KABANATA 18
TINA
“Dahan-dahan,” sabi ko habang isinasakay namin si Itay sa kotse ni Theo. Si Theo ang bumuhat kay Itay patayo ng wheelchair hanggang sa maingat itong makaupo sa loob ng sasakyan. Sa likuran ng kotse nakasakay ang mga magulang ko habang sa harapan naman kami ni Theo. Papunta kami ngayon sa ospital dahil unang araw ng therapy ni Itay. Kailangan niya ito para makalakad siyang muli nang maayos.
“Theo, salamat sa paghatid sa ‘min ha?”
“Wala po ‘yon ‘Nay Amelia. Kahit gawin n’yo pa po akong service palagi, ayos lang sa ‘kin.”
“H-indi b-ba k-kami n-akakaab-bala sa ‘yo?” Hirap pa si Itay magsalita dahil kalahati ng katawan niya ang paralisado. Lagi nga ring nakasahod ang kamay ni Inay na may hawak na bimpo sa gilid ng labi ni Itay dahil hindi nito mapigilan ang laway na umaagos palabas ng bibig dahil mahina pa ang muscle ng mukha nito. Medyo hirap pa nga rin itong lumunon. Kaya malaking tulong sa ‘min ‘yung sweldong natatanggap ko kay Theo dahil magiging tuloy-tuloy na ang pagpapagamot at therapy ni Itay.
“Hindi po. Masaya po akong gawin ‘to para sa inyo,” sagot ni Theo at tiningnan pa niya sa rearview mirror ang mga magulang ko.
Nang nasa ospital na kami at habang nasa therapy session ang Itay bigla na lang nawala si Theo. “Saan kaya nagpunta ‘yung lalaking ‘yon?” tanong ko sa sarili ko habang nagkakamot pa ng ulo. Mayamaya, dumating ‘yung hinahanap ko. “Saan ka galing at ano ‘yang dala mo,” tanong ko sa kanya habang palapit siya sa ‘kin na ang lapad ng ngiti.
“Walker, para sa Itay mo.”
“Ha? Bakit?”
“Anong bakit? Kailangan ng Itay mo ‘to.”
“Alam kong kailangan ng Itay, pero bakit ka bumili? Binilhan mo na siya ng wheelchair ‘di ba?”
“Para may partner ‘yung wheelchair.”
“Theo…”
Inakbayan niya ‘ko at pinisil pa ang braso ko. “Hayaan mo na ‘ko. Masaya akong makita na masaya ang mga magulang mo. Parang magulang ko na rin sila.”
“Hindi. Ayoko.”
“Ouch." Humawak siya sa dibdib niya. "Ayaw mo ‘kong maging kapamilya?” Ngumuso at nagpaawa pa siya. Akala mo tuta.
“Iniiba mo naman ‘yung usapan eh. Ibig kong sabihin, ang dami mo na kasing binigay sa ‘min. Nahihiya na ‘ko sa ‘yo. Hindi mo naman obligasyon ang pamilya ko. Sapat na may trabaho ako, na para ngang hindi naman talaga trabaho dahil wala naman akong ginawa kundi samahan ka lang kung saan mo gusto.”
“Okay lang.” Inihilig pa niya ‘yung ulo niya sa ibabaw ng ulo ko. “Ano pa’t naging magkaibigan tayo kung hindi tayo magtutulungan sa oras ng pangangailangan ‘di ba? Kapag ako namroblema, gusto ko nasa tabi rin kita. Hindi mo ‘ko kailangan tulungan financially pero ‘yung presensya mo sapat na.”
Nakita kong palabas na ng kwarto ang mga magulang ko kaya lumapit kami sa kanila. “Ako na po,” sabi ko kay Inay at ako na ang nagtulak ng wheelchair. “Itay, may binili po pala uli si Theo sa inyo.”
Dahan-dahang pumaling ang ulo ni Itay patingin kay Theo. Inangat naman ni Theo ang hawak niyang walker. “Para po sa inyo. Para kahit nasa bahay kayo, pwede kayong mag-practice maglakad gamit ‘to.” Nagliwanag ang mukha ni Itay. Kahit isang side lang ng mukha niya ang naigagalaw niya kita ko ang masayang ngiti niya.
“S-salamat.”
“Ako’ng aalalay sa ‘yo Itay. Kaya palakas kayo mabuti. Unti-unti magagawa niyo na uli ‘yung mga ginagawa n’yo dati,” sabi ko at tinapik naman ni Itay ang kamay ko na nakahawak sa wheelchair niya.
Pag-uwi namin sa bahay, nananghalian lang kami tapos itong si Theo nagyaya na naman pumunta sa may tabing ilog.
“Ayoko nang mag-swimming ha,” sabi ko habang papunta na kami sa may tabing-ilog sakay ng kotse niya.
“Hindi na tayo magswi-swimming.”
“Eh ano’ng gagawin natin do’n?”
“Kakain. Magpi-picnic. Gusto lang kitang makasama, bago ako umalis.”
“Aalis ka? Saan ka pupunta?”
“May aasikasuhin lang ako na inutos ni Daddy sa ‘kin. Baka limang araw akong mawala kaya bago ako umalis, I wanna spend time with you.”
“Limang araw lang pala. Akala ko naman matagal kang mawawala.”
“Para sa ‘kin, matagal na ‘yung limang araw. Isang araw pa nga lang miss na kita eh.” Umikot ang mga mata ko pero nakangiti naman ako. “Totoo!” Pangungumbinsi niya sa ‘kin kaya tumango-tango lang ako na kunwaring hindi ako kumbinsido sa sinasabi niya kaya ‘yung mukha niya nakakatawa na hindi maipinta.
Pagdating namin sa may tabing-ilog, bumaba ako ng kotse na bitbit ang isang blanket at mga pagkain na pinadala ni Inay sa ‘min. Nagluto kasi ng pansit at biko si Inay.
“Bakit nagdala ka pa ng tent?” tanong ko sa kanya habang nakasunod siya sa ‘kin.
“Mag-o-overnight tayo rito.”
Nilingon ko siya. “Dito? Dito tayo matutulog?”
“Oo. Hindi mo pa ba na-try mag-camping?”
Umiling ako. “Hindi pa.”
“You’ll enjoy it. Promise.”
Naglatag na ako at naupo. Pinanood ko na lang si Theo habang ina-assemble niya ‘yung tent. Wala naman akong alam do’n kaya siya na lang ang bahala. Pagkatapos niyang itayo ‘yung tent naupo siya sa tabi ko at inabutan ko naman siya ng tubig. Walang sabi-sabi bigla na lang siyang nahiga sa ibabaw ng hita ko, kaya nahiya naman akong tingnan siya lalo na nang maalala ko ‘yung ginawa niyang paghalik sa ‘kin dito noong nakaraan.
“Cristina,” narinig kong sabi niya pero hindi ko pa rin siya tiningnan. Sa tono ng boses niya parang may sasabihin siya sa ‘kin na hindi ko pa handang marinig kaya nag-isip ako ng paraan para hindi matuloy ‘yung balak niyang sabihin.
“Nagugutom na ‘ko. Ikaw rin ba? Tayo ka muna d’yan,” utos ko sa kanya na ginawa naman niya.
Kumain lang kami at nagkwentuhan. Paminsan-minsan inaasar niya ‘ko pero hindi pa niya binuksan ‘yung topic na iniwasan ko kaninang mabanggit niya.
Padilim na. Buti na lang at may dalang portable fire pit si Theo kaya may nagbibigay liwanag at init sa amin. Hindi ko nga alam na may dala rin siyang cooler na may laman pang pagkain at inumin. Pinaghandaan niya talaga ang araw na ‘to kaya lalo akong kinabahan na mabilis kong isinantabi para hindi ako mailang sa kanya.
Gamit ‘yung fire pit, nakapagluto kami ng sausages at chicken na nakatuhog na sa wooden stick para madaling maluto. Habang kumakain kami ng hapunan, dinig namin ang agos ng tubig ng ilog, tunog ng mga kuliglig dahil sobrang tahimik. Pagkatapos naming kumain, magkatulong naming niligpit ‘yung mga pinagkainan namin. Dahil puro disposable naman ‘yon, inilagay na lang namin sa isang supot at isinabit sa sanga ng puno para hindi magtawag ng langgam. Bukas na lang namin itatapon, pag-uwi namin.
Sandaling pumasok sa loob ng tent si Theo at paglabas niya, pinatungan niya ako ng blanket sa ibabaw ng balikat ko. “Baka giniginaw ka.”
“Salamat.” Hinawakan ko ‘yung blanket at ibinalot ang sarili ko rito. Medyo nararamdaman ko na nga ang paglamig ng paligid habang lumalalim ang gabi. Humiga siya sa gilid ko habang ako nanatiling nakaupo.
“Cristina…” Ayan na naman ‘yung tono niya.
“Uhm?”
“Dito ka sa tabi ko.”
“H-ha?”
“Sabi ko, tabi ka sa ‘kin.”
“Okay lang ako rito.”
“Hindi ba nangangawit ‘yang likuran mo? Kanina ka pa nakaupo.”
“Okay lang talaga ako.” Bigla siyang bumangon, umupo at tiningnan ako. “B-bakit?”
“Ang ganda ng langit. Mas magandang tingnan kapag nakahiga tayo.” Inakbayan niya ako at humiga siya kasama ako kaya nakaunan ako sa braso niya. Dahil sa ginawa niya napapikit ako. Pagdilat ko, nasabi ko sa sarili ko na tama nga siya. Ang ganda ng langit. Puno ito ng mga kumukutitap na mga butuin at bilog na bilog rin ang maliwanag na buwan. “Ang ganda ‘di ba?” Tumango ako. “Alam mo ba noong bagong dating pa lang ako sa Australia hilig kong pagmasdan ang langit tuwing gabi. Lagi akong nag-aabang ng wishing star kasi gusto kong humiling.”
“Ano namang hihilingin mo?”
“Na makita ka uli. Kaso wala akong nakita, kaya hindi ako nakahiling. Inabot tuloy ng taon, bago tayo nagkita ulit,” sagot niya habang hinihimas niya ‘yung buhok ko at pagkatapos naramdaman ko ang paghalik niya sa ibabaw ng ulo ko. Inihilig ko na lang ang ulo ko sa dibdib niya. Hindi ko alam kung ano ‘tong nararamdaman ko para sa kanya. Hindi pa ako sigurado. Ang alam ko lang, habang kasama ko siya ngayon, masaya ako.
***
“Cristina, pasok na,” sabi niya. Nasa loob na kasi siya habang ako nag-aalangan pang pumasok sa loob ng tent. Malaki naman ‘to, kaya lang makakatabi ko pa rin siya matulog. Huminga muna ako nang malalim bago ako pumasok at naupo sa loob.
Nang nasa loob na ako, isinarado na niya ‘yung zipper, kaya wala na akong ibang nakikita kundi siya, ‘yung mga unan at kumot. Dahan-dahan akong humiga pero gumilid ako, para hindi ako masyadong nakatabi sa kanya. Humiga rin siya. Hindi ko alam kung sadya niya pero ang lapit niya sa ‘kin kahit nasa sulok na ‘ko. Ang laki tuloy ng space sa kaliwa niya. Mabilis at mariin kong ipinikit ang mga mata ko. Narinig ko siyang tumawa nang mahina. Ako ba ‘yung pinagtatawanan niya? Malamang, ako lang naman ang kasama niya.
Naramdaman ko ang paggalaw niya. Itinukod niya ata ‘yung kamay niya sa may tagiliran ko. Nasa ibabaw ko ba siya?
“Cristina…” Diyos ko! Nasa ibabaw ko nga siya! Sa harapan ko nanggaling ‘yung boses niya! Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko at nakita ko siyang nakangiti sa harapan ko. “I love you…”
Ang tagal naming nagkatitigan bago niya unti-unting pinaliit ang distansya namin. Una niyang pinagdikit 'yung mga dulo ng ilong namin. Parang sinusubukan niya 'kung iiwas ba ako o lalayo. Hindi ko siya itinulak kahit na alam ko kung ano’ng binabalak niyang gawin. Pumikit ako nang maglapat ang mga labi namin. Banayad sa una ang kanyang halik hanggang sa manghimasok na ang kanyang dila na sinabayan naman ng akin.
Naglakbay ang kamay niya papunta sa dibdib ko. Pinisil niya ito sa ibabaw ng suot kong damit. Hindi pa siya nakuntento at ipinasok niya ang kamay niya sa ilalim ng damit ko. Bumaba ang halik niya papunta sa leeg ko kaya ipinaling ko ang ulo ko. Kusa kong inangat ang likod ko at tinanggal niya ang kawit ng suot kong bra. Nasakop na ng mga palad niya ang dibdib ko at marahan niyang pinisil ito. Napasinghap, napaliyad at mahina akong napaungol.
“Blake…” Napadilat ako nang mapagtanto ko kung kaninong pangalan ang nasabi ko.
Napatigil siya sa ginagawa niya. Napaangat siya at napatitig sa akin. Kita sa mukha niya ang lungkot at pagkadismaya. Dahan-dahan siyang bumangon at saka naupo at tumalikod sa akin.
Hinawakan ko siya sa braso. “I’m sorry. Theo, I’m sorry.” Nahiya ako sa nagawa ko at naiinis sa sarili ko. Hindi ko sinasadyang mabanggit ang pangalan ni Blake. Kusa na lang lumabas sa bibig ko. “I'm sorry.” Tumulo na ‘yung luha ko na mabilis kong pinunasan. “I’m sorry talaga.” Alam kong nasaktan siya sa narinig niya. Siya ang kasama ko pero pangalan ng ibang lalaki ang binanggit ko. Dapat hindi na lang ako pumayag. Dapat pinigilan ko siya para hindi kami humantong sa ganito. Nagpadala ako sa bugso ng damdamin ko at nakalimutan kong mag-isip nang tuwid. Wala naman kaming relasyon at hindi dapat ito nangyari. Sa totoo lang naguguluhan ako sa nararamdaman ko para sa kanya. Masaya ako kapag kasama ko siya pero hindi ko alam kung gusto ko ba talaga siya na higit pa sa kaibigan o nakikita ko lang si Blake sa kanya dahil may pagkakahawig sila sa ugali. Pareho silang mapang-asar at palabiro pero, mabait din at mapagmahal.
Naguguluhan ako. Hindi ko alam kung dapat ko pa bang ipagpatuloy ‘to o dapat ko na siyang layuan para hindi ko siya masaktan. Naisip ko tuloy ang sitwasyon namin ni Blake dati noong panahong ipinagtutulakan niya ako dahil ayaw niyang masaktan ako. Parang ako ngayon ang nasa sitwasyon ni Blake.
Huminga siya nang malalim bago nagsalita. “It’s okay.” Humarap siya sa ‘kin. "I'm sorry. Ako 'yung nagkamali. Minadali kita.” Niyakap niya ‘ko at hinimas ang likod ng ulo ko. “Huwag ka nang umiyak. Mahal kita at maghihintay ako, hanggang sa oras na pangalan ko na ang babanggitin mo.”