NANANATILI ang mga mata nila sa akin, hinihintay ang magiging sagot ko sa mga tanong nila. Pero hindi ko malaman kung ano ang magiging tugon ko sa tanong nila.
Malamang matapos nilang malaman ang tungkol sa akin ay papaalisin na nila ako lalo na’t wala na akong lagnat. Wala nang dahilan para manatili pa ako rito. Kung tutuusin ay ayos lang sa akin ‘yon, mas pabor sa akin. Ang kaso nga lang, sa kalagayan ko ngayon, kung umalis ako sa bahay ng mag-asawang matanda ay wala akong ibang mapupuntahan.
Wala na ang mga gamit ko dahil nanakaw ‘yon sa akin kagabi. Kaya wala na akong perang magagamit para makaalis sa lugar na ito. Bukod doon, wala akong ibang mapupuntahan.
Paniguradong sa mga oras na ito ay alam na ng pamilya ko at ng kapatid ko na tumakas ako. Baka nagsisimula na ang paghahanap nila sa akin. Hindi ko hahayaang matagpuan nila ako!
Napalunok ako at mariing pinagmasdan ang dalawang matanda. Sa mga oras na ito, isa lang ang naiisip ko. Iyon ay ang gamitin ang pagkakataon na ito na siguradong pabor sa akin.
“Hindi ko alam. Wala akong maalala,” sambit ko. Bumakas sa mag-asawa ang pagkagulo nang marinig ang sinabi ko. Nagkatitigan sila.
“Ang tangi ko lang naaalala ay bigla akong nawalan ng malay sa gilid ng kalsada. Nang magising ako, nandito na ako.” Tumingin ako sa kanila na puno ng pagkagulo. “Kahit ang sarili kong pangalan ay hindi ko maalala.”
Muling nagkatitigan ang mag-asawa. Bakas ang gulat sa mukha nilang dalawa. Malamang ay nabigla sila dahil sa mga pinagsasabi ko.
“Sigurado ka bang wala kang maalalang kahit na ano?” malumanay na tanong sa akin ni Miranda.
Umiling ako at umaktong parang naiiyak. “Kayo ba, hindi nyo ako kilala? Alam nyo ba kung saan ako nanggaling? Alam nyo ba kung bakit ako nandito? Nasaan ang pamilya ko?”
Natulala sila sa akin. Kaya naman parang baliw akong sinabunutan ang sariling buhok at umaktong nananakit ang ulo. Dahil sa ginawa kong ‘yon ay naging alerto ang dalawang matanda. Mabilis silang lumapit sa akin para asikasuhin ako.
“Fernando, tawagin mo ang apo natin nang matulungan tayo!”
Mabilis na tumalima ang asawa ni Miranda. Nagmamadali itong lumabas ng bahay. Ako naman ay patuloy sa pag-arteng sumasakit ang ulo ko.
“Tulong! Ang ulo ko!” sigaw ko at mahihimigan sa boses ko ang matinding sakit dahilan para mas lalong bumakas ang pag-aalala sa mukha ng matanda.
“Konting hintay lang, itatakbo ka namin sa hospital.”
Nang marinig ko ‘yon ay bahagya akong natigilan. Hindi nila ako puwedeng dalhin sa hospital. Baka malaman nila ang totoong wala akong amnesia. Hindi puwedeng mangyari ‘yon. Mabubuking ang pagpapanggap ko.
Dahan-dahan akong kumalma at parang nanghihinang sumandal sa kinauupuan ko. Nasa harapan ko pa rin naman ang lola na kahit hindi malaman ang gagawin ay dinadamayan ako.
Pumikit ako habang patuloy ang pagtaas-baba ng dibdib ko. Bahagya rin akong napagod dahil sa pag-arte kong ‘yon.
“Anong nangyari dito?”
Napamulat ako ng mga mata nang makarinig ng boses ng isang lalaki. Bahagya akong natigilan nang tumambad sa harapan ko ang isang matangkad at matipunong lalaki. Puno ng pagkagulo at pag-aalala ang mukha niya habang pinagmamasdan ako.
Napalunok ako sa hindi ko malaman na dahilan. Hindi ko maalis ang mga mata sa lalaking nasa harapan ko ngayon.
“Bigla na lang sumakit ang ulo niya habang kinakausap namin siya,” paliwanag ng matanda.
Napalunok ako nang lumapit sa akin ang bagong dating na lalaki at sinuri ako ng tingin.
“Sa tingin ko ay hindi maayos ang lagay niya.” Tumayo na nang tuwid ang matandang babae at tumabi sa lalaking hindi ko kilala. “Ang sabi niya rin ay wala siyang maalalang kahit ano.”
Nang marinig ng lalaki ang sinabi ng lola ay agad siyang napatingin dito.
“Walang maalala?” gagad niya sa sinabi ng matanda habang magkasalubong ang kilay. Nang tumango ang matanda ay bumalik ang tingin niya sa akin. Magkasalubong pa rin ang kilay niya na tila gulo sa nangyayari.
“Dalhin na natin siya sa hospital nang mapatingnan,” suhestiyon ng matandang lalaki.
Sunod-sunod akong umiling. “Don’t!”
Nakuha ko ang atensiyon nilang tatlo dahil sa sinabi ko. Napalunok ako nang makita ang mga naguguluhan nilang titig sa akin.
“Ayos na ako…” malumanay ko nang sabi nang matantong masyadong napalakas ang una kong sinabi sa kanila.
“Sigurado ka ba?” Ang lalaking mukhang sinasabing apo ng mag-asawang matanda ang nagsalita. Sunod-sunod akong tumango bilang tugon.
“Isa pa, nakakahiya na sa inyo. Grabe na ang abalang naidulot ko sa inyo.” Bumaba ang tingin ko sa mga hita ko. “Gusto ko kayong pasalamatan sa panandaliang pagkupkop sa akin at sa pagpapakain sa akin ngayong araw, pero sa tingin ko ay masyado ko na kayong naaabala. Panahon na siguro para umalis ako sa bahay na ito.”
Matapos kong sabihin ‘yon ay tumayo na ako mula sa pagkakaupo, kunwari ay nanghihina pa. Nakayuko kong tinahak ang daan patungo sa pintuan, pero hindi pa ako tuluyang nakakalabas ng bahay ay may humawak na sa braso ko. Nang tingnan ko ‘yon ay tumambad sa akin si Miranda.
“Hindi ka aalis, hindi ako papayag. Hindi ako mapapanatag na umalis ka sa ganyang kalagayan,” sunod-sunod niyang sabi at binalingan ng tingin ang asawa’t apo niya. “Dito muna natin siya patuluyin habang hindi pa nagiging maayos ang lagay niya.”
Mukhang nabigla ang dalawa sa narinig. Binawi ko naman ang braso ko sa matanda at sunod-sunod na umiling.
“Hindi na kailangan. Masyado nang malaking abala ang naidulot ko sa inyo. Aalis na lang ako kahit hindi ko alam kung saan ako tutuloy,” sabi ko at napipilitang ngumiti. “Huwag kang mag-alala, Lola, magiging maayos din ako. Siguro mangyayari ‘yon kapag naalala ko na kung sino ako.”
Sinadya kong sabihin ang tungkol sa bagay na ‘yon para mas lalong magmukhang kaawa-awa.
Palihim akong nagbunyi nang mariing umiling ang matanda, tanda ng hindi pagsang-ayon sa gusto kong mangyari.
Sa tatlong taong nandito sa bahay na ito, ang matandang ito ang sa tingin ko ay makakatulong sa akin. She has a soft spot for me, and I’m going to use it. Kailangan ko ang matandang ito dahil pakiramdam ko ay siya ang magiging susi ko para makatuloy ako sa bahay na ito. Kaya kung kinakailangan kong umaktong nakakaawa sa harapan niya ay gagawin ko.
Hindi ko papalagpasin ang pagkakataon na ito na makapagtago at pansamantalang kalimutan ang pagiging Montealegre ko. Ito na ang hinahanap kong pagkakataon. Hinding-hindi ko ito papakawalan.
“Maraming salamat sa kabutihan mo, Lola. Pero hindi ko na hahayaang makaabala pa ako sa ‘yo, kaya hayaan nyo na po akong umalis,” sambit ko. Hinawakan ko ang kamay niya para bahagya itong pisilin at malungkot na ngumiti sa kanya.
Napatitig nang ilang segundo sa akin ang matanda bago ito nagsalita.
“Walang aalis. Hindi ako papayag. Saka lang ako papayag na umalis ka kung maayos na ang kalagayan mo, pero habang hindi pa ay rito ka muna sa amin tutuloy,” may pinalidad niyang sabi at binalingan ng tingin ang dalawang taong pinagmamasdan lang ang pag-uusap namin.
“Pansamantalang dito muna siya tutuloy sa atin.”
Binitiwan ko na ang kamay ng matanda. Kinagat ko ang ibabang labi para pigilan ang pagtakas ng ngiti sa labi ko.