BUMAKAS sa akin ang pagtataka nang pagmulat ko ng mga mata ay sumalubong sa akin ang hindi pamilyar na kwarto. Dahan-dahan akong umalis mula sa pagkakahiga at naupo ako sa ibabaw ng hindi kalambutan na kama. Iginala ko ang tingin sa paligid. Mas lalong nangunot ang noo ko nang makita ang kabuuan ng kwarto.
Hindi kalakihan ang kwarto. Kung tutuusin, para sa akin ay napakaliit nito. Sa dulong bahagi ng kama ay naroroon ang kahoy na cabinet. Sa gilid naman ng kama, sa mismong pwesto ko, ay naririto ang isang bintana. Sa tapat naman ng bintana ay naroroon ang isang pinto at sa gilid nito ay may isang sofa.
Walang masyadong gamit ang kwartong ito. Bukod sa pagiging malinis ay napakasimple lang ng disenyo nito. Tanging wall fan lang ang nagbibigay ng lamig sa paligid.
Napatingin ako sa sarili nang mapansing iba na ang damit na suot ko. Ang dating magara at mamahalin kong damit ay napalitan ng isang simpleng puting bestida.
Hindi ko alam kung paano ako napunta sa lugar na ‘to. Ni hindi ko alam kung nasaan ako. Ang tanging naaalala ko lang ay nawalan ako ng malay sa gilid ng kalsada habang patuloy ang pagbuhos ng ulan. Matapos ng pangyayaring ‘yon, base sa natatandaan ko, ay tuluyan na akong nawalan ng malay at nang magising ay nandito na sa isang hindi pamilyar na kwarto.
Napalunok ako bago umalis sa ibabaw ng kama para lumabas ng silid. Saglit akong natigilan nang paglabas ng kwarto ay sumalubong sa akin ang isang teresa, at sa tabi ng kwartong nilabasan ko ay may isa pang pinto na sa hula ko ay isang kwarto rin.
Nang makakita ng hagdanan ay tahimik kong tinahak ang daan na ‘yon. Dinala ako nito sa isang maliit na salas kung saan ay may dalawang matanda. Napatayo sila mula sa pagkakaupo nang makita ako.
“Gising ka na pala,” sambit ng matandang babae at ngumiti nang malapad.
Hindi ko tinugon ang sinabi niya at pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa. Kulay puti na ang buhok niya at may kulubot na ang balat. Sa hula ko ay hindi bababa sa fifty ang edad niya, base na rin sa itsura niya.
“Where am I?” tanong ko sa dalawang matanda.
Nang marinig nila ang tanong ko ay nagkatitigan sila bago ibinalik ang tingin sa akin.
Bahagya akong naging alerto nang mapansin ang paglapit ng matandang babae sa akin. Nang makita niya ang naging reaksiyon ko sa naging paglapit niya sa akin ay natigilan siya.
“Huwag kang matakot, hindi kita sasaktan,” aniya at ngumiti. “Ako si Lola Miranda, at ito naman ang asawa kong si Fernando.”
Napatingin ako sa matandang lalaki nang isenyas siya sa akin ng matandang babae na nagpakilalang si Miranda. Tulad ng naunang matanda ay may puti na rin ang buhok nito at kulubot na rin ang balat.
Unti-unti akong kumalma nang maobserbahang mukhang hindi naman sila masamang tao. Panigurado rin hindi nila ako dadalhin sa munting bahay nila kung masama sila.
“Gaano na ako katagal dito?” tanong ko, sinusubukang kumuha ng impormasyon para malinawan sa mga nangyayari.
“Ilang oras pa lang simula nang matagpuan ka ng apo ko sa gilid ng kalsada kagabi,” tugon ni Miranda. Natigilan ako nang tuluyan na itong makalapit sa akin. Hinawakan niya ako sa siko ko.
“Mamaya ko na ipapaliwanag sa ‘yo ang nangyari. Mabuti pa’t kumain ka muna. Panigurado ay gutom ka na,” aniya. Wala na akong nagawa nang iginiya niya ako patungo kung saan.
Dinala ako ng matanda sa kusina nila at pinaupo sa bangko. Nagtungo naman siya kung nasaan ang mga kaldero at kumuha roon ng pagkain. Nang bumalik siya sa pinag-iwanan niya sa akin ay napatitig ako sa dala niyang mangkok na naglalaman ng siningang. Humahalimuyak ang amoy nito.
