KABANATA 5
TINA
“Inay, nandito na po ako,” sigaw ko habang papasok ng bahay namin at bitbit ang mga pinamili ko. Nakaupo sa may kusina si Inay at may sinusulsihan na damit.
Dahil may hawak na mga supot ang magkabilang kamay ko, inilipat ko ‘yung mga hawak ko sa kaliwa papunta sa kanang kamay ko para makapag-mano ako. “Kaawaan ka ng Diyos.” Pagkatapos kong mang-mano, inilapag ko sa lamesa ‘yung mga pinamili ko at naupo ako sa tapat ni Inay. Sa lakas ng pagbuntong-hininga ko napatingin siya sa ‘kin. “Napagod ka ba masyado? Bakit ang tamlay mo?”
“Nawala po ‘yung cellphone ko sa palengke.”
“Naku po! Dinukutan ka? Sinaktan ka ba?”
“Hindi po. Wala naman pong nangyaring gano’n. Pagkapa ko na lang po sa bulsa ko kanina, wala na ‘yung cellphone ko. Pati nga po coin purse.” Inilabas ko ‘yung wallet ko. “Buti na lang po ito, hindi nawala.”
“Pinagpapala ka pa rin Diyos. Kahit mawala ang cellphone at kaunting barya, basta hindi ikaw ang masaktan o mawala sa ‘min ng Itay mo.”
“Kaya nga po. ‘Yon na lang po ang iniisip ko.”
Tumayo si Inay at ibinaba muna sa lamesa ang sinusulsihan. “Ako na ang magluluto ng mga pinamili mo. Magpahinga ka na muna.”
“Sige po. Salamat po ‘Nay.”
Papasok na sana ako sa kwarto ko nang may kumatok sa pinto. “Tina! Mare!” Nang buksan ko ang pinto, nakita ko si Ninang Selya, na kaibigan ni Inay.
“Ninang Selya, magandang umaga po,” sabi ko sabay mano. “Pasok po kayo.”
“Mare, kumusta? Bakit napunta ka rito?” tanong ni Inay na nagpupunas pa nang basang kamay sa suot niyang daster. “Upo ka.”
“May iaalok kasi akong trabaho rito sa inaanak ko. ‘Di ba, nasabi mo sa ‘kin noong isang araw na kailangan nito ng trabaho,” sagot ni Ninang Selya habang paupo.
“Oo, may alam ka ba?” tanong ni Inay habang paupo na siya sa tabi ni Ninang Selya.
“D’yan sa resort sa kabilang baranggay. Nangangailangan sila ng chambermaid ba ‘yon? Basta tigalinis.” Tumingin sa ‘kin si Ninang Selya. “Ayos lang ba iyon sa ‘yo Tina? Maganda naman daw ang pasweldo. Bago na raw kasi ang may-ari.”
“Opo Ninang! Ayos na ayos po sa ‘kin. Kaya ko naman po ‘yung mga gano’ng gawain. ‘Tsaka mas mabuti na po ‘yung may ginagawa at may regular sa sweldo, kesa sa wala. Napakarami po naming bayarin ngayon.”
“Kaya nga ikaw agad ang naisip ko nang malaman kong nangangailangan sila roon. Pwede ka na ba magsimula ngayon? Marami raw kasing turista ngayon, kaya sobrang busy ang resort.”
“Sige po. Ano po bang mga kailangan kong dalhin?”
“Kahit resume mo na lang muna. Hindi ko kasi natanong, pero kakilala ko naman ‘yung manager doon, kaya kung may iba pang kailangan, pwede ko naman siguro pakiusapan na sa susunod mo na lang dalhin.”
“Sige po. Mag-aayos lang po ako.”
“O, sige. Hihintayin kita.”
“Mare, salamat ah,” narinig kong sabi ni Inay bago ako pumasok sa kwarto ko.
Pagdating namin ni Ninang Selya sa resort, pinakausap niya ako sa manager. May mga itinanong siya sa ‘kin at sa totoo lang parang for formality lang ‘yung naging interview sa ‘kin dahil sa kakilala niya si Ninang Selya na ilang tao na rin daw ang naipasok nito sa resort at lahat maayos magtrabaho. ‘Yung ibang requirements katulad ng NBI clearance at high school diploma, pwede raw na ipasa ko na lang sa mga susunod na araw kung wala pa raw ako. Pwede ko naman daw asikasuhin sa araw ng day-off ko.
