KABANATA 9

1314 Words
KABANATA 9 TINA   Pagkatapos ko magpalit ng damit nagpunta na ‘ko sa lobby. Si Emily lang ang nasa may reception area at nang makita niya ako, tinanong niya kung bakit hindi ako naka-uniform eh hindi pa tapos ‘yung shift ko. “Si Sir kasi ginawa akong personal alalay niya.” “Sir Theo?” “Oo, siya nga at wala nang iba.” “Alam ni Madam ‘tsaka ni Ma’am Liza?” “Ewan ko. Bahala na si Sir magsabi. Siya naman may-ari nito eh.” "Sumunod ka sa 'kin." Nagulat kaming pareho ni Emily sa biglaang pagsulpot nitong Theodore na ‘to. May lahi ba ‘tong kabute? Bigla na lang nasulpot. Nagpaalam na lang ako ng pabulong kay Emily. "Alis na ‘ko. Mainit ata ulo," sabi ko at tinuro ko si Sir. Kaya mahina kaming nagkatawanan ni Emily. Ang bilis niya maglakad kaya medyo tumakbo ako para makasabay sa kanya. "Bakit ganyan ang ayos mo?" tanong niya. Siya kasi nagpalit pa uli ng damit kahit na maayos naman ‘yung suot niya kanina bago ko siya iwan sa kwarto niya. Pero mas gwapo siya ngayon sa suot niya. May pinipormahan ba siya rito sa resort? "Sir ito lang po ang damit na meron ako ngayon. Kung uuwi naman po ako sa 'min baka matagalan ako. Ano po bang mali sa damit ko?" Wala kasi akong makitang mali sa suot ko. Presentable naman ang itsura ko. Malinis at mabango naman ‘yung suot ko at bago lang 'to. Kabibili ko lang sa tiangge nitong blouse at pants ko.  "Wala, hayaan mo na nga!" Ang sungit talaga! Pinaglihi ba siya sa sama ng loob ng nanay niya? "Okay. Ah, Sir saan po ba tayo pupunta?" "Di ba sabi ko kanina nagugutom ako? Malamang pupunta tayo sa lugar na may pagkain." "Okay, sabi ko nga eh. Masungit na pilosopo pa," bulong ko. Malay ko ba kasi kung dito sa resort niya gusto kumain o sa labas ‘di ba? Baka may iba pa siyang gustong kainan. Masama ba magtanong? "Ano’ng sabi mo?" Grabe! Ang talas ng pandinig ah! Narinig pa niya ‘yon? "Wala po…" Sa resort lang niya naisip kumain. May buffet kasi sa resort, pero pwede rin namang magpaluto kung gusto ng guests. Pagpasok namin, syempre alam ng mga empleyado na siya ang anak ng may-ari kaya todo asikaso sila. Tinuro agad sa ‘min ‘yung bakanteng table, na mukhang naka-reserve talaga para sa kanya. Umupo na siya at ako syempre nakatayo lang. Alalay nga raw ‘di ba kaya nagulat ako nang magsalita siya. "Ano’ng tinatayo-tayo mo d’yan? Maupo ka kaya." "Po?" "Ang bingi mo naman. Sabi ko maupo ka." "Okay po." Masunurin ako kaya umpo naman ako. Inabot niya sa 'kin ‘yung menu. "Ano’ng gusto mo kainin?" "Po?" "Cristina, mahina ba 'yung pandinig mo o mahina lang 'yung boses ko? Kailangan ko bang sumigaw para marinig mo 'ko?" "Hindi po Sir. Naririnig ko po kayo." "Yun naman pala. Bakit po ka ng po dyan?" Paano naman kasi ako hindi mag-po nang po sa kanya, alalay niya ako, hindi naman date ‘to. "Eh kasi po..." "Pumili ka na lang. Ano’ng gusto mo?" Naiilang akong kumain kasama siya tapos libre pa niya. Ay teka, libre nga ba niya? Naku baka naman pagkatapos kong kumain pagbayarin niya ‘ko! Kaya ‘wag na lang, may meal stub naman ako. Libre pagkain ng mga empleyado dito kaya doon na lang ako sa buffet table kukuha ng pagkain. Makakapili pa ‘ko kung ano sa tingin ko ‘yung masarap. "Sir kayo na lang po um-order, kasi may meal stub naman po ako." "Ikaw na tinatanong kung ano gusto, ayaw mo pa? Bahala ka nga." Hinayaan na lang niya ‘ko sa gusto ko at sinabi na niya sa waiter kung ano’ng mga gusto niyang pagkain. Habang hinihintay namin ‘yung pagkain niya, "Sir, bakit po ba ginawa niyo pa akong P.A.?" tanong ko sa kanya. "Gusto ko lang na may kasama." Ano raw? Kasama? Malas ko naman ako pa napili niya. "Eh bakit ‘di n’yo na lang sinama mga kaibigan n’yo rito?" "Mga kaibigan ko? Busy silang lahat." "Parents n’yo po?" "Wala sila. Nasa bakasyon…" "Kapatid po?" "Wala akong kapatid." "Girlfriend?" "Wala rin." Sa gwapo niyang ‘to, wala siyang girlfriend? "Boyfriend?" "Pinagloloko mo ba ‘ko ha Cristina? Gusto mo ba mawalan ng trabaho?" Naiinis na siya sa 'kin. Sorry naman! "Di po sir." Sungit-sungit! Masama ba talaga magtanong? Wala daw siyang girlfriend. Malay ko ba. Baka lalaki pala ang hilig niya. At grabe ah, ang lungkot naman ng buhay nito. Lahat na lang ng itanong ko wala. Nang dumating na ‘yung in-order niyang pagkain, nagpaalam muna ako sa kanya na kukuha ako ng pagkain ko. Syempre dapat may food din ako. Ayoko namang panuorin siya kumain. Dapat ako rin meron. Kaya nalakad ako papunta sa buffet table. Ang daming pagkain! Bawat putahe kumuha ako, para matikman ko lahat ‘tsaka medyo dinamihan ko na ‘yung kuha kasi kahit na buffet ito, ‘yung stub pang isang kuha lang ‘yon. Wala nang balikan. Mga guests lang ng resort ang pwedeng mag eat all you can dito. Pagbalik ko sa table, dalawang plato ang dala ko. Isa para sa rice at ulam at ‘yung isa para sa dessert. Ang sarap ng mga prutas eh, ‘tsaka may leche flan pa. Ang sarap kaya kumain nang libre! "Kababaing tao ang liit pa, pero ang lakas kumain." Narinig kong sabi ni Sir Theo. Hmp! Walang pakialamanan! Nginitian ko na lang siya. Ayokong mawala ang gana ko sa kanya. Sayang ang pagkain. Habang kumakain kami, may magandang babae na lumapit sa ‘min. "Sabi na nga ba, dito kita mahahanap, at sino ‘yang kasama mo Theo?!" "She's Cristina. My girlfriend." Ehh? Ano raw? "Sir ba—." Hindi niya ‘ko pinagsalita. "Cristina, let me handle this." Anong handle-handle? Ano ba kasing pinagsasabi niya na girlfriend niya ‘ko!? Tumayo siya, at saka hinawakan ‘yung babae sa braso at lumayo sila, pero ‘di naman sobrang layo kasi nadinig ko pa rin ‘yung usapan nila. "What do you mean she's your girlfriend? Is that a joke Theo? Tell me you're just joking!" "Sorry but I'm not. We're over Samantha, kaya tigilan mo na ang kakasunod sa 'kin." Isang malakas na sampal ang binigay sa kanya ng babae. Ouch ‘yon. Napangiwi ako sa sakit. Mukhang magmamarka ‘yon sa mukha niya. Hinawakan lang niya ‘yung pisngi niya at hinimas ‘yon. ‘Yung babae naman, nagtatakbo paalis. Habang nakahawak pa rin siya sa pisngi niya, naglakad na siya palapit ulit sa 'kin. “Sir, okay lang po kayo?” Hindi niya sinagot ‘yung tanong ko. "Let's go…" Hindi pa nga ako tapos kumain tapos let's go na? Pero labag man sa kalooban kong mag say bye bye doon sa mga pagkain, tumayo na ‘ko at sumunod kanya na ngayon palabas na. "Sir! Teka lang po."  "Bilisan mo nga. Ang bagal mo." Ito na nga o, tumatakbo na ‘ko. Ang haba naman kasi ng legs niya kumpara sa legs ko! Syempre isang step pa lang niya, dalawa ko na! Nang nakasabay na ako sa kanya, “Sir, bakit n’yo po sinabi doon sa babae na girlfriend n’yo ‘ko? Kung balak n’yo po ako gamitin para layuan kayo ng babaeng ‘yon, pasensya na, pero ‘di na po ‘yon parte ng trabaho ko," sabi ko sa kanya. Wala akong balak na maging parte ng mga kasinungalingan niya. Nasa labas na kami nang bigla siyang tumigil at humarap sa 'kin. "Bakit? Girlfriend naman talaga kita." Ano raw?!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD