KABANATA 7
TINA
May bago na akong cellphone. Ay hindi pala bago kasi second hand na ito. Lumang model pa rin tulad nang nawala ko. Hindi pa rin touchscreen at ang hina sumagap ng signal. Ite-text ko pa naman ang Inay at kakamustahin sila ni Itay kung nag-tanghalian na ba sila. Walang signal sa loob kaya lumabas ako at naglakad-lakad sa may beach area. Mabilis akong kumain ng tanghalian ko kanina para may oras pa akong tumawag sa mga magulang ako.
Naglalakad ako habang nakataas ang kamay ko na nakahawak sa cellphone, para makahanap ng signal nang may makabungguan ako. “Ay palaka ka!” Sa lakas nang pagkakabangga ko sa kanya, napaupo ako sa buhangin. Ang sakit sa pwet!
“Wala ka bang mata? Hindi mo ‘ko nakita? Ang tanga mo naman!”
Napatingala ako. Isang lalaking gwapo ang nasa harapan ko, pero mas gwapo pa rin si Blake. Matangkad siya, pero mas matangkad pa rin si Blake. Maganda rin ang katawan niya, pero lamang pa rin si Blake. Pero ‘yung kagaspangan ng ugali nito, ganito rin si Blake nang unang beses din naming magkita. May pagkabastos din ang bunganga!
Tumayo ako habang pinapagpagan ang pwet ko. “Sorry ah! Pareho lang naman ata tayong hindi nakatingin sa dinaraanan, kasi kung nakatingin ka eh ‘di sana nakita mo ‘ko! Bwisit na ‘to!” Ako na nga ang nasaktan ako pa ang sinigawan. Ang laki niyang tao, at malamang gapitik lang para sa kanya ‘yung pagkakabangga ko sa kanya. Ako pa nga ‘tong tumalsik habang siya, hindi natinag sa pagkakatayo.
“You’re an employee here, tapos ganyan ka umasta sa mga guests n’yo?”
“Wala naman po sa job description ko na kapag sinigawan ako ng guests, kailangan tanggapin ko nang buong puso. Hindi n’yo man lang ako binigyan ng chance na makapag-sorry muna, nilait-lait n’yo agad ako. And just to remind you sir, serbisyo po namin ang binabayaran n’yo, hindi pagkatao. Wala kayong karapatan na sabihan ako ng tanga.”
“Fine I’m sorry. It was a mistake. I shouldn’t have said that.”
“’Yan, ganyan. Marunong ka naman pala mag-sorry.” Wala siyang sagot sa sinabi ko sa halip nakatitig lang siya sa ‘kin. Problema nito?
“What’s your name?” tapos biglang magtatanong ng pangalan?
“Bakit sir? Ire-report n’yo po ako sa manager? Okay lang, sige po. Cristina R. Javier po ang buong pangalan ko. Okay na po ba? Pwede na po ako umalis?”
Nangiti siya. Sira-ulo. Ano kayang pinaplano nito? “Yeah. You can go now, but I’ll see you again later.” Hala! Mukhang may balak nga talaga siya na i-report ako kay Ma’am Liza. Naku! Bahala na nga! Sa tingin ko wala naman akong ginawang mali at nag-sorry naman ako. ‘Tsaka siya naman ‘tong unang nanigaw at nanlait pa.
Pinatawag kaming lahat ni Ma’am Liza dahil, gusto raw kaming makilala ng anak ng may-ari ng resort. Dahil daw nandoon ‘yung anak ng may-ari dapat daw ayusin namin ang trabaho. Asikasuhin at isitimahin daw namin nang mabuti. Kaso bulong sa ‘kin ni Marjorie na katabi ko, suplado raw ‘yung anak ng may-ari. Sana lang hindi siya matapat sa ‘kin.
Mayamaya dumating na ‘yung hinihintay namin. Alam ko, kasi naririnig ko na ‘yung mga kasama ko.
"Ayan na siya. Ayan na siya."
"Ay ang gwapo."
"Artistahin."
"May girlfriend na kaya ‘yan?"
Puro papuri na lang ‘yung narinig ko habang abala akong nakatingin sa cellphone ko. Si Inay kasi hindi pa nagre-reply sa mga text ko. Nag-aalala na ‘ko.
"Tina…" bulong ni Marjorie.
"Bakit?"
"Tigilan mo na ‘yan."
Pagtaas ng ulo ko, at pagtingin ko sa aming napaka-espesyal na bisita, parang gusto ko na lang maglaho sa kinatatayuan ko. Nasa harapan ko ‘yung lalaking nakabungguan ko kanina at nakangisi siya habang nakatingin sa ‘kin. Lord bakit naman po sa dinami-rami ng pwedeng maging anak ng may-ari nitong resort, siya pa?
Iniwas ko agad ‘yung tingin ko sa kanya. Tingin sa kanan. Tingin sa kaliwa. Huwag na huwag titingin sa harap. Pero kahit hindi nagtatama ang mga mata namin, ramdam ko na nakatingin pa rin siya sa ‘kin. Balak niya ba akong lusawin? Lapot na lapot na nga ako sa malamig na pawis ko dahil sa sobrang nerbyos. Bakit ba kasi nakabungguan ko pa siya?! At bakit ko kasi siya natarayan kanina?! Kung alam ko lang na siya ‘yung anak ng may-ari eh ‘di sana nagawa ko pang pigilan ‘tong dila ko! Kasi naman siya eh! Sinabihan ako ng tanga! Kainis! Ang malas ko naman!
Pinakilala siya sa ‘min ni Ma’am Liza at John Theodore Sanchez pala ang buong pangalan niya. Isa-isa kaming pinakilala ni Ma’am Liza sa kanya. “And this is Tina, she’s also one of our housekeepers. If you need assistance you can ask for her help.”
“I already know her,” sabi niya nang may makabuluhang ngiti. “Nagkita na kami sa labas. Magaling nga siyang mag-assist ng guests.” Napalunok ako sa sinabi niya. Bakit taliwas sa nangyari kanina ang sinasabi niya?
Pagkatapos nang napakahabang introduction, pinabalik na kami sa mga trabaho namin, pero itong mga mata ng Theodore na ‘to, talagang nakasunod sa ‘kin. Letse! Pakiramdam ko tuloy may masama siyang binabalak sa ‘kin, lalo na’t hindi niya sinabi kay Ma’am Liza ‘yung nangyari sa labas kanina. Balak ba niya ‘ko, pahirapan? Tatanggalin ba niya ‘ko sa trabaho? Huwag naman sana. Kailangan ko ‘to ngayon.
Paalis na ‘ko nang biglang, “Cristina…”
Napaangat ang mga balikat ko sa gulat ko. Nanigas ‘yung katawan ko. Hindi ako makaharap sa kanya kaya siya na ang naglakad papunta sa harapan ko.
Pilit akong tumawa. “Hi po sir. Kumusta po kayo sir? May kailangan po kayo sir? Pahinga na po kayo sir, baka napagod po kayo sa byahe papunta rito.”
“Bakit biglang ang bait mo sa ‘kin?”
“Kayo naman sir. Syempre po, sabi ni Ma’am Liza, asikasuhin at istimahin daw po namin kayong mabuti. Part po ‘to ng trabaho ko.”
“Ah, okay... Part din ba ng trabaho mo ‘yung ginawa mo sa labas kanina?”
“Sir, pasensya na po. Ako na po lahat ang may kasalanan. Huwag n’yo po akong tanggalin sa trabaho. Kailangan ko po ‘to. Maawa po kayo. Lahat po gagawi ko, huwag n’yo lang po ako tanggalin sa trabaho. Pero ‘yung kaya ko lang po gawin ha, ‘tsaka related po sa trabaho ko.”
“At talagang may lakas ng loob ka pang magbigay ng rules?” Ang sungit talaga. Nililinaw ko lang naman. Paano kung pakainin niya ako ng apoy o palakarin sa bubog o kaya patawirin sa alambre? Mabuti na ‘yung nagkakalinawan kami.
“Sir, para po nag—.”
“Can you please stop talking?”
“Okay po.” Tinikom ko agad ‘yung bibig ko.
“Hindi kita tatanggalin sa trabaho. Hindi ako gano’n kasama.”
“Talaga?” Nagsalubong ‘yung mga kilay niya sa tanong ko. “Ang ibig ko pong sabihin, talaga po? Hindi n’yo po ako aalisin sa trabaho?”
“Yes, kaya magkita na lang tayo uli mamaya.” Magkita? Mamaya? Ano kayang balaka niyang ipagawa sa ‘kin?
Abala ako sa trabaho ko nang lapitan ako ni Marjorie. "Tina, tawag ka ni Ma’am Liza. Pumunta ka raw doon agad. Ako na ang bahala tumapos niyang ginagawa mo."
"Okay. Salamat." Habang naglalakad ako papunta kay Ma’am Liza kinakabahan ako. Nagbago kaya ‘yung isip ni Sir? Sinabi na kaya niya ‘yung mga sinabi at ginawa ko kanina?
"Ma’am Liza, pinapatawag n’yo raw po ako?"
"Oo Tina. Pumunta ka sa VIP room."
“Doon po nag-stay si Sir na anak ng may-ari nitong resort, ‘di ba?”
“Oo. Gusto niya papalitan ‘yung bedsheet, blanket and pillowcases sa kwarto niya and he personally requested for you.”
"Ma’am, kaaayos at kapapalit lang po no’n ah."
"Wag mo nang kwestyunin Tina. Basta gawin mo na lang. Plantsahin mo muna uli, bago mo dalhin sa kanya ha? Request niya kasi."
"Sige po Ma’am." Hay, nakakainis. ‘Di lang pala maangas at masungit ‘yung lalaking ‘yon kundi maarte rin! Bwisit! Plantsado na gusto pa ipa-plantsa uli!