“Pwede ka na ba mag-start ngayon Tina? Kasi kailangan talaga namin ng tao. Dalawa kasi ang empleyado namin ang hindi na makakapasok dahil ‘yung isa naka-maternity leave habang ‘yung isa naman nagkasakit.”
“Opo, Ma’am Liza.”
“Sige, pabibigyan na kita ng uniform kay Emily ha?”
“Sige po. Thank you po Ma’am.”
“Okay. Maiwan na kita kasi padating ‘yung anak ng may-ari nitong resort at kailangan ko asikasuhin.”
Si Emily isa sa mga receptionist dito sa resort. Maganda siya, matangkad at mukhang mabait. Wala pa kaming ilang minuto nagkakasama, ang dami na agad naikwento sa ‘kin. “Padating daw ‘yung anak ng may-ari nitong resort. Balita ko gwapo raw ‘yon. Isang beses pa lang kasi nagpunta rito tapos nasaktuhan pa na naka-off ako kaya hindi ko nakita, pero sabi nina Ate Grasya, gwapo raw talaga, matangkad pa ‘tsaka ang bango raw.” Kwento niya habang hinahanapan niya ako ng uniform na kakasya sa ‘kin. “Sana magka-boyfriend ako nang gano’n. Ikaw ba Tina, may boyfiend ka na?”
“Ha? Wala.” Naalala ko si Blake at parang kinurot ‘yung puso ko. “Wala na.”
“Wala na? Bakit?” tanong niya pagharap niya sa ‘kin.
“Mahabang istorya.”
Inabot niya sa ‘kin ‘yung uniform na nakatiklop at nakalagay pa sa supot. “Pag may time, chika mo sa ‘kin ha? Gwapo ex mo?” Tumango ako. Gwapo naman kasi talaga si Blake. Hindi lang gwapo, sobrang gwapo. “Sayang! Bakit kayo nag-break?”
“Hindi kasi sapat na gwapo lang siya.”
“Sa bagay tama ka.”
“Emily!”
“Naku, tinatawag na ‘ko ni Ate Grasya!” Kahit nasa loob kami ng locker room dinig ‘yung sigaw sa labas dahil malapit lang ‘yung reception area. “Sige, maiwan na kita. ‘Yung locker mo pala ‘yung pinakadulo sa kanan,” sabi niya bago siya nagtatakbo paalis.
May CR sa loob ng locker room kaya doon na ako nagbihis at inilagay ko sa locker ko ‘yung mga damit ko. Pagkatapos, pinuntahan ko na sina Emily at Ate Grasya. “Saktong-sakto ‘yung uniform sa ‘yo,” sabi ni Ate Grasya.
“Small ‘yung size niya. Kainggit na bewang ‘yan. Ang liit!” sabi ni Emily. “Ganyan din bewang ko dati eh, bago ako mabuntis ng hinayupak kong ex.”
“Dapat kasi love lang ini-spread mo, hindi pati legs,” sabi ni Ate Grasya kay Emily. Napayuko ako nang marinig ko ‘yon. Ang aga ko rin kasing naisuko kay Blake lahat at may nabuo rin.
“Mahal ko kasi, kaya naibigay ko agad. Ang sarap kasi gumawa ng bata, pero kapag nakagawa ka na nandoon na ‘yung hirap, tapos hindi ka pa pananagutan. Hay naku naman talaga!”
“Shhh! Bibig mo Emily. Bata pa ata ‘tong si Tina.”
“H-ha? Hindi okay lang,” sabi ko habang umiiling pa.
“Nagka-boyfriend na ‘yan. Okay lang ‘yan. ‘Di ba Tina?” Tumango naman ako at matipid na ngumiti.
“Ano po palang gagawin ko?” pag-iiba ko sa usapan.
“Ay, oo nga pala. Emily, samahan mo siya kay Madam. Alam ko nandoon siya sa VIP room na nire-ready para doon sa anak ng may-ari.”
“Sino pong Madam?”
“Siya ang pinakauna at pinakamatagal nang empleyado rito. Siya magtuturo lahat ng kailangan mo malaman.”
“Okay po.”
Bago kami umalis ni Emily may dalawang foreigner na dumating na may mga dalang bagahe. Totoo ngang maraming turista ang pumupunta rito sa resort kaya sobrang busy sila.
“Linisin n’yo ‘yan mabuti. ‘Yung kobrekama, napalitan na ba ‘yan? Bakit parang lukot? I-disinfect mo ‘yung banyo ha?” sunod-sunod na sabi ng isang babae na mukhang ka-edad ni Inay. Kakulay ng uniform na suot ko ang damit niya pero imbes na pa-dress, pantalon ang suot niya.
“Madam!” sabi ni Emily kaya napalingon sa ‘min ‘yung babae na panay ang utos. “Si Tina po, bago nating makakasama rito sa resort.”
Tiningnan ako ni Madam mula ulo hanggang paa habang nakataas ang isang kilay niya.
“Sanay ka sa pagod?”
“Opo.”
“Sanay ka maglinis?”
“Opo.”
“Ng banyo?”
“Opo.”
“Inidoro?”
“Opo.”
“Ayoko sa reklamador.”
“Okay po.”
“May boyfriend ka ba?”
“Wala po.”
“Bawal magpa-cute sa mga bisita rito sa resort.”
“Okay po.”
“Bawal ang cellphone sa oras ng trabaho.”
“Okay po.”
“Dapat mabilis kumilos.”
“Okay po.”
“Ayoko sa late pumasok.”
“Okay po.”
“Sumunod ka sa ‘kin.”
“Okay po.”
Sunod-sunod ‘yung tanong ni Madam. Muntik ko nang makalimutan huminga. Bago ako sumunod sa kanya, binulungan ako ni Emily. “Ganyan lang ‘yan, pero mabait ‘yan.”
Pumunta kami ni Madam sa laundry at maintenance area kung saan nakalagay ang mga cart na may lamang mga panlinis. May mga malalaking washing machine at ironing press din. May mga cabinet na pinaglalagyan ng mga malilinis na punda at bedsheets. “Dito ‘yung malilinis.” Kumuha siya ng mga punda, at mga bedsheets at kumot at ipinatong sa cart. “Doon ang lagayan ng marurumi. May kanya-kanyang lalagyan ‘yan ha.” Tango lang ako ng tango sa lahat ng sinasabi niya at mga binibigay na instructions. Minsan nagtatanong ako kapag hindi ko naintindihan o may gusto pa ako malaman.
Pagkatapos namin doon, pumasok kami ni Madam sa isang kwarto na mukhang dinaanan ng bagyo sa sobrang gulo. “Linisin mo ‘tong kwarto. Palitan ang mga kobrekama, punda at kumot. I-vacuum ang sahig. Linisin at i-disinfect mo ang banyo. May 45 minutes ka para gawin lahat ng sinabi ko. Maliwanag?”
“Opo.”
“Pagkatapos mo, puntahan mo ‘ko. Iche-check ko ang gawa mo.”
“Okay po.”
Pagkaalis niya, sinimulan ko na gawin lahat ng inutos niya. Ang bilis ko kumilos at wala pang 45 minutes, natapos ko agad ang trabaho ko kaya naupo muna ako at saglit na nagpahinga bago ko siya pinuntahan. Pinagmasdan niya ang buong kwarto. Tiningnan kung may naiwang alikabok at basura. Tiningnan din niya ‘yung banyo na pwede na niyang higaan dahil nilinis ko talaga at pinatuyo.
“Magaling ka ha.”
Napangiti ako sa sinabi niya. “Thank you po.”
“Huwag kang ngumiti d’yan. Hindi pa tapos ang trabaho. May mga kwarto ka pang lilinsin. May mga parating pang guests kaya huwag kukupad-kupad.”
“Yes po.”
“Room 12 and 27.”
“Po?”
“’Yung sunod mong lilinisin.”
“Okay po!”
Pagod na pagod ako pagkatapos ng trabaho. Mas pagod ako rito sa resort kesa sa trabaho ko sa karinderya ni Manang Gloria. Dito sa resort, buong katawan ko ang gumagalaw lalo na’t may mga kwarto na malalaki ang mga kama na kailangan palitan ang bed sheet. Mas malaki pa sa kama namin ni Blake. Napabuntong-hininga ako nang maalala ko na naman siya. Hindi ko maiwasang isipin kung kumusta na kaya siya. Naiisip niya kaya ako, kahit minsan man lang?