#Duplikado
SINGKO
“Ikaw na munang bahala dito a.” Sabi sa akin ni Harry, kapwa ko scholar at nagbabantay din dito sa library bilang pambayad na rin sa pagpapaaral sa amin ng school na ito.
Napatango ako. Parehas man kami pero civil lang kami kung mag-usap. Wala e, dahil sa itsura ko kaya kahit na katulad ko lang rin na scholar at mahirap ay ayaw akong kausapin. Siguro natatakot sila sa sasabihin ng iba kapag kinausap ako.
“Sige... Mauna na ako.” Sabi niya saka umalis na.
Napangiti na lamang ako. Ako na lamang at ang head librarian ang bantay ngayon sa malawak na library na ito ng school.
Naglibot-libot ako. Nag-aayos ng mga librong hindi naibalik ng mga estudyante. Hindi ko maiwasang hindi mapangiti dahil na rin sa kahit papaano ay may maganda pa ring nangyayari sa buhay ko.
I’m a dean’s lister again. Nakakatuwang isipin na sa kabila ng mga pagsubok at problema dagdagan pa ang mukha ko, nagagawa ko pa ring maging magaling pagdating sa pag-aaral.
Napabuntong-hininga ako. Sa totoo lang, medyo nagpapasalamat na rin ako na pangit ako, bakit? Kasi walang lumalapit sa akin, hindi nila ako nagagamit para magpagawa ng assignment o kung ano pa man. Minsan na rin kasi akong nakabasa ng istorya na ‘yung pangit na bida, laging nagagamit ang talino niya ng ibang tao. Alam kong fictional lang ang story pero kung ilalagay ko ang sarili ko sa kwento niya, hindi rin malayong mangyari rin iyon sa akin pero dahil monster yata ang tingin sa akin ng mga estudyante dito, miski lapitan ako ay hindi nila magawa. Hay! Masyado kasing nakakatakot ang mukha ko, kahit nga ako, nagugulat kapag humaharap sa salamin e.
Biglang sumagi sa isipan ko si Jerold. Sa libo-libong estudyante dito sa school, siya lamang ang kumausap sa akin ng matagal at wala akong nakitang takot sa kanya habang tumitingin sa akin. Kumbaga, normal lang para sa kanya ang isang kagaya ko. Hindi ko tuloy maiwasang hindi mapangiti.
Napunta ako sa dulong bahagi ng library, may mga nakita kasi akong libro na nakakalat sa mesa at doon nakapwesto ang mga librong hawak ko na ngayon at kailangan maibalik sa dapat kalagyan.
Nang mailagay ko na ang huling librong hawak ko sa shelves ay halos mapatalon ako sa gulat ng may biglang humawak sa braso ko. Napatingin ako sa kanya at si Jerold pala.
‘”Lintik ka! Ginugulat mo ako lagi.” Sabi ko.
Napangisi siya. Ang gwapo talaga ng mokong na ito lalo na kapag ngumisi.
Nasa tagong parte kami kaya walang nakakakita sa amin.
“Ano? Ilang araw na ang lumipas pero hindi ka pa yata nakakapagdesisyon.” Sabi niya.
Oo nga pala. Bigla kong naalala.
“E... Pasensya naman... Nakalimutan ko.” Sabi ko saka napakamot sa ulo.
“Wala ka na ngang itsura, makakalimutin ka pa.” Sabi niya.
Ang talas ng dila nito a.
“Grabe ka sa akin.” Sabi ko. “Anyway... Medyo naiintindihan ko naman ang mga sinabi mo sa akin nung nakaraan... pero gusto kong malinawan sa kung anong gagawin mo sa akin kapag pumayag ako sa kagustuhan mo?” tanong ko.
“Sa oras na pumayag ka... you will undergo plastic surgery para magbago ng tuluyan hindi lamang ang itsura mo kundi pati na rin ang buong buhay mo. After that, may training ka pa para maging ok naman ang kilos, pananalita at higit sa lahat ang fashion sense mo. Kailangan siyempre na maayos ang lahat sayo hindi lamang ang mukha mo.” Sabi niya.
“Ibig sabihin... ooperahan ang mukha ko?” tanong ko. Hindi naman ako takot sa mga injections or what pero kasi... alam kong masakit iyon at mukha pa talaga.
“Hindi na kasi madadaan sa make up at sabon ang mukha mo... Kailangan ng syensya.” Sabi niya.
“Ikaw a... ‘Yung bibig mo namumuro na sa akin.” May inis kong wika sa kanya. Ang talas kasi ng dila.
“Why? Nasaktan ka ba sa katotohanan?” tanong niya.
Sinamaan ko siya nang tingin.
“So ano? Papayag ka na ba?” tanong niya.
Napapaisip ako. Kung papayag ako, magbabago ang buong buhay ko... hindi ko na mararanasang maapi, hindi ko na mararanasang maghirap.
Pero kaakibat nun... Kakalimutan ko ang lahat sa buhay ko ngayon. Kakalimutan ko kung sino talaga ako.
“May pamilya ka pa ba?” tanong niya.
Napailing ako.
“Kapatid?” tanong niya.
Napailing ako.
“Mabuti naman.” Sabi niya. Anong ibig niyang sabihin? Sinamaan ko siya nang tingin nang marealize ko ang ibig niyang sabihin. Mabuti na lang at wala akong kapatid dahil madadagdagan pa ang pangit sa mundo. Grabe talaga siya!
“Kamag-anak?” tanong pa niya.
“Hindi ko alam... Wala namang nababanggit ang mga magulang ko noon tungkol sa kamag-anak... Kung meron man... hindi ko naman sila kilala.” Sabi ko.
“Wala ka na rin palang dahilan para manatili pa sa buhay mo ngayon.” Sabi niya.
“Bakit mo ba ito ginagawa? Bakit mo ako inaalok ng ganito?” tanong ko. Hindi ko maiwasang hindi magtaka.
Napangisi siya.
“Tumutulong lamang ako sa nangangailangan... Hindi mo lang alam pero mabait kasi akong tao.” Sabi niya. “Kaya kung ako sayo... habang may awa pa akong nararamdaman para sayo... pumayag ka na. Hindi naman ako ang makikinabang sa lahat ng mangyayari kundi ikaw.” Sabi pa niya.
“Awa?” tanong ko. Kinakaawaan niya ako?
“Naaawa ako sayo... Alam kong hindi madali ang buhay na pinagdadaanan mo ngayon... Bukod sa hirap ka, hirap ka rin sa itsurang meron ka.” Sabi niya. “Sabihin na nating matalino ka... pero alam mo naman na hindi sapat iyon para makapamuhay ka ng normal.” Sabi niya pa.
Hindi ako nakapagsalita.
“Gwapo man ako at hindi ko pinagdaanan ang mga pinagdaraanan mo pero naiintindihan ko ang sitwasyon. Hindi ko naman kailangang maging pangit din para makita ang hirap ng isang gaya mo.” Sabi niya.
Napayuko ako.
“Kaya naman gusto kitang tulungan... Gusto kong kahit isang tao lamang, mabago ko ang buhay. At least masasabi kong may nagawa rin akong mabuti sa mundong ito.” Sabi niya.
Muli akong napatingin sa kanya. Kung ang boses niya ay sobrang lamig, ang mukha naman niya ngayon ay kakikitaan ko na ng emosyon. Seryoso.
Napabuntong-hininga siya.
“Sige... Bibigyan pa kita ng ilang araw para...”
“Pumapayag na ako.” Sabi ko kaagad. Alam kong mabigat na desisyon itong ginawa ko dahil kapalit nito ang buhay ko ngayon pero kung gusto kong mabago ang buong buhay ko, ito dapat ang maging pasya ko.
Napangiti siya.
“Pumapayag ka na?” tanong niya. Napatango ako.
“Good.” Sabi niya. Tinapik niya pa ako sa balikat na ikinangiti ko na lamang.
Sa naging desisyon ko... magbabago ang lahat sa akin... wala sana akong pagsisihan sa bandang huli.
#Duplikado
SAIS
Nasa loob ako ng opisina ngayon ng isang doktor. Nandito sa loob ng isang malaki at mamahaling ospital.
Kasama ko si Jerold na nakatingin sa akin at nakangiti. Sinabi niya sa akin na ipapakilala niya ako sa isang doktor na kaibigan daw niya.
Ilang sandali lamang ay pumasok na rin dito sa opisina ang sinasabi niyang doktor. Matangkad, ang linis tingnan dahil na rin sa puting kasuotan nito na pang-doktor. Mestiso at masasabi kong gwapo. Propesyunal na propesyonal ang dating.
Napangiti siya na lalong nagpagwapo sa kanya. Lumapit siya sa amin. Kinamayan niya si Jerold saka tumingin sa akin.
“Hi... You must be Rhaven Tolentino?” tanong niya.
Napatango ako. Mukhang nasabi na ni Jerold sa doktor na ito ang pangalan ko.
“I’m Doctor Klio Montelibano... ako ang magiging surgeon mo.” Pagpapakilala niya sa sarili. “Siguro naman alam mo na kung ano ang ipinunta mo dito.” Sabi pa niya.
Napatango ako.
“Siya ang gagawa sa mukha mo.” Sabi naman ni Jerold. Napatingin ako sa kanya saka tinanguan siya.
“So sigurado ka na ba dito?” tanong ni Doc sa akin. Muli akong napatingin sa kanya. Napatango ako.
“It’s now or never Mr. Tolentino... once na mabago ko na ang mukha mo, hindi na siya babalik sa dati unless, isangkot mo ang sarili mo sa aksidente na pwedeng sumira sa ginawa kong mukha mo.” Sabi niya.
“Sigurado na ho ako Doc.” Sabi ko.
Napangiti si Doctor Montelibano.
“Ok... Maiwan ko na muna kayo... Ipapahanda ko lamang ang mga documents na pipirmahan mo bago ka isailalim sa operasyon.” Sabi niya. Napatango na lamang ako.
Muling lumabas si Doctor Montelibano. Naiwan kami ni Jerold. Naupo siya sa isang upuan habang ako ay nanatiling nakatayo.
Napatingin ako sa kanya. May bigla kasi akong naisip na ikinabahala ko.
“Paano nga pala ang pag-aaral ko?” tanong ko sa kanya.
“Napag-usapan na natin di ba? Kasabay ng malaking pagbabago sa mukha mo ay ang malaki ring pagbabago sa buhay mo. Iiwan mo ang buhay mo at mamumuhay kang iba... kabilang na roon ang pag-aaral mo.” Sabi niya.
“Pero graduating na ako... sayang naman.” Sabi ko.
“E di huwag na natin itong ituloy... mukhang nagsasayang lang tayo ng panahon.” Sabi niya na biglang tumayo mula sa kinauupuan niya at lalabas na sana sa opisina pero pinigilan ko siya sa pamamagitan ng paghawak sa kanyang braso. Napatingin siya sa nakahawak kong kamay sa kanya at sumunod sa akin. Nahihiya naman akong tinanggal ang pagkakahawak ko sa kanya.
“Hindi ko naman sinabing huwag ng ituloy... nanghihinayang lang kasi ako sa mga pinaghirapan ko. Ilang taon din akong nag-aral ng mabuti.” Sabi ko.
Hinarap niya ako.
“Normal lang na manghinayang ka... pero Rhaven... sa bagong buhay mo, hindi mo na kailangang mag-aral pa, hindi mo na kailangan ng diploma dahil lahat ng pwede mong makamit, makakamit mo nang madalian lang.” Sabi niya.
Hindi ako nakapagsalita.
Narinig ko siyang napabuntong-hininga.
“Kung gusto mong magbago ang buhay mo... may mga kailangan kang isakripisyo... hindi naman pwedeng magbabago ang buhay mo pero wala kang itataya.” Sabi niya. “Lahat ng bagay sa mundo ay may kaakibat na kapalit... ang bawat desisyon na ipinapasya mo ay may kaakibat na malaking responsibilidad na kailangang tanggapin.” Sabi niya pa.
Napatango ako. Naiintindihan ko.
“So... Tatanungin kita... Itutuloy pa ba natin o hindi na?” tanong niya.
Napahinga ako nang malalim.
“Itutuloy.” Sabi ko.
Napangiti siya.
“Good.” Sabi niya. Hinawakan niya ang magkabilang balikat ko na nagbigay sa akin ng kakaibang pakiramdam, lumakas ang t***k ng aking puso na hindi ko maintindihan kung bakit naging ganun dahil lamang sa kanyang paghawak. “You’re in the right track... Rhaven.” Sabi pa niya saka ako binitawan at muling naupo sa inupuan niya kanina.
Muling bumalik si Doctor Montelibano. May dala na itong isang file folder. Nasa loob siguro nun ‘yung sinabi niyang mga dokumento na pipirmahan ko.
“Maupo ka... Bago mo pirmahan ang mga ito ay may mga dapat akong ipaliwanag sayo para mas maunawaan mo ang lahat.” Sabi niya.
Napatango ako. Naupo ako sa upuan na katapat lamang ng inuupuan ni Jerold. Naupo na rin si Doc sa sarili niyang swivel chair.
Ibinigay niya sa akin ang folder na hawak niya kanina. Binuksan ko iyon at nakita ko ang mga papel na naglalaman ng mga sulat.
Ipinaliwanag niya sa akin iyon isa-isa. Matyaga naman akong nakikinig. Sinabi niya na kailangan ko rin sumailalim sa full body check up para malaman kung may sakit ba akong dinaramdam at kung makakayanan ba ng katawan ko ang gagawing operasyon na sinang-ayunan ko naman. Malumanay ang kanyang pananalita kaya naman masasabi kong mabait ang doktor na ito, halata naman din sa kilos niya.
- - - - - - - - - - - - - - -- - -
Sabay na kaming naglalakad ni Jerold palabas ng ospital. Tapos na akong kausapin ni Doctor Montelibano at sandali ring nag-usap ang dalawa bago kami nagpaalam na aalis na.
“So... Handa ka na ba sa magiging pagbabago sa buhay mo simula sa susunod na linggo?” tanong sa akin ni Jerold.
Napatingin ako sa kanya. Napatango ako.
Napangisi siya.
“Ngayon pa lamang... sulitin mo na ang sarili mong buhay dahil hindi magtatagal, hindi na ‘yan ang magiging buhay mo.” Sabi niya. “A... Paano mo nga pala masusulit ang isang buhay na puno ng pasakit?” tanong pa niya.
Hindi na lamang ako sumagot sa tanong niya. Tuluyan na kaming lumabas sa ospital at pinuntahan ang nakaparada niyang kotse at doon sumakay. Ako sa passenger seat at siya naman ay sa driver’s seat.
Nang makasakay na kaming dalawa ay umalis na rin kami doon.
Habang binabaybay ang daan...
“Nagkikita pa ba kayo ni Alexander?” tanong ko. Hindi ko maiwasang magtanong.
Hindi siya makatingin sa akin dahil naka-pokus ang mga mata niya sa daan dahil siya ang nagmamaneho.
“Sa ngayon ay hindi pa... Hindi ko nga alam kung nasaan siya dahil hindi pa kami nagkakausap... huli naming pag-uusap ay ‘yung nakita mo kaming dalawa.” Sabi niya.
Napatango ako.
“Mabuti at hindi pa kayo nahuhuli ng asawa niya.” Sabi ko. Alam kong hindi ko dapat ito tinatanong pero hindi ko kasi maiwasan.
“Magaling kasi kaming magtago.” Sabi niya.
“Hindi ba kayo nakokonsensya? Panloloko na ang ginagawa niyong dalawa.” Sabi ko.
Nakita kong napahigpit ang kapit ng mga kamay niya sa manibela. Naku! Mukhang nagalit yata.
“Bakit naman kami makokonsensya? Ano naman kung nanloloko na kami? Ang mahalaga para sa aming dalawa ay mahal namin ang isa’t-isa.” Sabi niya.
Napatango-tango na lamang ako.
Namayani ang katahimikan. Tumingin na lamang ako sa labas ng bintana.
Hindi ko namalayan na huminto na pala ang kotse sa tapat ng school, sa may tagong parte para hindi rin kami mapansin na magkasamang dalawa.
“Bumaba ka na... Magkita na lamang tayo sa itinakdang araw.” Sabi niya.
Napatango ako.
“Salamat.” Sabi ko. Tinanggal ko ang pagkakasuot ng seatbelt sa akin at bumaba na ako sa kotse niya.
Kaagad namang umandar paalis ang kotse ng makababa at maisara ko na ang pinto. Mukhang nagalit yata sa akin. Napabuntong-hininga tuloy ako.
Nang wala na ang kotse niya sa paningin ko ay tinungo ko na ang gate ng school para makapasok.
- - - - - - - - - - - - - - - - - -
Hindi ko maiwasang kabahan habang papalapit ang itinakdang araw. Sa totoo lang, wala na akong nagiging pakiealam pa sa school, minsan nga ay hindi na ako pumapasok sa klase. Mabuti na lamang at hindi pa napapansin ng mga prof ko ang kakaibang kilos ko. Wala na rin naman kasing sense kung pumasok at pagbutihin ko ang pag-aaral ko.
Hindi ko rin nakikita si Jerold nitong mga nakaraang araw. Huling pagkikita at pag-uusap namin ay iyong nagpunta kami kay Doktor Montelibano. Ewan ko ba kung nasaan siya, wala naman sana akong pakiealam pero hindi siya maalis sa isipan ko. Siguro kasi alam kong galit siya sa mga naging tanong ko. Hays!
Nasa loob ako ng library ngayon, wala lang, pampalipas oras na lamang para sa akin ang pagtulong dito.
Napapatingin ako sa mga kasama kong kapwa scholar at tumutulong din dito, abala sila sa kanilang mga ginagawa. Napabuntong-hininga ako.
“Ilang araw na lang... magbabago na ako... Ano kayang buhay ang naghihintay sa akin? Magugustuhan ko ba iyon? Makakasanayan ko kayang mamuhay sa mga pagbabagong iyon?” magkakasunod na tanong ko sa sarili.
Ito ang gusto ko... ang magbago ang lahat sa buhay ko at para mangyari iyon, kailangang may isakripisyo.
Napahinga na lamang ako nang malalim.