KABANATA 13
BLAKE
“Blake, totoo ba? Give up ka na kay Tina?” tanong ni Pete na naglalagay ng yelo sa baso. Nasa bahay kami ngayon dahil nagyaya akong uminom. Tumango ako, bago ako uminon ng beer na nasa baso.
“Seryoso? Pagkatapos ng buwis buhay kong date kay Katarina, walang nangyari sa lakad mo?” reklamo ni Justin habang ngumuguya ng chicharon. Hawak pa niya ‘yung isang supot at nakatabi sa kanya ‘yung sawsawan na suka.
“Tuloy pa rin naman ‘yung deal natin Justin. May one year supply ka pa rin ng Spam at Cheetos sa ‘kin.”
“Sa totoo lang, malungkot ako sa naging desisyon mo Blake. Hindi kasi talaga ako makapaniwala na nakalimutan ka na ni Tina at may bagong boyfriend na siya agad,” sabi ni Tommy na nag-iihaw ng liempo.
“Umasa talaga ‘ko na magkakaayos kami, kaso nahuli ako ng dating. Siguro kung sinundan ko agad siya do’n, walang nakasingit. Pero huwag na nating pag-usapan ‘yon. Kaya nga niyaya ko kayo rito, para makalimot ako kahit sandali.” Halata sa mukha nila ang lungkot at awa habang nakatingi sa ‘kin. “Justin, kwento ka nga. Ano’ng nangyari sa date n’yo ni Katarina?”
“Huwag na, baka gawin mo pang two year supply ‘yung ibibigay mong Spam at Cheetos sa ‘kin,” sabi niya habang puro mugmog na ng chicharon ‘yung harapan ng t-shirt niya.
Natawa ako. “Gano’n kalala ‘yung date n’yo?” Ano’ng ginawa ni Katarina sa kanya.
“Justin, mag-kwento ka na. Hindi ka naming huhusgahan,” pamimilit ni Pete.
“Mas malala pa ba sa kagat ang ginawa ni Katarina sa ‘yo?” tanong ni Tommy na palapit na sa ‘min habang bitbit ang plato na may lamang inihaw na liempo.
“Pahingi muna ‘ko niyan. Kailangan ko nang matinding lakas bago ako mag-kwento,” sagot naman ni Justin na ang tinutukoy ay ‘yung dalang liempo ni Tommy.
“Para-paraan talaga, basta pagkain,” sabi ni Tommy pero ipinaghiwa naman ng liempo si Justin at binigyan pa ng sariling plato.
“Kailan kayo nag-date?” tanong ko nang makaisang subo na ng liempo si Justin.
“Kagabi,” sagot niya habang ngumunguya pa. “Ang sarap pala do’n sa napili mong restaurant para sa ‘min Blake. Ang dami kong nakain. Sulit! Magkano binayad mo d’on?”
“Huwag mo ibahin ang kwento Justin,” sabi ni Pete na kumukuha na rin ng liempo.
“Sinabi ko lang na masarap eh. Hindi pa naman ako tapos mag-kwento,” reklamo ni Justin.
“Okay, sige tuloy mo na. So, masarap ang pagkain, o pagkatapos ano na?” tanong ni Tommy.
“Eh ‘di busog na busog kami pareho. Hindi na nga ako makatayo eh. Parang gusto ko na nga do’n matulog. Lakas pa naman ng aircon. Pagkatapos naming kumain, nagyaya na ‘ko umuwi, pero itong si Katarina, ayaw pa. Mag-kwentuhan daw muna kami. Pumayad naman ako, kwentuhan lang naman eh. Masarap naman siya kasama dahil ang dami niyang kwento. Tawa rin ako nang tawa. Panay rin ang puri niya sa ‘kin. Sabi niya ang cute ko raw. Gusto raw niya ‘kong yakapin.”
“Pumayag ka?’’ tanong ko. Hindi nakasagot si Justin. “Alam na natin ang sagot.”
“Yakap lang naman kasi ‘tsaka marami namang tao at sobrang liwanag kaya alam kong wala siyang gagawing kakaiba sa ‘kin. Nagkwentuhan uli kami habang nakayakap siya sa ‘kin. Nakasiksik pa ‘yung mukha niya sa leeg ko tapos sumisimple siya ng halik sa balikat ko.”
“Mukhang nag-enjoy ka naman ata. Ano’ng buwis buhay do’n?” sabi ni Pete.
“Sa restaurant ‘yon, kaso nang nasa condo na kami.”
“Nakarating ka sa condo niya?” gulat na tanong ni Tommy.
“Dapat pala nag-book din ako ng hotel room para sa inyo,” sabi ko naman.
“Ang bilis mo Justin, from resto, condo agad.”
“Niyaya niya kasi ako.”
“Pumayag ka naman.”
“Hoy, Pete, makahusga ka d’yan. Kapag hinalikhalikan ka na ng babae, at niyaya ka sa condo, ‘di ka ba papayag? ‘Tsaka naniwala ako sa pangako niya na hindi na niya ‘ko kakagatin.”
“Tumupad ba siya sa pangako?” tanong ni Tommy.
“Hindi niya ‘ko kinagat, kaso…”
“Kaso?” sabay-sabay pa kaming tatlo na nagtanong.
“Kaso pinosas niya ‘ko sa kama tapos naglabas ng latigo. Pucha! Akala ko hindi na ‘ko makakaalis ng buhay. May latay pa nga ako sa tiyan.” Itinaas niya ‘yung t-shirt niya para ipakita sa ‘min ‘yung latay niya na hugis X.
“Para kang baka na minarkahan,” natatawang sabi ni Pete.
“Pare, biglang taas ng adrenaline ko. Nasira ko ‘yung headboard ng kama niya. Buti na lang gawa sa kahoy. Kung bakal ‘yon, hindi ko alam kung ano’ng nangyari sa ‘kin. Lumabas ako ng condo niya na boxer shorts at medyas lang ang suot habang bitbit ko ‘yung t-shirt, sapatos at pantalon ko. Sa loob ng elevator na nga ako nagbihis kahit pinagtitinginan ako.”
Tawa kami nang tawa sa kwento ni Justin. “Sorry, Justin, hindi ko mapigilan. Nai-imagine ko kasi ‘yung itsura mo,” sabi ko sa kanya.
“Papahalik ka pa?” pabirong tanong ni Tommy.
“Sana man lang kasi tinanong niya ‘ko, kaso nabigla ako. Sabi lang niya, gusto niya makita kili-kili ko kaya itinaas ko ‘yung mga kamay ko. Hindi ko napansin na may posas na siyang hawak. Alam n’yo bang hanggang sa makauwi ako, nakasuot sa ‘kin ‘yung posas niyang kulay pink na may fur. Ilang tutorial ang pinanood ko para lang matanggal ‘yon.”
“Kung nagsabi ba siya sa ‘yo, papayag ka?” tanong ko.
“Okay lang sana na may posas, kaso may latigo. Hazing pala ang gusto,” sabi ni Justin habang papasok ang isang kamay sa bulsa ng pantaloon niya. Inilabas niya ‘yung phone niya at napamura siya. “Si Katarina tumatawag! Mula kahapon pa, walang tigil sa kakatawag sa ‘kin ‘to.”
“Bakit ‘di mo sagutin.”
“O, ikaw na lang kumausap.” Inabot ni Justin kay Pete ‘yung cellphone.
“Ikaw ang gusto niya makausap, hindi naman ako.”
“Dapat hindi ko na lang binigay number ko eh,” natatarantang sabi ni Justin.
“Sagutin mo na. Hindi naman niya mailulusot ‘yung kamay niya d’yan sa phone,” sabi ni Tommy kaya sinagot na ni Justin ‘yung tawag.
“H-hello? Okay lang ako. Huwag ka nang umiyak. Okay na tayo. Hindi ako galit. Ha? Bukas? May lakad kasi ako. Sa susunod na araw? Aalis kami ni Tommy. Sa school? Saglit lang? Hindi. Hindi kita iniiwasan. Tahan na. Huwag ka nang umiyak d’yan. Okay. Okay. Sa school. Okay. Bye.”
“Magkikita kayo?” tanong ko.
“Iniyakan ako eh. Ayoko pa namang nagpapaiyak ng babae.”
“Patay na patay siya sa ‘yo Justin.”
“Kaso Pete, ako naman ata ang mapapatay niya sa mga hilig niya.”
“Baka naman, hindi siya masyadong brutal sa kama. Baka naman masakyan mo pa ‘yung mga gusto niya.”
“Ikaw kayang latiguhin ko Tommy?”
“Gusto mo ba si Katarina?”
Nag-isip muna si Justin bago sagutin ‘yung tanong ko. “Gusto ko siya. Masaya siya kasama, maganda, matalino rin, kaso pag nag-iinit na, nakakatakot eh.”
“Mag-usap kayo. Kapag nagkita kayo, sabihin mo sa kanya ‘yung mga gusto at ayaw mo. Subukan mo. Huwag mo siyang ayawan agad, dahil mas marami naman ‘yung nagustuhan mo sa kanya, kesa do’n sa mga ayaw mo,” payo ni Tommy.
“Kapag ‘tong si Tommy ang nagsalita, akala mo ang daming experience sa pag-ibig. Payuhan mo nga rin ‘tong si Blake.”
“Huwag n’yo nang ibalik sa ‘kin ‘yung usapan. Ilang minuto pa lang akong nakalimot, ipinaalala mo na naman, Pete.”
“Napayuhan ko na ‘yan, kaso mas importante sa kanya ‘yung kaligayahan ni Tina.”
“Masaya ba talaga siya?” tanong ni Justin kaya tumango ako at pagkatapos uminom ako ng alak pero hindi na beer kundi ‘yung mas matapang na. Gusto kong malasing para tulog agad. Buti na lang nga natapos ko na ‘yung documents para sa thesis ko, kung hindi, baka wala akong maipasa. Tapos ko na lahat at hinihintay ko na lang ‘yung araw ng defense ko.
Nagkwentuhan pa kami habang umiinom. Madaling araw na nang matapos kami at dito sa bahay ko na sila pinatulog dahil baka mapahamak pa sila kung magsisiuwi pa sila. Masaya ako kanina habang kasama ang mga kaibigan ko pero nang mag-isa na uli ako sa loob ng kwarto ko, nilamon na naman ako ng kalungkutan ko at pangungulila ko kay Tina. May halong panghihinayang rin akong nararamdaman at pagsisisi. Kahit na sinasabi ko sa sarili ko na kaligayahan ni Tina ang importante sa ‘kin, may parte sa isip at puso ko na isinisigaw na agawin siya sa lalaking kasama niya ngayon. Alam kong mali, pero hindi ko mapigilang maisip. Tao lang naman ako at hindi naman ako perpekto. Mahal ko siya at masakit sa ‘kin na isipin na nasa piling siya ng iba.