Maaga akong ginising kinaumagahan ni Mommy. Halos mangiyak-ngiyak pa s’ya habang inaayusan ako ng stylist. Hindi ko tuloy naiwasan na kabahan.
“Mommy, stop it. Hindi na ko nagiging kumportable,” I hissed.
She just laughed at me. “Malaki ka na talaga, anak. Parang kahapon lang ay karga ka pa namin ng Daddy mo ngayon magkakasariling pamilya ka na,” emosyonal na sabi niya.
Pilit na lang akong ngumiti sa kanya. Hangga’t maaari ay ayaw kong sirain ang araw na ito para kay Daddy.
Pamilya? With him?
Nagkaroon ng photoshoot sa k’warto ko. P-in-ictur-an ng photographer ang gown ko at iba pang gamit. Gano’n na rin ako sa iba’t ibang pose na gusto nila. Kahit papaano ay natuwa ako sa gown ko, ganitong gown din ang gusto ko sakaling ikasal talaga ako balang araw—simple pero elegante.
“Ang prinsesa ko,” maluha-luhang tawag ni Daddy sa akin habang pababa ako ng hagdanan.
Unti-unti na ring namuo ang luha sa mga mata ko dahil nakikita kong masaya siya ngayon.
Niyakap niya ako nang mahigpit at saka ako hinalikan sa noo. “Napakaganda mo, anak.” Marahan siyang humiwalay at tiningnan niya ako nang seryoso, hinaplos ang mukha ko bago ngumiti. “Trust me, anak. You will be happy with him.”
Tanging hilaw na ngiti na lang ang naisagot ko sa kanya. Ayaw kong madismaya si Daddy, lahat gagawin ko para sa kanya.
Sana nga, Daddy, sana nga pero mukhang malabo iyon.
Wala akong alam sa mga plinano sa kasal. Hindi rin ako nag-abalang magtanong ng kahit ano kaya naman maluha-luha ako nang dumating kami sa venue.
This is my dream wedding.
It’s a beach wedding with sky blue motif. Puno ng white and blue roses ang paligid pati na rin ang lalakaran ko. Gusto ko pang tumawa dahil kahit ang kalokohang stitch (cartoon character) na silya na naisip ko dati ay nakatambad ngayon sa paningin ko. Ang lalakaran kong carpet ay mukha talagang pinasadya dahil stitch din iyon.
Napabaling ako ng tingin sa nanay ko. Alam kong siya ang nagplano nito dahil sa kanya ko lang naman iyon nabanggit noong minsan naming napag-usapan ito. I whispered thank you to her and she replied me with I love you.
Nagsimulang tumugtog ang isang love song. Naglakad ang ibang nasa unahan ko, lumapit na sa akin si Mommy at Daddy nang malapit na ang turn ko.
“I love you, Mom. I love you, Dad,” I said and hugged them.
“Mahal ka rin namin, anak.”
We started to walk forward. Nakikita ko ang saya ng mga nakapaligid sa amin na para bang napakaromantiko nang nangyayari. Sa unahan nag-aabang ang mapapangasawa ko, seryoso s’yang nakatayo habang diretyo ang tingin sa akin. Hindi ko alam kung magaling lang ba siyang magtago ng emosyon o wala lang talaga ang lahat ng ito para sa kanya. Nakita ko ang pagtapik at pagbulong ng isang lalaki sa tabi niya, halos kasing edad niya iyon. Bahagyang kumunot ang noo niya kasabay nang pag-igting ng panga nito at saka bumulong pabalik. Tatawa-tawa lang naman ang lalaking kausap niya.
Tulad ng mga normal na kasal ibinigay ako ng mga magulang ko sa kanya pagdating sa dulo. Bahagya pa akong nagtaka dahil hindi ko napansin ang mga magulang niya. Tanging bestman lang ang nando’n na kasama niya.
Lumipas ang halos isang oras at tapos na ang lahat.
“You may now kiss the bride.”
Halos naghihiyawan sa tuwa at tili ang ibang bisita. Hindi ko masabayan ang tuwa nila dahil kinain ako ng kaba ng sandaling iyon.
Tangna. Alanganin akong humarap sa kanya, naglikot ang mga mata ko sa taas, baba, at gilid habang itinataas niya ang belo ko. Ayaw ko siyang tingnan dahil baka isipin niyang naaapektuhan ako sa presensya niya kahit na iyon ang totoo. Natigil ang paghinga ko nang naramdaman ko ang kamay niya sa baba ko at marahang iniangat ang aking mukha. Para akong nabingi ng sandaling tumama ang mata ko sa kanya, hinihigop niyon ang kaluluwa ko na para bang pinapasok ang bawat pagkatao ko.
Doon ko lang napagtanto kung gaano kaganda ang mga mata niya, kulay berde iyon kung pakakatitigan ng todo. Pinaka ayaw kong kulay ang berde ngunit hindi ko alam kung bakit nagustuhan ko ang mga berde n'yang mata ngayon.
He clenched his jaw as his eyes darkened with desire. Dahan-dahan niyang inilapit ang mukha sa akin. Nanlambot ang tuhod ko nang maglapat ang mga labi namin. Tuluyan na nga akong nanghina sa pagkakatayo nang sinimulan niyang igalaw iyon. Halos ipagpasalamat ko ang mabilis niyang pagkabig sa akin gamit ang braso niya upang hindi ako matuluyan sa pagbagsak.
Hindi ko alam na ganito pala kasarap mahalikan o sadyang masarap lang talaga siya humalik na parang dinadala ka sa ibang dimensyon ng mundo.
Kinain ng pait ang damdamin ko nang sumagi sa isipan ko ang isang bagay. Marahan niyang tinapos ang paghalik sa akin, yumuko ako agad upang hindi magkasalubong ang tingin namin.
“Ganito ka rin ba humalik sa mga babae mo?”
Hindi ko alam kung anong katangahan ang tumama sa akin at nasambit ko iyon sa harapan niya. Pinamulahan ako ng mukha sa hiya. Mabuti na lang at naagaw agad ng mga bisita ang atensyon namin.
Masaya silang nagpapalakpakan, doon lang ako nagkaroon ng pagkakataon para tingnan silang lahat. Nandito ang mga malalapit na kamag-anak namin, gano’n din ang mga dati kong naging kaibigan noong panahon na pumapasok pa ako. May mangilan-ngilan din na hindi ko kilala, siguro ay sa side iyon ng asawa ko. Bahagya akong natigilan dahil hindi ko inaasahan na makikita ko sa mismong kasal namin ang babaeng kasama niya kahapon.
Seryoso itong nakatingin, hindi sa akin kundi sa asawa ko.
Asawa ko?
May kung anong pait iyong idinulot sa emosyon ko. Asawa ko sa papel pero kailanman ay hindi magiging akin.
Sinilip ko s’ya sa gilid ko nang palihim. Gusto kong tumawa dahil sa babae rin siya nakamasid.
Sana kung ayaw niya magpakasal, sana umayaw siya simula pa lang. Sana kung mahal niya `yong babae, sana inilaban niya.
Nagkaroon ng picture taking pagkatapos ng lahat. Gusto kong pumalakpak dahil nagagawa kong ngumiti sa kabila ng lahat ng ito. Lumipat kami sa reception area at nagsimulang kumain. Tulad ng mga normal na kasal, ginawa rin namin ang mga ginagawa ro’n; pagsusubuan, pagpapalipad ng kalapati at iba pa—nagkaroon din ng palaro para sa mga dalaga at binata.
Halos ilang oras bago natapos ang lahat. Kinain ako ng paghanga sa dami ng mga mamahaling regalo na natanggap namin, gano’n din sa cash. Ganito pala kapag ikinakasal halos pup’wede kang makapagsimula talaga ng magandang buhay kasama ang asawa mo sa tulong ng mga bigay nila.
“Mag-iingat lagi kayo, anak. Bisitahin mo kami kapag nagka-oras ka.” Si Mommy habang hinahaplos ang buhok ko.
Gulat na gulat ako kanina nang nalaman ko na sa condo ako ng asawa ko uuwi. Hindi ko na nakita pa ang girlfriend niya pagkatapos ng kasal marahil masakit din para sa kanya na panuorin ang mahal niyang lalaki na ikasal sa akin.
Tumango na lang ako kay Mommy at saka siya hinalikan sa pisngi. Niyakap naman ako ni Daddy nang lumapit ako sa kanya.
“Be happy,” bulong niya sa gitna ng kanyang yakap.
“I will...”
I’ll try, Dad.
“Let’s go?” anyaya sa akin ng asawa ko bago inilahad ang kamay niya sa akin.
Alanganin kong inabot ang kamay ko sa kanya. Hindi kami nag-uusap mula kanina, tinatanong niya lang ako kung may gusto ako no’ng kumakain kami sa reception. Bahagya akong natigilan nang higitin niya ko nang marahan palapit at ipinulupot ang kanyang kamay sa bewang ko.
“Una na po kami, Mommy, Daddy,” magalang na pamamaalam niya.
Hindi naman ako nakaimik pa hanggang sa nakapasok kami ng sasakyan.
“Ahmmm, p-p’wede ko bang malaman kung saan ang condo mo?”
Sinimulan niyang paandarin ang kanyang sasakyan. “Put your seatbelt,” pormal niyang sabi na agad kong sinunod. “Nasa Makati ang condo ko,” dugtong niya.
Hindi na ako muling umimik pa. Habang nasa byahe ay ro’n ko lang naramdaman ang pagod ko kaya naman hindi ko na namalayan na nakatulog pala ako.