"AKO na ang bahala rito," pag-ako ni Yohann sa dapat kong lilinisin na lamesa. Kaaalis lang ng kumaing costumer kaya marumi pa ito. Hindi ko tinugon ang sinabi niyang 'yon. Marahan lang akong tumango at walang paalam na nilayasan siya dahilan para bumakas sa kanya ang pagkagulo. Ramdam ko pa ang titig niya sa akin habang naglalakad ako palayo sa kanya. Dahil wala nang magawa ay tinungo ko na lang ang kusina at naupo sa bangkong malapit sa countertop. Malalim akong bumuntong hininga at bumakas sa mukha ko ang iritasyon. Hindi ko maintindihan ang ginagawa ni Yohann. Dahil sa huling naging pag-uusap namin sa labas ng bahay nila ay napagdesisyunan kong layuan na siya kahit na mahirap gawin dahil sa iisang bahay lang kami nakatira. Mas mabuti na kung lalayo na ako sa kanya habang maaga pa.