KABANATA 34

2128 Words
KABANATA 34 TINA   Huminto na ‘yung carousel at pinabababa na ‘yung mga nakasakay kasama kami. “Kuya, pwede isang ikot pa?” tanong ko sa lalaking nag-o-operate ng carousel. Ride all you can naman kasi ang ticket namin ni Blake at ang sarap ng pagkakasandal ko sa balikat niya. Para akong hinehele habang umiikot kami sa mabagal na taas baba na karwahe.   “Hindi po. Pipila po kayo uli. Marami pa pong gusto sumakay.”   “Okay po,” nakangusong sabi ko habang tumatayo at bitbit si Bubbles.   “Marami pang rides na pwedeng sakyan. Balikan na lang uli natin ‘to mamaya.”   “Doon na lang tayo sa may roleta. Baka manalo tayo ng mangkok o tasa.”   “Ha? Pa’no?”   “May number sa roleta from 1 to 100. Pili ka lang ng number na gusto mo tayaan. Kahit ilan ang gusto mo. Kapag sa numero mo tumama ‘yung roleta, may prize. Dati nakapag-uwi kami ng limang mangkok, tatlong plastic na baso ‘tsaka mga chichirya. Nakasimangot na nga sa ‘min ‘yung may-ari ng booth noon.” Natatawa ako habang inaalala ko ‘yung mga memories namin nina Inay at Itay sa perya. Padabog na nga kung ilapag ni ate sa harapan namin ‘yung prize. Hanggang ngayon nga ginagamit pa rin namin sa bahay ang mga ‘yon. “O kung gusto mo, doon tayo sa toss coin. Minsan nga lang ang bilis ng kamay ng bantay. Hindi pa nga tumitigil sa pag-ikot ‘yung barya, hinahakot na. Ano? Saan mo gusto?”   “Kahit saan mo gusto. Puntahan natin lahat.”   At pinuntahan nga namin lahat. Una naming pinuntahan ‘yung booth ng toss coin. Nakarami na kami ng barya pero isang maliit na supot ng marshmallow lang ang napalanunan namin kaya umalis na kami ni Blake. Habang kinakain ko ‘yung marshmallow nagpunta naman kami sa booth ng roleta. Lahat na ata ng birthday namin, ng mga magulang at kaibigan namin natayaan na namin pero wala pa rin kaming panalo hanggang sa naisipan ko lang na tayaan namin ‘yung petsa ngayong araw at sa wakas tumama rin! Tuwang-tuwa kami ni Blake dahil nanalo kami ng maliit na flower vase na may lamang plastic na bulaklak.   “Blake ang corny mo!” Inabot kasi niya sa ‘kin ‘yung vase at may pa-for you my love pa siyang nalalaman.   “Pinaghirapan natin ‘yan. Bakit tinatanggihan mo?” Nagpipigil ng tawa ang loko. “Ang pagmamahal ko sa ‘yo, tulad ng mga bulaklak na ‘yan.”   “Ano? Plastic?”   “Hindi. Panghabang-buhay. Hindi maglalaho at malalanta.”   “Ang corny talaga Blake! Tigilan mo ‘ko. Gasgas na ‘yang mga hirit mo.” Pero kahit gano’n umeepekto sa ‘kin. Kinikilig pa rin ako. Sa kanya kasi galing. “Sakay na lang tayo ng ferris wheel at ‘yang vase, ikaw ang magdala.” Pakunwaring hindi kinikilig na sabi ko. Nauna na akong maglakad sa kanya. Habang palayo ako nangingiti ako.   ***   “Bossing! Ate!” May pamilyar akong boses na narinig nang nasa tapat na kami ng ferris wheel. “Nandito rin po pala kayo!” May binatilyong sumulpot sa harapan ko.   “Jojo! Kumusta? Ikaw lang mag-isa?”   “Okay lang po ate. Hindi po. Nandoon po sa Octopus ‘yung mga kaibigan ko. Hindi po ako sumama kasi mahiluhin ako. Sasakay po ba kayo ng ferris wheel?”   “Sana, kaso ang dami naming dala. Pwede bang ikaw muna ang magbitbit ng mga ‘to, para makasakay kami? Okay lang ba?”   “Opo naman bossing! Kahit anong request n’yo po, gagawin ko.” Ang lapad ng ngiti ni Jojo. Nakakahawa. Napapangiti rin ako.   “Thanks.” Inabutan ni Blake ng isang libo si Jojo. “Bili ka ng pagkain, para hindi ka mainip. Mamaya ilibre mo mga friends mo.”   “Bossing ang laki po nito!”   “Ayos lang.”   “Thank you po!” Kinuha na ni Jojo ang pera at mabilis na nilagay sa bulsa. Pagkatapos ay kinuha na niya sina Bubbles at Max sa ‘min, pati na rin ang flower vase na nakalagay sa supot. Kulang na lang matabunan si Jojo ng mga stuffed toy na bitbit. Patalon-talon pa siyang naglakad palapit sa isang upuan kaya tumatalbog-talbog sina Bubbles at Max. Nakakatuwa silang tingnan.   “Bakit inutos mo pa kay Jojo? Akala ko ilalagay na lang natin sa kotse? Baka maghintay siya nang matagal. Hindi siya makakasama sa mga kaibigan niya.”   “I like that kid. Alam kong may pinag-iipunan siya, kaso hindi naman tatanggap ‘yon ng pera nang wala siyang ginagawang kapalit. Sandali lang naman tayo. Hindi naman masyadong mahaba ‘yung pila.”   Hinawakan ako sa kamay ni Blake at naglakad kami papunta sa pila ng ferris wheel. Medyo mabagal ang usad dahil by twos lang ang sakay. Habang nasa pila kami nasa likuran ko si Blake at nakahawak siya sa tagiliran ko. Mayamaya pumulupot na ‘yung braso niya sa bewang ko. Dinahan-dahan ako, pero hindi naman ako tumanggi. “I love you…” bulong niya sa ‘kin. Hindi ako sumagot pero hinilig ko ‘yung ulo ko sa ulo niyang nakapatong sa balikat ko. Mayamaya pasimple pa siyang humalik sa balikat ko na nakalabas dahil manipis ang tirante ng suot kong blouse.   “Ang sweet naman ng lovebirds. Pwede po ba kayong maistorbo? Kayo na po ang sasakay,” pabirong sabi ng lalaking operator ng ferris wheel. Nahihiya akong napangiti at si Blake naman humiwalay na ng yakap sa ‘kin.   Maliit lang ‘yung ferris wheel. Pang-dalawahang tao lang kada bagon. May bakal itong harang sa may harapan namin at ang mga paa namin nakalabas pero may tinatapakan naman kaming bakal na sahig. “Ay palaka!” Nagulat ako at napahawak ako sa braso ni Blake nang gumalaw at umangat ang sinasakyan naming bagon. “Tumalon puso ‘ko don ah. Nagulat ako,” natatawa kong sabi. Inakbayan naman niya ako at hinawakan sa gilid ng braso kaya sa may tagiliran na niya ako nakayakap.   Umikot na nang tuluyan ang ferris wheel at nasigawan na ang mga batang nakasakay habang kami ni Blake, tahimik lang na magkayakap. Na-miss ko ‘yung ganitong yakap. ‘Yung tahimik lang kaming dalawa pero kita at ramdam sa mga kilos namin ‘yung nararamdaman namin para sa isa’t isa.   “Tina…”   Tumingala ako sa kanya habang nakayakap pa rin ako sa tagiliran niya. “Bakit?”   “Thank you. Ang saya ng gabing ‘to. Magkabalikan man tayo o hindi, I’ll cherish every moment I spent with you.”   Bahagya akong napalayo sa kanya. “Ba’t ang seryoso mo naman?”   “I just wanna let you know,” sabi niya habang nakatitig sa mga mata ko at hinahaplos ang pisngi ko. Dahan-dahan niyang inilapit ang mukha niya sa ‘kin, kaya napapikit ako. Akala ko hahalakan niya ‘ko sa labi pero sa pisngi ko lang lumapat ang labi niya. Medyo na-disappoint ako do’n, pero siguro hindi niya ako hinalikan sa labi dahil hindi ko pa naman siya sinasagot at hindi ko pa siya boyfriend uli.   Pagkababa namin ng ferris wheel, nakaabang na sa ‘min si Jojo. Pagkabigay niya sa ‘min ng mga gamit namin, nagpaalam na siya dahil babalikan pa niya ang mga kaibigan niya. Kami naman ni Blake, bumalik na sa kotse dahil nagyaya na akong umuwi. Inaalala ko kasi na baka pagod na si Blake, lalo na’t ang aga niyang gumising kanina dahil matagal ang byahe papunta rito sa ‘min. May buong araw pa naman kami bukas, bago siya bumalik ng Manila.   Dahil gabi na, madalang na ang mga sasakyan sa kalsada. May kadiliman pa rin sa daan kahit bukas naman ang mga ilaw sa poste kaya maingat kung magmaneho si Blake.   “May mga rides pa tayo na hindi nasakyan. Kung hindi ka lang uuwi na bukas, pwede pa tayong bumalik.”   “Wala na ba ‘yon next week?”   “Hindi ko lang alam. Minsan kasi nagtatagal sila pero minsan naman saglit lang. Pagkatapos ng fiesta, ilang araw lang umaalis na rin sila at lumilipat na ng lugar.”   “May ibang themed park pa naman. Dadalhin kita do’n kung gusto mo.”   “Gusto ko, kaya lang hindi naman ako pwedeng lumayo. Alam mo naman ‘yung lagay ni Itay. Hindi ko sila pwedeng iwan nang matagal ni Inay. Ayoko rin malayo sa kanila. Hindi ako kampante kapag iniisip ko na silang dalawa lang sa bahay.”   “Paano kung magawan ko ng paraan? Will you go with me?”   “Paano?”   “Kukuha ako ng private nurse. Magre-rent ako ng ambulance.”   “Ang gastos naman no’n Blake para sa isang araw na pasyal lang natin.”   “Walang katapat na halaga ‘yung makasama ka. And I want you to relax too, kahit ilang araw lang.”   “Ilang araw? Nagsasara rin ang themed park. Sa ayaw at sa gusto natin, uuwi tayo.”   “Hindi lang naman themed park ang pwede nating puntahan. So, ano? Will you go with—.” Hindi na natapos ni Blake ang tanong niya dahil napamura na siya at napasigaw naman ako. May itim na pusa na bigla na lang tumakbo sa gitna ng kalsada. Nagulat kaming pareho at nakabig ni Blake papunta sa gilid ng kalsada ‘yung kotse. Ang bilis ng mga pangyayari. Nakita ko na lang ‘yung kotse na nasa harapan na ng malaking puno. Mabuti na lang naipreno ni Blake bago pa kami tumama. Sobrang lakas nga lang ng impact ng pagkaka-preno kaya halos maalog ang ulo ko at tumama pa ang likuran nito sa sandalan ng kotse. Mabuti na lang at naka-seatbelt ako.   Sobrang bilis ng t***k ng puso ko. Takot sa nangyari at takot para sa kalagayan ni Blake. Nang mapatingin ako sa kanya nakahawak siya sa ulo niya. “Blake, may masakit ba sa ‘yo? Tumama ba ‘yung ulo mo? Sabihin mo sa ‘kin? Hihingi ako ng tulong. Sandali lang bababa ako.” Umiiyak na ‘ko. Naalala ko ‘yung kaba na naramdaman ko sa perya kanina dahil sa mga sinabi niya sa ‘kin. Pahiwatig ba ‘yon na may mangyayaring masama? Huwag naman sana. Ayoko. “Huwag mo ‘kong iiwan, please. Huwag kang pipikit. Huwag kang matutulog ha?”   Tinanggal ko na ‘yung seatbelt ko at bababa na ako nang hawakan niya ako sa kamay. “Babe, I’m okay. Better than earlier.”   “Anong better? Nakahawak ka d’yan sa ulo mo kanina tapos better? Hindi ka better. Hihingi ako ng tulong. Kailangan madala ka sa ospital. Hindi ka pa nga magaling eh.” Kakasalita ko hindi ko namalayan na natanggal na pala niya ‘yung seatbelt niya at nagulat na lang ako nang halikan niya ‘ko sa labi. Sa gulat, natulala na lang ako.   “I’m much, much better than earlier.” Nakatitig siya sa mga mata ko habang hawak ako sa pisngi. Gumuhit ang isang ngiti sa labi niya. “Naalala na kita. Naalala ko na lahat. Babe I’m sorry. I’m sorry.” Hinalikan niya uli ako at sa pagkakataong ‘yon, gumanti na ‘ko ng halik.   ‘Yung luha ko kanina, dahil sa sobrang takot at kaba, pero ang luha ko ngayon, dahil sa labis na kaligayahan na. Bumalik na si Blake ko. Hindi ko na kailangan matakot na iiwan niya uli ako. ‘Yung Blake na kaharap ko ngayon, ‘yung sigurado ako na ipaglalaban ang pagmamahalan namin kahit kanino at ako lang ang mahal niya at wala nang iba.   “I love you. I love you so much.”   “I love you too Blake.”   “Akala ko hindi ko na maririnig uli sa ‘yo ‘yan.”   “Mahal kita. Walang nagbago. Natakot lang ako na masaktan uli.”   “Hindi na kita iiwan. Hinding-hindi na.”   Nakangiti kaming pareho pero pareho ring umaagos ang mga luha naming dalawa. Sobra-sobra ‘yung saya na nararamdaman ko. Parang gusto ko nang magpa-fiesta sa bahay namin at umarkila ng mosiko! Si Blake naman ayaw tigilan ang labi ko. Bahagya ko siyang itinulak sa balikat dahil parang ayaw na niya ‘kong pahingahin. “Blake… Uwi muna tayo.”   Natawa siya. “Yeah… right. Uwi muna tayo.” Humabol pa siya ng isa pang halik bago siya umayos ng upo at humawak uli sa manibela. Bago pa niya paandarin ‘yung kotse, tumingin muna siya sa ‘kin. “Babe.”   “Bakit?”   “Can we continue this pag-uwi natin?” Ano ba namang tanong ‘yon? Paanong continue ba ‘yung gusto niya? Nahihiya pero napatango ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD