Napangiti si Raf nang marinig na napasama ang babaeng pumukaw sa kanyang pansin na si Hershey sa top 5, ngunit agad ring napalis nang marinig ang pagtawag ng emcee sa pangalan ng kanyang ina.
"Ladies and gentlemen, before we announce the winner for today's Miss CSR. May I call on Mrs. Clarita Cruz, the head of the administration of Collegio de Santa Remedios, ma'am," tawag ng emcee na babae.
Agad na tumayo ang ginang at eleganteng pumunta sa entablado.
"Thank you so much for having me here, I just wanna thanks to my son Donetello Rafael Cruz for granting my request to be a part of today's program," dinig pa ni Raf na sinabi nito dahilan upang napahawak siya sa kanyang baba. "This pageant for a cause was initiated by my fellow administrators to enhance and give opportunities out of school children. Because, we, the CSR believe that our small things will end up as good deeds. Let's unite and put every child in school and sooner or later we will be able to achieve the society with a well-educated people. Good day, and enjoy the rest of the pageant. I will give back the microphone cause I know you are eager to know who will be crowned as Miss CSR," malakas na turan saka muling nagpaalam.
"Okay, we heard that right and clear. Thank you so much, Mrs. Cruz, and now we are going to announce the winners and here they are," anito.
Sumigabo ang hiyawan ng kanya-kanyang kurso, halo-halo ang sigawan, kasabay ng pagtambol sa dibdib ni Hershey. "Relax! Win or lose," bulong na turan sa sarili.
"The fourth runner-up goes to Miss Fontanilla of Grade 12-Mabini. The bouquet, sash, and the crown will be given by the reigning queen to be assisted by Mr. Manalo, one of our school administrator," saad ng emcee na lalaki.
Matapos ilagay ang mga napalunan ng unang tinawag ay sinunod naman ang third runner up, pinagpapawisan na naman ang kamay ni Hershey.
"Third runner up goes to Miss—" pambibitin ng emcee.
Palakasan ng sigaw ng mga estudyanteng naroroon kasama na rin ang mga outsider na nakidalo sa pagdiriwang nila upang suportahan ang kani-kanilang pambato.
Napapikit si Hershey sa sobrang kaba.
"Miss Santos of Grade 11-Sampaguita," tuluyang turan ng emcee.
'Oh God,' bulong niya habang nanginginig na binitawan siya nito at nagpunta sa harap upang tanggapin ang korona nito. Gaya ng una ay inasistehan ito ng reigning queen at ng isang administrator ng eskuwelahan.
"Alam kong kabado na kayo, kumusta ang mga Grade 11-Ilang-Ilang?"
"Wooo! Yeahhh!" sigaw ng mga tao.
"Isang malaking yes sa mga Grade 12-Rizal!"
"Yesss!" sigaw naman ng mga ito kasama na ang mga magulang ni Hershey na naroroon upang suportahan siya.
"Isang malaking kaway sa Grade 12-Bonifacio!" malakas na sigaw ng lalaking emcee.
"We will win! We will win!" sigaw naman ng mga ito.
"Second runner up goes to—" pambibitin ng babaeng emcee.
Tumahimik ang lahat. "Goes to Miss Bayola of Grade 11-Ilang-Ilang," malakas na wika ng emcee. Sumigabo ang hiyawan, ang mga Grade 12-Rizal at Bonifacio, halos isigaw ang pangalan ng kani-kanilang pambato.
Napapailing na napapangiti si Raf habang nakatingin sa maamong mukha ni Hershey, nakita niya itong nag-angat mg mukha na tila ba may hinanap ang mga mata nito.
'Boyfriend?' tanong niya sa isipan ngunit nang masumpungan ang mga tinitingnan nito ay napagtantong marahil mga magulang nito ang nakatayo at may hawak pang pangalan nito bilang suporta sa kanya.
Napatingin si Hershey sa kanyang magulang, ng ina ay may hawak pang rosaryo at ang ama naman ay may hawak na papel kung saan nakasulat ang pangalan niya sa tabi ng ina na panay ang dasal habang ang kaibigang si Lea naman ay naka-thumbs up pa ito.
Ayos na sa kanya kahit first runner-up lang, masayang-masaya na siya dahil kahit papaano ay nakatulong siya para makalikom ang eskuwelahan nila ng halaga para sa mga out of school children.
"Now may I call on, Miss Quintana and Miss Del Mundo to come forward. The next one that I'm going to call on, will be the first runner-up to be assisted by the reigning queen and the top administrator, Mr. Romulo Garcia. And the first runner up is no other than—" pambibitin muli ng emcee na babae. "Oh, by the way, the one who will remain will be our Miss CSR 2015. The first runner up is Miss—" bitin ulit nito.
Dumagundong ang buong gymnaseum sa hiyawan ng mga manunuod.
"Miss—"
Natahimik ang lahat at tila inaabangan ang salitang sasambitin ng emcee. "Miss Quintana of Grade 12-Bonifacio!" sigaw nitong pagtatapos.
Doon sumigabo ang sigawan ng lahat, matapos isigaw ang first runner up ay agad siyang niyakap ng kasama. "You deserve it," bulong nito saka lumapit sa emcee at doon pinatong ang korona nito.
Hindi na alam ni Hershey ang gagawin kung iiyak o matutuwa o matatawa sa hindi niya inaasahang pagkapanalo.
"Big wave to Miss Del Mundo of Grade 12-Rizal because it's your time to bring home the crown. Miss CSR will be crown by the reigning Miss CSR, Miss Selena Gutierrez and to be assisted by Mr. Donetello Rafael Cruz," wika ng emcee.
Agad namang inayos ni Raf ang suot at maagap na inasistehan ang magandang binibini. Isa rin kasi ito sa nag-judge at mukhang kanina pa nagpapakita ng interest sa kanya.
"Good to see you here, Raf," anitong pabulong sa kanya habang paakyat sika sa entablado.
Napangisi na lang si Raf at wala siyang balak patulan ito, maganda at seksi ito pero hindi niya tipo ang babae, kung hindi lang naman sa pamimilit ng ina ay wala siya roon. Nang nasa entablado na ay sinabit ang sash ng nanalo ay hindi niya maiwasang titigan ito ng malapitan. In fairness maganda talaga ang babae, akala niya kanina ay dahil lang may make up ito.
Kabado si Hershey nang biglang titigan siya nang matiim ni Rafael, bigla tuloy siyang nahiya dahilan upang mabalis na iiwas ang tingin dito.
Nang kamayan siya nito ay nanginginig at nanlalamig pa ang kamay niya. Gusto niyang tumili ngunit hindi niya magawang maging fan na fan ng lalaki, mabuti na lang at sinabihan ang kaibigan na kunan siya ng maraming pictures kasama ang lalaki dahil pagkakataon na niya 'yon.
Natapos ang patimpalak na iyon ay napunan ang isa sa kanyang mga gustong gawin sa buhay, kung noon ay isa lamang siyang frustrated beauty queen ngayon ay isa na siyang ganap na beauty queen dahil siya lang naman ang nag-uwi ng Miss CSR.
Kahit papaano ay unti-unting nagagawa ang mga nais gawin bago pa tuluyan siyang igupo ng kanyang karamdaman bagay na muling nagpalungkot kay Hershey.
***
"Buwisit! Ano bang nangyayari at bakit traffic?!" buwisit na buwisit na turan ni Raf na panay ang pihit ng kanyang busina. Mali-late na siya sa pupuntahan niyang gig at dahil hindi nakatiis ay naisipan na niyang magtanong kung bakit napakaraming tao dahilan upang magkaroon ng matagal na trapiko.
"Manang, bakit po maraming tao, ang traffic tuloy," hindi maitago ang pagkabanas sa tanong sa ale sa bangketa.
"Sir, may feeding program po kasi, hindi po ba kayo nasabihang traffic ang daan dito?" balik-tanong naman nito sa kanya.
"Nasabihan pero—" putol na turan niya. May check point kasi kanina at sinabing maghanap na siya ng ibang rota pero iyon kasi ang short-cut dahil mali-late na nga siya.
"Iyon naman pala, eh," mabilis na sabad ng ale na tila kasalanan pa niya kaya mas lalo siyang nainis.
"Kaya lang manang, ito po ang pinakamalapit na daan at kung dadaan ako sa iba ay iikot pa ako!" giit niya sa ale.
"Aba, hijo, hindi ko na problema 'yan," anito na mas lalong nagpabanas sa kanya.
Sa dami ng tao ay tila doon na siya matitingga, kaya wala siyang nagawa kundi ang bumaba at tinungo ang plaza kung saan may feeding program. Saktong naglalakad na siya papunta sa plasa nang makatanggap ng tawag mula kay Leonardo, isa sa kabanda niya.
"Hello!" banas na sagot, marahil ay hinahanap na siya ng mga ito.
"Hello, bro, papunta ka na ba?" bungad na tanong nito.
"Yes on my way, kaya lang may problema," aniya. "Baka ma-late ako konti," dagdag pa niya.
"Oo, dito rin may problema," saad nito dahilan upang mapataas ang boses niya.
"Ano? Ano'ng nangyari?" gagad na tanong niya sa kabanda.
"Nagback-out ang customer, hindi sila nagkaintindihan ni Sir John," tukoy sa manager ng banda nila. "Nakakainis nga dahil nasa location na kami," dagdag pang wika ni Leonardo.
"Ganoon ba? Okay, so ano'ng sabi ni Sir John?" usisa pa rito na bahagyang nakahinga ng maluwag.
"Nainis dahil sabi ay fifty thousand pero fifteen thousand lang pala, medyo mahina ang tainga daw ng kausap nito at nang iabot kanina ang pera ay fifteen thousand lang. Dehado naman tayo masyado noon?" palatak pa ng kaibigan sa nabulilyaso nilang gig.
"Okay, Bro, since hindi rin ako makakaalis rito sa kinaroroonan ko sa tindi ng traffic at cancel ang gig natin, usap na lang tayo mamaya," aniya bilang paalam sa kaibigan.
Dumeretso siya sa plasa at nakitang may ilang kabataang abalang-abala sa pagbibigay ng pagkain, habang ang ilan ay may palaro sa mga bata.
"Okay, kids fall in line na para sa stop dance contest natin," ani ng tinig sa micropono. Agad na napatingin si Raf at nakita ang pamilyar na mukha, si Hershey. Hindi niya makalimutan ang pangalan nito dahil kapangalan nito ang isang brand ng tsokolate.
Mas lalo siyang napangisi nang makitang sumayaw pa ito na tila tinuruan ang mga bata sa kung ano ang gagawin ng mga ito para sa kanilang laro.
"Oh, yeah! Shake to the left, shake to right, turn around," masayang sayaw ni Hershey, tuwang-tuwa siya habang gumigilang kasama ang ilang kabataan.
"O, tatlo na lang ang players natin, ito ang tugtog," anito sabay ang otso-otso ni Bayani. Matapos ang malakas na tugtog ay nag-otso-otso rin ito at tila batang tuwang-tuwa.
Naalala ni Raf ang sinabi nito noong nakaraan, may karamdaman daw ito kaya gagawin na nito ang mga bagay na gusto nitong gawin sa buhay. Muli niyang ibinalik ang tingin sa babaeng masayang-masayang nakikipagsayawan at tawanan sa mga bata.
Looking at here, parang wala naman itong sakit. Masiglang-masigla ito at tila walang mabakas na sakit sa kilos lalo na sa nakatawa nitong mukha.
"Ngayon ay may isa na po tayong winner. Yehey! Heto ang iyong premyo, isang school bag," masigla nitong abot sa bata ang premyo nito.
"Wow!" masiglang turan sa bata na tuwang-tuwa sa premyo nito.
"Salamat po, ate, sana pagpalain ka pa ni Papa Jesus," ani ng bata.
Sa narinig ni Hershey ay agad na nagtubig ang mata saka agad na tumalikod. Mabilis na pinahid iyon, ayaw niyang may makakitang mahina siya at umiiyak.
Ngunit lingid sa kanyang kaalaman na may isang pares ng mga matang kanina pa nakatingin sa kanya at kitang-kita ang kanyang pagluha.