Pitong taon na ang nakakalipas simula nang makabalik ako sa amin.
Ang laki na ng pinagbago ng buong bayan pero ang kirot sa nararamdaman ng aking puso ay presko pa rin sa aking mga alaala.
Pinagsisisihan ko ng husto kung bakit naging matigas ang ulo ko.
Kung bakit sinuway ko ang mga magulang ko sa kabila ng lahat ng alam ko tungkol kay Lyndon.
Sana naging mautak ako at hindi pinairal ang aking puso.
Pinilit ko silang tanggapin ang taong ito kahit na alam kong may kinasasangkutan itong kaguluhan.
Ilang taon na ang nakalipas pero hindi ko pa rin makalimutan ang pagtatalo namin ni Daddy noon.
Sabi nga nila huwag mo raw husgahan ang aklat ng hindi mo pa alam at nababasa ang laman.
Pero laging nangyayari iyon kay Lyndon kahit na saan siya magpunta.
Siguro ay dahil anak siya ng babaeng nagtatrabaho sa isang club. Binubulas siya ng mga tao palagi dahil ang kaniyang ina ay isang kalapati na mababa ang lipad.
Nakikipag-table ito sa iba't ibang mga lalaki para kumita lang ng pera.
At siya naman ay isang bad boy na alam kong may pangarap sa buhay.
Hindi ko rin naman siya masisisi kung ganoon ang environment na kinalakihan niya.
Sa tuwing nakikita ko siyang lumalayo ang loob niya sa ibang tao ay hindi ko mapigilang maawa sa kaniya.
"Afia, how many times did I told you? Bakit ba nakikipagkaibigan ka sa mga taong gano'n?" sobrang galit na sabi ni Daddy na akma akong sasampalin sa aking mukha.
Napapikit ako sa takot at tinagilid ang aking ulo. Tinabon ko rin ang aking mga palad upang sanggain ang kaniyang sampal.
Para akong nabunutan ng tinik ng hindi nito itinuloy ang ang gagawing pag sampal sa akin.
Dahan- dahan kung idinilat ang aking mata at lakas loob na sinalubong ang kaniyang tingin.
"Ano'ng taong gano'n, Daddy? Si Lyndon 'yon! Nobyo ko 'yon!" mahina kung tinig pero may diin dahil naiinsulto ako sa panghuhusga ni Papa sa taong mahal ko.
Nang laki ang mga mata ni Daddy. Hindi makapaniwalang harap-harapan ko siyang sinasagot upang ipagtanggol si Lyndon.
Naiintindihan ko ang gulat niya dahil kahit minsan ay hindi pa ako naglakas loob na sagutin siya.
Pero hindi ibig sabihin na sinagot ko siya ay nawawalan na ako ng respeto sa kaniya.
"Ilang beses na kitang pinagsabihan na 'wag ka nang makipag-usap sa taong 'yon. Ang tigas-tigas talaga ng ulo mong bata ka! Hindi ko na alam kung ano'ng gagawin ko sa 'yo!" bulyaw niya sa akin at nawawalan na ito ng pasensiya.
"Daddy, mabait sa akin si Lyndon. Wala siyang ginagawang masama!" naiiyak at pasigaw kung tugon sa ama na maging ako ay nagulat sa aking inasta.
Siguro ay dahil na rin sa ginawa niyang bantang sampal sa akin at hindi na makatiis dahil sa panghuhusga niya.
"Bakit hindi ba masama?" tanong ni Daddy sa akin.
"Iyan ba ang natutunan mo sa pakikipagrelasyon mo sa kaniya? Ang sagot-sagutin ako ng ganyan. Nahawa ka na nga sa kabastusan ng lalaking 'yun!" nakakuyom na ang kamao ni Daddy.
Si Mommy naman ay nakahawak sa braso ni Daddy para pigilan na lapitan ako.
"Daddy, matanda na po ako. Huwag mo na akong ituring na parang bata dahil hindi na ako bata. Kaya ko ng magdesisyon para sa sarili ko." Naiiyak man ay tinapangan ko ang aking sarili upang maisatinig ang aking saloobin.
"Wala kang utang na loob. Paano mo nasasabi 'yan sa harap ko? Ang kapal talaga ng mukha mo at nagagawa mo na akong sagutin dahil lang sa lalaking 'yun."
Hahakbang na sana siya palapit sa akin pero niyakap siya ni Mama mula sa likuran para hindi matigil ito sa binabalak niyang saktan ako.
"Ganyan ba ang natutunan mo sa pagsama-sama sa lalaking 'yun, Afia? Baka nababaliw ka na rin gaya ng taong 'yun?" Tiningnan niya ako ng matulis na tingin at ang baba nang tingin niya sa nobyo ko.
"Daddy, 'wag mo naman pong pagsalitaan ng ganyan si Lyndon. Mali ang pagkakakilala mo sa kaniya. Sumosobra naman po kayo!"
Ito pa ang unang beses na nakita kong ganito ka galit sa akin si Daddy na halos liparin na niya ang kinatatayuan ko dahil sa galit.
Mabuti na lang at nandyan si Mommy para pigilin siya.
Dahil kung nagkataon na wala si Mommy ay siguradong hindi ako makakatakas sa galit niya sa araw na ito.
"Ginagabayan ka lang namin, Afia at ikaw pa itong hindi nakikinig sa amin. Para sa kabutihan mo lang ang iniisip namin at ikaw pa itong may ganang magalit?" Malakas na sigaw ni Daddy.
Sa sobrang lakas ng kaniyang sigaw ay nakaramdam na ako ng takot.
Maging si Mommy ay tinitigan na akong mabuti. Nagmamakaawa ang kaniyang tingin na 'wag na akong sumagot. Na hayaan na lang si Daddy.
Hindi ugali ni Daddy ang magmura pero ngayon ay hindi na ito nakapapigil pa at minura ako ng ilang beses.
Sa lakas ng boses ni Daddy ay para na akong mabibingi.
Maging ang mga kasambahay ay natatakot na rin.
"Sorry, Daddy, Mommy dahil kailangan ako ni Lyndon. Magkaibigan kami mula pa noon at nangako akong hindi ko siya iiwan. Kahit ano pa siya pero mahal ko siya."
Mahina lang ang aking tinig. Tiningnan ako ni Daddy ng sobrang inis dahil sa katigasan ng ulo ko.
Palagi kaming gano'n. Palagi nila akong pinagsasabihan na layuan ang aking kaibigan.
Pero hindi ko kaya dahil bukod sa akin ay wala na siyang ibang kakampi.
Ako lang ang pinagkakatiwalaan niya. Ako lang ang nagpapakalma sa kaniya at ako lang ang maaasahan niya.
"Huwag na 'wag mo kaming sisisihin pagnapahamak ka sa pakikipagkita sa lalaking 'yan. Magkakasakit ako sa puso sa 'yong bata ka! Baka ikaw pa ang dahilan sa pagkakamatay ko. Ini-unti-unti mo akong pinapatay sa konsimisyon," sabi niya at tinalikuran ako kaagad.
Umalis si Daddy sa harap ko at pumasok sa kanilang kwarto.
Malakas niyang inamba ang pinto. Dinig ko din ang kaniyang pagwawala sa loob.
Napapikit ako sa gulat nang marinig ang tunog ng basag na mga gamit at ang pagtatalo ng aking mga magulang.