CELESTINA'S POV
Magkasama kami ni Mama na nasa grocery ngayon, sinamahan ko siyang mamili. Ako ang may tulak ng push cart habang siya ang namimili ng bibilhin namin. Masyado siyang mabusisi sa mga binibili niya.
Once a month lang naman kaming naggo-grocery dahil pang-isang buwan talaga ang binibili ni Mama.
Nasa grocery store kami ng isang mall, may iba pa kasi kaming pinamili bago kami tuluyang nag-grocery.
Napatingin sa akin si Mama nang may mga ilagay ako sa cart. Kinuha niya iyon at tiningnan.
“Bakit puro chocolate? Buti hindi sumasakit iyang ngipin mo,” sermon nito sa akin.
“Ma, hindi na ako bata. Saka hindi ba ang sabi, maganda ang chocolate para pangpasaya ng mood. Kaya kailangan ko iyan,” katwiran ko sa kaniya at kumuha pa ng matatamis.
Napatingin ako kay Mama nang mapansin kong nakatitig siya sa akin.
“May problema ka ba? Hindi ka naman mahilig sa matamis dati, pero napapansin ko. Palagi na lang may balat ng chocolate sa kotse mo o kaya sa bulsa ng mga pantalong hinubad mo,” tanong nito sa akin habang matamang nakatingin sa akin.
Tumawa ako sa kaniya kahit wala namang nakakatawa. Mula yata nang malaman kong magkarelasyon sina Jackson at Christine ay nahilig na ako sa matamis, parang iyon ang naging happy pills ko.
“Ma, wala akong problema. Bakit naman magkaka-problema ako?” tanong ko sa kaniya at inakbayan siya bago ko itinulak ang cart.
“Hindi ko alam pero parang ang tamlay mo. Dati naman makulit ka pero madalas nagmumukmok ka na lang sa kwarto mo. Matagal ko na rin nakita ang mga kaibigan mo, hindi na yata sila napapadalaw sa bahay?” saad nito habang kumukuha ng mushroom na de-lata.
“Busy na po kasi sila.”
Busy naman na talaga sila. Si Reymond, may love life na rin kaya medyo hindi nagpaparamdam. Nagkikita pa naman kami minsan pero, hindi na talaga gaya noong dati. Si Francis naman ang pagkakaalam ko ay may out of town project siya, he is a project engineer kaya madalas ay busy rin talaga siya.
Habang si Jackson naman, bukod sa abala sa trabaho, abala na rin kay Christine.
“Busy din naman sila dati pero dumadalaw sila sa bahay,” giit ni Mama.
“Ma, may mga lovelife na sila ngayon. Syempre, intindi ko naman kung bakit busy sila,” sagot ko at habang tumitingin sa mga naka-display na pwedeng bilihin.
Malapit na mapuno ang malaking cart na tinutulak ko dahil sa kung ano-anong dinadampot ko.
“Ikaw, kailan ka magkaka-love life? Hindi naman ako mahigpit sa iyo pero hanggang ngayon wala ka pa ring ipinapakilala sa akin. Bente syete kana, wala ka pa bang balak kahit magnobyo lang muna?” tanong nito at tumingin sa akin.
Mabilis naman akong umiwas ng tingin kay Mama. Paano ako magkaka-boyfriend kung umiiyak ako sa lalaking hindi naman ako gusto? Na iyong gusto ko mula nang malaman ko ang salitang crush, may girlfriend na ako ngayon.
“Hindi naman porke't hindi kami nag-work ng tatay mo, ganoon rin mangyayari sa iyo. Basta kapag pipili ka dapat iyong mas mahal ka tapos huwag mong ibibigay lahat muna sa una, para kahit masaktan ka man kung sakali, may matitira pa rin sa iyo,” payo sa akin ni Mama.
Mabilis na umiwas ako ng tingin kay Mama. Parang tinamaan ako sa sinabi niya. Iyong pinili ko kasi, kaibigan lang ang turing sa akin. Alam ko naman iyon, pero masakit pa rin sa tuwing nakikita ko silang dalawa na magkasama.
Hindi na ako umimik hanggang sa makapagbayad kami ni Mama. Naging dalawang cart pa ang pinamili namin kaya pareho kaming may tulak ngayon ni Mama. Tahimik lang ako habang nakasunod kay mam Ayaw kong magsalita pa dahil baka kung ano pa ang masabi ko at malaman pa niya ang nararamdaman ko. Iniingatan ko pa naman na walang ibang makaalam na may gusto ako kay Jackson, tama nang si Francis lang ang nakakaalam.
Palabas na sana kami nang nakasalubong naman namin si Tita Mia. Ang nanay ni Jackson mismo.
“Shine.”
“Mia.”
Sabay na bati nila Mama at Tita Mia sa isa't isa.
“Kumusta ka na?” tanong ni Tita Mia.
Gumilid pa silang dalawa para hindi nakaharang sa may entrance. Mabuti na lang at malaki ang space kaya hindi sila nakaharang dahil mukhang balak pa nilang chumikang dalawa.
“Okay lang, ang ganda-ganda mo pa rin,” nakangiting saad ni Mama.
“Ikaw rin naman. Ang tagal nating hindi nagkita,” wika ni Tita Mia. Noong kasal nagsasama pa kasi si Mama at Papa ay madalas ding magpunta si Mama sa bahay nina Jackson dahil family doctor nila ang ama ko. Pero noong maghiwalay ang magulang ko almost ten years ago, nahinto na rin ang pagpunta ni Mama sa mansyon. Sinasama kasi siya ni Papa noon kapag may event sa mansyon.
“Oo, medyo naging busy, e,” nakangiting sagot ng ina ko. Nurse kasi ang nanay ko dati, pero noong nagkasakit siya two years ago, pinag-resign ko na siya. Kaya ko naman na siyang buhayin, saka may small business na rin naman siyang napatayo na siyang isa pa sa pinagkakaabalahan niya.
“My mom's birthday will be on next Sunday.” Bumaling sa akin si Tita Mia. “I am sure invited ka ni Mommy, isama mo itong mama mo. I miss having chika with her,” nakangiting saad ni Tita Mia sa amin.
Oo nga pala, malapit na ang birthday ni Lola Martha at yearly ay malaking party ang meron, lagi rin akong invited dahil bestfriend ko nga ang apo niya.
“Naku, nakakahiya naman,” wika ni Mama.
Hinawakan ni Tita ang kamay ni Mama.
“Don't be. Para namang hindi tayo close, saka I love your daughter. Kung pwede ko nga siyang gawing daughter-in-law, matagal ko nang inutusan si Jackson na pakasalan siya,” malaki ang ngiting saad ni Tita Mia.
Nawala naman ang ngiti ko sa sinabi niya. Dati kapag sinasabi niya iyon ay kinikilig ako pero ngayon, masakit na siya sa dibdib ko. Kasi alam kong imposible na. Lagi na niya akong binibiro noon, tinatawanan lang namin ni Jackson iyon kahit na sa loob ko, papayag naman ako kung papayag si Jackson.
“Basta pumunta kayo.” Bumaling si Tita Mia sa katulong na kasama nito na kanina pa tahimik sa isang gilid at hinihintay si Tita Mia na matapos sa chikahan niya kay Mama. “May invitation pa sa car hindi ba? Pakikuha nga muna.”
Mabilis namang tumango si Ate Rosing at kulang na lang ay tumakbo ito papunta sa parking para kunin ang inuutos ni Mama.
Ako naman ay nagpaalam sa kanila na kukunin ko na ang kotse ko dahil kailangan ko pang isakay ang mga pinamili namin ni Mama. Medyo malayo kasi ang pinagparkingan ko dahil doon na lang ang available space.
Close talaga ang mama ko at mama ni Jackson. Isa sa gusto ko sa pamilya nila kahit ang yaman-yaman nila, hindi sila mapagmataas. Mabait si Tita Mia, medyo kwela nga ito saka parang anak na rin ang turing niya sa akin dahil wala siyang anak na babae. Tatlo ang anak niya at puro lalaki.
Pagdating ko naman sa entrance ay nagpapaalam na si Mama kay Tita Mia na siya namang pumasok ngayon sa loob ng mall kasama si Ate Rosing.
Napatingin ako kay Mama nang iabot niya sa akin ang card bago ko pa muling paandarin ang sasakyan. Mabilis ko naman iyong kinuha at inilagay sa may ibabaw ng kotse ko sa may bandang harapan.
“Ikaw na lang ang pumunta. Kahit gusto ko, ayaw kong masira ang birthday ni Ma'am Martha kapag nakita ko ang pagmumukha ng ama mo,” mapait na saad ni Mama.
“Hindi mo pa rin ba siya napapatawad?”
Umismid si Mama.
“Niloko niya ako. Sana kung hindi na pala niya ako mahal, sinabi niya agad. Hindi iyong pinagmukha pa niya akong tanga. Napatawad ko na siya pero ayaw ko na siyang makita pa. Mas mabuti pang hindi kami magkita para tahimik ang buhay ko,” sagot ni Mama.
Nakaharap lang siya sa unahan nang lingunin ko siya. Alam kong kahit matagal na silang hiwalay ni Papa, nasasaktan pa rin siya.
Nangbabae ang ama ko dahilan para maghiwalay sila ni Mama. Nakita ko kung paano gumuho ang mundo ng ina ko nang malaman ang panloloko ni Papa. Pinalayas niya ang ama ko kahit na nagmakaawa itong hindi nauulitin. Pero sa huli, bumalik pa rin siya sa kabit niya, lalo na noong mabuntis niya ito.
Hindi ko na lang siya pipilitin. Kahit naman ako, parang ayaw kung dumalo pero magtatampo naman sa akin si Lola Martha kapag hindi ako pumunta.
Pagdating sa bahay ay agad tinulungan ko si Mama at Malou sa pag-aayos ng mga pinamili namin. Medyo may karamihan din iyon kaya nga nahirapan akong maglagay sa kotse kanina.
Lahat kami ay napatingin sa cellphone ko na nasa ibabaw ng countertop nang tumunog iyon.
“Sino, ma?” tanong ko kay Mama dahil siya ang nasa malapit sa phone ko.
Sinilip ni Mama ang screen.
“Si Jackson,” sagot ni Mama kaya napakunot ang noo ko. Bakit naman siya tatawag ngayon?
Agad na tumayo ako mula sa pagbubukas ng mga kahon at kinuha ang cellphone ko.
Lumabas ako ng kusina bago ko iyon sagutin.
“Hello,”
“C-Cel?”
Nagsalubong ang noo ko nang marinig ko ang namamaos na boses niya at kasunod nito ang pag-ubo.
“May sakit ka ba?”
“Fever and cough,” nanghihinang sagot nito.
Bakit naman siya lalagnatin? Kahapon naman ay nakita ko siya, mukha namang okay siya.
“Uminom ka na ba ng gamot?”
Naalala ko, isa siya sa pinakamahirap painumin ng gamot. Daig pa nito ang bata na ayaw na ayaw uminom ng gamot. Minsan kailangan ko pang tunawin ang gamot niya para lang uminom siya ng paracetamol. Kaya dati kapag may sakit siya, talagang tinatawagan pa ako ni Tita Mia dahil naasar ito sa tigas ng ulo ni Jackson.
Hindi ito umimik kaya ibig sabihin, hindi pa ito ang umiinom. Ano pa ba ang aasahan ko?
“Uminom ka ng gamot, matanda kana,” sermon ko sa kaniya.
“No.”
“Jackson.”
“Celestina, ayaw ko,” parang batang tanggi nito. Heto na naman siya.
“Uminom ka,” utos ko.
“Come here. I need you,” mahina lang ang boses nito pero rinig na rinig ko ang sinabi niya.
“Si Dad na lang tawagan mo, siya ang doctor,” sagot ko sa kaniya.
“Okay, I will not drink meds. Wala ka namang pakialam kahit mamatay na ako. Makikape ka na lang sa burol ko kung sakali,” madramang saad nito at umubo pa ng malakas.
Asar na pinatay ko ang tawag. Nagtatakang tumingin pa si mama sa akin nang makita niya ang salubong na kilay ko.
“Ma, alis lang ako saglit. May ililibing lang ako ng buhay,” paalam ko kay mama bago ko kinuha ko ang susi sa countertop at mabilis na lumabas ng bahay at sumakay ng kotse ko.
Napaka-arte niya. Bakit ba ako pa ang tinawagan niya?
May girlfriend na siya, pero sa akin pa rin siya tumatawag ngayon may sakit siya.