KABANATA 14
TINA
“Ano na naman ‘tong pakulo mo Theo?” Noong isang araw sa tabing-ilog niya ako dinala at ngayon may panibagong sorpresa na naman siya. May pa-blindfold pa siyang nalalaman. Noong dinala raw niya kasi ako sa may tabing-ilog nalaman ko raw agad habang papunta kami, kaya ngayon nilagyan niya ‘ko ng blindfold para wala akong ideya kung saan kami papunta.
“Oops! May hagdan sa harapan mo. Two steps.” Hawak niya ang isang kamay ko habang ‘yung isa ikinakapa ko sa hangin. Nakaakbay rin siya sa ‘kin para mas maalalayan niya ‘ko. Humakbang ako ng dalawang beses, tulad ng sabi niya. “Okay, diretso lang. Medyo maraming hakbang ‘to.”
“Nasaan ba talaga tayo?”
“Stop! Liko sa kanan.” Dahan-dahan akong pumihit pa-kanan. Habang kumakapa ako sa hangin may nahawakan akong matigas. “Nasa may hagdan tayo. Mas mataas ‘to. Twelve steps.”
“Ang taas naman. Baka mahulog ako ha!”
“Hindi. Hahayaan ba naman kitang mahulog. Pero kung sa akin ka mahuhulog syempre hahayaan lang kita.”
“Mga banat mo talaga!” Narinig ko siyang tumawa.
“Dali na, hakbang na.”
“Okay! Ito na. Huwag kang magmadali.” Sobrang bagal nang pag-akyat naming sa hagdan sa sobrang takot ko. Kahit nakaalalay siya sa ‘kin, kinakabahan pa rin ako kasi wala akong nakikita.
“Last step.”
“Sa wakas!”
“Ilang hakbang pa, malapit na tayo.”
“Mabuti naman dahil gusto ko nang alisin ‘tong blindfold ko.”
Narinig kong may binuksan siyang pintuan. Medyo lumangitngit ito. “We’re here. I’m taking off your blindfold na.”
“Okay,” sabi ko at tumango pa ako.
Dahan-dahang naalis sa mga mata ko ‘yung blindfold at medyo nasilaw pa ako sa liwanag na nagmumula sa bintanang walang kurtina kaya bahagya akong napatakip ng mata. Nang medyo naka-adjust na ang mga mata ko, nakita ko na nasa loob kami ng isang kwarto. Inikot ko ‘yung mga mata ko sa buong paligad at napanganga ako. Kahit mahigit sampung taon na ang nakakalipas parang walang nagbago. “Kwarto mo ‘to ‘di ba?!”
Tumango siya. “Walang pinagbago ‘no? Hindi pinabayaan ni Mang Simion at ng asawa niya ‘tong bahay namin.”
“Totoo.” Napatingin ako sa malaking cabinet.
“Tanda mo ‘yan? D’yan ka palaging nagtatago sa tuwing maglalaro tayo ng taguan. Hindi ka nagpapalit ng hiding place mo kaya palagi kitang nahahanap agad,” nakangiti niyang sabi.
“Ayoko kasing magtago sa ibang kwarto, dahil baka mapagalitan ako ng mommy mo. Ayoko rin sa kusina kasi baka makabasag pa ‘ko. Lalo namang ayoko sa sala, eh ‘di mas madali mo ‘kong nakita. At least d’yan sa cabinet, kahit alam mo nang nandyan ako, napagod ka namang pumanik. Tuwing bubuksan mo nga ‘yang pintuan, mukha mo na hingal na hingal ang palagi kong nakikita," natatawang sabi ko sa kanya. Mabilis kasi siyang mapagod at hingalin noong bata pa kami kasi nga mataba siya.
“Palusot!”
“Totoo! ‘Yon talaga ang rason!”
“May ipapakita pa pala ‘ko sa ‘yo.” May kinuha siyang wooden box na nakapatong sa maliit na mesa sa loob ng kwarto niya, at ako naman naupo sa paanan ng kama.
“Yan ‘yung treasure chest mo noon ‘di ba na puro holen naman ang laman kaya ang bigat-bigat.”
“Hindi na holen ang laman nito.”
“Ano?”
“Buksan mo,” at inabot niya sa ‘kin ‘yung box at tumabi siya ng upo sa ‘kin.
“Oh my God! Bakit puro pictures natin ang laman nito? Hala! Nandito pa ‘to?! Diyos ko nakakahiya.” ‘Yung letter ko kasi sa kanya noon, nasa box din. May mga drawing pa 'yon na bulaklak at mga puso. “Ang pangit ng sulat ko! Ano ba ‘yan?!"
“Kayamanan ko kaya ‘yan. Kapag malungkot ako, lagi kong tinitingnan ‘yan. Alam mo bang gustong-gusto kitang sulatan, kaso hindi ko alam ‘yung address n’yo. Hindi rin alam nina Mommy. Sinubukan kitang hanapin online, kaso hindi kita nahanap. Sa f*******:, Twitter, i********: at kung saan-saan pa, pero wala talaga.”
“Wala naman kasi akong gano’n. ‘Tsaka alam mo naman sa baranggay namin, walang computer shop doon. ‘Tsaka bakit mo pa ‘ko hahanapin, mukhang nag-enjoy ka naman do’n.”
“Hindi rin. Noong bago pa lang kami do’n, na-bully ako. Umabot sa point na ayoko nang pumasok sa school. Nawalan ako ng gana sa buhay. Nawalan ako ng gana kumain. Dahil sa mga nam-bully sa ‘kin, nangayayat ako. Mula noon, natuto na ‘kong mag-exercise para ma-maintain ko ‘yung bagong timbang ko. Mula no’n, natigil ‘yung mga pambu-bully sa ‘kin. Masaya, kasi dumami ‘yung mga kaibigan ko, pero iba ka sa kanila, kasi kahit mataba ako, kinaibigan mo ‘ko. Hindi mo ‘ko hinusgahan dahil sa panlabas kong anyo. Mas nakita mo ‘yung mabuti kong puso.”
“Mabait ka naman kasi talaga at ‘yon ang una kong nakita sa ‘yo. Tanda ko pa ‘yung unang beses nating magkita. Naglalaro ako mag-isa d’yan sa labas ng bahay n’yo. Takbo ako nang takbo tapos nadapa ako. Iyak ako nang iyak kasi dumudugo ‘yung tuhod ko tapos nilapitan mo ako, pinatahan ‘tsaka mo ‘ko isinampa d’yan sa likod mo, tapos dinala mo ‘ko kay Inay na abalang naglalaba kaya hindi alam ‘yung nangyari sa ‘kin.”
“Sa totoo lang, naingayan lang ako sa ‘yo at naistorbo mo ‘yung pag-aaral ko kaya kita nilapitan.”
“Weh! ‘Di nga?!”
Natawa siya. “Syempre joke lang. Ilang linggo na rin kitang pinagmamasdan mula sa bintana ng kwarto ko. Ayokong lumapit, kasi nahihiya ako. Nakatanaw ako sa ‘yo, kaya nakita ko ‘yung pagkadapa mo. Kaya nagmamadali akong bumaba ng hagdan.”
Natawa ako nang maalala ko 'yung itsura niya noon. “Kaya pala hinihingal ka nang lapitan mo ‘ko.”
“Kita mo naman ‘yung taas ng hagdan namin ‘di ba? Nakakahingal talaga.”
“Buti nabuhat mo pa ‘ko no’n.”
“Kahit mas matangkad ka sa ‘kin noon, magaan ka lang naman. Kayang-kaya kita.”
“Ang dami nating memories sa bahay na ‘to. Alam mo bang gustong-gusto kong sumasama kay Inay kapag naglalaba siya rito sa inyo kasi may kalaro na ‘ko may masarap pang meryenda. Dito ako sa inyo unang nakatikim ng Carbonara.”
“Na ang tawag mo no’n, spaghetting puti.”
“Oo! Tapos favourite ko ‘yung donut na niluluto ng Mommy mo. Iba’t iba kasi ‘yung toppings. ‘Yung nabibili kasi namin sa panaderya, ‘yung may budbod lang ng asukal tapos sobrang mamantika pa at kapag inabot ng kinabukasan, pwede na pamukol sa tigas.”
“Masarap naman ‘yon ah. Favorite ko nga ‘yung Spanish Bread nila. Parang wala na ‘yung panaderya na ‘yon. Hindi ko nakita nang magpunta ako sa inyo.”
“Wala na. Nalugi ‘yon kasi nalulong sa sugal si Mang Toto. Pinarentahan na lang nila sa iba ‘yung pwesto nila. Bilihan na ng auto supplies ‘yon ngayon.”
“Sayang.”
“Sayang talaga. Mahirap talaga kapag nagkabisyo nang hindi maganda. Ay maiba ako, ‘di ba sabi kanina may gagawin tayo rito at kailangan mo ng tulong ko.”
“Ah, ‘yon? Gusto ko lang hingin ‘yung opinion mo tungkol dito sa bahay. Gusto ko kasi ipa-renovate ‘to.”
“Bakit? Marami na bang sira? Akala ko ba naalagaan ni Mang Simion ‘to mabuti?”
“Ayos pa naman kaso wala na sa uso ‘yung style nitong bahay.”
“Maganda nga ‘yon. Wala kang dapat baguhin. Siguro bawiin mo na lang sa mga gamit o kaya pinturahan. Nababakbak na rin kasi ‘yung pintura dito sa kwarto mo at malamang ganon din sa ibang parte nitong bahay.”
“Tulungan mo ‘ko magpintura?”
“Oo ba. ‘Yon lang? ‘Tsaka para may magawa naman ako para sa ‘yo. Swesweldo na ‘ko pero parang wala pa ‘kong masyadong ginawa maliban sa kumain at magpakabusog palagi kasama mo. Parang hindi ako nagtratrabaho.”
“Mamaya marami akong iuutos sa ‘yo. Maraming kukumpunihin dito. Paakyatin din kita sa bubong.”
“Hindi naman ako karpintero, electrician o tubero. Hinay-hinay naman sa utos,” reklamo ko.
Pinisil niya ‘ko sa pisngi. “Hindi na mabiro! Dito lang sa kwarto ko, ako magpapatulong sa ‘yo. Sa ibang kwarto ‘tsaka sa ibaba, bahala na si Mang Simion.”
“Bakit ‘di mo pa idinamay ‘tong kwarto mo, ipapaayos mo rin naman pala kay Mang Simion ‘yung iba?”
Umakbay siya sa ‘kin.“Gusto ko ikaw ‘yung kasama ko kapag binigyan ko na nang bagong ayos ‘tong kwarto ko. ‘Yung unang memory dito sa kwarto ko, gusto ko, ikaw ‘yung kasama ko, ‘tsaka sa mga susunod pa. Dagdagan natin ‘yung memories na ilalagay ko d’yan sa treasure box ko.”
Ipinaling ko ‘yung mukha ko paharap sa kanya. “Alam mo, ang dami mong pakulo.”
Pinagdikit naman niya ang mga noo namin na medyo ikinagulat ko. "Para sa 'yo.”
Ang lapit ng mga mukha namin sa isa’t isa kaya halos maduling na ‘ko. Mabilis kong inilayo ko 'yung mukha ko pero nakatitig naman siya sa mga mata ko. Pagkatapos unti-unti niyang nilapit ‘yung labi niya sa labi ko kaya napatayo ako bago pa magtama ang mga ‘to. “T-tara na. Bumili na tayo ng pintura,” sabi ko habang ‘di ako makatingin nang ayos sa kanya.
Ngumiti siya, tumayo at hinawakan ako sa kamay. “Tara..."