Chapter 7 - Panaginip ni Vince

2324 Words
Vince's POV -April 14, 2020- "Nak dito ka lang ha, huwag kang lalabas diyan kahit anong mangyari," sabi ni mama na nagbabalak lumabas sa kwarto para tingnan ang mga nangyayari sa labas, matapos namin marinig ang mga ilang pagsabog kanina. Napansin ko naman na bahid ang pagkatakot at kaba sa kaniyang mukha. Kaya hindi na ako nagbigay ng kahit anong  tugon sa kaniyang mga sinabi para hindi na ako makadagdag sa tensyon na namamagitan sa amin ngayon. Alam kong nag-aalala lamang siya dahil sa aking sitwasyon ngayon. Nakahandusay sa kama at nakasemento pa ang isang binti. Salamat sa isang aksidente na bunga ng aking kapabayaan. Palubog na ang araw nang matapos ang aming klase. Naglalakad ako noon sa tabing kalsada kung saan maraming rumaragasa na sasakyan at kahit anong oras ay may pwedeng mangyari na aksidente. Matamlay kong ipinagpatuloy ang aking paglalakad sa tabi ng mga kabahayan at pinagmamasdan ang mga taong iniintindi ang kani-kanilang mga intindihin sa buhay. Inis ang nakaimprinta sa aking mukha nung naalala ko ang mga nangyari sa akin noon sa eskuwelahan. Nung araw na iyon ay napahiya nanaman ako sa paaralan dahil sa mga pambubully nila. Kagagawan ito ni Jay ang aking kaklase na napaka walang hiya. Alam niyang hindi ako makakalaban sa mga katarantaduhang pinag gagawa niya sa akin  at hindi ako magagawang kaawaan ng mga tao sa paligid. Nakikita lang nila ako bilang isang biro sa mga kalokohan ng mga hampas lupa na iyon. Pagod na pagod na ako sa pagtitiis sa mga sakit na idinudulot nila sa akin. Dahil dito, pati ibang estudyante ay iniisip na ayos lang sa akin na pagtripan nila ako, pero sa totoo lang gusto ko nang magwala at magalit sa kanila.  Ipinagkait nila sa akin ang buhay ng isang simpleng estudyante.  Nagpatuloy ako sa paglalakad, at narating ko ang isang pedestrian lane para tumawid. Sumulyap muna ako sa traffic lights at nakita kong kulay pulang ilaw na ang nakalagay. Naglakad ako muli at tinahak ang mga puting linya na nakalagay sa kalsada. Hindi pa man ako nakakalayo ay may bumusina sa akin, nilingon ko ito at nakita ang isang kotse na patuloy pa rin sa pag-andar kahit kulay pula na ang traffic lights. Nanigas ang aking mga binti at tila'y bumagal ang mga pangyayari sa aking paligid. Hindi ko na natandaan ang mga sumunod na pangyayari matapos akong mabangaan ng sasakyan. Sabi ng mga doktor na napaka-swerte ko raw dahil nakahinto pa ang sasakyan kaya bali lang sa aking binti ang aking naranasan. Nagkasundo ang aking mga magulang at ang drayber ng kotse na siya nalang ang sasagot sa gastusin ko rito sa hospital. "Kuya, ayos ka lang po?" naputol ang mga iniisip ko nang magtanong si Grace, ang aking bunsong kapatid. Tiningnan ko ang kaniyang maamong mukha na may pagkainosente pa dahil sa kaniyang murang edad. Hinawakan ko ang kaniyang kamay at tiningnan ang kaniyang nag-aalalang mga mata. "Oo naman bunso," inilagay ko ang aking palad sa ibabaw ng kaniyang buhok at kinamot ito para ipahiwatig sa kaniyang ayos lang ang lahat. Mga ilang sandali pa ng aming paghihintay kay mama at sa wakas ay nakabalik rin ito. Hingal na hingal ito at takot ang unang napansin ko.  "Anong nangyari?" bumulong si papa kay mama para hindi namin ito marinig. Pero sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, simula ng ma-admit ako sa hospital ay tumalas ang aking pandinig. Nakaramdam ako ng kaba dahil sa kanilang mga kinikilos, at napansin kong mukhang masama na ang mga nangyayari dahil nakarinig ako ng mahihinang sigawan na nanggagaling sa malayo. Alam kong iniiwasan nila na kami ay mamroblema sa mga pangyayari kaya mas pinili ko na lang na manahimik at magtiwala sa kanilang gagawin. "Pa, mukhang delikado na ang ating mga anak dito. Ano ang gagawin natin?" narinig kong bumulong si mama pabalik kay papa. Pinagpapawisan si mama at nanginginig ang kaniyang mga kamay. Nagdulot ito ng isang matinding kaba sa aking dibdib. Lumapit sa akin si mama at binuhat naman ni papa si Grace. Inalalayan ako ni mama para makaupo sa gilid ng aking kama. Napansin ko namang binuksan ni papa ang isang malaking wardrobe cabinet at ipinasok doon ang aking kapatid, tsaka siya lumapit sa akin. "Nak umakbay ka sa amin ng papa mo," utos sa akin ni mama. Sinunod ko naman siya at umakbay ako sa kanilang dalawa tsaka nila ako binuhat papunta sa cabinet kung saan nila inilagay si Grace. Nang madala na nila ako roon ay lumapit sa aming dalawa sina mama at papa para kami ay yakapin. Narinig ko ang mahinang paghikbi ni mama habang yakap-yakap kami. "John," tumingin ako sa kaniyang mga mata nang marinig ko ang aking pangalan. Patuloy pa rin ito sa paghikbi habang ang aking papa naman ay malapit sa pinto tila may binabantayang kalaban. "Alagaan mo ang kapatid mo ha at kahit anong mangyari wag kayong lalabas at gagawa ng ingay riyan sa loob," tumango naman ako sa kaniyang mga sinabi. Inabot niya sa aking ang isang mahabang tela at itinuro niya ito sa tenga ni Grace. Nakuha ko ang kaniyang ibig sabihin at ibinalot ko sa kaniyang mga tenga at dinamay ko na rin ang mga mata niya at ngayong nakablindfold na si Grace, inabot naman ni mama ang isang pares ng earphones at mp3 player. Ikinabit ko ito sa mga tenga ng aking kapatid tsaka pumili ng isang kanta at pinatugtog ito sa pinakamalakas na volume. Tumayo siya at sinimulan niya ng isara ang mga pinto ng wardrobe cabinet nang matapos ko na ang kaniyang ipinaguutos. Gusto ko siyang pigilan at hilahin siya papunta sa amin ni Grace pero hindi ko maigalaw ang aking mga binti kahit makatayo man lang gamit ang aking lakas. Hindi ko magawa. Hindi na ako nagreklamo o nagtanong pa kay mama dahil katabi ko si Grace. Sumilip ako sa pagitan ng dalawang pinto at nakita ko sila papa na hinihila ang kama papunta sa amin. Iniharang nila ito at kumuha pa ng dalawang upuan para masigurado nilang hindi namin ito mabubuksan. Naharangan din nito ang aking mga nakikita kaya kaunti na lamang ang aking natatanaw sa labas. "Kuya anong meron?" nagulat ako kay Grace. Inakap ko ito at tinapik-tapik ang ulo para ipakita sa kaniya na ayos lang ang lahat. "May surprise lang sa atin sila mama," bumulong ako sa kaniya kahit hindi ako nito marinig. Nakarinig ako ng mga kalabog mula sa labas ng wardrobe at hindi ko ng magawa na sumilip dahil kay Grace na ngayon ay nakasandal sa aking bisig. Nagpatuloy ang kalabog hanggang sa narinig kong nagiba na nila ang pinto at narinig ko ang paghaluhoy ng mga nagpumilit pumasok sa kwarto at kasunod nito ang mga pagtalsik ng mga dugo sa sahig. Takot, kaba at kung ano-ano pang emosyon ang naghalo-halo sa aking dibdib dahil sa mga pangyayaring ito. Sumpa ba itong pagtalas ng aking pandinig? "Pa, anong nangyari?" sigaw ni mama matapos kong marinig na sumigaw si papa sa sakit. "Mga anak! Mahal na mahal kayo ng papa niyo!" sumigaw ito ulit. "HUWAG!" Nawala na ang mga haluyhoy at lalo namang lumakas ang paghikbi ni mama habang ako ay naririto nakatulala sa loob ng isang madilim na cabinet. Walang magawa. Galit. Galit ang aking naramdaman. Galit ako sa aking sarili dahil sa aking kapabayaan at kawalang silbi sa sitwasyon ngayon. Kung naging alerto lang sana ako nung mga panahon na yun ay hindi na sana kami nalagay sa sitwasyon na ito. Naramdaman ko ang pagdaloy ng aking luha sa mga pisngi ko. Napasuntok ako ng malakas at sigurado akong narinig ni mama iyon dahil huminto ang kaniyang paghikbi. "Vincent ingatan mo ang iyong sarili," sa kauna-unahang pagkakataon ay narinig kong binanggit ni mama ang aking second name. "Pati na rin ang iyong kapatid ha," nagsimula nanaman siya sa paghikbi. "Alam kong may darating na tulong at kapag nangyari iyon sumigaw ka para marinig ka nila," maski ako ay napahikbi rin sa kaniyang mga sinasabi. Dahil para sa akin ay sinasabi niya na hindi niya na kami muling makakasama. Tahimik akong umiyak sa loob ng wardrobe at mga ilang sandali pa ay nakarinig ako muli ng mga paghaluyhoy. "Papa?" takot ang aking narinig sa boses ni mama. "Anong nangyari sa iyo?" Mabagal na yabag ang aking mga narinig at unti-onti itong bumilis hanggang sa...  "AHHHHHH!" napabalikwas ako sa aking kinauupuan nang maring ko ang sigaw na iyon. Inayos ko si Grace na nakatulog na at buti na lang na hindi siya nagising sa ginawa ko. Bumalik ako sa pagitan ng dalawang pintuan para tingnan ang mga nangyayari sa labas. Pinilit ko pa rin sumilip kahit nahaharangan ng mga upuan ang maliit na pagitan ng mga pinto.  Kahit konti lang please! Nanlaki ang aking mga mata sa aking natanaw. Isang silweta ng lalaki ang nakapatong kay mama at nanlalaban naman siya pabalik sa umatake sa kaniya. Pinilit kong alisin sa aking isipan na hindi si papa ang lalaking iyon.  Ibang tao yan. Hindi si papa yan! Kahit kailan ay hindi niya magagawa iyon kay mama. Hindi! Narinig kong hirap na hirap na si mama at kahit anong oras ay malalamangan na ng lalaki si mama at baka kung ano pa ang gawin niya sa aking nanay. Itinulak ko ang pintuan at sa pagkamalas ko ay hindi ko ito mabuksan dahil sa mga upuan at kama na nakaharang sa labas. Itinulak ko itong muli at hindi pa rin ito bumibigay. "John! Huwag!" sigaw ni mama sa akin. "Huwag kang lalabas diyan kahit anong mangyari!" Hindi ako sa kaniya nakinig at ipinagpatuloy ko pa rin ang pagtulak sa mga pinto. Narinig ko ang mga paghaluyhoy galing sa labas at parami na sila ng parami. Kailangan ko ng magmadali baka kung ano ang mangyari kay mama.  Ano ba kasi ang nangyayari?! Bumukas ka naman! Hindi ko pa rin mabuksan ang mga pintuan. Narinig kong muli ang pagsigaw ni mama sa sakit.  "MAMA!" Napunta ang atensyon nila sa akin at narinig ko ang mga yabag papalapit sa amin.  "Mga halimaw!" ibinalik ni mama ang atensyon nila sa kaniya. Napaluhod ako sa kaniyang ginawa at napagtanto ko ang aking kawalang silbe. Narinig ko ang pagtalsik ng dugo sa sahig hanggang sa mga haluyhoy nalang ang aking naririnig. Hindi ko na napigilang umiyak at sisihin ang aking sarili. Kasalanan ko naman talaga lahat ito e. Kung hindi ako naaksidente, kung nakinig na lang sana ako. Edi buhay pa sina mama at papa ngayon. Napansin ko ang paggalaw ng balikat ni Grace. Nakita kong umiiyak na rin siya, narinig niya ata lahat.  Pasensya na ha, dahil walang kwenta ang kuya mo. -April 22, 2020- Ilang araw din ang lumipas na nakakulong lang kami sa wardrobe na ito. Gutom at init ang aming tiniis para hindi kami mahanap ng mga iyon. Andito pa rin sa loob ang tunog ng mga haluyhoy nila at naglalakad sila ng walang direksyon at kung ano-ano na lamang ang kanilang nababangaan base sa aking mga naririnig. Balak ko na ring lumabas dito dahil wala namang dumadating na tulong sa amin. Ligtas nga kami sa kanila mamatay naman kaming dalawa ng kapatid ko sa uhaw at gutom.  Habang nagiisip ako ng plano, nagulat ako sa mga narinig kong putok ng baril. Sila na ata ang mga magliligtas sa amin dito. "Grace, gising andito na sila," niyugyog ko siya at pinaghanda. Dapat handa kami sa mga susunod na pangyayari, at mukhang hindi lang ako ang nakarinig nun. Narinig kong nagtakbuhan sila papunta sa bintana dahil narinig ko ang mga salamin na nabasag at tunog ng mga nagbabagsakan na katawan. Mukhang nakapanig sa amin ang swerte ngayon dahil nadali ng isa sa kanila ang upuan na nakaharang sa wardrobe at nahulog ang mga ito. Kama nalang ang aking problema, kahit papaano naman ay naigagalaw ko na ang binti ko kahit nakasemento pa ito. Kaya ko naman siguro maitulak ang kama. Sinubukan ko ito itulak at kahit paunti-unti ay nabubuksan ko na ang pinto. Sumisilip ako para masigurado na walang nakaabang na kung anuman sa labas para saktan kami. Ilang subok pa ay nabuksan ko rin ang pintuan at inalalayan ko si Grace para tumayo. Nag-unat kami ng katawan dahil ilang araw din kaming nakaupo sa masukal na wardrobe na iyan. Inilibot ko ang aking mga mata at nakita ang mga natuyong dugo sa buong kwarto pati na ang mga katawan na may durog na ulo. Hinila ko ang aking kapatid papunta sa akin at tinakpan ang kaniyang mga mata. Masyado pa siyang bata para masaksihan ito. Inilibot ko pa ang aking mga mata at halos manlumo ako sa aking nakita.  Ang naagnas na katawan ng aking ina. Napansin ko ang mga kagat sa kaniyang katawan at ang isang maliit na kutsilyo sa kaniyang kamay. Pinilit kong palakasin ang aking sarili dahil naririto pa si Grace ang aking kapatid. Ang huling bilin sa akin ng aking mga magulang. Kahit anong hanap ko ay hindi ko makita ang katawan ni papa kaya nabuhayan ako ng loob na baka buhay pa siya. "Kuya kapit ka sa akin," napakalma naman ako ng inosenteng boses ng aking nakakabatang kapatid. Kahit paika-ika ang aking paglakad ay pinilit ko pa rin na maglakad gamit ang sarili kong lakas habang nakaakbay ako sa aking kapatid. May katangkaran din naman si Grace kahit pitong taong gulang pa lang ito kaya hindi na ako nahirapang masyado sa paglalakad. Binaybay naming ang hallway ng 3rd floor ng hospital at kapag may nadadaanan kaming mga bangkay ay agad kong tatakpan ang mata ni Grace. "Kuya, ano ba," naasar si Grace sa aking ginawa.  "Pinoprotektahan ko lamang ang mga precious eyes mo," biro ko rito at kinurot nito ang aking tagiliran na siya namang ikinangiwi ko. "Kuya alam mo namang naglalakad ako rito at tsaka kahit ganan po ang ating nakikita ngayon, pipilitin ko po na masanay." Napangiti naman ako sa kaniyang mga sinabi. Mabuti nalang talaga dahil may kapatid akong mulat sa mga bagay bagay dito sa mundo. Nadaanan namin ang kwarto kung saan isinemento ang aking binti.                                                   -Raging Minds-  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD