Tagaktak ang pawis ko nang makarating ako sa pakay kong kwarto. Hindi ko alam na ganoon pala kalayo ang aking lalakarin bago makarating sa Room 969. Hinihingal na sumandal ako sa labas ng pintuan habang pinapahid ang panyo na hawak ko sa aking pawis na tumutulo sa aking noo.
"Napakainit na naman ng umagang ito," naibulong ko sa sarili ko habang sinisipat ko ang aking suot na relo. Alas otso pa lang naman ng umaga ngunit kung tumama ang sinag ng araw sa balat ko ay parang nasa katanghalian tapat na.
Ito na yata iyong napag-aralan namin noong nakaraang taon na climate change. Marami ng pagbabago sa klima ngayon sa ating mundo dahil sa pagiging abusado ng mga tao. Isa sa dahilan ng climate change na natatandaan ko na napag-aralan namin ay ang pagpuputol ng mga puno sa kagubatan. Kinakalbo nila ang mga puno dahilan para magkaroon ng landslide. Ang mga usok na nanggagaling sa mga factories at mga sasakyan ay nakakasira naman sa ating ozone layer kaya naman ang pagtama ng araw sa ating balat ay mainit na kahit umaga pa lang. Ang hindi tamang pagtatapon ng basura kung saan naging sanhi ito ng baha. Ano pa nga ba? Marami pa, hind ko na lang matandaan.
At bago ko isipin ang climate change na iyan ay kailangang makapasok na ako sa klase ko. Lagot ako nito, late na naman ako sa first day ng second semester. Naalala ko na late din akong pumasok noong first day nang first semester. Sabi pa naman nila Rica at Gale na parehong bestfriends ko ay maaga akong pumasok ngayon dahil mahigpit daw ang bago naming propesor.
Wala naman akong pakialam kung mahigpit siya o ano dahil hindi naman ako natatakot. Late ako nagising kaya late ako makakapasok. Isa pa ang layu-layo naman ng building na ito. Akala ko malapit kaya naman nagpa-late pa ako ng gising. Hindi ko naman alam na nasa pinakadulong hilera ito ng mga classroom. Napagod nga ako sa kakalakad tapos mataas pa ang takong ng suot ko. Kung alam ko lang na ganito kalayo ito, eh ‘di sana nag-rubber shoes na lang ako.
Siguro kaya masungit ang propesor namin ay dahil may katandaan na ito o kaya naman bading. Isa sa mga iyon ang dahilan na naiisip ko. Ang hirap pa naman magkaroon ng ganitong propesor. Sana naman kahit masungit, gwapo at hot sana ito para naman ganahan ako na makinig at mag-aral.
Dalawang beses akong kumatok sa pinto bago ito binuksan. Agad na nag-isip na ako ng dahilan para ipaliwanag sa propesor namin ang pagkaka-late ko. Nahihiya ako na mapahiya sa klase kaya iisip ako ng magandang alibi.
"Good morning, Sir, sorry if I'm late. Nasagasaan po kasi iyong aso ko. Nilibing ko po muna at nagluksa ako saglit. Hindi ko po namalayan ang oras kaya na-late po ako," sunud-sunod na sabi ko. Hindi ako nagpreno dahil baka makalimutan ko ang sasabihin ko at magkandautal-utal ako.
"Good morning too, Ms. Harrison. It's okay, I understand if you are late. H’wag ka nang magpaliwanag at magsinungaling d'yan dahil alam ko na wala kayong aso." Malamig ang boses ni Sir nang sabihin niya iyon.
Natigalgal ako sa sinabi ni Sir. Bakit alam niya na wala kaming aso? Nahulaan ba niya o nakita niya sa records ko? Teka, wala akong natatandaan na kailangan ilagay iyon sa records ko? Siguro nahulaan lang niya. Patay ako nito! Baka hindi niya ako papasukin sa klase niya.
"A-Ahmmn...S-Sir...a-ano po kasi, may ano po kasi..ah," natataranta na sabi. Halos hindi ako makapag-isip ng maayos dahil huling-huli niya ako na nagdadahilan.
"Come inside. Don't think of any other alibis, I won't buy it," masungit niyang turan.
"Pero Sir---"
"Ms. Harrison, pumasok ka na. Nagsimula na ang klase ko kanina ka pa. Don't waste my time chatting with you."
Kaagad na pinutol niya ang iba ko pang sasabihin. Hindi ko mapigilan na magkasalubong ang aking dalawang kilay. Ang sungit ni Sir baka bigla niya ako i-absent ngayong araw kapag pinilit ko pa ang rason ko.
"Okay, Sir." sumusuko na sabi ko.
Nakatungo na naglalakad ako papasok ng hindi man lang sinusulyapan ang mukha ng bago naming propesor. Nahihiya ako sa sinabi ko. Akala ko lulusot. Sabagay napaka-lame naman kasi ng naisip ko. Hindi bumenta sa kanya. Mabuti na lang at hindi ako pinagtawanan ng mga kaklase ko. Siguro hindi nila narinig ang usapan namin. Sabagay ang layo namin sa kanila para marinig nila ang diskusyon namin ni Sir.
"Wait, where is your class card? I need it for your attendance." Pigil niya sa akin bago pa ako tuluyang makalampas.
Awtomatikong napatigil ako at patamad na inilabas ang class card ko mula sa loob ng aking bag. Iniabot ko ito sa kanya saka napanganga nang masilayan ang mukha niya.
'Oh my God!!! Bakit siya nandito?'
"Thank you, you may sit now Ms. Harrison."
Nanatili akong nakatulala sa kanya habang naglalaro ang mga katanungan sa aking utak. Hindi pa rin ako makapaniwala na makikita ko siyang muli. Sa dami ng magiging propesor namin sa Filipino ay bakit siya pa? Bakit si Clark pa na asawa ko ang magiging propesor ko. Hindi ko tuloy alam ang gagawin ko. Tutuloy ba ako na mauupo at makikinig sa klase niya o aalis na ako para takasan siyang muli.
"Ms. Harrison, narinig mo ba ang sinabi ko? Maupo ka na dahil magsisimula na ang klase natin."
Narinig ko na nagtatawanan ang ilan sa mga kaklase ko, ang iba ay nagbubulungan at meron pang pumito. Marahil, iniisip nila na medyo nag-daydream ako sa harap ng bago naming propesor. Napakasimpatiko nito at sino ang hindi mag-iisip ng ganoon. Pero sa kaso ko, hindi iyon ang nasa utak ko dahil iba ang dahilan ko kung bakit ako natulala.
"Y-Yes Sir, sorry. Uupo na po ako. Pasensya na po kayo."
Para akong robot na naglalakad palayo sa kanya. Wala pa rin ako sa tamang katinuan at pakiramdam ko maaaring mag-collapse ako ng wala sa oras. Hindi pa rin talaga ako makapaniwala!
Ano'ng gagawin ko? Sigurado naman na nakilala niya ako. Isang taon lang naman nang takasan ko siya at iwan siya pagkatapos na makasal kami. Imposible naman na nakalimutan na niya ako. Malamang pinahanap niya ako, heto ngayon siya at nagpanggap na propesor ko sa Filipino.