KABANATA 21
TINA
“Tina, ang bilis mo atang kumilos ngayon? Parang ang sigla mo,” sabi ni Marjorie sa ‘kin.
“Ha? Dati na ‘kong ganito. Baka nanibago ka lang kasi ilang araw din akong wala dito dahil kay Sir Theo ako nagtratrabaho.”
“Baka nga. Ay, ano pa lang masasabi mo doon sa guest sa room 8? Gwapo ‘no?”
“H-ha?” Tumango ako. “Oo... Gwapo.” Sa sobrang gwapo, naging boyfriend ko tuloy, 'yon nga lang ex ko na lang ngayon.
“Sino’ng mas type mo sa kanila ni Sir Theo? Sino mas gwapo para sa 'yo?”
“H-ha? Ano ba ‘yang mga tanong mo Marj. Pareho naman silang gwapo,” sagot ko kahit na ang totoo, sa pangingin ko mas gwapo si Blake. Pero opinyon ko lang naman 'yon, hindi ko alam para sa iba.
Pagkatapos ng trabaho, naghilamos ako at nagpalit ng damit. Naglagay lang ako ng konting liptint at blush-on. Nagpabango rin ako. Alam kong hindi naman ‘to date, pero nag-ayos pa rin ako kahit konti.
Palapit na ako sa may lobby nang salubungin ako ni Emily at hinatak ako sa tabi. “Ano mo ‘yung guest natin?”
“H-ha?”
“’Yung gwapo sa room 8. Kanina pa nasa lobby ‘yon. Hinihintay ka. Magdi-dinner daw kayo. Ini-stalk ko sa sss, ‘tsaka hinanap ko sa google. Anak mayaman. Kilalang businessman ‘yung tatay.”
Nanlaki ang mata ako sa mga sinabi nitong si Emily. “Ginawa mo ‘yon?”
“Ano ka ba? Lahat ng gwapong guests dito, gan’on ang ginagawa ko, para malaman ko kung single o taken. Baka makabingwit ako rito ng bagong jojowain at magiging tatay na ng anak ko. Pero mabalik tayo sa’ yo. Ano mo ‘yon? Ha?”
“Siya ‘yung ex ko.”
“Huwat?! (What) S-siya ‘yung ex mo? Bakit nandito? Nakikipagbalikan? Tina, maiaahon ka niyan sa kahirapan. Hindi mo na kailangan magtrabaho rito sa resort. Kaya kang ibili n’yan ng sarili mong resort.”
“Emily, hindi lahat kayang bilhin ng pera. Kung alam mo lang ‘yung pinagdaanan ko noon sa kanya, hindi mo siguro masasabi ‘yan. At sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit nandito siya. Hindi naman inaasahan ‘yung pagkikita namin. Nagulat nga siya nang magkita kami kaninang umaga. Hindi niya alam na dito ako nagtratrabaho.”
“Bakit? Pinahirapan ka ba niya? Nambubugbog ba? Pinagpalit ka sa iba?”
“Huwag na nating pag-usapan. Sa amin na lang muna. Pasensya ka na. Ayokong mag-kwento.” Ayokong pag-tsismisan nila ‘yung buhay namin ni Blake, lalo na habang nandito siya.
“Okay. Pero, kung kailangan mo ng resbak, back-up, nandito kami ha?” Nangiti ako at tumango kahit na hindi ko naman kakailanganin ‘yon kay Blake. Mainitin ang ulo ni Blake, nagkasuntukan na sila ni Andre pero ang pagbuhatan ako ng kamay o ang pilitin ako sa gusto niya, alam kong hindi niya ‘yon gagawin.
Sabay na kaming naglakad ni Emily. Siya papunta sa may reception area ako naman papunta kay Blake na nakaupo sa may lobby. Tahimik lang siya habang may nilalaro sa suot niyang kwintas na mabilis niyang ipinasok sa loob ng suot niyang t-shirt nang makita ako. Mabilis siyang tumayo at sinalubong ako. Ang gwapo niya sa suot niyang manipis na white longsleeves, khaki shorts at white sneakers. Ang bango at fresh niyang tingnan. Parang nahiya ako na hilamos, konting make-up at pabango lang ang nagawa ko. Buti na lang hindi ako masyadong pinagpawisan dahil bukas naman ang aircon sa mga kwarto habang naglilinis ako kanina.
“Hi…” Kinakabahan ba siya? Kung oo, pareho lang kami.
“Hi…” matipid ko ring sagot.
“Where do you wanna eat? May maire-recommend ka ba sa ‘kin?”
“Masarap ‘yung pagkain dito sa resort. May mga fresh na seafood na pwede mong ipaluto sa paraan na gusto mo,” suggest ko sa kanya at sumang-ayon naman siya.
***
“Kare-kare, grilled salmon, calamares," sabi ni Blake sa waiter habang nakatingin sa menu at pagkatapos ay sa 'kin sa tumingin. “Ikaw Tina? Chopsuey? Favorite mo ‘yon ‘di ba?”
Nagulat ako sa sinabi niya. Pagkatapos ng aksidente hindi ko naman nabanggit ‘yon sa kanya. “Paano mo nalaman?”
Parang kahit siya nagulat din. “Alam ko lang. Tama ba 'ko?” Tumango ako. "I guess, my memories were coming back little by little," nakangiting sabi niya pero kahit nakangiti siya bakas sa mukha niya na parang ang dami niyang iniisip. Hindi ko alam kung masaya ba siya o malungkot dahil bumabalik na 'yung mga alaala niya.
“Baka nga.”
“So, kumusta ka na? Kumusta na ‘yung parents mo?”
“Ayos naman ako. Gano’n din sila. Si Itay, medyo mabilis ang paggaling niya. Nag-start na rin siyang magpa-theraphy. Sina Tita Lorie pala kumusta?”
“Their both okay. Busy pa rin si Dad sa trabaho. Si Mommy sa mga halaman niya.”
“Sina Tommy? Si Mia? Hindi ko na siya nakakausap kasi nawala ‘yung phone ko.”
“Kaya pala.”
“Kaya pala?”
“Tinatawagan ka ni Mia, hindi ka raw niya ma-contact.”
“Alam mo ba ‘yung number niya? Send mo naman sa ‘kin.” Sabay naming nilabas ‘yung mga cellphone namin na napakalaki ng pagkakaiba. ‘Yung sa kanya latest model habang ‘yung sa ‘kin naghihingalo na. Minsan nga bigla na lang namamatay tapos magbubukas uli. Habang hawak ko ‘yung phone ko nag-ring ito. Si Theo tumatawag. Napatingin ako kay Blake. 'Yung itsura niya parang gusto niyang tingan kung sino 'yung tumatawag dahil nagkandahaba 'yung leeg niya. Umiral na naman pagka-usisro nitong lalaking 'to. “Sagutin ko lang ha?” paalam ko sa kanya.
Bahagya akong pumaling sa kanan ko bago ko sinagot ‘yung tawag. “Hello. Bakit?”
“Wala lang. Miss na kita. Kumusta?”
“Okay lang.”
“Kumusta work? Napagod ka ba?”
“Hindi naman. Okay lang.”
“Sabihin mo sa ‘kin kapag pinapagod ka ni Madam ah. Pagsasabihan ko ‘yon. Kahit matagal na siya d’yan, hindi ka niya pwedeng utusan nang kung ano-ano.”
Natawa ako kay Theo. “Loko! Huwag mong gagawin ‘yon. Mabait naman si Madam. Istrikto lang talaga. Para naman sa resort ‘yung paghihigpit niya.”
“Basta. Ayoko na pinapagod ka niya.”
“Okay lang ako. Kaya ko.”
“I miss you. Na-miss mo ba ‘ko?”
“Hindi.” Natatawa kong sagot.
“Hindi na nga ako babalik d’yan. Hindi mo naman pala ako nami-miss.”
“Ang drama mo.”
“Babalik lang ako kapag sinabi mong miss mo na ‘ko.”
“Okay…”
“Cristina!” Natawa na naman ako sa kanya. Naiinis na siya. “Ang sama ng uga—.” Biglang naputol ‘yung sasabihin niya at nang tingnan ko ‘yung phone ko naka-off na ‘to. Sinubukan kong buksan uli ‘to, pero ayaw na. Hindi ko alam kung naubusan ako ng battery o talagang natuluyan na. Ibinalik ko na lang ‘yung cellphone ko sa bag. Wala naman akong powerbank o charger at hindi ko rin naman pwedeng iwan si Blake para lang maghanap ng mahihiraman.
“Who’s that?” tanong ni Blake.
“Si Theo. Matagal na kaming magkakilala, pero umalis siya papuntang Australia noong mga bata pa kami. Pero ngayon balik Pilipinas na siya at mag-stay na siya rito. Umalis lang siya kasi may inasikaso, pero babalik rin siya next week,” kwento ko kahit hindi naman niya tinatanong. Ewan ko ba, na-tense ako kaya ang dami kong nasabi. Kasi naman kung maka-who’s that siya, pakiramdam ko tuloy kailangan ko mag-explain.
“Mukhang masaya ka sa kanya.”
Tumango ako. “Oo. Loko kasi ‘yon, pero mabait at masarap kasama. Malapit din siya kina Inay at Itay. Ang dami na rin niyang naitulong sa ‘min. Kahapon lang sinamahan niya kami sa ospital kasi may theraphy si Itay tapos siya rin ang bumili ng wheelchair ‘tsaka walker ni Itay.”
“I’m glad that you’re doing good.” Nakangiti siya nang sabihin niya ‘yon pero ang lalim naman ng buntong-hininga niya pagkatapos sabay paling nang tingin sa kaliwa niya na parang umiiwas siya ng tingin sa ‘kin. Tatanungin ko sana siya kung may problema ba, pero dumating ‘yung waiter na dala ‘yung mga pagkain namin. Pagkatapos ng isa pang buntong-hininga, humarap na uli siya sa 'kin at saka ngumiti. “Let’s eat.”
Tahimik lang kaming kumain. Paminsan-minsan may tinatanong siya, tungkol sa mga magulang ko, tungkol sa trabaho, pero hindi na siya uli nagtanong tungkol kay Theo.
“Thank you sa libre. Nabusog ako,” sabi ko sa kanya habang palabas na kami. “Paano, dito na ‘ko.” Tumuro ako sa kanan ko. “Balik ka na sa kwarto mo.” Sa kabilang side naman ‘yon.
“No. Ihahatid kita.”
“H-ha?”
“Sa tingin mo hahayaan kitang umuwi nang gabi?”
“Blake, tiga-rito ako, ‘tsaka minsan umuuwi naman talaga ako ng gabi galing dito sa resort.”
“No. Ihahatid kita sa inyo.” Ito ‘yung Blake na kapag sinabi niya dapat sundin mo kaya pumayag na ‘ko. Pabor din naman sa 'kin, kasi makakauwi ako agad dahil may kotse siya. Makakamenos pa ako sa pamasahe.
***
“Doon tayo. Liko ka d’yan.” Sumusunod lang siya sa mga direksyon na binibigay ko. Nang malapit na kami sa kanto namin, lumiko siya kahit hindi ko pa sinasabi. Napa-angat ang likod ko sa sandalan at napatingin ako sa kanya nang nagtataka. Alam ba niya kung saan kami nakatira?
“Bakit lumiko ka na?”
“Sabi mo ‘di ba?”
“H-ha? May sinabi ba ‘ko?”
“Meron. Pagod ka na siguro. Nakalimutan mo agad.”
“May sinabi talaga ako?”
“Meron nga. Hindi ko naman alam kung saan ka nakatira.”
Sumandal na lang uli ako. “Okay. Baka nga nakalimutan ko sa pagod. Pero parang wala talaga akong sinabi.”
“Meron.”
“Hay! Hayaan mo na nga. Ang mahalaga, makarating tayo.”
Bumaba si Blake ng kotse at bumaba na rin ako kahit hindi pa niya ako pinagbubuksan.
“Blake?” sabay kaming napatingin ni Blake sa tumawag sa pangalan niya. Ang Inay pala nasa labas ng bahay at nagdidilig. Inilagay ni Inay sa timba ‘yung hawak niyang pandilig. Lata lang naman ‘yon na nilagyan ng mga butas sa ilalim. “Kumusta ka hijo?” Yumakap si Inay sa kanya. Halata ko sa itsura ni Blake na hindi alam kung ano’ng gagawin. Ngayon ang unang beses niyang makita si Inay matapos ang aksidente.
“O-okay lang po,” sagot niya. Parang gusto niya ring yakapin si Inay pero nag-aalangan siya.
“Blake, si Inay pala. Nagkakilala na kayo dati noong lumuwas sila sa Manila.”
Humiwalay ng yakap si Inay at hinawakan sa magkabilang pisngi si Blake. Parang naiiyak ang Inay. “Nang huling bisita ko sa ‘yo sa ospital, wala ka pang malay. Masaya akong makita kang malakas ngayon.”
Napangiti si Blake. “Salamat po.”
“Tara sa loob. Gusto mo ba ng kape? Tsaa?” Hindi pa pumapayag si Blake ay hatak na siya ng Inay papasok ng bahay namin.
“Kape na lang po. Salamat.” Naupo si Blake sa upuan naming kahoy at tumabi ako sa kanya.
Bago pumunta sa kusina ang Inay tinapik pa niya sa pisngi si Blake. “Napakagwapo mo pa rin hijo.” Napangiti si Blake sa sinabi ni Inay.
“Pasensya ka na ha? Baka gusto mo nang umuwi, kaso naharang ka pa ni Inay.”
“Okay lang. I’m glad to see her. Totoo ‘yung kwento ni Mommy tungkol sa parents mo. Mabait ang Inay mo, at sure ako na gan’on din ang Itay mo.”
“Natutulog na siguro ‘yon, pero matutuwa rin ‘yon kapag nakita ka.”
“Tina…”
“Uhm?”
“Thank you. Sobrang bait mo sa ‘kin. Pati pamilya mo. And…” Tumigil siya saglit at napayuko bago nagsalita uli at tumingin sa 'kin. “I’m sorry. I don’t deserve this kind of treatment from you. Ilang beses na kitang nasaktan, pero ang bait mo pa rin sa ‘kin.”
“Pumasok ka rito, para mag-kape, hindi para mag-drama. Tapos na ‘yon Blake. Napatawad na kita.” Pinilit kong pigilan ang mga luha ko na tumulo. Bago pa 'ko traydurin ng mga mata ko tumayo ako. “Saglit lang. Puntahan ko lang si Inay. Ang tagal magtimpla ng kape,” sabi ko at iniwan ko siya sa may sala. Pagtalikod ko, tuluyan nang pumatak ‘yung luha ko. Hindi ko muna ‘to pinunasan dahil baka makita niya. Pinunasan ko lang nang nasa kusina na ‘ko. Nagkatinginan kami ni Inay at nakita ko ang lungkot sa mga mata niya nang makita ako. Alam niya ‘yung nangyari sa pagitan namin ni Blake, pero hindi naman siya galit rito. Hindi naman daw kasalanan ni Blake na nakalimot ito at hindi kasalanan ni Blake na paggising nito may iba nang gusto.
Niyakap ako ni Inay. “Kaya mo pa bang humarap sa kanya?”
Tumango ako. “Aayusin ko lang po saglit ‘yung sarili ko. Lalabas po uli ako para harapin siya.”
“Sige. Ibibigay ko muna ‘tong kape sa kanya.”
Pumasok ako sa banyo at nag-ayos ng sarili. Medyo namumula pa ‘yung mga mata ko kaya naisip ko na magpanggap na lang na inaantok na. Paglabas ko uli sa may sala, naghikab ako at nagkusot ng mata para isipin niya na ‘yon ang naging dahilan ng pamumula ng mga mata ko.
“Mukhang inaantok ka na. Alis na ‘ko, para makapagpahinga na kayo,” sabi ni Blake sabay tayo kaya napatayo din anng Inay. "Salamat po sa pagtanggap n'yo sa 'kin dito. Masaya po akong makita kayo," paalam niya kay Inay bago ko siya ihatid sa labas.
Hinatid ko siya hanggang sa kotse niya. “Pasok ka na. Malamig na rito sa labas.” Napansin niya siguro ang paghimas ko sa braso ko.
“Papasok ako, pagkaalis mo.”
“Hindi na." Hinawakan niya 'ko sa balikat at saka niya 'ko pinatalikod at marahan niya 'kong itinulak. "Pumasok ka na muna bago ako umalis.”
Pero dahil makulit ako, humarap uli ako sa kanya. “Natandaan mo ba ‘yung daan pabalik?”
“Tanda ko. Don't worry.”
“Okay. Sige. Ingat ka sa pagmamaneho ha?”
“I will. Pasok na. Sige na.”
Tumango ako. “Okay,” sabi ko at saka ako tumalikod para maglakad na papasok ng bahay namin. Bago ako pumasok, nilingon ko pa siya. Nakasakay na siya sa loob ng kotse pero nakatanaw pa rin siya sa ‘kin. Kumaway siya kaya nangiti ako at sinenyasan ko naman siya na umalis na. Nakita ko ang pagtango niya at ini-start na niya ‘yung kotse niya. Nanatili akong nakatayo sa nakabukas naming pintuan hanggang sa makaalis siya.