sa ‘kin ito ni Blake.   “Thank you!” Tuwang-tuwa ako, kasi ang laki ‘tsaka ang lambot nitong teddy bear. Pangarap ko ‘to noong bata pa ako, pero dahil hindi naman kami mayaman, hindi ako nagkaroon.     “Dapat may partner siya. Doon naman tayo sa kabila.” ‘Yung katabing booth mga maliliit na mga laruang sundalo at bibe naman ang kailangang patumbahin gamit ang pellet gun. May teddy bear na kulay blue naman doon at ‘yon ang mukhang gusto ni Blake na sunod na mapanalunan. Mabilis na tumayo ang babae na isa sa mga bantay ng booth at nag-abot ng isang libo si Blake rito.   “Heto na po kuya,” sabi nito pagkalapag ng tatlong pellet gun sa harap ni Blake. Nanlaki ang mga mata ko dahil hindi pala ‘to babae kundi binabae. Halata sa boses nito sa pilit na pinapaliit. Napatingin ako sa leeg niya na ngayon ko lang napansin na may adam’s apple pala! Humawi pa ‘to ng buhok at inipit sa likod ng tenga sabay kagat ng labi na pulang-pula dahil sa liptint. Hindi ko talaga akalain na hindi ito babae dahil sa kinis at puti ng balat nito at malusog na dibdib na mas malaki pa sa ‘kin. Nahiya naman ang A cup na dibdib ko sa mukhang C cup na kanya! Hindi ko alam kung totoo ba ang mga ‘yon o malaki lang ang foam ng suot niyang bra. Halos umabot hanggang tenga ang ngiti nito ng magpasalamat si Blake at ngitian ito. Pagkaupo nito, napahampas pa ito sa balikat ng lalaking katabi nito na semi-kalbo at may tattoo nang bungo sa braso. Nakasuot ito ng sleeveless kaya kitang-kita ang pamumula ng parte ng braso nito na nahampas kanina.   “Aray! Becca, ang landi mo,” reklamo ng lalaki.   “Ang gwapo kasi ni kuya.”   Napangiti na lang ako sa kanila habang itong si Blake sobrang seryoso ng itsura, walang kamalay-malay na may kinikilig na sa kanya. Hawak niya agad ‘yung isang pellet gun, at pagkatapos ay tumingin sa ‘kin. “I’ll win this for you,” nakangiti niyang sabi at kinindatan pa ako. Akala mo naman lalaban sa Olympics!   “Galingan mo, para hindi malungkot ‘tong si Bubbles.”   Napakunot ang noo niya. “Bubbles?”   “Itong teddy bear ko.” Hinawakan ko ang isang kamay ni Bubbles at kinaway-kaway ko sa kanya. “Kulay pink kasi siya, parang bubble gum kaya Bubbles ang pinangalan ko sa kanya.”   “Okay…” Nangingiti siya. Pinagtatawanan niya ata ‘yung ipnangalan ko dito sa teddy bear!   “Bakit? Cute naman ‘yung name na Bubbles.“   “Cute nga. Wala naman akong sinabing pangit.”   “Tumatawa ka eh!”   Ibinaba niya muna ‘yung hawak niya at lumapit sa ‘kin. “Cute nga! Kasing cute mo. Tingin nga.” Pinagdikit niya ‘yung mukha namin ni Bubbles. “Magkahawig kayo.” Loko! Lalo pang tumawa!   “Blake…” Ngumiti ako at hinaplos ko siya sa pisngi.   “Uhm?”   “Ang cute! Cute mo rin!” sabi ko sabay pisil nang madiin sa pisngi niya.   “Ouch! Tina! Babe!” Babe? Hindi uubra sa ‘kin ‘yan! Hinila ko siya palapit sa booth habang natatawa ‘ko sa kanya. “Umpisahan mo na.”   “Sana all tinatawag ng babe. Ate pakurot nga rin d’yan sa jowa mo. Ang pogi kasi,” kinikilig na sabi ng nakabantay na bakla sa booth, na narinig ko kanina na Becca ang pangalan, nang bitawan ko na sa pisngi si Blake.   “Okay lang. Hindi ko naman siya jowa.”   “Hindi pa,” kontra naman ni Blake sa sinabi ko. “Miss, ramdam ko, malapit na niya ‘kong sagutin. Kita mo naman kung paano niya ‘ko panggigilan.”   “Tinawag niya ‘kong miss!” Hinawakan ni Becca sa balikat ‘yung lalaking katabi at saka niyugyog. “Kinilig naman ‘yung pempem ko!” Hindi niya malaman kung tatayo ba siya o uupo sa kilig.   “Wala ka no’n,” sabi ng kasamang lalaki ni Becca sabay layo at ayos ng tirante ng sando na lumaylay dahil sa pagkakahatak.   Nagpipigil na lang ako ng ngiti. Ito talagang si Blake, ang daming nagkakagusto, mapa-babae man o bakla.   Hinawakan na uli ni Blake ‘yung pellet gun. “Tina, watch me.” Itinuro pa niya ‘yung dalawang daliri niya sa mga mata niya at sunod sa akin. Nakakatawa ‘yung kayabangan niya.  At mas lalo akong natawa nang sa unang putok niya, wala siyang tinamaan.   “Watch me pala ha…” pang-aasar ko sa kanya.   Tiningnan niya ‘ko. “Practice lang. Panoorin mo ‘yung susunod.”   “Go kuya! Sige lang! Putok mo lang! Putok mo lahat!” Napatingin ako kay Becca at may hawak na siyang pompoms! Saan galing ‘yon?! ‘Yung lalaking kasama niya napapailing na lang. Ako naman aliw na aliw kasi may mga dance steps pa siya. “Go kuya! Go, go kuya!”   Mukhang effective ata ‘yung pag-cheer kay Blake kasi sunod-sunod ‘yung tinamaan niya. “Galing ah…” sabi ko dahil limang sunod-sunod ‘yon na walang palya.   “Bilib ka na sa ‘kin?”   “Ako kuya! I bilib you! Today, everyday, every hour, every minute!”   “Kumain ka na nga lang ng turon. Ang ingay mo,” sabi ng lalaking kasama ni Becca sabay subo ng turon sa nakabukang bibig ni Becca. Muntik tuloy mabilaukan si Becca. Kung may dala lang akong tubig, aalukin ko siya.   “Grabe ka ha! Selos ka ba? Sa tuwing may pogi rito ganyan ka. Hoy Gudo, for your information, hindi ako pumapatol sa lalaking hindi nag-Star margarine at Cherifer noong bata pa. Hindi kita type!” Umarte pa ‘to nang kinikilabutan.   “Ang kapal ng mukha mo! Wala akong gusto sa ‘yo! Naiirita lang ako sa boses mo! Ang ingay mo kasi! Ang arte-arte mo pa!”   “Kesa naman sa ‘yo! Siga pero bansot!”   “Kapre!”   “Bansot! Dwende! Nuno!”   Naglakad ako palapit sa dalawang nag-aaway bago pa sila magsabunutan. “Alam n’yo ba…” Sabay silang napatingin sa ‘kin. “… ganyan din kami dati.” Itinuro ko si Blake sa kanila na sobrang seryoso sa ginagawa niya. Hindi man lang pansin na may nagbabangayan na rito sa tabi niya. “Palagi kaming nag-aaway na parang aso’t pusa. Pero totoo ata ‘yung kasabihan na the more you hate, the more you love.”   “Eww ka ate!Eww! Kami nitong bansot na ‘to? No way!” Humalukipkip pa siya at umismid. “No way talaga! No way! ‘Yang boylet mo ang type ko ate.” Tinuro pa niya si Blake.   “Hindi ka naman type. Nandito nga siya para mapanalunan ‘yung teddy bear para ibigay dito kay miss ganda.”   “Eh ano ngayon?! Sinabi ko bang gusto ko siya jowain? Ang KJ mo! Panira ka ng kaligayahan.”   “Baka naman kasi siya ang magiging future na kaligayahan mo,” singit ko sa usapan nila.   “Ate, huwag mo nga siyang bigyan ng idea. Baka mamaya niyan ligawan ako nito.”   “Kung liligawan kita, sigurado ako, mapapasagot kita.”   “Duh! Marupok ako, pero never akong mapo-fall sa ‘yo.”   “Tingnan natin.” Napangiti ako. Mukhang naging kupido ako sa dalawang ‘to. Umalis na si Gudo at hindi ko alam kung saan nagpunta. Ito namang isa, pinagpatuloy ang pag-cheer kay Blake na marami na palang napatumba.   “Kuya, ang galing mo namang magpaputok,” sabi ni Becca habang nilalagyan ng bala ‘yung mga pellet gun na wala nang laman. Ang lagkit ng tingin niya kay Blake pero bigla siyang sumimangot nang makita nitong bumalik na si Gudo.   “O!” may inabot na supot si Gudo kay Becca.   “Ano ‘yan?” nakapamewang pang tanong ni Becca.   “Fries, kwek-kwek, isaw ‘tsaka mango shake. Mga paborito mo.”    “Akala ko ba, wala kang pera?”   “Binawasan ko ‘yung ipon ko.” Umiiwas ng tingin si Gudo. “O, kunin mo na. Huwag nang maraming tanong.” Pilit nitong inabot kay Becca ‘yung supot. Halatang nagpipigil naman ng ngiti si Becca. Nakakatuwa silang tingnan. Kanina lang nag-aaway sila tapos ngayon mukhang umpisa na ng ligawan.   “Tina, panoorin mo naman ako. Malapit ko na silang maubos,” reklamo ni Blake sabay patong ng baba sa balikat ko. Magsasalita sana ako pero mabilis niya ‘kong hinalikan sa pisngi bago siya bumalik sa pag-asinta sa mga laruang sundalo na kanina pa niya pinatutumba.   Habang sweet na kumakain sina Becca at Gudo at nagsasalo sa iisang mango shake na may dalawang straw, chini-cheer ko naman si Blake kasi isang laruang bibe na lang ang hindi niya tinatamaan.   “Bubbles, isa na lang may partner ka na! Blake galingan mo!”   “Kanina ko pa ‘to ginagawa pero bakit ngayon pa ‘ko kinabahan kung kailan isa na lang.” Napahawak pa  siya sa dibdib niya. Totoo  bang ninenerbyos siya? “Isang kiss naman d’yan. Pampaswerte.” Inilapit pa niya ‘yung pisngi niya sa ‘kin. “Sige na. Isa lang.” Hindi ako sumagot pero mabilis ko siyang hinalikan sa pisngi. “Yon! Sarap naman. Okay! Ready na ‘ko!” Ginalaw-galaw pa niya ang mga balikat niya. Warm-up? Para sa huling bibe? Patawa talaga ‘tong si Blake.   Itinaas na niya ang kamay niyang may hawak sa pellet gun, ipinikit niya ang isang mata niya at umasinta bago niya paputukan ang bibe na madali niyang tinamaan dahilan para mapasigaw ako na akala mo nanalo sa lotto. Dahil sa sigaw ko, nabugahan tuloy ni Becca ng mango shake sa mukha si Gudo.   “Becca!” Napatayo at napapunas ng mukha si Gudo.   “Si ate kasi, nagulat ako!” Itinuro pa ako ni Becca.   “Hindi na kita ililibre!” Ipinunas ni Gudo ang sando niya sa mukha niya. Basang-basa talaga siya.   “Eh ‘di wag! Sa ‘yo na ‘yang kwek-kwek mo! Tutal mukha ka namang itlog!”   “Ang asim talaga ng ugali mo! Kasing asim niyang kili-kili mo!”   “Ang dilaw naman ng ngipin mo! Mas madilaw pa rito sa mango shake mo!”   “Blake… Nag-away na naman sila at dahil pa sa ‘kin. Paano natin kukunin ‘yung prize?” bulong k okay Blake.   “Ako’ng bahala.” Dahil nakasabit lang sa gilid ‘yung malaking teddy bear na kulay blue, pasimple itong kinuha ni Blake habang nagbabangayan ‘yung dalawa. Napanalunan na naman namin ‘to, kaya sa amin na ‘to. Nang nakuha na ni Blake ‘yung teddy bear, nagmamadali na kaming umalis habang tuloy pa rin sa bangayan sina Becca at Gudo. Feeling ko naman magbabati rin ‘yung dalawang ‘yon. Hindi lang sila makaamin nang tuluyan sa isa’t isa ng totoong feelings nila.   “Blake, tama na. Nakalayo na tayo. Hindi ko na naririnig ‘yung dalawa,” sabi ko sabay hinto ng lakad.   “Gano’n din ba tayo dati? Narinig ko ‘yung sinabi mo sa kanila kanina.”   “Tsismoso. Nakikinig ka pala.”   “Totoo ba? Palagi kitang inaaway?”   “Loko-loko ka kasi. Ang lakas mo mang-asar kaya palagi tayong nag-aaway. Pero marunong ka namang bumawi ‘tsaka katagalan bumait ka na rin.”   Inakbayan niya ‘ko at saka niya ‘ko hinalikan sa may sintido. “I’m sorry.”   “Para sa’n?”   “For being mean to you before. Alam ko namang may pagka-gago ako. Kahit mga kaibigan ko minsan napipikon sa ‘kin.”   “Tapos na ‘yon. Okay na tayo, ‘tsaka Blake, hanggang ngayon naman loko-loko ka pa rin. Pinaiyak mo nga ako sa horror house.”   “Iba naman ‘yon. Lambing ko ‘yon.” Hinalikan na naman niya ko sa may sintido ko.   “Kakaiba ka maglambing ha.”   “Kain na lang tayo. Ano’ng gusto mo?” Dahil sa tanong niya, ‘tsaka ko lang napansin na huminto pala kami sa helera ng mga nagtitinda ng pagkain.   “Nainggit ako sa shake nina Becca kanina, pero gusto ko ‘yung Avocado, ‘tsaka ‘yon. ‘Yung patatas sa stick.” Tinuro ko sa kanya ‘yung stall.   “Kuya isang Avocado and isang Lychee na shake, ‘yung big ‘tsaka apat niyang twisted potatoes,” sabi ni Blake sa tindero. “Ano’ng flavour gusto mo?” tanong naman niya sa ‘kin.   “Barbeque.”   “Okay. Kuya dalawang barbeque and dalawang cheese.” Pagkatapos um-order ni Blake, naupo kami sa bench sa tabi lang ng pinagbilhan namin ng pagkain.   Habang nakaupo kami, napatingin ako kay Blake at nangiti ako. Ang cute niya kasi habang kandong ‘yung blue na teddy bear. “Why?” nagtatakang tanong niya.   “May naisip ka nang pangalan para d’yan sa teddy bear?” Tumango siya. “Ano?”   “Max.”   “Bakit Max? May ibig sabihin ba ‘yon?”   “Max kasi ang pangalan ng aso na naging alaga ko noong bata pa ‘ko. Kaso maaga siyang namatay, and mula no’n hindi na ‘ko nag-alaga uli, dahil natakot ako na mawala uli sa ‘kin.”   “Well, itong si Max 2.0, hindi ka na iiwan.” Umiling siya. “Ha? Bakit?”   “Kasi iiwan ko siya sa ‘yo. Sa ‘kin si Bubbles, sa ‘yo si Max. Aalagaan ko si Bubbles, babantayan ka naman ni Max kapag wala ako. Kapag na-miss mo ‘ko, yakapin mo lang siya. Kapag may gusto kang sabihin sa ‘kin, bulong mo lang sa kanya, makakarating sa ‘kin.”   “Puro ka kalokohan Blake. Ano’ng silbi ng cellphone? Bakit sa stuffed toy ko pa ibubulong?” Sa totoo lang, hindi ko gusto ‘yung sinabi niya. Kinabahan ako. Hindi ko maintindihan kung bakit.   “Sir, ma’am, heto na po ‘yung order n’yo,” tawag ng tindero sa amin. Si Blake ang tumayo para kunin ang mga pagkain namin. Magkatabi muna namin inupo sa gilid ng bench sina Bubble at Max para makakain kami nang maayos ni Blake.   “Patikim,” sabi ko kay Blake, pagkatapos niyang uminom ng shake. Wala naman siyang pagdadalawang-isip na inabot sa ‘kin. “Sarap! Palit tayo,” sabi ko pagkatapos kong uminom at inabot ko sa kanya ‘yung Avocado shake ko.   “Akala ko ba Avocado gusto mo?”   “Masarap pala ‘tong Lychee. Palit tayo.”   “Hindi ako kumakain ng Avocado. Mag-share na lang tayo.” Tinanggal niya ‘yung straw sa Avocado shake ko at inilipat sa hawak kong shake.   Nang iinom na ‘ko, hinawakan rin ni Blake ‘yung baso at sinabayan niya ‘kong uminom. Naiilang at natatawa ako dahil nakatitig siya sa ‘kin habang umiinom kami, kaya inilayo ko ‘yung labi ko sa straw. “Blake! Huwag mo ‘kong sabayan uminom.”   “Bakit? Kaya nga nilagay ko ‘yung straw ko para sweet.”   “Magiging sweet ka talaga kapag nabugahan kita ng shake. Huwag mo na ‘kong sabayan.”   “Okay. Okay,” patango-tango niyang sabi habang nakangiti sa ‘kin. “Subuan na lang kita.” Kumuha siya ng isang stick ng twist potato at inilapit sa bibig ko. Ang sweet niya kahit na para akong bata na pinapakain. “Sarap?” Tumango ako at pagkatapos siya naman ang kumain. Nilapit ko naman ‘yung shake sa kanya para makainom siya. “Thanks,” sabi niya pagkatapos niyang uminom. Hanggang sa matapos kami, gano’n ang ginawa namin. Sinusubuan niya ‘ko habang siya naman pinapainom ko. ‘Yung Avocado shake ininom din namin. Pinilit ko siyang ubusin namin dahil sayang. Nagustuhan naman niya kahit first time niyang uminom ng Avocado shake.   “Blake, sakay tayo ng carousel.”   “Pambata lang ‘yon.”   “Wala namang sinabi na bawal sumakay ang matanda. Tara na. Tuwing may perya dito sa ‘min, lagi akong isinasakay ni Itay sa carousel. Sige na.” Marahan kong hinatak-hatak pababa ‘yung manggas niya.   Tiningnan niya ‘ko at ang tagal niya bago sumagot. “Okay. Hindi naman kita matatanggihan.”   Inabot ko na sa kanya si Max at pagkatapos, binuhat ko na si Bubbles. Habang naglalakad kami pinagtitinginan kami ng mga bata dahil sa mga hawak naming malaking teddy bears. May isang baby pa nga kaming nakasabay sa pila sa carousel na panay ang hampas sa mukha ni Max habang buhat ng tatay nito. Habang nakatingin ako doon sa baby nangilid ‘yung luha ko. Naalala ko na naman ‘yung baby namin ni Blake. Kung hindi siya nawala sa ‘min, dadalhin ko rin siya sa ganito.   “Hey. Are you okay?” Tumango ako at pilit na ngumiti. “Gusto mo sa ibang rides na lang tayo?”   “Hindi. Okay lang talaga ‘ko. Gusto ko rito.”   Hinawakan ako ni Blake sa batok at hinalikan niya ‘ko sa noo, bago niya ‘ko bulungan ng, “I love you.”   Hindi lang puro kabayo ang mayroon sa carousel mayroon ding karwahe at ito ang napili naming sakyan ni Blake dahil may mga hawak kaming laruan. Habang magkatabi kaming nakaupo, inihilig ko ‘yung ulo ko sa balikat niya. Kusang tumulo ang luha ko habang nakatitig ako sa mag-ama na nasa harapan namin. Nakasakay ‘yung baby sa kabayo habang inaalalayan siya ng tatay niya. Ito ‘yung mag-ama na nakatabi namin sa pila.   “Ganyan siguro kayo ng baby natin, kung nabigyan lang tayo ng pagkakataon.”  Pinunasan ko ‘yung luha ko bago pa tumulo sa damit niya.   Hinawakan naman niya nang mahigpit ang kamay ko. “Our baby’s an angel now and for sure binabantayan niya tayo mula sa taas.” Tumango ako pero tuloy pa rin ang agos ng luha ko. Kung nakikita ako ng baby namin ngayon, baka malungkot siyang makita akong umiiyak kaya pinilit ko nang tumahan. Mabuti na lang nandito si Blake sa tabi ko. Hindi ko mag-isang pagdadaanan ‘to.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD