KABANATA 3

1244 Words
KABANATA 3 TINA   Tilaok ng manok ang nagpagising sa akin. Sa Manila wala ‘to, doon kasi kung hindi dantay, halik ni Blake ang kadalasang nagpapagising sa ‘kin. Hay, ano ba ‘to? Siya na naman ang una akong naisip pagkagising ko. Sabi pa naman nila ang una at huling tao na maisip mo sa pagsisimula at pagtatapos ng araw mo, ‘yon ang taong mahal na mahal mo. Napabuntong hininga na naman ako. Hanggang kailan kaya siya mamahalin nitong puso ko? Heart, tama na ha? Move on na. Hindi ‘yan healthy para sa ‘yo. Ilang linggo na rin akong nakabalik dito sa probinsya at masaya ako na makasama ang mga magulang ko. Unti-unti bumubuti ang lagay ni Itay kaya naiuwi na rin namin siya rito sa bahay. Tumilaok na naman ‘yung manok. Pagkaingay-ingay. Sarap lagyan ng switch pera pwede i-off kapag nag-iingay na. Ang sarap kasing matulog pa. Pero kahit inaantok pa ‘ko, napilitan akong gumising na. Hindi ko naman pwedeng busalan ‘yung manok o lagyan ng tape ‘yung tuka para manahimik dahil baka magalit ‘yung kapitbahay namin. Sa kanila kasi ‘yung manok. Bumangon na ako mula sa kama at niligpit ko ang pinaghigaan ko. Sinuot ko ‘yung tsinelas ko na kinuha ko sa ilalim ng kama at pupungas-pungas akong naglakad palabas ng kwarto ko. Nag-iinat pa ako habang papunta ako sa kusina kung saan nakita ko ang Inay na naghahanda na ng agahan. Kubo ang bahay namin pero semento na naman ang sahig at matibay ang mga kahoy na ginamit sa pundasyon, pader at bubong nito. Ilang bagyo na rin ang pinagdaanan nito pero nakatayo pa rin. Kung may masira man, nagagawan ng paraan ni Itay. Napapaayos namin. Konti lang din ang appliances namin. Mayroon kaming TV, radyo, ref. ‘tsaka tig-isang electric fan sa dalawang kwarto. Wala kaming washing machine kasi sa kamay lang kami naglalaba. Wala kaming oven o gas stove, dahil sa kahoy kami nagluluto. Simple lang ang buhay namin dito sa probinsya pero masaya naman. “Inay ano pong agahan natin?” “Naglaga ako ng saging saba at mayroon ding kamote.”  “Yan po ba ‘yung inani natin kahapon?”  "Oo, ito nga.” “Kakabagan na po tayo sa dami n’yan,” biro ko kay Inay kasi ang dami naming nabungkal na kamote at ‘yung saging napakadami. Ilang piling din ‘yon. “Ayos lang mautot, basta may kinakain,” natatawang sabi ni Inay. “May arroz caldo rin pala. Ininit ko ‘yung natira kahapon. Gusto mo ba? Ipagsasandok kita.” “Ako na lang po. Si Itay po pala?” “Tulog pa. Naghihilik pa tumbong. Hindi nagising sa tilaok ng tandang ni Ka Tasyo.” “Hayaan na lang po natin, nagpapalakas.” “Kaya nga. Nakakatuwa na mabilis ang paggaling ng Itay mo. ‘Yung daliri niya sa paa, naigagalaw nang kaunti.” Nang makita namin ‘yon kahapon parang gusto ko nang magpa-party. Daliri pa lang ‘yon, paano kung tuluyan nang makalakad uli si Itay? Magpapa-fiesta na siguro kami ni Inay. Sabay na kaming kumain ni Inay. Kung gising si Itay, ako ang magpapakain sa kanya. Mula kasi nang umuwi ako rito, ako na ang palaging nag-aasikaso sa tuwing kakain siya. Minamasahe ko rin ‘yung braso, hita at binti niya, para makatulong sa mabilis na paggaling niya, lalo na’t wala pa kaming pera para sa pagpapa-theraphy niya. Buti na nga lang at maraming nagpapalaba sa ‘min ni Inay at paminsan-minsan may nagpapagawa ng assignment o kaya nagpapa-tutor sa ‘kin. Wala pa kasi akong mahanap na trabaho na malapit dito sa ‘min. “Balak ko po pala pumunta ng palengke. May gusto po ba kayong ipabili? "Bili ka lang ng tig-kalahating kilo ng sibuyas ‘tsaka bawang. Bili ka rin ng bangus. Balak kong mag-sinigang mamaya. ‘Tsaka pala sampalok." ‘Yung gulay para sa sinigang hindi na namin kailangan bilhin dahil nandyan na sa bakuran namin. May tanim kaming sitaw, okra, sili, kalamansi at kamatis. May puno ng santol at mangga din kami. Kahit kubo ang bahay namin, medyo may kalakihan naman ang lupa na tinatayuan nito na minana ni Itay sa namayapa niyang mga magulang. Nag-iisa ring anak ang Itay kaya wala siyang naging kahati sa lupa. "Yon lang po ba?" "Saging pala, ‘yung Lakatan. Paborito ng Itay mo." "Okay po. Pagkakain po, maliligo lang ako at aalis na, para may datnan akong sariwang isda sa palengke." Pagdating ko sa palenge, todo ikot ako. Todo pili at todo tawad sa lahat ng tindera. Syempre para makamenos ‘di ba? Dahil wala pa akong regular na trabaho kaya kailangan tipid muna kami. Buti na lang may konti pang natira sa pinagbentahan ko ng cellphone. Masakit man sa kalooban ko na ibenta ‘yung cellphone na bigay sa ‘kin ni Tita Lorie na mommy ni Blake, wala akong choice. Wala naman akong ibang pwede ibenta. Ayaw naman namin ni Inay na isangla ‘yung titulo ng lupa dahil kapag hindi kami nakabayad sa buwanang hulog at lumobo ang interes, baka mawala sa ‘min ‘yung kaisa-isang bagay na mayroon kami. Ang daming tao sa palengke. Medyo siksikan. Bago ako makarating sa gusto kong puntahan ang dami ko nang nakabungguan. May isang lalaki nga sa tabi ko kanina na grabe kung makagitgit. Parang walang pakialam sa mga katabi. Walang patawad miski matanda o babae. Basta isisingit niya ‘yung sarili niya makabili lang ng gusto niya. Nasa bilihan ako ng gulay ngayon. Bibili ako ng bawang at sibuyas. "Manang magkano po kalahating kilo sa sibuyas at bawang?” “Parehong 55 ang kalahati." “Pahingi pong supot,” sabi ko at inabutan niya ako nang dalawa. Namili na ako ng sibuyas at bawang at pagkatapos ay inabot ko sa tindera para matimbang. Sakto na ‘yung bawang pero ‘yung sibuyas kulang pa sa timbang kaya kumuha nang isang pirasong maliit ‘yung tindera at inilagay sa supot. Medyo lagpas nang kaunti sa guhit pero ibinigay niya pa rin sa ‘kin ng 55 pesos ang kalahating kilo ng sibuyas. Inabutan ko siya ng 500 pesos. “May sampu ka ba? Bigyan kitang 400." "Ay teka po." Alam ko, may barya ata ako. Pagdukot ko sa bulsa ko, may napansin ako. Hala! ‘Yung cellphone ko nawawala! Nadukutan ata ako! Lumang model na nga ‘yon at hindi pa touchscreen pero ninakaw pa rin. Grabe naman mga mandurukot ngayon. Walang patawad! Pati ‘yung coin purse ko, natangay rin. Mabuti na lang at nasa kabilang bulsa ng palda ko ‘yung isa ko pang wallet kung hindi lahat nakuha sa ‘kin. Lahat ng contacts ko nandoon. Paano ko pa mate-text sina Mia? Hindi ko pa naman kabisado ang mga number nila. Nanlata ako sa sobrang panghihinayang. "Ineng ano’ng nangyari sa'yo?" "Nadukutan po ata ako. Nawala po cellphone ko," nanlulumo na sagot ko. "Hala, Ineng mag-iingat ka kasi rito. May mga masasamang tao talaga sa paligid. Sana hindi ka na lang nagdala ng cellphone dito sa palengke." Hindi kasi pwedeng hindi ako magdala. Paano kung may emergency sa bahay? Hindi ako maco-contact ni Inay. Nakakapanghinayang talaga. ‘Yung naitatabi kong pera mukhang mapupunta pa sa pangbili ng cellphone. Kailangan ko na talaga magkaroon ng trabaho na medyo malaki-laki ang sweldo. Binayaran ko na ‘yung binili ko, at umuwi ako na nanlulumo sa nawala kong cellphone.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD