KABANATA 10
TINA
"Sir naka-drugs po ba kayo? Ano’ng pinagsasabi n’yo dya—." Bigla siyang may tinapat sa mukha ko kaya napatigil ako sa pagsasalita. Tinapat niya sa mukha ko ‘yung wallet niya na may picture ng isang papayat-payat na batang babae at isang bilog at tabachingching na batang lalaki. Teka, ako ‘yung batang babae ah! At ‘yung batang lalaki… Napatingin ako kay Sir Theo. "Junjun?! Ikaw na ba ‘yan Junjun?!"
"Ako nga Tintin tingting!"
Napatili ako sa tuwa. "Ikaw nga Junjun!"
"Bibig mo. Theo ang itawag mo sa 'kin ‘wag na Junjun."
"Teka, ano’ng nangyari sa 'yo? Paano ka tumangkad, gumwapo at ‘tsaka hindi ka na bilog! Samantalang dati uhugin ka pa ‘tsaka ang taba-taba mo ‘tsaka medyo matangkad pa ‘ko sa 'yo. Ay sa bagay hindi ka pa tuli noon!" sabi ko sabay tawa.
"Cristina ‘yang bibig mo!" Naiinis na naman siya sa 'kin! Tawa pa rin ako nang tawa. Totoo naman lahat ng sinabi ko!
"Eeeee! Na-miss kita! Payakap nga!" tapos niyakap ko siya. Ang tagal din namin hindi nagkita! "Grabe, dati pag niyayakap kita, puro taba ‘yung nararamdaman ko, ngayon muscles na. Dati ‘yung dibdib mo, para kang may dede ng nagdadalaga ngayon ang tigas-tigas na!" sabi ko sabay pisil sa dibdib niya!
"Kamay mo, Cristina. Huwag mo ‘kong pisilin d’yan, iba nararamdaman ko," sabi niya sabay ngiti sa 'kin! Lokong 'to!
"Alam mo, lahat nagbago sa 'yo maliban d’yan. Hanggang ngayon manyakis ka pa rin!"
"Manyakis daw. Ikaw kaya unang humawak sa kamay ko dati."
"Hoy! Wala akong maalala na ginawa ko ‘yon ah! Teka, bakit ba kita kinakausap, dapat pala galit ako sa 'yo!"
"Bakit ka naman magagalit sa 'kin?" At tinanong pa talaga niya?!
"Bakit hindi ka agad nagpakilala sa 'kin? Bakit ginawa mo pa ‘kong alalay mo? Bakit ang suplado mo sa 'kin? Sinisigawan mo pa ‘ko! At balak mo pa ‘ko gawing palusot doon sa babae kanina."
"Isa-isa lang. Mag-e-explain ako. Makinig ka muna okay?"
"Okay."
"Nang makabungguan kita sa labas kanina, hindi kita namukhaan noong una, pero habang nakatitig ako sa ‘yo, naalala ko na kung sino ka. Para makasigurado, tinanong ko pa ‘yung pangalan mo kanina ‘di ba?
"Bakit ‘di mo pa sinabi agad sa 'kin na ikaw ‘yan? Doon pa lang pala sa labas, nakilala mo na ‘ko."
"Hinihintay ko na makilala mo ‘ko, pero wala eh."
"Bakit ginawa mo pa ‘kong alalay?!”
"Kung mas matagal mo ‘kong makikita, baka sakaling makilala mo na ‘ko, kaso wala pa rin eh."
"Bakit ang sungit mo?"
"Kasi naiinis ako sa 'yo dahil hindi mo ‘ko nakilala.”
"Kahit sino naman ata na tiga-rito na makakita uli sa ‘yo ngayon, hindi iisipin na ikaw ‘yung batang tabachingching noon. Pakita ka kina Inay at Itay, malamang hindi ka rin makikilala."
“Ang gwapo ko ngayon ‘no?” sabi niya sabay ngisi at pataas-taas pa ang mga kilay niya.
Umikot ang mata ko sa sinabi niya. “Mas gusto ko ‘yung Junjun dati, kesa ‘yung Theo ngayon.”
“Gusto mo pa rin ako? Ako pa rin naman ‘to, nawala lang ‘yung mga taba ko.”
“Ha?!”
"Sabi mo kasi gusto mo si Junjun, eh ako pa rin naman si Junjun. Nag-level up lang kaya naging si Theo, pero ako pa rin ‘to. Naalala ko tuloy ‘yung sumpaan natin dati noong mga bata pa tayo. Nagkasal-kasalan pa tayo, tapos inukit ko pa sa puno ‘yung Junjun love Tintin. Nakalimutan mo na ba ‘yon?"
Natawa ako. "Grabe, ang tagal na no’n ah! ‘Tsaka mga bata pa tayo no’n."
"Sige pagtawanan mo ‘ko." Parang nainis siya sa 'kin. Pero nakakatawa naman talaga. Huwag niya sabihin na hanggang ngayon pinanghahawakan pa rin niya ‘yung sumpaan na ‘yon?
"Bakit naiinis ka? May girlfriend ka na ‘di ba?” Bakit parang gusto pa niyang ituloy ‘yung naudlot naming loveteam noon. Puppy love lang naman ‘yon.
"Si Samantha? Wala lang ‘yon. Habol nang habol ‘yon sa 'kin. Pinagbigyan ko na maging kami for a month pero hindi ko matagalan ‘yung ugali."
"Ano palang balak mo ngayon? Pagpapanggapin mo ‘kong girlfriend sa harap niya gano’n?"
"Hindi. I’m sure, pabalik na ng Australia ‘yon."
“Ano?! Sinundan ka niya mula Australia?”
"Yeah." Tumango siya. “Pero huwag na natin siyang pag-usapan. Ano okay na tayo? Hindi ka na galit sa ‘kin?"
"Medyo, hindi na. At para tuluyan nang maalis ‘yung galit ko, may request ako sa ‘yo."
"Sa pagkakatanda ko, I’m the boss here."
"Uhm… Okay, sige. Iwan na lang kita rito, tapos hindi na kita kakausapin uli."
"Sige na! Sige na, ano ‘yon?" Nangiti ako. Sabi na eh, ‘di sya uubra sa 'kin eh!
"Gutom pa ‘ko. Kain tayo!"
Ngumiti siya at inakbayan ako. “Tara. Patatabain kita, Tintin tingting.”
“Junjun!”
BLAKE
Nasa byahe na ako papuntang Bicol. “Tina, hintayin mo ‘ko. Pabalik na ‘ko sa ‘yo.”
Maaga akong gumising kanina. Malayo rin kasi ang byahe papunta kina Tina. Mga 4 to 5 hours din siguro, depende pa sa traffic. Twice na rin akong pumunta ng Bicol kaya medyo alam ko ‘yung daan papunta. Kung sakali naman maligaw ako, may Waze naman. Kanina bago ako umalis, gusto pa ni Mommy na isama ko ‘yung driver namin, dahil worried siya na baka maaksidente uli ako. Ang layo pa naman daw ng pupuntahan ko. Buti na lang napagbago ko pa ‘yung isip niya nang mangako ako sa babagalan ko lang ang pagmamaneho kahit na excited akong makita uli si Tina. Sa sobrang excitement ko nga kanina, muntik ko pang makalimutan ‘yung singsing na ibibigay ko kay Tina. Bago rin ako umalis kanina may sinabi pa si Mommy sa ‘kin. “Honey, win her heart again. I know you can. Both of you deserves to be happy.”
I will win her heart at ipinapangako ‘ko na hindi ko na siya uli paiiyakin. I will make her happy for the rest of her life.
Pagkatapos nang mahabang byahe, nakarating din ako sa mismong bayan. Nagtanong-tanong ako kung saan ba, at kung paano pumunta sa baranggay kung saan nakatira sina Tina. Itinuro naman sa 'kin ng pinagtanungan ko kung paano, kaso nang aalis na sana ako, biglang ayaw mag-start ng kotse ko. Masyado na ‘kong pagod sa byahe, kaya nagtanong na lang ako kung saan may talyer at buti na lang may malapit kung saan ko naiparada ‘yung kotse ko. Habang hinihintay kong maayos ‘yung kotse ko, tinanong ko ‘yung mekaniko na Mang Lino ang pangalan kung saan ba may hotel na pwede kong tuluyan. Kaso wala raw hotel doon, pero may alam daw siya na nagpaparenta ng kwarto. Pwede raw para sa mga dayo na tulad ko. Kung gusto ko raw papasamahan niya ‘ko sa pamangkin niya para matingnan ko kung magugustuhan ko. Pumayag naman ako para makapagpahinga saglit at makapag-freshen up na rin. Gusto ko naman na gwapo at mabanago akong haharap kay Tina. Ang tagal rin naming hindi nagkita.
Kinuha ko ‘yung mga gamit ko sa kotse at sinamahan ako ng 12 year old na pamangkin ni Mang Lino na si Jojo. Nalaman ko ‘yung edad niya dahil nagkwentuhan kami habang naglalakad.
"Kuya, nandito po ba kayo para magbakasyon?"
"Hindi, may hinahanap ako."
“Bagay po o tao?”
“Tao. Girlfriend ko.”
“Girlfriend n’yo na po pala, bakit hinahanap n’yo pa? Bakit hindi n’yo na lang po tawagan kung nasaan siya?”
“Hindi ko na siya ma-contact.”
“Ah… Kaya pala. Ano pong pangalan niya?”
“Tina.”
“Ay, wala akong kilalang Tina, pero Tanya meron. Kaklase ko po siya. Maganda siya ‘tsaka mabait.”
“’Yung girlfriend n’yo po ba, maganda ‘tsaka mabait?”
Tumango ako. “Sobrang ganda niya at sobrang bait. Gusto mo siyang makita?”
“Sige po!” Inilabas ko ‘yung wallet ko at ipinakita ko sa kanya ‘yung picture namin ni Tina. “Maganda nga siya, ‘tsaka mukha rin siyang mabait. Sana po, mahanap n’yo na siya.”
“Sana.”
"Nandito na po pala tayo. Teka tawagin ko lang po si Inang Maria. Siya po kasi ang may-ari."
Saglit siyang umalis at pagbalik niya kasama na niya ‘yung may-ari. Pinag-usapan namin ‘yung tungkol sa bayad at nagkasundo naman kami, kaya binigay na niya sa 'kin ‘yung susi ng kwarto.
"Sige kuya, maiwan ko na po kayo ah. Balik na lang po ako rito mamaya para sabihin sa inyo kung ayos na ‘yung sasakyan n’yo."
"Sige. Salamat Jojo."
“Wala pong anuman!”
Maayos naman ‘yung kwarto. May kama, lamesa, mga upuan at may mga cabinet din. Inayos ko ‘yung mga gamit ko. Maliit na bag na may lamang toiletries at ilang mga damit lang naman ang dala ko. Pagkatapos kong maghilamos, nahiga ako sa kama hanggang sa hilahin na ako ng antok.
Naramdaman kong may humahaplos sa buhok ko. “Blake nagpagupit ka ba? Parang umigsi nang konti ‘yung buhok mo.” Narinig ko ‘yung boses ni Tina.
Pagdilat ko, hindi na sa unan nakapatong ‘yung ulo ko kundi sa kandungan ni Tina. Nakangiti siya habang nakayuko at nakatingin sa ‘kin. Hindi ko alam pero alam ko sa sarili ko na nananaginip lang ako, pero kahit panaginip lang ito, masaya ako na makita siya. Kinuha ko ‘yung kamay niya na humahaplos sa buhok ko at hinalik-halikan ko ‘to. Kahit sa panaginip, ramdam ko ang lambot ng kamay niya. Napansin ko na suot niya sa daliri niya ‘yung singsing namin. “Nasaan ‘yung singsing mo? Bakit hindi mo na suot?” Biglang nawala ‘yung ngiti sa mukha niya.
“Suot ko. Palagi kong suot.” Hinawakan ko ‘yung kwintas ko para ipakita sa kanya, pero wala na ‘yung singsing sa kwintas ko.
“Hindi mo na suot. Hindi mo na ‘ko mahal. Bakit Blake? Bakit?” Nakita ko ‘yung pagtulo ng luha niya, kaya bumangon akong bigla.
At sa oras ding ‘yon, nagising ako. Ang bigat sa dibdib ng napaginipan ko. Ayoko na siyang makita pa uling umiyak kahit sa panaginip man lang. Napakaraming sakit na ang pinaranas ko sa kanya kaya sobrang laki ng pagsisisi ko.
Bumangon na ako at naghilamos uli at saka nagsipilyo. Lalabas muna ako para humanap ng kakainan. Habang naglalakad ako sa labas may nadaanan akong flowershop kaya naisipan kong ibili ng bulaklak si Tina. Fifty white roses ang pinagawa kong boquet para sa kanya to show her kung gaano ka-pure ‘yung intensyon ko sa kanya and sabi din kasi ng iba, white roses means, new beginning and eternal love. Gusto kong magsimula uli kami ni Tina at gusto ko na ‘yung relasyon namin panghabangbuhay na. Tutuparin ko ‘yung sabi niyang ipinangako ko sa kanya noon na ako ‘yung magiging una at huli niya.
Pabalik na ako sa inupahan kong kwarto nang makasalubong ko si Jojo. “Kuya! Ayos na po ‘yung kotse n’yo. Mapupuntahan n’yo na po ‘yung girlfriend n’yo!”
Kinuha ko lang ‘yung mga gamit ko at sumama na ako pabalik sa talyer kay Jojo. Bago ako umalis, tinanong ko muna si Mang Lino, kung paano pumunta sa baranggay kung saan nakatira si Tina, para lang makasigurado kung tama ‘yung direksyon na sinabi sa ‘kin ng una kong napagtanungan kanina. Binigyan ako ng instructions ni Mang Lino at kung hindi ko pa rin daw makita ‘yug hinahanap ko, pumunta raw ako sa Brgy. Hall. Magtanong daw ako sa kapitan dahil sigurado raw na kilala nito lahat ng nakatira sa baranggay nito.
Masaya akong umalis. Konting oras na lang makikita ko na uli siya.