KABANATA 30
TINA
“Sa ex mo ‘yan?” tanong ni Theo pagkaparada niya ng kotse sa likod ng kulay itim na kotse na nakaparada sa harapan ng bahay namin.
“Hindi ako sigurdo pero, baka?” Hindi ako sigurado dahil hindi naman ito ang kotse na dala ni Blake noong nakaraang linggo. Pero baka nga sa kanya dahil wala naman akong ibang nakitang nakaparadang sasakyan kundi ito lang.
“Baka? Bakit? Marami ba siyang kotse? Ang yaman ah. Papalit-palit? At mukhang bago lang ‘yan dahil kalalabas lang ng ganyang model.” Wala akong alam sa mga sasakyan. Eh kahit nga tricycle, wala kami. Pero sina Blake, marami talaga silang sasakyan kaya hindi na ako magtataka kung may bago siyang kotse dahil kayang-kaya naman siyang bilhan ng mga magulang niya. Tatlo nga lang sila sa pamilya at hindi naman palaalis ng bahay si Tita Lorie pero may limang sasakyan sila sa bahay. At hindi na kasama doon ‘yung kotse na minamaneho ni Blake noong maaksidente siya na hindi na nila pinaayos dahil malaki na ang naging damage at kung magawa man ayaw na nilang gamitin dahil malas na raw dahil nga naaksidente na ito. “Kasing gwapo ba niya ‘yung kotse niya?”
“Ayokong sa ‘kin manggaling.”
“Kahit wala kang sabihin. Kita d’yan sa mukha mo ‘yung sagot.” Nilamukos ni Theo ang mukha ko gamit ang palad niya. Walanghiya! Ginawa akong papel!
“Theo!” Inilayo ko ‘yung mukha ko sa kamay niya at pinaningkitan ko siya ng mata.
“Mapupunit na kasi ‘yang mukha mo sa sobrang ngiti! Nakakainis!” Hindi ko naman pansin na kusa nang tumataas ang magkabilang gilid ng labi ko sa pag-iisip pa lang kay Blake.
“Gusto mo ba siyang makilala? Kung ayaw mo, okay lang naman na hindi. Sa ibang araw na lang?” Syempre, kaka-reject ko lang sa kanya kanina. Ayoko naman na lalong madagdagan ang sama ng loob niya kapag makita niya kami ni Blake na magkasama. Gustuhin ko man na maging magkaibigan din sila pero ayoko naman na pilitin si Theo na gawin ang isang bagay na ayaw niya.
“Ayos lang. I wanna see the guy that you chose over me. Baka naman lamang lang sa ‘kin ng isang paligo. Maliligo na lang uli ako, para ako na ‘yung piliin mo.” Pabiro niya itong sinabi at nakangiti rin siya pero nababasa ko pa rin sa mga mata niya ang totoong saloobin niya.
“Huwag na lang. Hindi na lang,” umiiling kong sabi.
“Hindi… Bababa ako…. Huwag mo na ‘kong pigilan. Tara na.”
Binuksan na niya ‘yung pintuan ng kotse. Pababa na siya nang hawakan ko siya sa kamay kaya napalingon siya sa ‘kin. “Sigurado ka?”
“Cristina, wala akong gagawing masama sa lalaking ‘yon. Relax. Iuumpog ko lang naman siya rito sa muscles ko.” Pabiro na naman niyang sabi. Itinaas pa niya ‘yung kaliwa niyang braso at ipinakita sa ‘kin ‘yung bicep niya. “Mahihilo siya rito.”
“Puro ka kalokohan.”
“Wagas ka kung makangiti kanina pero ngayon problemadong-problemado ‘yang mukha mo. Ngumiti ka na nga lang uli. Mas gusto ko ‘yon.” Bumitaw siya sa pagkakahawak ko at hinaplos niya ‘ko sa pisngi. “Smile,” nakangiting sabi niya kaya ngumiti na rin ako. Parang rollercoaster ang emosyon na nararamdaman ko nang dahil dito kay Theo.
Bumaba na siya ng sasakyan at sinabayan ko na siya. Hindi ko na hinintay na pagbuksan pa niya ‘ko ng pintuan. “Excited?” tanong niya nang makarating na siya sa tabi ko. “Ganyan ka pala ‘pag in love ‘no?” Inakbayan niya ‘ko. “Kakaselos. Hindi ka nagka-ganyan sa ‘kin.”
“Excited din naman akong makita ka, pero mga babaeng sexy at ipinasalubong mo sa ‘kin.” Ipinaalala ko sa kanya ‘yung mga babaeng kasama niya kagabi na hindi ko alam kung saan niya nakilala o kung matagal na ba niyang kilala.
“Sh*t!” Napabitaw siya ng akbay sa ‘kin at napahawak siya sa bibig niya.
“Bakit?!” Nakakagulat naman kasi siya. Para siyang may naalalang importanteng bagay na magbibigay nang malaking problema sa kanya. May pananagutan ba siya sa mga babaeng kasama niya kahapon?
“‘Yung pasalubong ko sa inyo, nakalimutan ko.” Pasalubong lang naman pala. Akala ko kung ano na! “Kunin ko kaya ngayon?” Nailabas na niya ‘yung susi ng kotse na kalalagay lang niya sa bulsa niya kanina.
“Hindi na. Bukas mo na lang ibigay. Mabubulok ba ‘yon? Mapapanis?”
“Hindi naman.”
“Hindi naman pala, kaya bukas na lang.” Hinawakan ko na siya sa braso at hinila papasok ng bakuran namin. Naglalakad na kami nang may tumalong malaking palaka malapit sa may paanan ko kaya napakapit ako sa leeg niya at mabilis kong inangat ang mga paa ko at madali naman niya ‘kong nasapo sa may binti ko. “May palaka! Theo may palaka!” sigaw ko habang nakatitig sa malaki at matabang palaka na huminto pa talaga sa tapat namin. May balak pa atang makipagtitigan sa ‘kin! Kinikilabutan ako habang nakatingin sa palaka na maitim ang kulay at magaspang ang balat.
“Takot ka pa rin sa palaka?” natatawa niyang tanong.
“Hindi pa ba obvious? Ilayo mo na ‘ko rito! Bilisan mo!” sigaw ko pero itong si Theo naisipan pa na pag-trip-an ako. Imbis na bilisan niya ang paglalakad ay binagalan pa at nang malapit na kami sa palaka ay akma pang ibaba ako. “Theo! Waaah! Ano ba?! Ayoko na rito! Pasok na tayo!” Tawa siya nang tawa habang ako naman halos masakal ko na siya sa pagkakakapit ko at naisubsob ko na ‘yung mukha ko sa leeg niya.
“Tina?” Napahinto ako sa pagsigaw ko at napatingin ako paharap sa may pintuan kung saan nakatayo si Blake.
“B-Blake. May palaka.” Itinuro ko pa ‘yung palaka sa kanya.
“Hi!” Umayos na ng lakad si Theo at naglakad siya palapit kay Blake. Nang nasa tapat na kami ni Blake at malayo na sa palaka, ibinaba na ako ni Theo. “I’m Theo. Best friend ni Cristina.” Inabot ni Theo ang kamay niya kay Blake.
“Blake.” Matipid na sagot ni Blake sabay hawak sa kamay ni Theo. Seryoso ang mukha niya. Dumidilim ang aura niya habang si Theo naman todo ngiti pero parang may ibig sabihin ang tingin ng mga mata.
Hinawakan ko ang mga braso nila at saka lang sila nagbitaw. “T-tara na sa loob. Pasok na tayo. Inay! Itay! Nandito na po kami.” Sabay ko silang hinila papasok. Mahirap na. Baka kapag nauna ako sa kanila at maiwan sila sa may likuran ko ay magsabong silang dalawa.
“Tina… Shhh… Natutulog ang Itay mo,” sabi ni Inay na nasa may kusina. Nakatapat pa ang hintuturo niya sa tapat ng labi niya upang patahimikin ako.
“Pasensya na po Inay.”
“Ayos lang anak. Kumain na ba kayo ni Theo? Magluluto pa lang ako ng tanghalian. Tinutulungan nga ako nitong si Blake. Sabi ko nga huwag na, pero mapilit.”
“Kumain na po. Ano naman pong itinulong ni Blake sa inyo?” nakangiti kong tanong habang nakatingin kay Blake.
“Naghiwa lang naman ako ng gulay,” sagot ni Blake.
“Nay Amelia, may kailangan pa po bang gawin? Tulungan ko rin po kayo.” Hindi pa sumasagot si Inay nagpunta na agad sa kusina si Theo.
“Marunong ka bang magsaing Theo?” tanong ni Inay.
“Sa rice cooker po.”
“Wala kami no’n. Tuturuan kita magsaing sa kaldero.”
Habang nagtuturuan sina Inay at Theo sa kusina, naiwan kami ni Blake sa may sala. Si Blake nakatingin pa kina Inay at magkasalubong pa rin ang mga kilay.
“Ang aga-aga ang init ng ulo.” Inilagay ko ‘yung hintuturo ko sa gitna ng mga kilay niya kaya napatingin siya sa ‘kin.
“Best friend mo lang ba talaga siya?”
“Oo. Best friend lang. Bakit nagseselos ka?”
“I know wala pa ‘kong karapatan pero Tina… I can’t help it. Magdamag kayong magkasama tapos makikita ko kayong sobrang lapit sa isa’t isa. Hindi ko alam kung paano dapat mag-react.”
“Wala namang dahilan para magkaganyan ka. Magkaibigan lang kami.”
“Blake!” Napalingon kami kay Theo. “Yung mga gulay hinihintay ka.” Ang lapad na naman ng ngiti ni Theo. Hindi ko alam kung totoo ba ‘yung ngiti niya o binibwisit niya lalo si Blake. Napahawak na lang ako sa ulo ko.
“Tutuloy ko lang ‘yung ginagawa ko kanina,” paalam ni Blake at tumango naman ako bago dumeretso sa kwarto ko para kumuha ng mga damit at tuwalya upang makaligo.
***
“Ang bango na natin ah. Buti ka pa nakaligo na, samantalang ako amoy alak pa,” sabi ni Theo pagkalabas ko ng banyo. Malapit lang kasi sa kusina ang banyo namin. Napatingin ako sa kanya na nakaupo na mahaba naming bangkito sa kusina. Sa dulo siya nakaupo habang sa kabilang dulo naman si Blake. Sa itsura nila parang ayaw nilang magdikit. Ang Inay wala sa kusina. Nasa kwarto siguro nila ni Itay.
Napatingin sa ‘kin si Blake at naibaba niya ang binabalatan niyang patatas at hawak na kutsilyo. “Uminom kayo?”
“Hindi,” sagot ko agad sabay tingin sa kanya. “Siya lang ‘tsaka ‘yung mga friends niya.”
“Marami kayo?”
“Hindi naman pero nang magsialis na sila, kaming dalawa na lang ang naiwan,” sagot ni Theo na nagpuputol ng mga dulo ng Baguio beans na isasama sa Pochero na lulutuin ni Inay.
Nakita ko ang pagbuntong-hininga ni Blake. Dinampot niya uli ang kutsilyo at patatas at sinimulang balatan itong muli. Sa kunot niyang noo, alam kong naiinis siya sa sinabi ni Theo pero dahil alam niyang wala pa siyang karapatan na kuwestyonin ako at pigilan sa mga ginagawa ko, tumahimik na lang siya.
“Cristina, patulong naman ako rito. Ang dami.” Naupo ako sa pagitan nilang dalawa at tinulungan ko si Theo sa ginagawa niya. Hindi pa nagtatagal, napamura naman si Blake sa tabi ko. Paglingon ko sa kanya, dumudugo na ‘yung isang daliri niya.
“Ano’ng nangyari?!”
“Dumaplis ‘yung kutsilyo. Bagong hasa pa naman ‘to.”
“Maghugas ka muna ng kamay,” utos ko sa kanya at tumayo ako para kumuha ng first aid kit. Pagbalik ko tapos na siyang maghugas ng kamay at nakaupo na uli siya sa dulo ng bangkito. Umupo uli ako sa pagitan nilang dalawa pero kay Blake ako humarap. Inilapag ko muna sa lamesa ang first aid kit at kinuha ko ang kamay niyang may sugat. “Bakit hindi ka nag-ingat? Sanay ka ba talagang magbalat ng patatas? Dati magpitpit lang ng bawang hindi mo alam eh. Buti maliit lang ‘yung sugat mo.” Kumuha ako ng bulak na nilagyan ko ng alcohol. Napaaray si Blake nang dampian ko na ‘yung sugat niya.
“Ang layo sa bituka,” narinig kong bulong ni Theo pero hindi ko na lang pinansin. Mga hirit talaga niya. Buti na lang, hindi pintulan ni Blake na diretso lang nakatingin sa ‘kin at nakangiti.
“I remember that day. Galit na galit ka sa ‘kin kasi nilagyan ko ng maraming asin ‘yung itlog. Pinabalik mo ‘ko sa kama ko pero inasar pa rin kita.”
“Naalala mo?”
Tumango siya. “Hindi na po. Eto na po. Paalis na po. Tabi-tabi po.”
“Oh my! Naalala mo nga!”
“Ouch!”
“Sorry…” Napadiin kasi ‘yung pagkakadampi ko ng bulak sa sugat niya.
Natawa na lang siya. “That’s enough. May band-aid ka ba?”
“Meron.” Kinuha ko ‘yung kit at hinanap ‘yung box ng band-aid. Bagong bili ko lang ito kaya marami pang laman.
“Ako rin Cristina pahingi,” sabi ni Theo habang kinakalbit ako sa balikat.
Napalingon ako kay Theo. “May sugat ka rin?”
“Meron, pero hindi kita.” Alam ko kung ano’ng ibig niyang sabihin. Habang na kay Blake ang atensyon ko, pakiramdam siguro ni Theo, nababaliwa siya. Nakakaramdam din siguro siya ng selos. Hindi naman niya basta-basta na lang makakalimutan ‘yung pagtingin niya para sa ‘kin. Hindi rin naman siya manhid para hindi masaktan sa mga nakikita at naririnig niya. Hay… Ano bang gagawin ko sa kanilang dalawa?