Wala sa sariling napalunok ako ng sariling laway nang ilapag niya ito sa lamesa na nasa harapan ko. Pati ang platong naglalaman ng kanin ay inilapag niya sa harapan ko.
“Kumain ka muna.”
Hindi ko na siya nagawang tapunan ng tingin. Kinuha ko ang mga kubyertos at nagsimula na sa pagkain. Sa unang tikim pa lang sa niluto niyang sinigang ay nalasahan ko na agad ang sarap nito.
Ramdam ko ang titig sa akin ng matanda habang kumakain ako na binabalewala ko lang. Todo ang pagpipigil ko sa sarili na tarayan siya. Hindi niya ba alam na nakakailang ang panooring kumain ang isang tao?
“Ang liit mo namang sumubo kahit halata sa ‘yong gutom ka, huwag ka nang mahiya sa akin at damihan mo na ang pagkain,” biglang sambit niya at hinatak ang isang bangko sa harapan ko para maupo roon.
Inubos ko muna ang laman ng bibig bago inilapag sa magkabilaang gilid ng plato ang mga kubyertos. Inilagay ko ang dalawang palad sa hita ko bago itinuon ang tingin sa kanya.
“Ganito ang tamang pagkain,” seryosong sabi ko dahilan para mangunot ang noo niya habang pinagmamasdan ako. Kaya ang kulubot niyang noo ay mas naging kulubot sa paningin ko.
“Are you done? Hindi magandang mang-abala ng tao habang kumakain ito,” sunod-sunod kong sabi.
Nang walang makuhang tugon mula sa kanya ay inalis ko na ang tingin sa matanda at ipinagpatuloy na ang pagkain. Hindi naman na muling nagsalita pa ang matanda kaya hindi na muling naudlot ang pagkain ko, pero ramdam ko pa rin ang mga mata niya sa akin. Hindi ko alam kung anong mayroon sa kanya at bakit hindi maalis ang tingin sa akin.
Nang maubos ko na ang pagkaing inihain niya sa akin, ang matanda ang nagligpit ng pinagkainan ko. Matapos noon ay sinabihan niya akong magtungo kami ng salas para makapag-usap.
May pagdadalawang isip sa akin na maupo sa sofa nila. Sa itsura pa lang nito ay mukhang hindi ito sobrang lambot. Nakumpirma ko namang tama ako nang pag-upo ko ay ramdam ko pa rin ang tigas nito kahit may foam pa naman ang sofa.
Napaderetso ako ng upo nang mapansing umupo na rin ang mag-asawamg matanda sa mahabang sofa. Sumeryoso ako nang ibaling nila ang atensiyon sa akin.
“Kagabi ay natagpuan ka ng apo kong walang malay sa gilid ng kalsada habang malakas ang ulan. Nang dalhin ka niya rito ay inaapoy ka ng lagnat, kaya naman ay napagpasyahan kong palitan ang basa mong damit para punasan ka,” panimula ng matandang babae. “Hindi ko matawagan ang pamilya mo dahil nang makita ka ng apo ko ay wala kang kahit na ano.”
“Kung hindi ka natagpuan ng apo namin sa gilid ng kalsada, baka hanggang ngayon ay naroroon ka pa rin, nilalamig na at inaapoy ng lagnat,” sambit naman ng matandang lalaki.
Hindi ako umimik, pero palihim akong sumang-ayon sa sinabi ng matanda. Kagabi lang ay akala ko wala nang tutulong sa akin. Kung nangyari ‘yon, malamang ay nasa gilid pa rin ako ng kalsada.
“Puwede mo bang ipakilala ang sarili mo? Sino ka? Saan ka galing? At paanong napunta ka sa ganoong sitwasyon?” sunod-sunod na tanong ng matandang babae na tumapos ng pag-iisip ko.
Akmang sasagutin ko ang tanong niya nang matigilan dahil sa naisip na ideya. Kumunot ang noo ko at pinagmasdan sila.
Tinulungan na rin naman nila ako, kaya bakit hindi ko lubus-lubusin ang kabaitang ipinamalas sa akin ng mag-asawang ‘to?