Chapter 2: Ako si Clark Dennis Thompson (Krissha)

1214 Words
Sinimangutan ko sila Gale at Rica na kinawayan ako para sa kanilang row ako umupo. Malawak ang ngiti nila at nanunudyo ang mga titig sa akin. Alam ko na kung bakit sila ganoon sa akin. Nakita nila marahil ang pagkakatulala ko sa professor namin. Madumi na naman ang isip ng dalawang ito. Sorry na lang sila dahil mali sila ng iniisip. "Tinamaan ka kay Sir, ano?" tudyo ni Gale sa akin nang makaupo ako sa gitna nila ni Rica. Mas lalong nalukot ang mukha ko. Sinasabi ko na nga tama ako ng iniisip. "Gale naman, tinatanong pa ba 'yan? Tayo nga tinamaan ng karisma ni Sir, si Krissha pa kaya?" ani Rica. Tiningnan nito ang propesor namin sa harapan saka impit na bumungisngis. Halatang kilig na kilig ang loka. Kurutin ko kaya ito sa singit? "Tigilan na nga ninyo akong dalawa. Manahimik na lang kayo at isarili na lang ninyo 'yang mga iniisip ninyo. Inaantok ako at kailangan ko ng matulog," mataray na turan ko sa kanila. Hindi naman talaga ako inaantok, gusto ko lang manahimik sila para makapag-isip ako ng tama. Maraming katanungan sa isip ko na bumabagabag sa akin. Yumuko ako saka sumubsob. Wala pang masyadong pag-aaralan. I'm sure introduction na naman ang mangyayari para sa umagang ito. Walang kamatayang pagpapakilala sa isa't isa sa harap na kinauumayan ko na lang taun-taon. Tsaka iisip ako ng paraan para hindi niya ako makausap dahil alam ko naman na kokomprontahin niya ako. Isang taon ba naman na nagtago ako sa kanya. "Hoy! Ano ka ba, Krissha! First day na naman ng klase matutulog ka? Lagot ka kay Sir Pogi kapag nahuli ka!" sita ni Gale na niyugyog pa talaga ako para lang magising ako. "Krissha, balita ko malupit daw si Sir sa klase niya at pinalalabas niya ang hindi nakikinig sa klase niya," wika naman ni Rica na niyugyog na rin ako. Naiinis na bumalikwas ako mula sa pagkakasubsob ko at inis na tinapunan sila ng masakit na titig. Nakakainis naman dahil nagusot pa ang suot ko na long sleeve stripe na polo. Plinantsa ko pa naman ito ng maigi para presentable ako pagpasok. Ito kasi ang gusto ko suotin tutal ito naman ang in. "Hindi niya ako mahuhuli rito kung tatahimik kayo at hahayaan ako sa gusto kong gawin,” inis na bulong ko sa kanila. Sumubsob ako muli sa desk ko at hindi na pinansin ang patuloy na pagtatalak ng dalawa kong matalik na kaibigan. Kahit magsalita sila ng magsalita ay hindi ko na sila pinansin. Tumahimik naman sila ng magsawa sa kakatalak. Alam naman kasi nila na hindi ako makikinig sa kanila. They know me as a stubborn girl. Gusto ko ang sinusunod ko at walang makakapigil sa akin para gawin ang gusto ko. They are my best friends since elementary. Kilala na namin ang likaw ng bituka ng bawat isa. At kilala nila ako kung paano ako magalit kaya naman hindi na nila ipinipilit ang gusto niyang mangyari. Kapag alam na nila na hindi na ako nakikinig ay alam na nilang galit na ako. Gaya ngayon, tumigil na sila dahil alam nilang nagagalit na ako. At kapag galit ako sa kanila ay buong araw ko silang hindi papansin. Well, except ngayon dahil marami akong kailangan i-catch up sa kanila. Isang buwan ako nawala at marami ako na-missed sa dalawang ito. Paano naman kasi nagbakasyon kami sa Baguio noong sem break. Hindi ko sila kasama kaya naman palalampasin ko ang panunudyo nila sa akin. Tutal, inaasar lang naman nila ako. Hindi naman iyon totoo kaya bakit ako magpapaapekto? Napakislot ako nang pukpukin ni Sir ng dalawang beses ang kanyang mesa. Maingay na kasi ang mga kaklase ko at hindi na nakikinig sa kanya. Nangingibabaw pa naman ang boses ng mga kababaihan at siya ang topic sa usapan. Awtomatikong nagtaas ako ng mukha at agad na napaupo ng tuwid nang marinig ko siyang malamig na nagsalita sa harapan. Agad na tumahimik ang buong klase at natulala na lang sa kanya. Nakatikim na naman ng irap sa akin ang dalawa kong kaibigan ng marinig ko silang magbulungan. Akala nila hindi ko maririnig? Nagbubulungan na nga lang ay iyong dinig ko pa talaga. Kaagad naman silang nag-iwas ng tingin sa akin. Napangisi ako. Pansin ninyo na ilag sa akin ang dalawang ito. Sa grupo kasi namin ay ako ang nasusunod. Ako ang lagi nilang napagbibigyan dahil mas bata ako sa kanila. Spoiled kasi ako sa dalawang ito dahil mas matanda sila sa akin. Walang sense? Basta iyon na iyon. "Stop murmuring! I can hear you here!" sabi ni Sir sa harap. Napakatigas ng pagkakasabi niya kaya napatahimik muli ang klase. Mukhang masungit nga ang bago naming propesor--na asawa ko nga pala. Hindi ko yata magagawa ang mga gusto kong gawin sa klase niya. Ang matulog, makinig sa ipod ko at maglaro ng games sa tablet ko. Mukhang hindi ko magagawa ang lahat ng iyon. Pinagbibigyan ako ng ibang mga naging propesor ko sa mga ginagawa ko dahil hindi naman ako kulelat sa klase nila. Ngunit mukhang hindi ako pagbibigyan ni Sir sa mga gusto ko. Istrikto siya at mukhang dedicated sa kanyang trabaho. Hindi ko alam na teacher siya sabagay wala naman akong masyadong alam sa kanya. Nang magpakasal kami one year ago ay kaagad ko din siya ng iniwan nang dalhin namin si Daddy sa America para magpagamot. Nagpakasal lang naman ako sa kanya dahil kailangan niya ng asawa at ako naman kailangan ko ng pera. "I have rules in my class. Gusto kong sundin ninyo ang mga ito para magkasundo tayong lahat,” pormal niyang saad. Isa-isa niya kaming tinitignan habang umiikot ang kanyang paningin sa loob ng klase. Napasinghap ang bawat dapuan ng kanyang titig. Napapailing naman ako dahil obvious na nado-drool sa kanya ang mga kaklase kong babae. Naririnig ko pa ang ilan na kinikilig na pinag-uusapan nila si Sir matapos silang tingnan ni Sir. Kinabahan ako nang magtama ang aming paningin. Hindi ko alam kung bakit nakaramdam ako ng kakaiba sa puso ko habang nagtitigan kami. Ngunit mabilis ko naman itong napalis sa isipan ko nang makita ko na tumaas ang sulok ng kanyang labi. Nakaramdam ako ng kilabot dahil alam ko na may binabalak siyang masama. Kung ano man iyon ay natatakot ako ng sobra. Sisingilin na ba niya ako sa kalahating milyon na binayad niya sa akin o iuuwi na niya ako para gampanan ang pagiging asawa ko sa kanya. "Istrikto ako pagdating sa klase ko. I hope you understand that,” pagpapatuloy niya nang maputol ang titigan namin. Ako ang unang umiwas ng tingin dahil hindi ko nakayanan ang titig niya. Masyadong itong mabigat at nakakapaso. "Sa loob lang naman ng klase ko ako istrikto dahil sa labas ng klase ay pwede ninyo akong maging kaibigan, kuya o tatay." Hindi mapigil ang magtilian ng mga kaklase ko dahil sa sinabi niya. Nagustuhan nila ang huling pangungusap niya dahil mabait naman pala ito at malalapitan kapag nasa labas ng klase. Pabor ito sa mga malalandi at mga papansin kong kaklase dahil malalapitan nila ang gwapo at hot na propesor na ito. "Hindi pa nga pala ako nagpapakilala sa inyo,” aniya matapos niya kami sawayin at tumahimik ang mga kaklase ko. "Ako ang bago ninyong propesor sa Filipino. Ako si Clark Dennis Thompson." Patay! Anong gagawin ko?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD