KABANATA 16

2337 Words
KABANATA 16 TINA “Kakasya ba talaga ‘tong pintura na binili natin para dito sa kwarto mo? Parang kukulangin.” Isang lata lang kasi ang binili niya noong isang araw. Sinabi ko na sa kanya na dagdagan niya, pero hindi nakinig sa ‘kin. Ang dami naman niyang pera na pambili, hindi pa sinobrahan. Kapag nagkulang ‘yung pintura, hindi namin ‘to matatapos ngayon. “Pwede namang bumili uli kapag kulang,” sagot ni Theo habang naglalagay ng tape sa mga parte ng kwarto na hindi dapat malagyan ng pintura. “Kapag kinulang, hindi natin matatapos ngayon,” sabi ko habang naglalatag ako ng mga lumang dyaryo sa sahig na didikitan ko ng tape para hindi gumalaw at matanggal kapag nilakaran namin. Magandang klaseng kahoy ang ginamit sa sahig sa mga kwarto sa second floor nila, kaya sayang kung matutuluan ito ng pintura. Kaya sinabi ko kay Theo na maglagay kami ng dyaryo bago mag-umpisang mag-pintura. “Okay lang kahit hindi matapos agad. Hindi naman ako nagmamadali. ‘Tsaka wala naman akong balak na magpintura buong araw. Parang gusto ko ngang pumunta sa may tabing-ilog mamaya.” “Ano’ng gagawin natin do’n?” sabi ko habang nakatalikod ako kay Theo, nakaluhod at nakatuwad sa sahig habang nilalagyan na ng tape ang gilid ng dyaryo. “Wala lang. Kailangan ba may rason? Gusto ko lang pumunta. Punta tayo mamaya ha?” “Bahala ka,” sagot ko sabay lingon sa kanya. “Hoy! Saan ka nakatingin?!” Nahuli ko kasi siyang nakatingin sa pwet ko. “Huwag ka kasing tumutuwad d’yan. Hindi ko naman sinasadyang mapatingin ‘tsaka naka-shorts ka naman. Wala naman akong nakita,” natatawa niyang sagot. “Palusot!” Tumawa lang uli siya. Umiba na ako ng pwesto para hindi na nakaharap ‘yung pwet ko sa kanya. “Swimming kaya tayo do’n?” “Mamaya, sa ilog?” “Oo.” “Ang laki ng resort n’yo. Ilang private pool ang meron kayo at may dagat pa pero sa ilog mo gusto mag-swimming? ‘Tsaka wala akong dalang damit.” “Eh ‘di uuwi tayo nang basa. Ginawa na natin ‘yon dati ‘di ba?” “Sinipon kaya ako pagkatapos no’n.” “Bata pa naman tayo no’n. Siguro naman ngayon, mas malakas na ‘yung resistensya mo. ‘Tsaka ang init ngayon. Ang tindi ng sikat ng araw. Hindi naman siguro malamig ‘yung tubig at hindi tayo giginawin.” “Dumaan na lang tayo sa bahay mamaya. Kukuha ako ng gamit.” “Huwag na. May damit ka pa. ‘Yung suot mo kanina.” Mga lumang damit ko kasi ang suot ko ngayon na hindi kona masyadong nagagamit. Ito ang sinuot ko para kahit mapinturahan hindi ako manghihinayang. “Yung sa labas lang ang papalitan ko? Paano ‘yung sa loob?” Wala naman akong dalang bra’t panty. Ano ‘yon? Tuyo sa labas pero basa sa loob? “Huwag na tayo magpalit. Gusto mo magpatuyo na lang tayo sa araw?” “Hindi ko pinangarap na maging daing Theo. Mga naiisip mo talaga.” “Hindi ka pa rin nagbago ‘no?” Naglakad siya at tumalungko sa harap ko. “Ang dami mo pa ring reklamo,” nakangisi niyang sabi sabay lagay ng tape sa bibig ko. Pagkatapos niyang gawin ‘yon nagmamadali siyang tumayo at tumakbo palabas ng kwarto. “Junjun! Hindi ka rin nagbago! Bwisit ka pa rin hanggang ngayon!” sigaw ko, pagkatanggal ko ng tape sa bibig ko. Tumakbo ako palabas ng kwarto at nakita ko siya nakatayo sa kalagitnaan ng hagdan. Mukhang hinihintay niyang lumabas ako. Pagkakita niya sa ‘kin, nagtatakbo na uli siya pababa. Loko talaga! “Humanda ka sa ‘kin! Kapag inabutan kita, humanda ka talaga!” Nakita ko ‘yung paint roller na nasa labas ng kwarto kaya kinuha ko ‘yon. Padadaanan ko ng roller ‘yung nguso niya kapag nahabol ko siya! *** Isang pader pa lang nag napipinturahan namin pero si Theo, pagod na agad. Tumigil na siya sa pagpipintura at sumandal na sa pader na wala pang pintura. “Ayoko na. Bukas na uli.” “Ang tamad mo. Pagod ka na agad? Nag-uumpisa pa nga lang tayo.” “Swimming na tayo.” Hinawakan niya ‘ko sa kamay at marahang hinila. “Tara na. Swimming na.” “Isang pader pa.” “Huwag na.” “Ang aga pa.” “Gusto mo bang mag-swimming nang gabi? Tara na.” Marahan niya uli akong hinila, pero walang buhay ko lang siyang tiningnan. At ito namang Theo na ‘to, may naisip na namang kalokohan! Pinahiran ako ng pintura sa mukha bago nagtatakbo na naman palayo sa ‘kin! “Junjun!” sigaw ko habang binababa ko sa tray ‘yung paint roller na hawak ko. Wala naman akong balak na habulin siya bitbit ‘yon dahil magkakalat ako ng pintura kapag ginawa ko ‘yon. “Eh ‘di napalabas din kita ng kwarto!” sabi niya habang tumatakbo palayo sa ‘kin at hinahabol ko. “Tara na kasi!” sabi niya habang para kaming nagpapatintero sa tabi ng mahaba nilang sofa sa sala. “Yang energy mo na ‘yan, sa swimming mo na lang gamitin.” “Hindi. Paisa lang. Sige na. Isang kaltok lang. Kanina mo pa ‘ko binibwisit, pero hindi pa rin ako nakakaganti.” “Ayaw!” Tuloy kami sa habulan paikot hanggang sa mapatid ako at bumagsak ako padapa at para akong nakipaghalikan sa sofa nila. Nang maalala ko ‘yung pintura sa pisngi ko, naiangat ko agad ‘yung mukha ko. Hala! ‘Yung mamahalin nilang sofa nadumihan ko!  Creame pa naman ‘yung kulay ng sofa nila at kulay dark grey ‘yung pintura. “Cristina okay ka lang?” “Hindi ako okay.” Umuyos ako ng upo. “Nadumihan ko ‘yung sofa! Lagot ako sa parents mo, pag-uwi nila. Magkano ba ‘yan? Pwede kaya ipalinis ‘yan? Magkano kaya aabutin? Bawas mo na lang sa sweldo ko.” Kinakabahan ako na may halong panghihinayang sa perang mawawala sa ‘kin na pwede ko sanang gamitin sa pagpapagamot ni Itay. “Hey, it’s okay. Hindi ko ibabawas sa sweldo mo ‘yan.” “Hindi. Kasalanan ko eh.” “Wait,” sabi niya at saka siya umalis, papanik. Habang iniisip ko kung paanong pagba-budget ang gagawin ko kapag nabawasana ang sweldo ko, nakita ko ‘yung paa ni Theo. Nakatayo na siya sa harapan ko. Pagtingala ko, biglang nawala lahat ng pag-aalala ko. Napahagalpak ako ng tawa! Ito kasing si Theo pininturahan ‘yung buong mukha niya. Buti na lang non-toxic ‘yung pintura. Lumuhod pa siya sa tabi ko kaya halos magkatapat na ‘yung mga mukha naming dalawa. “Ano ‘yang ginawa mo?” Natatawa pa rin ako sa itsura niya. Hindi niya sinagot ‘yung tanong ko at bigla na lang niyang ibinagsak ‘yung mukha niya sa sofa, mismo kung saan ko nadumihan ‘to. Napanganga na lang ako at hindi nakapagsalita. Pag-angat ng ulo niya nag-marka ‘yung mukha niya sa sofa at mas malaki na ngayon ‘yung naging dumi. Ayokong matawa pero hindi ko mapigilan ‘yung sarili ko. Nakikita ko kasi ‘yung mukha niya at ‘yung markang iniwan no’n sa sofa. Naupo siya sa sofa at tumabi sa ‘kin. “Mukha kasing iiyak ka na d’yan. ‘Tsaka ‘di ba kapag mag-kaibigan, dapat nagdadamayan? Kapag nagalit si Mommy, damay rin ako.” Nagawa pa niyang tumawa sa ginawa niya. “Para kang timang. Lalo mong dinumihan.” “Okay lang ‘yan. Ipapalinis ko na lang o kaya papapalitan ko ng cover.” “Hindi mo ‘ko sisingilin?” “Hindi. Mas maraming pintura ‘yung nilagay ko eh. Kita mo naman siguro,” sabi niya at nilapit pa ‘yung mukha sa ‘kin. “Nakakatawa ‘yung itsura mo,” pigil ang tawa na sabi ko. “Nakakatawa? Gano’n?” Ngumisi siya at pagkatapos, bigla niyang idinikit ‘yung pisngi niya sa pisngi ko at para hindi ako makalayo, inakbayan pa niya ‘ko. Loko-loko ‘tong si Theo, pero mabait naman kaya hinayaan ko na lang siya sa trip niya. *** Dahil malapit lang ‘yung tambayan naming ilog sa bahay nila, nilakad na lang namin. “Ano pogi ko ‘no? Lahat sila napapatingin sa ‘kin,” mayabang na sabi niya habang naglalakad kami sa gilid ng kalsada. May bitbit siyang blanket habang may bitbit naman akong plastic na may lamang pagkain. “Ang hangin naman. Bakit may dala kang electric fan? At FYI, hindi sila nagwagwapuhan sa ‘yo. Pinagtitinginan ka nila kasi may pintura pa d’yan sa mukha mo.” Kahit kasi naglinis na siya ng mukha may mga natira pa rin. At dahil atat siyang mag-swimming, umalis kami kahit gan’to pa ‘yung itsura niya. Pagdating namin sa may tabing-ilog, naghubad na agad ng t-shirt at pantalon ‘tong si Theo. “Atat kang mabasa? Hindi ka ba naligo kanina?” biro ko sa kanya habang inaayos ko ‘yung blanket sa may ilalim nang malaking puno. Hanggang binti pa lang ‘yung nabasa sa kanya pero tumatakbo na uli siya pabalik sa ‘kin. “Whoa! Ang lamig!” Tawa ako nang tawa sa kanya. Sa takot niya sa malamig na tubig, tumalungko siya sa gilid at pinisikan ng tubig ‘yung mukha niya. “Lumusong ka! Walang magagawa ‘yang wisik-wisik mo.” Humarap siya sa ‘kin habang nakatalungko pa rin. “Cristina, ikaw na mauna.” “Ayoko nga! Kakain muna ‘ko. Bahala ka d’yan,” sabi ko sabay kuha ng plastic container na may lamang pansit na binili namin kay Aling Ludy kanina na may kasamang lumpiang shanghai ‘tsaka puto at kutsinta na may yema. “Kain ka naman ng kain eh,” reklamo niya. “Ang dami mong biniling pagkain, paanong hindi ako kakain? Maliban dito sa kinakain ko, may binili kapang lechong kawali at sisig. Sarap kayang kumain.” Inabutan ko siya ng lumpiang shanghai. “O, kain.” Naglakad naman siya palapit sa ‘kin at kinuha ‘yung lumpia at saka siya kumain. “Isa pa nga.” “Tingnan mo, gutom ka rin pala.” Hindi lang lumpia ang binigay ko sa kanya kundi ‘yung buong lalagyan na na may lamang pansit rin. “Kain muna tayo.” “Baka tamarin na ‘kong mag-swimming kapag nabusog ako,” sabi niya pero sumubo naman ng pansit at kumagat pa ng lumpia. “Yung sinasabi mo, taliwas d’yan sa ginagawa mo. Kumain ka na nga lang.” “Kintab ng nguso natin ah. Naka-lip-gloss ka?” mapang-asar niyang tanong. Kumakain kasi ako ng lechong kawali. Kumuha ako ng tissue at pinunasan ‘yung labi ko. “O, bakit tinanggal mo? Ang kissable kaya ng lips mo.” Ngumuso pa siya, pumikit at inilapit ‘yung mukha sa ‘kin kaya binato ko siya ng tissue sa saktong tumama sa gitna ng mga mata niya kaya napadilat siya. Pinagtawanan ko lang siya at ‘yung sisig naman ang kinain ko. Pagkatapos namin kumain, hinatak agad ako ni Theo papunta sa ilog. Nanginig ang mga katawan namin sa lamig ng tubig na sinamahan pa ng malamig na hampas ng hangin kaya ang ginawa namin, nanatili kaming nakalubog dahil sa tuwing aangat kami, nangangatog kami. Tawa kami nang tawa habang nangangatal ang mga baba namin sa lamig. “Cristina, kailangan ko ng body heat!” sabi niya sabay unat ng mga braso niya. “Payakap nga!” Sa halip na yakapin ko siya, hinampas ko ‘yung tubig papunta sa kanya at tawa ako nang tawa. “Ginusto mo ‘to! Mangatog ka d’yan!” sabi ko at nagtatakbo ako palayo sa kanya kahit nilalamig din ako. Katagalan nasanay na rin ‘yung katawan namin sa lamig kaya nakakaahon na kami, pero mayamaya naman biglang bumuhos ang malalaking patak ng ulan. Tumingala ako at pumikit at pinakiramdaman ‘yung patak ng ulan sa mukha ko. Ang tagal na nang huling beses akong naligo sa ulan, si Theo nga rin ang kasama ko noon. Naalala ko, mataba pa siya noon, at kulay puti na sando ang suot niya, kaya nang mabasa, bakat ‘yung mga bilbil niya na umaalog sa tuwing tumatakbo siya. Ang cute niya no’n. Napangiti ako sa pag-alala sa panahong ‘yon. “Bakit, nangingiti ka? Ano’ng iniisip mo?” Nagulat ako nang magsalita siya at yumakap sa ‘kin. Pagdilat ko napatingala ako sa kanya. ‘Yung Theo na nasa isip ko matabang bata, at bilbil ang nararamdaman ko kapag niyayakap ako, pero itong Theo na nasa harapan ko ngayon, sa matitipunong braso na ako kinukulong at ang dibdib niya, malapad na parang ang sarap patungan ng ulo. Ngumiti lang ako at saka umiling bago ko ipinatong ang ulo ko sa dibdib niya. Dinig ko ang t***k ng puso niya. Kinakabahan ba siya? Bakit parang ang bilis? Hinawi niya ‘yung buhok ko kaya napatingala uli ako sa kanya at nagkatitigan kami. Dahan-dahan siyang yumuko hanggang sa maglapat ang mga labi namin. Marahan niya ‘kong hinalikan na ginantihan ko naman. Ipinikit ko ang mga mata ko, at bigla kong nakita sa isip ko si Blake kaya bahagya akong napalayo sa kanya na sinabayan ng nakasisilaw na kidlat at malakas na kulog na nagpaangat ng mga balikat ko sa gulat kaya hinigpitan naman niya ang yakap sa ‘kin. Niyaya na niya akong umuwi kaya niligpit na namin ang mga gamit naming nabasa na rin. Habang naglalakad kami pauwi sa ilalim ng ulan, hinawakan niya nang mahigpit ang kamay ko. Sa lamig na nararamdaman ko, iba ang init na binibigay nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD