KABANATA 11

2293 Words
KABANATA 11 TINA   Nasa loob kami ng bahay at nagmemeryenda kami ni Inay. Ang Itay naman tulog. Sabado ngayon at wala akong pasok sa trabaho. Mula kasi nang direkta na akong nagtrabaho para kay Theo, Sabado at Linggo na ang day-off ko, hindi tulad noon na tuwing Wednesday lang. "Tina, kumusta ang trabaho mo sa resort?" “Ayos naman po. Nakakapagod po, pero masaya naman. Mababait po ‘yung mga kasama ko. ‘Yung anak po ng may-ari, loko-loko pero mabait naman.” “Loko-loko? Paanong loko-loko?” Sasagutin ko na sana ‘yung tanong ni Inay nang may kumatok sa pinto at narinig ko ang boses ni Ninang Selya. “Tina!” Pinagbuksan ko siya ng pintuna. “Ninang.” Kinuha ko ‘yung kamay niya at nagmano ako. “May lalaki sa labas. Hinahanap ka. Nobyo mo raw.” “Po?!” Nanlaki ‘yung mata ko sa sinabi niya. “Gwapo na matangkad at mukhang anak mayaman. May nobyo ka na pala, bakit hindi ko alam. Walang nakwekwento ang Inay mo sa ‘kin.” “Kasi po, wala na po akong nobyo.” “Kung gano’n, sino ‘yung nasa labas.” “Pasok po muna kayo. Pupuntahan ko lang po ‘yung sinasabi n’yo.” Habang naglalakad ako papunta sa kalsada, ang bilis ng t***k ng puso ko. Nandito ba si Blake? Pinuntahan ba niya ‘ko? Hindi ko maintindihan ‘yung nararamdaman ko. Para akong maiiyak. Palinga-linga ako pero wala naman ‘yung kotse niya at wala rin siya. Hindi kaya mali lang ang dinig ni Ninang Selya. Baka hindi naman ako ang sadyan nang nakausap niya. “Cristina!” Napatalon ako sa gulat, dahil may biglang yumakap sa ‘kin at alam ko agad kung sino, dahil siya lang naman ang tumatawag sa ‘kin ng Cristina. “Theo!” “Bakit?! Galit ka naman agad.” Pinanggigigilan niya ‘ko habang yakap niya ‘ko. “Ano’ng ginagawa mo d’yan sa likod ng mga halaman ni Inay?” “Pinagtataguan ka, para ma-sorpresa kita.” “Ikaw ba ‘yung nakausap ni Ninang Selya?” “Ako nga.” Napabuntong-hininga ako. Siya lang pala ‘yung tinutukoy ni Ninang Selya na nobyo ko, akala ko pa naman si Blake na.  “Bakit parang hindi ka masaya na makita ako?” Humiwalay na siya sa ‘kin. “May naalala kasi ako.” Bigla naman niya ‘kong inakbayan. “Kalimutan mo na ‘yon. Nandito naman ako.” “Tara sa loob, nang makita ka ni Inay. Hindi ko pa sinasabi sa kanya na nandito ka na uli pa ma-surprise siya. Naku, matutuwa ‘yon, kapag nakita ka.” “Sampa ka sa likod ko.” “Ha? Bakit?” “Gano’n ‘yung lagi nating ginagawa dati ‘di ba? Gawin uli natin, pero huwag mong sasabihin sa Inay mo na ako ‘to. Hayaan mo na siya ang makaalala sa ‘kin.” “Ang dami mong pakulo,” natatawang sabi ko sa kanya. “Sige na.” Niyugyog pa niya ‘yung balikat ko habang nakaakbay sa ‘kin. “Okay. Okay. Upo."  Bahagya siyang umupo para madali akong makakapit sa balikat niya at dahan-dahan siyang tumayo para hawakan naman ang ilalim ng hita ko. “Ang bigat mo Cristina.” “Akala ko pa level-up ka na? Ano’ng saysay niyang muscles mo, kung ako lang hindi mo kaya.” “Joke lang!” Inangat pa niya ‘ko gamit ang braso niya. “Kapit ka! Tatakbo tayo!” Masayang sigaw niya. “Theo!” Napakapit nga ako nang mahigpit sa kanya nang tumakbo siya. Ako ang nagtulak ng pinto para makapasok kami. “Tina?” “Inay, hulaan po n’yo kung sino ‘tong kasama ko.” “Siya ‘yung kausap ko sa labas kanina,” sabi ni Ninang Selya. Hindi muna sumagot si Inay at pinagkatitigan muna siya si Theo. “Isang bata lang ang bumubuhat ng ganyan sa ‘yo Tina. Junjun?” Lumapit sa ‘min si Inay kaya ibinaba na ‘ko ni Theo. “Ikaw na ba ‘yan?” “Ako nga po. Kumusta po kayo? Na-miss ko po kayo.” Tuwang-tuwa si Inay na makita siya. Tulad ko, hindi rin makapaniwala sa malaking pagbabago ng kababata ko. Hinawakan siya ni Inay sa braso at tiningnan nang nakatingala. “Ang tangkad mo na. Hindi ka na mataba. Pero gwapo ka pa rin.” “Yan naman po ang gusto ko sa inyo eh. Kahit noon pa po, gwapong-gwapo na kayo sa ‘kin. Payakap nga po!” Niyakap niya nang mahigpit si Inay kaya tuwang-tuwa ito sa kanya. “Na-miss ko ‘tong batang ‘to. Ang tagal mong nawala. Kumusta na sina Ma’am Sonia? Nandito rin ba sila?” tanong ni Inay habang paupo kami sa may sala. Ang Ninang Selya naman nagpaalam na, dumaan lang kasi siya dahil hihingi ng bunga ng kalamansi. “Nasa bakasyon po sina Mama. Hindi ko pa po alam kung kalian ang uwi.” “Dito na ba uli kayo titira?” “Baka ako lang po, kasi ako po ang gusto nina Mama na mag-manage ng resort.” “Resort?” “Kung saan po ako nagtratrabaho Inay. Sila po may-ari.” “Hindi ba sabi mo kanina loko-loko ang anak ng may-ari no’n? Ito bang si Junjun ang tinutukoy mo?” Napatingin si Theo sa ‘kin at pinaningkitan ako ng mga mata. “Sinabi mo ‘yon?” “Ang sabi ko kay Inay loko-loko, pero mabait naman. Totoo naman ‘di ba?” Mula kay Theo kay Inay naman ako tumingin. “Alam mo po ba Inay, pinag-trip-an ako niyan sa resort. Inaway ako tapos ginawa akong alalay.” “Ikaw kasi, hindi mo ‘ko nakilala, ‘tsaka inaasar lang naman kita. Nakakatuwa ka kasi maasar. Nanlalaki ‘yung butas ng ilong mo.” “Mas malaki kaya butas ng ilong mo sa ‘kin.” “Bago pa kayo tuluyang mag-away, tara na sa kusina. Magmeryenda ka muna Junjun.” “Theo na lang po. Nakakabawas po ng kagwapuhan ‘yung Junjun.” Natawa si Inay sa sinabi niya. “Cute kaya ng Junjun.” “Kumain ka na nga lang ng saging.” Inabutan ako ng nilagang saging na saba ni Theo. “Cute naman kasi talaga eh,” bulong ko habang binabalatan ‘yung saging. “Di ba Inay, cute naman?” “Sundin mo na lang ‘yung gusto niya Tina. Theo, gusto mo ba ng ginataang mais?” “Opo! Sige po.” Masaya kaming nagkwentuhan at nagmeryenda. Mayamaya nagising na rin ang Itay at tulad ni Inay masaya rin siyang makita si Theo. Nangako pa si Theo na ibibili niya ng wheelchair ang Itay, na hindi ko na nagawa pang tanggihan dahil kita sa mukha ni Itay ‘yung saya sa ipinangako ni Theo sa kanya.     BLAKE   Nang makarating ako sa baranggay kung saan nakatira sina Tina, nakausap ko ‘yung kapitan at pinakita ko sa kanya ‘yung address. “Saan po ba ‘yung address na ‘to? At kilala n’yo po ba si Tina?” "Si Tina, na anak nina Ador at Amelia?" "Hindi ko po alam ang pangalan ng mga magulang niya, pero kung may kilala po kayo na Tina na nakatira sa address na ‘to, siya na po siguro ‘yon." "Sa kanilang address nga ‘yan." "Alam n’yo po kung saan ‘yung bahay nila?" "Paglabas mo rito, kumanan ka, tapos diretsohin mo lang tapos ‘yung unang kanto sa kaliwa, lumiko ka do’n. ‘Yung pangatlong bahay na makikita mo ‘yon ang kanila. Kubo ‘yung bahay nila, tapos puro halaman sa harapan” “Thank you so much po!” “Ano nga pala ang sadya mo sa kanya? Matalik kong kaibigan ang ama no’n." "Boyfriend po niya ‘ko.” “Sa ‘yo ba ‘yung kotse sa labas?” Sumilip pa ito sa may kalsada kung saan nakaparada ang kotse ko. Tumango ako. “Opo, sa ‘kin po.” “Ka-swerte naman pala ni Pareng Ador. May mamanugangin na mayaman. Pag-aralin ko rin kaya sa Maynila ang Julia ko nang may makilala na tulad mo. May kapatid ka ba na mas bata sa ‘yo?” “Wala po. Sige po, mauna na po ako. Thank you po uli.” Nagpaalam na ako, bago pa siya magtanong nang kung ano-ano. Sumakay na ulit ako sa kotse at pagdating ko sa unang kanto sa kaliwa, hininto ko ‘yung kotse at bumaba ako ng sasakyan. Balak kong i-surprise si Tina, kaya maglalakad na lang ako papunta sa kanila. Baka kasi mapansin nila ‘yung pagdating ko kapag pinarada ko ‘yung kotse sa tapat ng bahay nila. Naglakad na ‘ko habang hawak ko ang boquet at nasa loob naman ng bulsa ng pantalon ko ang isang kamay ko at hawak ko ang maliit na box kung saan nakalagay ang isang singsing. Balak ko kasing mag-propose na ng kasal kay Tina, kaya sabay pamamanhikan na rin 'to. Alam kong mabilis pero ayoko na mag-aksaya pa ng panahon dahil ilang buwan na rin ang nasayang ko. Papalapit at ako nang papalapit at kinakabahan ako, pero may kahalong excitement. Malapit na ako sa pangatlong bahay at naaaninag ko na ‘yung bahay nila. Puno nga ng halaman ‘yung harapan nito. Habang papalapit pa ‘ko, natatanaw ko na, na may tao sa labas. Nang mas lumapit pa ako, nakita ko si Tina na parang may hinahanap. Napangiti ako. Ang ganda pa rin niya. Ilang hakbang na lang sana ang layo niya sa ‘kin nang mapatigil ako nang mula sa likod ng mga halaman isang lalaki ang nakita kong lumabas at biglang yumakap sa kanya. Kita sa mukha ni Tina ang pagkagulat, pero ‘yung lalaki mukhang ang saya niya. Akala ko maiinis si Tina sa kanya pero hinayaan lang niya na yakapin siya nito. Nag-usap sila at saglit na humiwalay ‘yung lalaki pero mayamaya ay umakbay naman. Nag-usap sila uli at pagkatapos, umupo ‘yung lalaki at sumampa naman sa likuran nito si Tina. Masaya silang dalawa. Masaya si Tina. Narinig ko pa nang may isigaw siyang pangalan. Theo pala ang pangalan ng lalaking kasama niya. Siya siguro ang bagong nagpapasaya kay Tina. Nasasaktan ako, pero ano’ng karapatan ko? Wala akong karapatan, dahil kasalanan ko rin naman lahat. Hindi ko masisisi si Tina, kung mabaling ang pagtingin niya sa iba at pinili niya na maging masaya. Ang sakit, pero wala akong magawa. Paano kaya kung mas maaga akong nagpunta rito? Iba kaya ‘yung mangyayari? Ako kaya ang kayakap niya ngayon at hindi ibang lalaki? Pero para saan pang isipin ko, wala na naman akong magagawa. Huli na ‘ko. Hahayaan ko na lang si Tina, kung saan siya magiging masaya. Noong ako kasi ang kasama niya puro hirap lang ata ang naranasan niya. Wala nang rason para manatili pa ‘ko kaya naglakad na ‘ko paalis, pabalik sa kotse ko. Bukas na bukas din, babalik na ‘ko ng Manila. *** Hindi ko alam kung paano ako nakarating ng bayan at nakabalik sa kwartong tinutuluyan ko nang ligtas. Dahil sa totoo lang, wala ako sa sarili at lutang ang isip ko. Nasasaktan ako nang sobra, pero mahal ko si Tina, at kung saan siya magiging masaya, do’n ako. Dahil sa hindi ako makatulog, bumili ako ng alak. Uminom ako nang uminom hanggang sa malasing ako. Hindi ako tumigil hanggang sa makatulog na ako sa kalasingan. Nang magising ako, ang kalat ng buong kwarto. Ang gulo ng kama. Nagkalat ang pagkain at bote ng alak. May basag na baso pa nga at napansin kong may sugat ako sa kamay. Ang sakit din ng ulo ko. Dumiretso ako sa banyo para maligo at pagkatapos ko maligo, inayos ko naman ‘yung kwarto. Nakakahiya naman kasi sa may-ari kung iiwan ko nang sobrang gulo. Pagkatapos, lumabas ako para kumain, pero wala naman akong gana, kaya nagkape na lang ako. Pumunta rin ako sa botika, para bumili ng gamot at band-aid para sa sugat ko. Bumalik din ako agad sa kwarto para kunin ang mga gamit ko, at nilagay ko na sa kotse. Pinuntahan ko si Inang Maria para magpaalam at para ibalik ‘yung susi ng kwarto. Nagtaka pa siya kasi akala niya magtatagal daw ako. Bago ako umalis dumaan muna ako sa talyer, para ipa-check ‘yung kotse ko. Mahirap nang masiraan sa daan. Malayo rin ‘yung byahe ko. Nakita ako ni Jojo, kaya lumapit siya sa ‘kin. "Kuya, alis ka na? Nakita mo na ‘yung girlfriend mo?" "Nakita ko na... kaso huli na ‘ko." “Huli ka na?” “May iba na siyang mahal. Hindi na ako.” "Gano’n? Hindi pala siya mabait." “Mabait siya. Ako ang may kasalanan sa aming dalawa.” “Bakit hindi ka mag-sorry sa kanya?” “Hindi na. Masaya na siya.” “Gano’n? Sayang naman ‘yung ipinunta mo rito kuya.” “Ayos lang. Nakita ko naman siyang masaya kaya masaya na rin ako.” Nagkibit-balikat lang siya sa sinabi ko. Bata pa siya at hindi pa niya maiintidihan na hindi lahat ng pagpaparaya, malungkot. Nang ma-check na ni Mang Lino ‘yung kotse ko at ayos naman, nagpaalam na ‘ko sa kanila. Bumyahe na ‘ko pabalik ng Manila at habang nasa daan ako, naiisip ko pa rin si Tina. Hiling ko lang ang kaligayahan niyang hindi ko naibigay sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD