CHAPTER 3 AND 4

2627 Words
#Duplikado TRES     Ngiting-ngiti ako habang naglalakad sa hallway. Wala nang pakiealam sa tingin ng mga estudyanteng nadadaanan ko at kinukutya ako. Hindi ko kasi maiwasan na ma-excite dahil sa nalaman ko.     Narinig ko kasi mula sa mga tsismosang estudyante na nandito daw sa school si Alexander Tan. Mag-isa lang daw ito at walang kasamang mga body guard. Hindi ko lang nalaman kung sino ang pinuntahan nito dito pero wala naman sa akin iyon e, ang mas mahalaga sa akin ay ang makita ko siya.   Malaki kasi ang school namin at marami ring buildings kaya naman mahirap din hanapin ang isang tao dito. Kung kani-kanino ka pa dapat magtatanong para lang mahanap siya at dahil nga hindi naman ako kinakausap ng mga estudyante dito, hindi ako pwedeng magtanong kaya sariling sikap na hahanapin ko siya mamaya.     Hindi ako makapag-concentrate sa klase dahil sa kakaisip na nandito si Alexander Tan. Napagalitan pa nga ako ng isa kong prof dahil sa pagiging lutang ko. Masisisi ba ako? E masyado akong excited na makita siya.     Hindi lang naman ito ang unang beses na nakita ko siya, nung may mall show siya, talagang nagpunta ako at kahit nasa malayo ako, nakita ko siya ng personal at sapat na iyon para sa akin. Iyon na rin ang huli at ngayon, kung makikita ko man siya dito sa school, mauulit ko siyang makita.     Natapos ang klase, pagabi na pero hindi pa ako uuwi. Magbabakasakali akong nandito pa rin siya sa school kaya hahanapin ko siya.     Palakad-lakad ako sa saan mang sulok na bahagi ng school. Patingin-tingin sa paligid dahil baka nandyan na siya.     Nakakapagod man maglakad pero ang isiping makikita ko siyang muli, naalis ito dahil kapag nakita ko siya, sobra akong magiging masaya.     Madilim na at nagsindihan na ang mga ilaw sa school pero hindi ko pa rin siya nahahanap. Medyo nawawalan na ako ng pag-asa dahil baka wala na siya at umuwi na pero tuloy pa rin ako, kahit na abutin ako dito ng madaling araw sa paghahanap, ayos lang. Kung wala man na siya, at least ginawa ko ang lahat para lamang makita siya kahit walang kasiguraduhan.     Tuloy-tuloy lamang ako sa paghahanap, Kung saan-saang department building na ako nakarating. Kahit nga iyong pinakakinakatakutan na parte ng school ay pinuntahan ko pero wala, hindi ko pa rin siya nakita. Baka nga umuwi na.     Napabuntong-hininga ako. Malalim na ang gabi, siguro nga umuwi na talaga siya.     Malungkot ang mukha ko na nagpunta na lamang sa lagi kong tinatambayan, ang hagdanan. Magpapahinga na muna ako doon bago ako pumunta sa dorm para matulog.     Pero sa pagpunta ko doon, nanlaki ang mga mata ko, lumawak ang ngiti sa labi... dahil nakita ko siya... nakita ko si Alexander Tan!     Kaagad akong naglabas ng papel at ballpen para magpa-autograph. Nagmamadali akong lapitan siya pero napahinto ako dahil tila may kausap siya. Isang ilaw lamang ang meron sa lugar na iyon kaya medyo madilim pa rin, hindi ko masyadong nakikita kung sino ang kausap niya... o baka naman... Napailing-iling ako. Kung ano-anong iniisip ko.     Dahan-dahan akong lumapit, ng sapat na ang distansya ko mula sa kanya ay nagtago ako sa pader habang sumisilip. Naririnig ko sila mula dito sa pwesto ko.     “Tuloy pa rin ang plano.” Narinig kong sabi ni Alexander sa kausap niyang hindi ko pa alam kung sino.     “Oo... Hindi magtatagal, magkakasama na rin tayo... Malaya at walang iniisip na iba.” Aba teka... parang kilala ko ang boses na iyon. Hindi ko lamang sigurado kung sino pero ang sigurado ako, lalaki iyon.     “Konting-tiis na lang... mabubura na rin sa landas natin ang asawa ko.” Sabi ni Alexander. Nangunot ang noo ko at nagkasalubong ang magkabilang kilay, anong ibig niyang sabihin sa sinabi niya?     “Mahal na mahal kita... Handa kong gawin ang lahat makasama ka lang... Kahit na ang pinakamaling pwedeng magawa ng isang tao sa mundo, gagawin ko para lamang sayo.” Sabi nung kausap ni Alexander. Naguguluhan talaga ako.     “Mahal na mahal rin kita.” Sabi ni Alexander. Hindi kaya... nagtataksil siya sa asawa niya? Napailing-iling ako. Hindi naman niya siguro gagawin iyon.     Patuloy ako sa pagsilip hanggang sa manlaki ang mga mata ko nang makita kong nagyakapan sila... pero hindi iyon ang mas shocking... dahil nakilala ko na kung sino ang kausap niya... Si Jerold Lim.     Ibig sabihin... Ibig sabihin... Napakagat-labi ako sa aking nalaman kasabay nun ang paghawak sa dibdib ko, may naramdaman kasi akong kirot. Hindi ko na lamang iyon pinansin.     Hindi ako makapaniwala sa mga nalaman ko. Kung news reporter lamang ako, masasabing isa itong big scoop para sa akin na pwede kong ikasikat at ikayaman.     Magkakilala pala silang dalawa... hindi lang basta magkakilala kundi... ibig sabihin... totoo nga na nagtataksil si Alexander sa asawa niya at si Jerold... siya ay isang dakilang kabit.     Napahinga ako nang malalim. Gusto ko na sanang umalis pero hindi ko magawa.    Mas lalong nanlaki pa ang mga mata ko dahil sa nakita... naghalikan kasi sila sa labi. Tila mauubusan nga sila ng hininga sa sobrang lalim at init.     Ilang minuto iyon tumagal bago sila naghiwalay.     “Huwag natin dito gawin... It’s inappropriate.” Natatawang sabi ni Alexander.     Natawa rin si Jerold.     “So paano... Hanggang sa muli nating pagkikita.” Sabi ni Alexander.     Napatango si Jerold.     Muli silang nagyakap bago umalis na ng tuluyan si Alexander Tan. Naiwan si Jerold na napahinga nang malalim bago umalis na rin sa lugar na iyon.     Kaagad akong nagtago sa pader. Napatingin ako sa mga hawak ko. Iyong papel, nalamukos ko na at ‘yung ballpen, nasa sahig na pala ng hindi ko namamalayan.     Hindi talaga ako makapaniwala sa mga nalaman ko. Akala ko, kilalang-kilala ko na si Alexander pero hindi pa pala. Kunsabagay, paano ko naman kasi siya makikilala ng lubusan e hindi nga niya ako kilala at hindi kami nagkakasama.     “Kanina ka pa ba diyan?”     Halos mapatalon ako sa gulat dahil sa biglang nagsalita. Sobra ang kabang nararamdaman ko habang dahan-dahan akong tumingin sa kanya. Sa boses, kilala ko na siya kaya nung tingnan ko, hindi malayong siya nga... Si Jerold na nahuli ako sa akto.     “J-Jerold...”    “Tinatanong kita kung kanina ka pa ba diyan?” tanong niya kaagad. As usual, cold pa rin ang boses niya pero medyo mataas ito ngayon, mukhang galit siya dahil ang dilim ng mukha niya.     Napailing-iling ako.     “Sinungaling.” Sabi niya.     Dahan-dahan siyang lumapit sa akin... ako naman ay aatras sana pero naalala kong nasa pader nga pala ako kaya imbes na mapaatras at malayo sa kanya, mas lalo lamang akong napadikit sa pader.     Tuluyan siyang nakalapit... nilapit niya ang sarili sa akin habang hinarang naman niya ang magkabilang braso niya sa gilid ko para hindi ako makawala. Kabang-kaba ako.     Sa sobrang lapit ng distansya namin, amoy na amoy ko ang kanyang mabangong hininga at mas napagmasdan ko ang gwapo niyang mukha. Hindi ko nga rin naiwasang tingnan ang may kanipisan niyang labi na natural na mapula, ang swerte ni Alexander na nahalikan niya ito. Hays! Ano bang sinasabi ko? Tsk!     “Hindi mo ba alam na masama ang makiusyoso sa ibang tao?” tanong niya. Nakakatakot ang boses. “Kamatayan ang parusa.” Sabi pa niya na lalong ikinalaki ng mga mata ko. Nanginginig na ako sa takot.     “Pa-pa-patayin mo ba ako?” nanginginig kong tanong sa kanya. Hindi pa ako handang mamatay, marami pa akong pangarap. Ayokong mamatay na mahirap.     Napangisi siya. Mas lalo niyang nilapit ang sarili, nagkadikit na ang tungki ng aming mga ilong. Matangos naman ang ilong ko at maganda ang mga mata ko, maganda rin ang hubog ng katawan ko, masasabi kong hipon ako.     “Hindi ko dudungisan ng dumi ang mga kamay ko para lang sayo.” Sabi niya saka lumayo na sa akin. Napabuga ako ng hangin dahil sa sobrang kaba.     “Bahala ka kung gusto mong ipagkalat ang mga nalaman mo... pero sinasabi ko sayo... sa oras na may makaalam na iba bukod sayo... Ikaw ang hahabulin ko at hindi mo magugustuhan kung anong gagawin ko.” Sabi niya saka tinalikuran ako at naglakad na palayo.     Napaupo ako dahil sa sobrang panghihina ng mga tuhod ko. Ano ba itong pinasok ko? Ang simpleng paghahanap ko kay Alexander Tan para makita siya ng personal at makapagpapirma ay nauwi sa tila isang bangungot.   - - - - - - - - - - - - -  - - - -     Nasa loob na ako ng dorm, nakahiga sa aking kama. Nakatitig ang mga mata sa kisame. Hindi ako makatulog dahil hanggang ngayon ay naglalaro pa rin sa alaala ko ang mga nakita at narinig ko.     Napabuntong-hininga ako.     Pero hindi talaga ako makapaniwala... Silang dalawa talaga? Mabuti at hindi pa sila nahuhuli?     Pero mas lalo akong hindi makapaniwala na isa palang bisexual katulad ko si Jerold. Wala kasi sa itsura at kilos niya na ganun din siya.     Muli akong napabuntong-hininga.     “Please... patulugin niyo na ako... Kanina pa nagtatrabaho ang isipan ko e... pagod na pagod na ako.” Sabi ko sa sarili. Hindi ako makatulog dahil sa dalawang iyon. Hays!   #Duplikado KWATRO     Ilang araw na ang lumipas at sa totoo lang ay hindi ko pa rin nakakalimutan ang mga nalaman ko. Sa tingin ko nga, habambuhay na akong guguluhin nito e.    At dahil nga sa mga nalaman ko, naapektuhan hindi lamang ang sarili ko kundi pati na rin ang pag-aaral ko. Lagi kasi akong lutang at hindi makapag-pokus.     Bakit ba kasi nalaman ko pa ang mga bagay na iyon? E di sana kung hindi ko iyon nalaman ay tahimik ang buhay ko.     Hays! Isa pa sa iniisip ko si Jerold na ilang araw ko ng hindi rin nakikita. Paano ko siya makikita e pinagtataguan ko siya. Ang pangit ko na nga, nagmumukha pa akong daga sa kakatago para lamang hindi magtagpo ang aming mga landas dito sa school.     Ewan ko ba, ayoko siyang makita. Baka mamaya kasi, sabihan na naman niya ako na mamatay ako.     Pero hindi talaga ako makapaniwala sa mga nalaman ko. Bakit kaya pinagtataksilan ni Alexander ang asawa niya? I’m sure may dahila iyon dahil lahat naman ng bagay, may dahilan. At si Jerold, bakit siya pumapayag na makihati sa isang taong may nagmamay-ari ng iba at alam niyang sa una pa lamang, pwede na siyang matalo?     Ginagawa nilang kumplikado ang buhay.     Napabuntong-hininga ako. Umayos ako ng upo sa hagdanan na lagi kong tambayan. Tapos na kasi ang mga klase ko at imbes na pumunta na ako sa dorm para magpahinga ay mas pinili ko muna na manatili dito. Mas tahimik kasi dito kaysa doon.     Nakarinig ako ng mga yabag pababa ng hagdan kaya napatingin ako pero halos manlaki ang mga mata ko ng makita ko siya... Si Jerold!     Kaagad akong umiwas nang tingin, kumuha ng libro sa dala kong bag at itinago ang mukha ko doon.     Huminto ang yabag, ramdam na ramdam ko ang presensya niya sa tabi ko kahit hindi ko pa siya nakikita. Amoy na amoy ko ang halimuyak ng pabangong gamit niya na ang sarap langhapin dahil sa sobrang bango.    “Huwag ka nang magtago... nagmumukha kang daga sa ginagawa mo.” Narinig kong sabi niya, as usual cold. Nakakapanlamig nga e.    Hindi ko pa rin inalis ang sarili ko sa pagtatago sa librong hawak ko. Ayoko talaga siyang makita. Sa itsura niyang ‘yan, isa siyang dakilang kabit. Hay!    Alam kong hindi pa siya umaalis dahil patuloy ko pa rin siyang naamoy.   Naramdaman ko na lamang na may tumabi sa akin sa pagkakaupo. Naku! Bakit ka pa tumabi sa akin? Lintik naman o. Sa totoo lang, kinakabahan ako sa presensya niya.     “Wala pa naman sigurong nakakaalam na iba sa mga nalaman mo di ba?” tanong niya. “Alam mo naman siguro ang mangyayari sayo sa oras na may sabihan ka.” Sabi pa niya.     Dahan-dahan kong inalis ang libro sa mukha ko, napatingin ako sa kanya saka umiling.    “Mabuti naman kung ganun.” Sabi niya. Umiwas siya nang tingin sa akin.     “Sa totoo lang, hindi ako makapaniwala sa mga nalaman ko... Fan kasi ako ni Alexander... hinahangaan ko siya sa lahat ng bagay na ginagawa niya pero pagdating sa mga nalaman ko...” hindi ko na naituloy ang sasabihin ko dahil napabuntong-hininga na lamang ako.     Natahimik kami kaya nakakabinging katahimikan ang namayani sa paligid.     “Alam kong mali ang ginagawa namin.” Sabi niya na pumutol sa katahimikan. “Pero masasabi kong ang pagmamahalan namin ay hindi.” Sabi niya pa.     Napatingin ako sa kanya.     “Alam kong walang mali sa pagmamahal... pero pagbalig-baligtarin mo man ang mundo... mali ang ginagawa niyo dahil may asawang tao si Alexander.” Sabi ko.     “Kapag nagmamahal ka... kahit mali ay handa mong gawin para lamang maging masaya kasama ng taong mahal mo.” Sabi niya.     “Masaya ka naman ba?” tanong ko. Napatingin siya sa akin. Wala akong emosyon na makita sa mga mata niya. “Masaya ka bang nakikihati ka sa totoong nagmamay-ari sa kanya? Masaya ka bang nagtatago kayo na parang mga daga hindi lamang mahuli ng pusa? Masaya ka ba sa sitwasyong meron kayo?” sunod-sunod na tanong ko. Wala pa akong karanasan sa pag-ibig pero may alam naman ako. Kumbaga, hindi ko pa nararamdaman pero nasa isip ko naman ang mga bagay na iyon.     Hindi siya sumagot sa mga tanong ko. Umiwas siya nang tingin.     “Naiintindihan kong may puso ka para magmahal... ang hindi ko lang maintindihan ay bakit kailangan mo pang pababain ang sarili mo para lamang sa pag-ibig na inaasam?” tanong ko.     “Sobrang baba ko na ba sa paningin mo?” tanong niya.     Hindi ako sumagot. Napabuntong-hininga ako.     Narinig ko siyang natawa.     “Naturingan akong hinahangaan ng iba... mataas ang antas na meron sa buhay... pero pagdating sa taong minamahal ko... ewan ko ba... pero handa akong magpakababa pagdating sa kanya.” Sabi niya. “Ganun siguro kapag nagmamahal... nawawala ang talas ng isipan at laging sinusunod ang kagustuhan ng puso.” Sabi pa niya.     Hindi ko maiwasang maawa sa kanya. Siguro, somehow ay naiintindihan ko siya. Nagmamahal siya ng totoo kaya kahit na ang hindi makakabuti sa kanya ay ginagawa niya para lamang sa pagmamahal.     Napatingin siya sa akin.     “Huwag kang maawa sa akin... Mas nakakaawa ka pa nga.” Sabi niya.     “Grabe ka naman.” Sabi ko. Tsk!     “Pero... Gusto mo bang hindi ka na kaawaan ng ibang tao?” tanong niya.     Nagtaka naman ako sa sinabi niya.     “Ha?” pagtatakang tanong ko.    “Gusto mo bang magbago ang buong buhay mo?” tanong niya.     Mas lalo akong nagtaka. Ano bang pinagsasabi niya?     “Hindi kita maintindihan...”    “Meron akong offer sayo... na tiyak magugustuhan mo.” Sabi niya kaagad.    Mas lalong kumunot ang noo at nagsalubong ang magkabilang kilay ko.     “Pero may unang kondisyon.” Sabi niya.     “Pwede ba... diretsuhin mo na nga ako.” Sabi ko. Hindi ko maiwasang hindi maging interesado sa mga gusto niyang sabihin.     Napangisi siya.     “Magbabago ang buong buhay mo... ang buong ikaw.” Sabi niya. “Pero kailangan mong mamatay para mabuhay.” Sabi niya pa na ikinalaki ng mga mata ko.     “Kung gusto mong magbago ang buhay... kailangan mamatay ang katauhan mo ngayon para mabuhay ang bago mong katauhan.” Sabi niya.     Hindi ako makapagsalita sa mga sinasabi niya.     “It’s a once in a lifetime offer... Magbabago ang buong buhay mo at syempre... ang buong itsura mo. Hindi ka na kakaawaan ng iba... hindi ka na aapihin... magagawa mo na ang lahat ng nais mo dahil may kayamanan ka... pero siyempre... dapat mamatay ang katauhan ni Rhaven.” Sabi niya. Alam niya pala ang pangalan ko.    Pero hindi ako makapaniwala sa mga sinasabi niya. Kung tatanggapin ko ang inaalok niya, matatakasan ko na ang buhay na meron ako ngayon at mamumuhay na ako ng masaya.     “Totoo ba ang lahat ng sinasabi mo?” tanong ko. Naiintindihan ko na ang mga sinasabi niya pero baka mamaya kasi ay nagjo-joke lang siya.   “Mukha ba akong sinungaling?” tanong niya.     Napailing ako.     Napangisi siya.     “Pag-isipan mo ang lahat... Lapitan at kausapin mo ako kung nakapagdesisyon ka na. Ipapaliwanag ko sayo ng mas malinaw ang lahat.” Sabi niya. Tumayo ito mula sa pagkakaupo saka naglakad na palayo sa akin.     Naiwan ako dito sa hagdan at nakaupo pa rin. Napapaisip. Hindi ko na nga akalain na nakausap ko siya nang matagal pagkatapos ay may offer pa siya sa akin na mahirap tanggihan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD