KABANATA 12
BLAKE
“Kumusta lakad mo?” May biglang humawak sa balikat ko habang naglalakad ako sa hallway papunta sa susunod na klase ko. Si Tommy pala at nangangamusta. “Nag-abang kaming tatlo ng kwento mo pero kahit isa sa ‘min wala kang tinext ko tinawagan.”
“Wala namang dapat ikwento,” sagot ko habang inaayos ang pagkakasakbit ng bag sa balkat ko.
“Ha?” Nagulat siya sa sagot ko. “Hindi ka ba natuloy? Noong Friday sobrang excited ka ‘di ba?”
“Natuloy pero hindi kami nagkausap.”
“Mali ba ‘yung address? Hindi mo siya nakita?”
“Tama ‘yung address. Nakita ko ‘yung bahay nila. Nakita ko siya, pero hindi ako lumapit.”
“Bakit? Naduwag ka? Parang ‘di ikaw ‘yan.”
“May iba na siya Tommy at masaya siya. Ayokong ipagdamot ‘yung kaligayahan na ‘yon sa kanya.”
“Gaano ka kasigurado na karelasyon niya ‘yung nakita mo? Dapat tinanong mo muna.”
“Paano kung makagulo lang ako? ‘Tsaka nakita ng dalawang mata ko kung gaano sila kasaya. Hindi ko na kailangan na magtanong pa.”
“Hindi ako makapaniwala. Si Tina, may iba na agad? Mahal na mahal ka no’n!”
“Noon siguro, pero iba na ngayon. Pagkatapos nang mga maling nagawa ko sa kanya hindi na ako nagtataka na unti-unting nawala ‘yung pagmamahal niya sa ‘kin. I’m a real jerk and I deserve this,” sabi ko na may mapait na ngiti. Nang makita ko si Tina na may kasamang ibang lalaki, nasaktan ako kaya paano pa kaya siya noong mga panahon na iba’t ibang babae ang nakita niyang kasama ko. Nakita rin niya ‘kong may kahalikan. Kahit sinadya ko ‘yon para itulak siya palayo sa ‘kin, alam kong nasaktan siya nang sobra. Naalala ko pa nga ‘yung mukha niya nang makita niya kami ni Nica. Tulala siya habang nangingilid na ‘yung luha. Kaya sobrang deserve ko talaga na iwan at kalimutan niya.
TINA
"Tina, ano bang iniisip mo at nakakunot ‘yang noo mo?" tanong ng Inay. Nasa labas kasi kami ng bahay habang nagdidilig siya ng mga halaman at ako naman nakaupo sa bangkito at hinihintay si Theo. May lakad kasi kami.
"Wala po," sabi ko kahit na ang totoo’y naalala ko ‘yung nangyari noong nakaraang Sabado na inakala kong dumating si Blake at pinuntahan ako rito.
"Kilala kita anak. May problema ba? Si Blake ba?"
"Ha? Hindi po.” Pilit akong ngumiti. “Wala po talaga. Naiinitan lang po ako.” Ipinaypay ko sa tapat ng mukha ko ang kamay ko. “Naiinip rin po dahil ang tagal ni Theo." Ayoko siyang pag-alalahin kaya hindi ko na lang sinabi sa kanya. ‘Tsaka hindi naman siya problema, medyo umasa lang naman ako ng konti. Pipilitin ko na lang na kalimutan para hindi mag-alala si Inay.
Sabay kaming napatingin ni Inay sa may kalsada nang pumarada ang sasakyan ni Theo. "Nandito na pala ‘yung hinihintay mo. Saan nga pala ang lakad n’yo?"
"Hindi ko rin po alam. May pasikre-sikreto pa po kasing nalalaman ‘yang si Theo," sabi ko at tumayo na ako.
"Good morning!" Napakataas agad ng energy ni Theo. Nagmano siya kay Inay habang nakataas ang mga nakaunat niyang braso nang palapit na siya sa ‘kin. “Good morning! Good morning! Good morning!”sabi niya habang nanggigigil at yakap ako.
“Umaga pa lang, lamog na ‘ko sa ‘yo,” reklamo ko sa kanya.
"Ang sarap mo kasi yakapin. Ang liit-liit mo." Tinapik pa niya ‘yung ibabaw ng ulo ko.
“Pasalamat ka boss kita ngayon, kundi nasaktan ka na sa ‘kin.”
Bigla siyang lumayo sa ‘kin na akala mo natakot. Arte talaga nito. “Balak ko pa naman sanang dagdagan ‘yung off mo tapos binabantaan mo ‘ko.”
“Uy Theo, baka isipin na ng mga tao sa resort na pinapaboran mo ‘ko. Parang hindi nga ako nagtratrabaho sa tuwing kasama kita. Feeling ko sobra-sobra ‘yung natatanggap ko galing sa ‘yo.”
“Gusto mo bang magtrabaho uli sa resort?”
“Okay lang sa ‘kin. Okay lang ba sa ‘yo?”
“Gusto ko kasi na marami kang oras para mabantayan mo ang itay mo.”
“Theo, nandito naman ako para mag-alaga sa asawa ko kapag wala si Tina.”
“Okay, kapag wala ako rito, at saka ka lang magtratrabaho sa resort.” Paminsan-minsan kasi umaalis siya para asikasuhin ‘yung ibang properties na nabili ng parents niya. Pumayag ako sa gusto niya. Mas okay ‘yon para masabi ko naman na pinagpaguran ko ‘yung sweldo ko. Ayoko rin naman ‘yung pakiramdam na parang nakakapanlamang ako sa kapwa ko.
“Nay alis na po kami,” paalam ko kasunod nang paghalik sa pisngi ni Inay.
"Di mo man lang ba paiinumin ng juice si Theo?"
"Di na po ‘Nay Amelia," sagot naman ni Theo.
"O, sige. Mag-iingat kayo sa pupuntahan n’yo."
"Opo. Iingatan ko po 'tong si Cristina." Nakaakbay na naman siya sa ‘kin.
“Pinagsasabi mo d’yan?” tanong ko habang nakalingon sa kanya pero nginitian lang niya ‘ko.
Pinagbuksan muna niya ‘ko ng pintuan ng kotse bago siya sumakay. Habang nasa byahe kami, napansin ko ‘yung mga supot na nakapatong sa upuan sa likod.
"Ano ‘yung mga ‘yon?"
"Food, drinks."
"Pagkain? Para kanino?"
"Malamang para sa 'tin."
"Malayo ba ‘yung pupuntahan natin? Saan ba ‘yon? ‘Tsaka bakit may dala ka pang gitara? Marunong kang tumugtog?" Tumango siya. "Alam mo si Blake marunong din. Marunong nga rin siyang tumugtog ng piano.” Wala sa sariling sabi ko. Si Blake kasi ang unang taong pumasok sa isip ko nang mapag-usapan namin ang pagtugtog.
“Blake? Sinong Blake?”
“Wala. Huwag na nating pag-usapan. Bakit ba nabanggit ko pa siya sa ‘yo?”
“Ex mo? Nagka-boyfriend ka na?”
“Oo. Ikaw rin naman, nagka-girlfriend na. Nakailan ka na?”
“Four.”
“Kita mo na. Mga Pinay o ibang lahi?”
“May naging girlfriend ako na Korean, French and Australian. Si Samantha lang ‘yung naging girlfriend ko na Filipina. Pero mas gusto pa rin kita. Mas gusto ko pa rin ‘yung Tintin ko.” Tiningnan niya ‘ko at nginitian.
“Sa kalsada ka nga tumingin, huwag sa ‘kin. ‘Tsaka ano’ng pinagsasabi mo d’yan? Anong laban ko sa mga ex mong puro foreigners. Kahit nga doon sa Samantha, wala akong laban. Ang ganda ‘tsaka sexy no’n kahit na mukhang maarte.”
"May laban ka. Kasal na tayo eh," natatawa niyang sagot.
“Loko! Kasal-kasalan lang ‘yung sa ‘tin dati.”
“Pwede naman nating totohanin.”
“Sira! Magmaneho ka na nga lang d’yan. Panay ang tingin mo sa ‘kin eh.”
“Naco-concious ka? Hindi ka kasi nakakasawang titigan.”
“Uy! Parang alam ko na kung saan tayo papunta,” sabi ko nang mapatingin ako sa labas. Napatingin ako sa kanya habang ang lapad ng ngiti ko. “Theo, sa ano ‘to ‘di ba?”
Tumango siya. “Kung saan tayo kinasal noon.”
Sa tabing-ilog niya ‘ko dinala. Ito ‘yung lugar kung saan kami palaging nagpupunta noong mga bata pa kami. Kung saan kami naglaro dati ng kasal-kasalan. Kung saan siya nangako na babalik at kung saan nakatayo ‘yung puno na nakaukit ‘yung pangako namin sa isa't isa.
Kitang-kita ko ‘yung saya sa mukha ni Theo. Nakakahawa ‘yung ngiti niya.
"So ito pala ‘yung sinasabi mong lugar? Bakit sinekreto mo pa sa 'kin?"
"Wala lang. Para masorpresa kita. Kailan ka ba huling pumunta rito?"
"Matagal na." Pero kahit matagal na, tandang-tanda ko pa rin ‘yung huling araw na pumunta ako rito sa tabing-ilog.
"Gaano katagal? Kailan nga?"
"Noong araw na umalis ka."
"Mula noon, hindi ka na nagpunta rito?"
"Oo. Masyado kasi akong nalungkot sa pag-alis mo, kaya hindi na ‘ko bumalik pa rito."
Naalala ko ‘yung araw na ‘yon. Kahit na ang dami nang taon ang dumaan, parang kalian lang nang mangyari ‘yon.
10 years ago.
Ngayon na ‘yung araw ng alis nina Junjun. Iiwan na niya ‘ko. Aalis na ‘yung kaibigan ko. Sabi niya pumunta raw ako sa bahay nila, dahil gusto raw niya ‘ko makita bago siya umalis. Kaso ayokong pumunta, kasi iiyak lang ako. Dito na lang ako sa may tabing-ilog. Umiyak man ako, walang makakakita sa ‘kin.
"Tintin!" Narinig kong sigaw niya. Nandito siya! Pinunasan ko kaagad ‘yung mga luha ko. Baka makita niya. "Ano’ng ginagawa mo rito? Kanina pa kita hinihintay sa bahay namin. Buti na lang pinayagan ako ni mommy umalis at pumunta rito."
"Ha? Ano kasi, nakalimutan ko. Ngayon pala ‘yung alis mo?"
"Nakalimutan mo? Nakakatampo ka naman. Teka, umiiyak ka ba?"
"H-hindi ah!" Mabilis akong umiwas ng tingin sa kanya.
"Umiiyak ka eh. Namumula kaya mata mo, ‘tsaka basa ‘yung pisngi mo."
"H-hindi! Napuwing lang ako!" Pinikit-pikit ko pa ‘yung mga mata ko na kunwari napuwing nga.
May upuan na ginawa si Itay na nilagay niya sa ilalim ng malaking puno. Dito ako nakaupo ngayon, tapos tumabi si Junjun sa 'kin.
"Huwag ka na umiyak.” Pinunasan niya ‘yung pisngi ko. “Babalikan kita. Pangako babalik ako Tintin."
"Talaga Junjun?"
"Oo! Pangako ‘yon! Basta mangako ka na hihintayin mo ako."
"Oo, maghihintay ako. Pangako." Itinaas ko pa ‘yung kanang kamay ko.
Tumayo siya, at kumuha ng matulis na bato at may iniukit siya sa may puno.
"Ano ‘yang ginagawa mo?" tanong ko sa kanya.
"Katibayan ng pangako natin sa isa't isa."
Medyo natagalan nga siya sa ginagawa niya. Nang matapos siya, isang hugis puso na may nakasulat sa gitna na Junjun loves Tintin ang nakita kong nakaukit sa puno.
"Bakit ka nangingiti d’yan Cristina?"
"Wala naalala ko lang ‘yung kalokohan natin dati. May pasumpa-sumpa pa tayong dalawa."
"Para sa 'kin hindi kalokohan ‘yon. Halika tingnan natin kung nandoon pa." Hinawakan niya ‘ko sa kamay at hinila patakbo sa may puno. "Tingnan mo, nandito pa rin!" Hinawakan ko ‘yung nakaukit na mga pangalan namin sa puno. Nakakatuwa na kahit na matagal na’y mababasa pa rin ito. “Buti na lang nandito pa rin ‘yung puno.”
"Pero wala na rito ‘yung upuan na ginawa ng Itay." Wala tuloy kaming maupuan.
"Wait!" Tumakbo siya pabalik doon sa kotse, at pagbalik niya, bitbit na niya ‘yung supot ng pagkain, ‘yung gitara niya at isang blanket. "Pakihawak muna 'to." Inabot niya sa ‘kin ‘yung supot. Isinandal naman niya 'yung gitara sa may puno at pagkatapos inilatag niya ‘yung blanket sa ilalim ng puno para meron kaming lilim. "Upo ka na," sabi niya at inalalayan pa niya ‘ko at pagkatapos ay naupo rin siya.
"Prepared ka ha."
"Syempre! Gutom ka na ba?"
"Medyo. Ano bang dinala mong pagkain?"
Nilabas niya ‘yung mga pagkain na nakalagay sa mga food containers. "Pinaluto ko ‘yan sa resort kanina. May mga fresh fruits din dito."
Kumain kami habang nagkwekwentuhan. Hindi maubos-ubos ‘yung pwede namin pag-usapan. Mga nangyari noong nakaraan. Mga nangyari sa kanya sa Australia at sa 'kin dito sa Pilipinas. Nagtanong siya tungkol kay Blake. Nagkwento ako, pero hindi lahat. May mga bagay kasi na ayoko na pag-usapan. Ayokong malungkot sa harapan niya.
“Ako, hindi kita sasaktan,” sabi niya habang nakatitig sa ‘kin at nakahiga kaming pareho at magkaharap.
“Huwag kang ganyan Theo. Huwag mo ‘ko paiyakin.” Kainis ‘to! Bakit kasi nagpakwento pa siya sa ‘kin?
“Gusto ko lang malaman mo para hindi ka matakot na magmahal uli.”
“Ayoko na muna. Pagod pa ‘yung puso ko.”
“Hayaan mo, tutulungan kita na ibalik ‘yung sigla niyan.”
“Paano? Bibigyan mo ‘ko ng Vitamins?” biro ko sa kanya.
“Palagi kitang pasasayahin hanggang sa puro saya na lang ‘yung mararamdaman ng puso mo. Makakalimutan mo na minsan sa buhay mo, nasaktan ka.”
"Ang seryoso mo naman! Tugtugan mo na lang ako ng gitara mo."
"Sige, tutugtog ako tapos ikaw ang kakanta." Bumangon siya at naupo at saka niya kinuha ‘yung gitara na nakasandal sa puno.
"Ayoko nga. Hindi naman ako kumakanta ‘tsaka wala akong masyadong alam na mga kanta," sabi ko habang umaayos na rin ako ng upo.
"Alam mo ba ‘yung kantang tabing-ilog?"
"Oo."
"Yon naman pala. Sige na tutugtog ako, tapos kumanta ka."
"Ayoko nga…"
"Dali na..."
Nagsimula na siyang tumipa sa gitara. Hindi ako kumanta kaya siya ang nauna. Pinanood ko lang siya habang naggigitara siya at kumakanta. Ngayon ko lang nalaman na maganda pala ang boses niya. Pagdating sa chorus, sinabayan ko na siya hanggang sa matapos namin ‘yung kanta.
♫♫♫
Ngiting kasama ng hangin
Luhang daloy ng tubig
Sa ilog na 'di naglilihim
♫♫♫
Ang saya lang. Nagkalayo man kami nang matagal, ang dami mang nagbago sa 'min, pero siya pa rin ‘yung Junjun na kababata ko. Masaya ako sa tuwing kasama ko siya at napapagaan niya ‘yung loob ko.