KABANATA 31

1889 Words
KABANATA 31 TINA Hindi ko alam kung ano'ng isasagot ko sa sinabi niya. Kung sasakyan ko ba at bibigyan siya ng band-aid o deadma na lang. Nailang na rin ako na lagyan ng band-aid ang sugat ni Blake dahil baka mabaliwala ko na naman si Theo. Mabuti na lang at lumabas na si Inay ng kwarto at pinuntahan kami sa kusina. "Napano ka Blake?" tanong ni Inay. Nilingon ni Blake si Inay. "Wala po 'to. Maliit na sugat lang po." "Cristina. 'Yung band-aid ko," pangungulit pa rin ni Theo sa akin habang kinakalbit ako kaya binigyan ko sa siya nang dalawang band-aid para matahimik. Si Blake naman inabutan ko ng isa. "Ikaw na maglagay. May kukunin lang ako sa kwarto," sabi ko kahit wala naman talaga akong kukunin. Gusto ko lang maging patas sa kanilang dalawa ni Theo 'tsaka malaki na naman siya. Kaya na niyang maglagay ng band-aid mag-isa. "Ikaw na lang..." may paglalambing na sabi ni Blake at inilapit pa niya sa 'kin 'yung daliri niya. Kinalbit na naman ako ni Theo sa balikat kaya napalingon ako. "Cristina, kulang pa ata. Kailangan ko pa nang tatlo." Diyos ko. Maloloka ako sa dalawang 'to! "May sugat ka rin Theo? Napano ka?" "Opo 'Nay Amelia. Si Cristina po kasi." "Hoy Junjun! Anong ako?!" Pinandilatan ko siya ng mata! Hindi ko alam kung bakit sa harapan pa talaga ni Blake at Inay siya gumaganito. Malinaw naman ang usapan namin kanina. Nagbago na ba ang isip niya o inaasar niya lang ako? "Totoo naman..." "Manahimik ka d'yan ah." Binuksan ko 'yung isang band-aid at itinapal ko sa labi niya. "Okay na? Kung hindi pa, lalagyan ko pa ng isa." Tinanggal ni Theo 'yung band-aid. "Kita n'yo po 'Nay. Inaapi ako ni Cristina." Ngumuso pa siya! Akala mo aping-api! "Naku po, kayo talagang dalawa. Para kayong aso't pusa pero hindi naman mapaghiwalay. Maliliit pa lang kayo, ganyan na kayo. Mag-aaway sa umaga pero magbabati rin sa hapon," natatawang sabi ni Inay. "Tina..." Napatingin ako kay Blake. Dahil kay Theo nakalimutan ko na 'yung sugat niya. Mas nauna ko pang tapalan ng band-aid si Theo kaysa sa kanya na may sugat talaga. "Sorry... Akin na. Lagyan ko na." Habang nilalagyan ko ng band-aid 'yung sugat ni Blake narinig kong bumulong si Theo. "Pabebe..." "Thanks babe..." sabi ni Blake pagkatapos kong lagyan ng band-aid 'yung sugat niya. Mula sa daliri niya napaangat ang tingin ko sa kanya dahil sa pagtawag niya sa 'kin ng babe. "Thanks," sabi niya uli nang nakangiti. Hindi ko alam kung nawala lang sa isip niya kaya tinawag niya akong babe at hindi Tina o gusto lang niyang iparinig kay Theo kung ano'ng tawagan namin noon. Binabakuran ba niya 'ko?! Masisiraan talaga ako ng ulo sa kanilang dalawa. Pasimple sila kung magpaligsahan sa pagkuha ng atensyon ko. "Tina. Tanggalin mo na 'yang tuwalya sa ulo mo. Huwag mong kulubin at baka sumakit ang ulo mo," sabi ng Inay. Nawala sa isip ko nang dahil sa dalawang lalaking nasa magkabilang gilid ko. Mabuti na lang at napansin ni Inay. May dahilan na para makaiwas ako rito sa dalawa kahit panandalian lang. "Opo 'Nay. Punta muna ako sa kwarto." Tumayo na ako at iniwan silang tatlo sa kusina. Pagkapasok ko sa kwarto umupo ako sa kama at para akong naginhawaan kahit papano. Ang hirap maipit sa pagitan nina Blake at Theo. Hindi ko alam kung paano kikilos. Tinanggal ko na ang tuwalya na nakabalot sa ulo ko at inilagay ito sa hanger bago ko isinabit sa likuran ng pintuan. Pagkatapos, naglakad ako papunta sa maliit kong tokador na may salamin. Naupo ako sa maliit na upuan sa harap nito at kinuha ko ang suklay. Pagkatapos kong magsuklay, kinuha ko naman 'yung lotion na bigay sa akin ni Mia. Malaking bote ng lotion ito kaya marami pa ang laman. Bigla ko tuloy siyang na-miss. Medyo matagal na rin kaming hindi nakakapag-usap. Nawawala kasi sa isip ko na hingin kay Blake 'yung number niya. Sa ganitong panahon na may problema ako sa lovelife, na-miss ko 'yung mga payo at panenermon niya sa akin. Naikwento na kaya ni Blake sa kanya na nililigawan niya uli ako? Kung oo, nai-imagine ko na si Mia na kilig na kilig. Kahit naman galit siya kay Blake noon, alam kong gusto pa rin niya na magkabalikan kami. Pagkatapos kong maglagay ng lotion sa mga legs at braso ko, lumabas na ako ng kwarto dala ang cellphone ko. Nakita ko sina Blake at Theo na nasa sala na. Siguro pinaalis na sila ni Inay sa kusina dahil magluluto na 'to. "Blake, ano nga palang number ni Mia? Send mo nga sa 'kin," sabi ko at naupo ako sa tabi niya. Nakaupo kasi siya sa mahabang upuan na pantatluhan habang si Theo nakaupo sa pang-isahan lang. "Wait." Inilabas niya ang cellphone niya mula sa bulsa at hinanap sa contacts niya ang number ni Mia. "Bago pala cellphone mo. Ngayon ko lang napansin," puna ni Theo. "I gave it to her. Para kahit malayo ako sa kanya, we can always talk and see each other kahit thru video calls lang," sagot ni Blake. "Ah... Buti na lang, malapit lang ako. Araw-araw kaming nagkikita." Napatingin ako kay Theo at napandilatan ko siya ng mata. Si Blake naman narinig kong bumulong. "Weekends na nga lang ako nandito, istorbo ka pa." Akala ko hindi narinig ni Theo dahil wala siyang sagot pero nang tumayo siya, sinabayan din niya ng pagpaparinig kay Blake. "Bisita rin naman ako rito. Hindi mo naman bahay 'to." Mahina ang boses niya pero sapat pa rin para marinig namin. Akmang tatayo si Blake pero hinawakan ko siya sa braso. "Blake, 'yung number ni Mia, pa-send." Napatingin siya sa 'kin at bumuntong-hininga. Nagulat ako nang hawakan niya ang kamay ko at halikan. Hindi niya binitawan ang kamay ko habang hinahanap niya 'yung number ni Mia sa phone niya. Hindi ko matingnan si Theo. Hindi ko alam kung ano'ng naging reaksyon niya. Mayamaya nakailang pakunwaring ubo si Theo pero hinalikan lang uli ni Blake ang kamay ko at nginitian pa ako. Walang balak tumigil ang dalawang 'to! "Ano 'to? Ngayon ko lang nakita 'to." Sabay kaming napalingon ni Blake kay Theo na nakatayo sa harapan ng 3 layered na estante namin. Akma niyang hahawakan ang isang wooden box na ngayon ko lang din nakita. Nakapatong 'yung box sa gitnang layer ng estante na napapalibutan ng mga collection kong figurines ng mga angels. "Don't touch that!" Napatayo si Blake habang hawak pa rin ang kamay ko. "Oops! Hawak ko na," nakangising sagot ni Theo. Dulo ng hintuturo lang naman ni Theo ang nakahawak sa box. Mapang-asar talaga! "Nagtitimpi lang ako. Huwag mo 'kong subukan," mahina pero may diin na pagkakasabi ni Blake. "Blake, ano ba 'yon? Bakit ganyan ka maka-react?" Tiningnan niya 'ko. "That's our baby's urn." Napahawak ako sa bibig ko. Kaya pala kinuha niya sa 'kin 'yung box na pinaglagyan ko ng mga damit ko ng makunan ako. Ito ang balak niya. Napabitaw ako sa kanya at naglakad ako papunta sa estante. "May baby kayo?" Hindi makapaniwalang tanong ni Theo. Tumango ako habang nangingilid ang luha ko. Nang mahawakan ko na 'yung wooden box, tuluyan nang bumagsak ang luha ko. Bumalik ako sa tabi ni Blake at naupo ako. Ipinatong ko sa ibabaw ng hita ko ang box. "Open it," sabi ni Blake nang maupo siyang muli sa tabi ko. Binuksan ko 'yung box at may nakita akong maliit na urn na hugis baby na natutulog sa loob ng pinagtaklob na angel wings. Nakapatong siya sa maliit na unan. Umiiyak akong hinaplos ang maliit na anghel at ang pakpak nito. Inakbayan naman ako ni Blake kaya napatingin ako sa kanya. "Thank you." Humihikbing sabi ko. Hinawakan naman niya ako sa likod ng ulo at hinalikan niya ako sa noo. Mas lalo akong naiyak dahil ganito siya sa 'kin noon. Sa noo niya ako madalas halikan. Kung nabuhay ang baby namin at hindi siya naaksidente, ang saya siguro namin. "I'm sorry. Cristina, lalabas muna 'ko," sabi ni Theo. Hindi pa ako nakakasagot ay lumabas na siya ng bahay. Sinarado ko na 'yung box at umiyak akong yakap ito habang yakap naman ako ni Blake. Ilang buwan na ang lumipas pero masakit pa rin ang pagkawala ng baby namin. Narinig ako ni Inay kaya lumapit siya sa 'min at hinimas niya ang likuran ko. Mabuti na lang at hindi nagising ang Itay dahil baka akalain na kung ano na ang nangyari sa 'kin. Nang kumalma at nahimasmasan na ako lumabas ako ng bahay at pinuntahan si Theo na nakasakay sa loob ng kotse niya. Pagkasakay ko, tahimik lang kaming pareho pero kalaunan siya rin ang bumasag sa katahimikang ito. "I'm sorry sa inasal ko kanina and I'm sorry for your loss. Ngayon naiintindihan ko na kung bakit hindi ganoon kadali para sa 'yo na bumitaw sa kanya. Wala talaga akong laban," sabi niyang nang hindi tumitingin sa 'kin. Hinawakan ko ang ibabaw ng kamay niya na nakapatong sa hita niya. "Theo, hindi mo naman kailangan makipag-kumpetensya sa kanya. Best friend kita at habangbuhay ka nang parte ng buhay ko." Humarap siya sa 'kin. Hindi pa siya nagsasalita, pero kita ko na sa mga mata niya ang saloobin niya. "Ang hirap maging best friend mo lang. Mahal kita. Nasasaktan ako. Akala ko kaya ko, pero mahirap pala kapag nasa harapan ko na." "I'm sorry." "Mabuti pa siguro na lumayo na muna 'ko." "Theo..." Nangako siya sa 'kin na hindi siya lalayo. Bakit biglang ganito? "Panandalian lang naman. Kailangan ko lang gawin para sa 'yo at sa sarili ko." "Promise? Sandali lang?" Tumango siya. "Sandali lang." Hinawakan niya 'ko sa pisngi at alam kong pinilit niya lang ngumiti. "Ang hirap mo kasing kalimutan. Maghahanap muna 'ko ng girlfriend para maka-move on agad ako." "Huwag! Huwag mong gagawin 'yon." "Ayaw mo 'kong magka-girlfriend?" "Ayokong maghanap ka ng rebound. Mali kasi. Huwag na tayong magdagdag pa ng mga taong masasaktan nang dahil sa mga maling desisyon. Pero gusto ko rin naman na magkaroon ka ng babae na magmamahal at mag-aalaga sa 'yo. Sana lang mangyari 'yon sa panahon na handa ka na. 'Yung kaya mong ibigay 'yung puso mo nang buo sa kanya." Ayokong gawin niya 'yung ginawa ko. Masakit kasi para sa maiiwan. Pero masakit din para sa mang-iiwan lalo na kung mabuting tao ang masasaktan. Ngumiti lang siya at tumango sa akin. Umalis na si Theo at hindi na siya bumalik pa sa loob. Sabihin ko na lang daw kay Inay na may biglaan siyang gagawin sa resort. "Fiesta sa kabilang bayan. May perya sila doon. Bakit hindi mo ipasyal doon si Blake, Tina," sabi ng Inay habang nanananghalian kami. "Mm-masaya do'n..." pagsang-ayon naman ng Itay. Tiningnan ko si Blake sa nasa tabi ko."Gusto mo ba?" "Kahit saan, basta kasama kita, ayos lang." Tumingin siya kina Inay na nasa harapan namin. "Sumama na rin po kayo. May kotse naman ako." sagot ni Blake habang sumasandok ng kanin. "Kayong dalawa na lang. Dito na lang kami magba-bonding ng Itay n'yo." "Yung kotse mo pala. Bago 'yon?" "Yeah. Bagong kotse ni Dad. Pinahiram sa 'kin, nang malaman niya na nasiraan ako ng kotse nang magpunta ako rito." Ang mayayaman talaga, kung makabili ng sasakyan, parang bumili lang sa tindahan. "Maiba ako. Nakapunta ka na ba ng perya?" Umiling si Blake. '"Hindi pa." "Maghanda ka na ng maraming barya."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD